Share

Ikaapat na Kabanata

"W-Wala kasi akong mapili."

Napakagat-labi na lamang si Ruanne. Wala naman siyang balak bumili talaga. Napapasok lang siya rito dahil sa kaibigan. Ngunit, napag-isip-isip niya na rin ang suhestyon ng kaibigan. Paano kung alamin niya na lang din kaya kung sino talaga ang may-ari ng lugar?

Siguro iyon na nga lang ang gagawin niya. Matagal na rin siyang curious sa kung sino ba ang misteryosong lalaking iyon, o kung lalaki ba talaga iyon. Ngunit hindi makapag-isip si Ruanne nang maayos sa presensya ng lalaking nasa harap niya. Bukod pa sa napakagwapo nito, hindi rin maikakailang malakas ang dating. Ang dating niya ay ang tipo na hindi mo maaaring basta-bastahin. Ewan ba niya. Basta intimidating ang lalaki para sa kanya.

"Ano ba ang tipo mo sa mga tsinelas?" tanong ng lalaki.

Hindi naman nakatingin si Ruanne na sumagot.

"W-Wala naman akong espisipikong gusto. Basta maganda tingnan at komportable, a-ayos na sa akin."

Ngumiti naman si Pio kay Ruanne.

"Kung ganoon, maupo ka na lamang diyan. Alam ko na sa simula pa lang na babagay sa iyo iyon. Kukunin ko lang sa likod. Maghintay ka riyan."

Umalis naman agad si Pio. Nagtataka man kung ano ang tinutukoy, napatingin na lang siya sa paligid. Imbis na maupo sa itim na sofa sa gilid, pinili niya na lamang maglibot sa buong lugar, kahit na nalibot niya na naman ito kanina pa.

Tumitibok ang kanyang puso na parang isang tambol. Pakiramdam niya ay hindi siya makahinga kahit ba napaka-open ng suot niya. Hindi niya inaasahan ang turn of events. Ni hindi pa nga siya nakakakain nang maayos tapos ganito pa ang sumalubong sa kanya.

Dali-daling nagpunta si Ruanne sa may pinto at sumilip. Nandoon pa rin ang truck na humaharang sa sikat ng araw kung kaya't hindi siya kita. Nakita niya si Fajardo na matiyagang nakatayo sa tapat ng fashion house niya habang si Catalina ay hindi niya makita. Naisip niya na lamang na baka pumasok na ang dalaga sa Fabs at hindi na pinansin pa ang ex niya.

"HOY CATALINA! ALAM KONG ALAM MO KUNG NASAAN SI RUANNE! ILABAS MO NA SIYA!"

Halos takpan ni Ruanne ang kanyang tenga sa sobrang lakas ng boses ng ex niya. Halos takpan niya na rin ang mukha sa sobrang hiya. Halos pagtinginan ng lahat ng tao si Fajardo dahil sa pagsigaw-sigaw nito. Akala yata ng mga ito na nababaliw na ang lalaki. Napatakip na lamang siya sa kanyang mukha dahil sa pagkapahiya. Halos lahat yata ng tao sa kalyeng ito, kilala ang pagmumukha niya.

" RUANNE! MAHAL KITA! HINDI AKO AALIS DITO HANGGA'T HINDI KITA NAKAKAUSAP! PAKIUSAP, HAYAAN MO AKONG MAGPALIWANAG!"

Napailing-iling na lamang si Ruanne. Gustuhin niya mang maniwala sa sinasabi ng lalaki ay hindi iyon ang nakitq at narinig niya.

Napadako ang kanyang tingin sa lamesang nasa gilid na mukhang pwesto ng tagapamahala. Dali-dali na lamang siyang nagpunta roon at tiningnan ang mga papeles na naroon. Tumingin siya sa paligid at napansing wala pa naman si Pio.

Kahit walang permiso, tiningnan niya ang mga papeles. Ngunit sa ilang paglilipat-lipat niya ng papel, wala siyang ibang makitang detalye bukod sa mga materyales. Nakalagay lamang doon ang inventory ng materyales nila maging ang ilang mga order ng sapatos. At nakalagda naman doon ang may-ari ng tindahan. Si Ciprus. Iyon lamang ang nakalagay na pangalan at wala ng iba pa.

