Share

CHAPTER 3

"Makalabas na nga lang muna para makalanghap ng sariwang hangin."

Naglakad lang ako hanggang sa marating ko ang isang cottage kung saan walang tao, nasa harap ito ng resort at malapit sa dalampasigan.

Kakaunti lang ang mga tao na naglalakad at naka-upo sa tabi ng dagat ngayon, hindi ko rin nakita si Blue sa paligid.

Agad akong umupo sa upuang gawa sa kawayan at nag-selfie. Siguro mga nakakalimang click na ako nang maisipan kong tignan ang mga pictures ko.

"Ay, ang pangit ko naman dito. Ang chaka haha!" mahina pero natatawa kong sambit.

Ipinusisyon ko na ang cellphone ko para mag-selfie ulit nang bigla kong nakita ang isang lalaki na nasa likuran ko sa pamamagitan ng cellphone camera ko.

Nag-wacky pose pa talaga siya. Ang cute.

Imbes na ituloy ang pagsisi-selfie ay ibinaba ko nalang agad ang cellphone ko at hindi muna nagsalita. Kunwaring hindi ko siya napapansin dahil nag-i-scroll ako sa cellphone ko.

"What's wrong? Let's just take a picture together," kalmado niyang sambit.

Umupo rin siya sa kawayang upuan na inuupuan ko at kalahating metro lang ang layo niya sa akin. Pero hindi pa rin ako nagsalita at nasa cellphone ko pa rin ang atensiyon ko.

"Okay. Fine. Gusto kitang makilala." Matapos kong marinig ang sinabi niya ay tinignan ko siya nang deretso.

"Ayan, nakakatuwa kapag nagpi-Filipino ka." Hinihintay ko lang talaga siyang magsalita gamit ang language natin, puro kasi English eh.

Tumingin siya sa akin na para bang naguguluhan. Kumunot pa ang noo niya. "Anong nakakatuwa?" tanong niya.

"Wala-wala. Gusto ko lang na mag-Filipino ka kapag kausap mo ako. Hirap kasi ako umintindi ng English eh." Baka mamaya pinagti-trip-an niya lang ako sa pag-e-English niya. Baka sinusubukan niya lang ang skills ko.

"Hirap? Hindi naman halata e. Kanina nga nag-English ka rin."

"Trying hard na ako nun. Baka kasi mapahiya ako kaya push na push na iyong English ko kanina. Nakakahiya kaya na hindi ko man lang sasagutin gamit ng English ang isang sikat na manunulat."

Matapos niyang marinig ang huling sinabi ko tungkol sa sikat na manunulat ay iniwas niya na ang tingin sa akin. Para bang bigla siyang nahiya. "Hindi naman ako sikat."

Iniwas ko nalang din ang tingin ko at pinagmasdan ang asul na asul na dagat dahil sa tindi ng sikat ng araw. "Ang galing mo kaya magsulat at marami ring ang nag-a-admire sa'yo!"

"Salamat sa compli—" Biglang siyang natigilan at naging dahilan iyon para mapatingin ako sa kaniya bigla. Pinutol niya talaga siguro ang sasabihin niya. "Salamat sa papuri," nakangiting sambit niya.

"Walang anuman. Ba't ka pala nandito ha? Tanghaling tapat oh. Siguro stalker kita!" Bahagya akong tumawa matapos kong magsalita. Pero pang-Maria Clara ang pagtawa ko, takip-bibig para hindi nakaka-turn off.

"Hindi ah. Bigla lang kitang nakitang kinukuhanan ng litrato ang sarili mo kaya minabuti ko nang lapitan ka tutal hindi natapos ang pag-uusap natin kanina." Bigla naman akong nahiya dahil talagang pinangatawanan niya na ang pagpi-Filipino niya. Ultimo ang salitang pagsisi-selfie ay hindi na niya binanggit bagkus ay sinabi niya ito gamit ang Filipino.

"Biro lang. Oy, okay lang na mag-English ka. Ako na lang ang mag-a-adjust." Nakatingin pa rin ako sa kaniya dahil inaabangan ko talaga ang magiging sagot niya.

Bigla siyang lumapit sa akin at tinignan ako nang deretso. "Ayos lang kahit na mag-Filipino ako tuwing kausap kita."

"Huwag mo nga akong titigan dahil baka matunaw ako kahit hindi ako yelo haha." Agad naman siyang tumingin sa dagat bago tipid na ngumiti.

"Bakit Coron ang napili mo?" tanong niya bigla.

"Pangarap ko kasi talaga na makapunta rito noon palang. First travel ko 'to mag-isa." Napangiti ako matapos kong magsalita. Marami pa akong gustong i-kuwento sa kaniya pero nahihiya pa ako kaya isang-tanong-isang-sagot muna. "E, ikaw?"

"Kinailangan lang."

