Share

Kabanata 4 Pagkalugmok

“Arwena, bakit hindi ka na naman pumasok? Hindi ka pa ba tapos magmukmok? Hindi ka namatayan, Wena, para magluksa ka ng ganito!”

Kaagad tinalakan ni Archie ang kaibigan nang mabuksan niya ang pinto ng kwarto nito. Kanina pa siya kumakatok at hindi man lang siya pinagbuksan. Paano nga ba siya nito mapagbuksan? Lasing na naman.

Nahagod na lang ni Archie ang buhok habang nakatingin kay Arwena na nakasalampak sa sahig. Daig pa nito ang mga taong kalye sa hitsura niya, madungis at kalat-kalat ang buhok.

“Tigilan mo na nga ‘to, Arwena!” Hinablot ni Archie ang bote ng alak na lalaklakin na naman sana ni Arwena.

Dati, kape lang ang nilalaklak nito. Tatayo sa harap ng bintana at paulit-ulit na huminga ng malalim. Pero ngayon, bote ng alak na ang laging hawak habang nakasalampak sa sahig at humahagulgol.

“Akin na ‘yan, Archie!" sigaw nito at dinuro pa ang kaibigan. "Bigay mo sa’kin ‘yan! Akin ‘yan e!”

Parang bata na gumapang sa sahig si Arwena, makuha lang ang alak na inagaw ni Archie sa kanya.

"Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa’yo, Arwena. Hindi ko na alam kung paano ka pa tutulungan," dismayang sabi ni Archie. Nahagod pa nito buhok. “Talaga bang sisirain mo ang buhay mo dahil buntis ka? Mag-isip ka naman, Arwena! Hindi lang ikaw ang dumanas ng ganyan sitwasyon! Pero 'yong iba, piniling magpakatatag at nagpatuloy pa rin sa buhay. Patuloy na lumalaban!”

Napasil ni Archie ang noo niya. Hindi na niya kayang panoorin lang ang kaibigan na unti-unting sinisira ang buhay. Kaya pinagsasabihan na niya.

Ilang araw niya itong hinayaan na makapag-isip at kumalma. Akala niya, matapos nitong umiyak ay babalik din ito sa katinuan at itutuloy ang plano na magsimula muli. Pero hindi iyon ang nangyari. Mas nilulugmok nito ang sarili. Araw-araw ay nilulubog niya ang sarili at wala ng balak umahon.

“Arwena, kailan ka pa ba matatauhan ha?" Hindi sadyang mapaluha na rin si Archie.

Apektado na siya sa ginagawa ni Arwena. Hindi lang siya ang nahihirapan; si Archie din. Hirap na hirap na na intindihin siya, alagaan at ipaintindi rito na hindi pa katapusan ng mundo. Pwede pa siyang bumangon at magsimula ulit. Pero sarado nga ang utak nito. Hindi na siya nakikinig sa mga payo o sa kung ano man ang sasabihin ni Archie.

“Arwena, please, itigil mo na ‘to. Ayusin mo na ang buhay mo—kahit para na lang sa mga magulang mo—sila… mahal ka nila, Arwena. Siguradong malulungkot sila kapag nalaman nila na ito ang ginagawa mo sa sarili mo.”

Umiling-iling siya. At sa kada pag-iling niya, tumatalsik ang mga luha na hindi pa rin maubos-ubos kahit ang dami na niyang nailuha.

Napahawak na lang si Archie sa sariling dibdib. Awang-awa na siya sa kaibigan, pero hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin para maging maayos ang pag-iisip nito.

“Archie, alam mo, nagsisimula na ako—ayusin ang buhay ko… dahil dito," turo niya ang tiyan niya. " Hindi ko na magagawa ‘yon.” Kinuyumos at sinuntok-suntok niya ang tiyan na kaagad namang pinigil ni Archie.

“Wena…” Hawak na nito ang kamay ng kaibigan, na nagpipilit pa rin na saktan ang sarili.