"Hay, ano ba ito? Wala naman akong ibang malalaman dito eh," dismayadong komento ni Ruanne.

"Binibini?"

Nanlaki ang mga mata ni Ruanne at agad na sinalansan ang mga papel pabalik sa lamesa. Sinubukan niyang ayusin iyon sa dating pagkakasunud-sunod ngunit wala na siyang oras. Naririnig niya na ang yabag ng mga sapatos ng binata. Inayos niya na lamang ang pagkakasalansan ng mga ito sa lamesa at naglakad na.

"Anong ginagawa niyo rito, binibini?"

Napatigil sa paglalakad si Ruanne at napalunok nang malaki. Napakabilis naman kasi maglakad ni Pio. Ni hindi man lang siya nakapag-ayos ng sarili.

"A-Ahh... Wala naman. Nagtitingin-tingin lang ng... sapatos."

Tumaas naman ang mga kilay ni Pio.

"Akala ko ba wala kayong natitipuhan sa mga iyan?" tanong nito.

Agad namang dumepensa si Ruanne.

"B-Bakit ba?! Titingin lang naman eh. Ganiyan ka ba sa mga mamimimili rito?!" pasigaw nitong sabi.

Masyadong defensive ang dating ni Ruanne. Nagtatanong lang naman si Pio. Hindi niya naman kailangang sumigaw. Sa pagkakataong iyon, baka mahalata pa siyang may ibang ginagawa.

Napatawa naman ang lalaki na siyang nagpahaba ng nguso ni Ruanne.

"B-Bakit ka natawa, ha?! May nakakatawa ba sa mukha ko?!"

Tumigil ang lalaki sa pagtawa at may ningning ang mga matang tumingin sa kanya.

"Hindi naman ako ganito sa lahat ng mamimili namin. Sa iyo lang."

Hindi nakasagot si Ruanne sa banat ni Pio. Kahit na parang wala namang ibang ibig sabihin ang sinabi nito, bigla na lamang kumabog ang kanyang dibdib nang malakas. Sa loob-loob niya, iba ang ibig sabihin ng binata.

Napadako ang tingin niya sa kahong hawak ng binata. Kulay pula ito at may nakatali pang gintong ribbon. Akala mo naman ay isa iyong aguinaldo para sa pasko dahil sa paraan ng pagkakabalot.

"I-Iyan na ba ang tsinelas na sinasabi mo?" pag-iiba ni Ruanne ng usapan.

"Ito na nga, binibini."

"Bakit nakatali na iyan? Paano ko masusukat iyan?" pabalang na tanong ng dalaga.

Tila hindi naman iyon dinamdam ni Pio at sumagot nang magalang.

"Hindi naman malaking problema iyon. Puwede ko namang tanggalin ang tali at buksan ang kahon. Ibabalik ko na lang sa dati pagkatapos mong masukat," tugon niya.

"Hindi na." Bigla na lamang hinablot ni Ruanne ang kahon mula kay Pio. "Sa bahay ko na ito susukatin. Saka nga pala, p-puwede bang b-bukas ko na ito bayaran?"

Natameme si Pio sa sinabi ng kanyang nakakatawang mamimili. Maging si Ruanne ay hindi na nakapagsalita. Wala kasi siyang salaping dala. Nakakahiya. Sa buong buhay niya, ngayon lang yata siya nangutang.

"Huwag kang mag-alala. Katapat ng tindahan niyo ang tindahan ko. May-ari ako ng isang—"

"Hindi mo na kailangang magpaliwanag. Naiintindihan ko na. Maaari ka nang umalis. At mabuting umalis ka na habang wala pa si Mang Domeng. Parehas lang kami ng estado rito pero hindi iyon matutuwa kapag nalaman niyang may nangutang sa tindahan. Sige na, binibini. "

Napakurap-kurap na lamang si Ruanne dahil sa biglang pagbabago ng mood nito. Nakangiti pa rin naman ang lalaki sa kanya pero hindi maganda ang pakiramdam niya rito. Bakit parang biglaan naman na gusto niyang umalis siya rito?