"Ba't naman nandito ka pa?" Dami ko ring tanong, ano?

"Para makapag-isip ng mga puwede ko pang idagdag sa tinatapos kong nobela. Tahimik kasi rito."

"Sabagay, tama ka. Tahimik nga rito saka sobrang ganda."

"Kasing-ganda mo," pangiti-ngiti niyang sambit.

"Bolero ka rin pala."

"Ikaw naman lagi mo nalang yata iniisip na biro ang mga sinasabi ko. Maganda ka naman talaga."

"Hindi naman haha. Pero buti nalang hindi ka muna bumalik sa Manila dahil kung bumalik ka roon ay baka hindi kita nakilala."

"Siguro pinagtagpo tayo." Nagpakawala pa siya ng isang ngiti matapos niyang magsalita.

"Pero hindi itinadhana," pabirong sambit ko. Sa kanta ko lang naman napulot iyon.

"Mais ka," tipid niyang sambit. Hindi siguro siya marunong mag-take ng joke haha.

"Hindi ako mais, corny lang haha." Pangiti-ngiti pa ako pero parang hindi niya napansin ang sinabi ko.

"May sasabihin ako." Hindi niya nga pinansin ang sinabi ko. Hays, ang feeling close ko kasi eh.

"Ano iyon," mahina kong tanong. Nai-ilang na ako makipag-usap sa kaniya, feeling ko ang seryoso niyang tao eh.

"Sasagutin ko lang iyong tanong mo kanina dahil baka iniisip mo talaga na stalker ako o kung anuman." Saglit siyang sumulyap sa akin bago tumingin sa account niya.

"Nakita ko kasi sa bio mo na nasa Queen Coron Resort ka kaya naisipan ko nalang na makipag-meet na sa'yo kasi chance na rin naman iyon. Mukhang tuwang-tuwa ka talaga sa nobela ko kaya natuwa rin ako at naisipan ko na magpakita sa'yo." Ang engot ko sa part na nasa bio ko nga pala ang information na nasa Queen Coron Resort ako. Wala share ko lang iyon.

"Kaninang umaga, matagal na akong nakatingin sa iyo mula sa malayo kaso may kausap ka sa telepono mo kaya hindi na muna ako lumapit. Hindi rin ako sobrang sigurado kanina na ikaw iyon. Pero nilapitan nalang din kita dahil ang tagal mo na ring nakatayo sa dalampasigan." Dahil sa mga sinabi niya ay nalinawan na ako. Sa wakas.

"Ano ba iyan. Akala ko pa naman may stalker na ako," sambit ko bago mahinang humalakhak. Pero peke ang halakhak na iyon. Nakakahiya kaya sa kaniya tapos kung anu-ano pa ang naisip.

"Ayos lang iyan," sambit niya bago bahagyang tumawa. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil tumawa siya, nagi-guilty lang talaga ako dahil sa pagiging assuming ko.

"Tama. Ano kaya ang magandang gawin bukas?" Hindi naman para sa kaniya ang tanong na iyon. Para iyon sa hangin, baka sakaling may mai-suggest siya na puwedeng puntahan haha.

Tumingin siya sa akin bago ngumiti. "Maglilibot-libot ako sa bayan bukas, gusto mo sumama?"

Hindi ko naman inaasahan ang sinabi niya kaya medyo natulala ako saglit habang nakatingin sa kaniya, habang nakatingin kami sa mukha ng isa't-isa. "Isasama mo ako? Legit ba iyan?" may pag-aalangan kong tanong sa kaniya.

"Kung gusto mo lang naman." Nakatingin pa rin siya sa ice este sa akin!

"Sige! Gusto ko rin malibot ang bayan eh!" Tila biglang tumaas ang energy ko roon sa sinabi niya ah!

"Bukas, magkita nalang tayo rito. Ika-pito ng umaga," nakangiting sambit niya bago tuluyang tumayo mula sa pagkaka-upo niya sa upuang kawayan.

Nakakailang hakbang na siya nang nagsalita ako, "Blue?" Nilingon niya naman ako kaya lumapit ako sa kaniya. Inilahad ko ang kanang kamay ko para makipagkamay sa kaniya "Friends?" tanong ko.

Tinitigan niya muna ang kamay ko bago ito inabot. Ngumiti siya bago sumagot, "Magkaibigan." Ilang segundo niya ring hinawakan ang kamay ko at pagkatapos ay tuluyang nang umalis.

"Akala ko hindi mo tatanggapin ang pakikipagkaibigan ko," sambit ko nang masigurong nakalayo na siya at hindi na niya maririnig ang mga sinasabi ko. Ang lambot ng palad niya!

"Ang guwapo niya kaso baka taken na. Kaya friendship lang, self. Friendship lang dapat." Umupo nalang ulit ako sa upuang kawayan at nag-selfie nang buong puso.

Isasama niya ako!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status