"Wala na Archie. Sira na naman ako—sira na naman ang buhay ko! Hindi ko na alam kung paano bumangon…"

“Makakabangon ka kung gugustuhin mo, Arwena. Pero sa nakikita ko ngayon, hindi naman ang batang dinadala mo ang sumisira sa buhay mo. Ikaw mismo!”

Pahapyaw na tumawa si Arwena. "Alam ko! Hindi ko deni-deny ‘yon, Archie. From the start. I am the one who ruin my life. Nagmahal kasi ako ng manloloko. I have given my trust to my best friend, na isang ahas. Ibinigay ko ang sarili ko sa lalaki na hindi ko kilala.” Mapaklang tawa ang tumapos sa pagsasalita niya. Pinahid niya rin ang mga mga luha na humahalo na sa sipon niya. "Ang galing, hindi ba? Ang galing-galing ko. Hakot award sa katangahan! Hakot award sa kagagahan."

"Arwena, It is not your fault. Hindi mo kasalanan na nagtiwala at nagmaha kal ng lalaking manloloko. Hindi mo rin kasalanan na nagtiwala ka sa matalik mong kaibigan mo na isang ahas. Kung mayro’n ka man sigurong kasalanan, iyon ay nagpadala ka sa sakit ng ginawa nila sa'yo. Hinayaan mong madurog ka ng sakit na pinaramdam nila sa'yo. Kaya humantong sa ganito."

Nanghihina na umupo sa sahig si Archie, kaharap ni Arwena. Hinawakan niya ang pisngi ng kaibigan at pinahid ang mga luha na ayaw pa rin tumigil sa pagpatak.

Mula nang makalabas si Arwena sa hospital, wala na itong ginawa kung hindi ang magmukmok, matulog, umiyak, at magpakalasing. Mas malala pa ang ginagawa niya ngayon kaysa noon. Para siyang nawalan ng kakayahang mag-isip at kumilos ng tama.

“Ang tanga-tanga ko! Ang gaga-gaga ko, Archie!” hagulgol niya habang mahinang sinuntok-suntok ang dibdib ng kaibigan.

“Oo, ang tanga mo! Ang tanga-tanga mo dahil sinisira ang buhay mo habang ang mga taong nanakit sa’yo, masaya at nagpatuloy sa buhay—"

“Tama na! Tama na Archie!" Tinakpan nito ang tainga at namaluktot na humiga sa sahig. “Lumabas ka na. Tigilan mo na ako. Get a life, at pabayaan mo muna ako," sigaw niya kasabay pa rin ang paghagulgol at pagyugyug ng balikat.

“Arwena… please—"

"I said, get out! I don't need you! Just leave me alone.” Pasuray-suray siyang bumangon at pilit pinatayo ang kaibigang hindi na rin maipinta ang mukha. “Lumabas ka!" sigaw niya pa sabay ang pagtulak nito palabas ng kwarto niya.

Walang nang nagawa si Archie na dismayang nagpaubaya na lang.

Agad namang nagkulong sa banyo si Arwena. Doon na naman siya umiyak ng umiyak. Paulit-ulit niya rin na inuuntog ang ulo sa dingding, baka sakaling makapag-isip siya ng tama.

Pakiramdam niya, wala ng pag-asa na makabangon siya. Wala ng pag-asa na maayos ang buhay niya. Lahat ng binuo niyang pangarap para sa sarili at para sa mga magulang ay naglahong bigla dahil sa batang nasa sinapupunan niya.

“Ayaw ko sa’yo! Hindi kita kailangan, hindi kita gusto…" Paulit-ulit niyang sinasabi ang salitang ‘yon. Hanggang sa may nabuong plano sa isipan niya—plano na magiging daan upang maayos at maibalik ang buhay na nawala sa kanya.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
sweetjelly
Laging una! Thank you(⁠ ⁠◜⁠‿⁠◝⁠ ⁠)⁠♡
goodnovel comment avatar
Nan
Nag-iisip na ipapalaglag Ang bata Kawawa Naman. Mas Lalo kalang makaproblema at huli na pagmagsisi ka pag ginawa mong ipalaglag Yan.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status