Napalingon muli si Ruanne sa labas at nakitang nakaupo sa tapat ng kanyang boutique si Fajardo. Matiyaga itong naghihintay habang pabalik-balik ang tingin sa kanyang kaliwa at kanan. Halata sa pagtapik ng kanyang mga paa sa lupa ang pagkainip subalit siya ay naghihintay pa rin.

Matulin na ibinalik ni Ruanne ang tingin sa kanyang kaharap. Kumunot ang kanyang noo sa aktong pag-iisip.

"On second thought, puwede namang bumili ako ng isa pa. Bakit hindi mo ipakita sa akin ang iba niyo pang gawa? Sigurado naman akong mayroon, 'di ba?"

Tumango agad si Pio. Ang kanyang mga mata ay kumikislap ngunit may kadiliman sa mga ito. Sa kabila nito, napanatili niya ang inosenteng itsura ng kanyang mukha. Tunay na nagagalak siya kay Ruanne.

" Oo naman. Meron kami. Bakit naman kami mawawalan? "

Iginiya ni Pio si Ruanne sa likod ng tindahan kung saan nakatambak ang iilang mga sapatos na balak din nilang ibenta. Wala ng natitirang espasyo sa mismong tindahan kaya dinadala na lamang nila rito ang mga mamimili kung sakaling maghanap pa sila ng ibang pares.

Napahanga naman si Ruanne sa kalakihan ng tindahan. Hindi niya alam na marami pala silang nagagawa ng sapatos. Ngunit nakapagtataka. Ang sabi sa mga bali-balita, ang nag-iisang gumagawa ng mga sapatos sa lugar na ito ay si Ciprus. Ngunit kung iisipin, halos lampas na yata sa isang libo ang bilang ng mga pares na narito. Imposible namang ginawa ito lahat ng isang tao lamang.

"Ang dami naman nito. S-Sino ba ang gumagawa ng lahat ng mga ito?" tanong ni Ruanne na may ibang motibo.

"Si Mr. Ciprus ang gumagawa ng lahat ng sapatos na ito."

"Bakit ang dami naman? Imposible namang siya lahat ang gumagawa ng mga ito?" komento pa ni Ruanne.

Hindi na siya sinagot pa ni Pio at tumigil sila sa isang malaking rack ng mga pumps. Si Pio na ang namili para kay Ruanne. Habang si Ruanne naman ay nag-iisip ng maidudugtong sa sinabi. Desidido talaga siyang malaman kung sino ang Mr. Ciprus na tinatawag nila. Bukod pa roon, desidido rin siyang makalayo sa kanyang nobyo. Magtatagal siya rito hangga't kaya niya hanggang sa makaalis na ang peste sa labas ng bahay niya.

"M-Mayroon ba kayong kahit mga loafers man lang na pambabae? Ayoko ko kasi ng pumps eh. Nasaan ba ang mga loafers ninyo? Bakit wala akong nakikita?"

Tumingin-tingin pa si Ruanne sa paligid na akala mo ay curious talaga sa mga sapatos. Ngunit ang pakay niya talaga ay malibot ang buong lugar. Gusto niyang makakuha ng kahit ano tungkol kay Mr. Ciprus.

Habang tumitingin-tingin ang dalaga sa paligid ay ibinalik naman ni Pio ang pumps na kinuha. Napangisi na lamang siya sa inaakto ng katapat niya.

"Ang mga loafers namin ay hindi pa nadating. Ipinapadala lamang iyon ni Mr. Ciprus dito sa tindahan."

Napataas ang dalawang kilay ni Ruanne. Tila ba nakakuha siya ng isang magandang ideya.

"Kung ganoon... Sa ibang lugar niyo pa ginagawa ang mga sapatos. Hmmm... S-Saan naman iyon?"

Bakas pa ang ngiti sa mukha ni Ruanne nang tanungin niya iyon. Iniisip niyang makakakuha siya ng sagot kay Pio. At pag nalaman niya talaga kung saan iyon, pupuntahan niya talaga iyon. Makalayo lang muna pansamantala sa dating nobyo.

Napatawa naman nang mahina si Pio. Nawala ang ngiti sa mga labi ni Ruanne at napalitan ng pagsasalubong ng kanyang mga kilay. Tumayo nang tuwid si Ruanne.

"Anong nakak—"

Halos makagat ni Ruanne ang sariling labi nang biglang humakbang si Pio paabante, papalapit sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata at automatic na umatras ang mga paa. Nagpatuloy sa pag-abante ang lalaki kaya't patuloy din siya sa pag-atras. Naramdaman niya na lamang na bumangga siya sa isang rack ng mga sapatos kaya't napatigil siya. Ganoon din ang lalaki. Napanatili niya ang tingin kay Pio at napansin niyang agad na nawala ang mga ngiti sa labi nito. Napalitan na ito ng mapaglarong ngisi.

Labis ang nararamdamang kaba ni Ruanne. Hindi niya alam kung anong binabalak ni Pio. Ngunit humakbang ito paabante kung kaya't ang ibig sabihin nito ay gusto niyang mapalapit sa kanya. Kung hindi pa yata siya nabangga ay hindi siya titigil. Hindi kaya may balak sa kanya ang binata?

Hindi maisip ni Ruanne kung ano ba talaga ang nangyayari ngayon. Sa sobrang tensyon na kanyang naramdaman nang magtama ang kanilang mga mata ay itinuon niya na lamang ang pansin sa sahig. Ngunit ayaw pakawalan ni Pio ang mga mata niya. Tumungo ito nang kaunti upang mag-lebel ang kanilang mga mata. Hindi na nakaiwas pa si Ruanne at napatingin na nang diretso kay Pio. Nahihilo siya sa mga titig niya. Para bang may kakaiba.

"Akala mo ba hindi ko nahahalata iyang ginagawa mo?" Napalunok na lamang si Ruanne sa sinabi ni Pio. "Alam kong gusto mong malaman kung sino si Mr. Ciprus at gusto mo ring makalayo sa lalaking nasa labas. Sino pala siya? Siguro... Ex-boyfriend?"

Tila isang librong madaling basahin ang naging dating ni Ruanne. Ganoon ba talaga kahalata ang mga kilos niya? Hindi siya makapaniwala.

Sinubukan niyang umalis ngunit ikinulong siya ni Pio nang iharang nito ang braso sa kanyang dadaanan. Napapikit na lamang si Ruanne at huminga nang malalim.

"Wala akong pakialam sa Mr. Ciprus na iyan, ha! Malay ko ba riyan?! Okay, sige! Aamin na ako. Gusto kong lumayo sa ex ko. Happy ka na?! Ngayon, wala naman talaga akong bibilhin kaya puwede na ba akong umalis?!" tuloy-tuloy niyang sabi.

Napangiti naman si Pio. Talagang itinanggi ng dalaga ang isa pa niyang pakay. Ngunit ano bang magagawa niya? Kung iyon ang sinabi niya, eh di iyon ang pakay niya.

Lumusot si Ruanne sa ilalim ng braso ni Pio upang makaalis. Inayos niya ang kanyang damit at naglakad na. Grabe ang tensyon sa pagitan nila. Hindi niya na kayang manatili pa sa tabi ng lalaki dahil pakiramdam niya, may kung anong kuryente ang dumadaloy sa katawan niya at dumadagundong ang dibdib niya na akala mo ay lilindol sa loob nito.

Ngunit nang akala niya ay nakalaya na siya ay naramdaman niya na lamang ang isang palad na bumalot sa kanyang pulsuhan. Nanlaki ang kanyang mga mata ngunit huli na. Nahila na siya ni Pio palapit sa kanya at bumangga si Ruanne sa katawan ng binata.

Habol-habol niya ang kanyang hininga. Sa sobrang lakas ng pagkakahila sa kanya ay ni isang metrong pagitan sa kanila ay hindi mo makikita. Ang kanyang isang kamay ay nakapahinga sa dibdib ni Pio at ang isa naman ay hawak pa rin ng lalaki. Halos nakayakap na ang dating niya rito.

"Ang sabi mo, lumalayo ka sa ex mo."

Ang lalim sa boses ni Pio ay hindi nagparamdam ng gaan ng loob sa puso ni Ruanne. Mas lalong bumilis ang kanyang paghinga at naguguluhan ang kanyang isip.

Itinaas niya ang kanyang tingin kay Pio at nakitang madiing nakatingin sa kanya ang binata. Ang mga mata nito ay nangungusap sa kanya ngunit hindi niya maintindihan kung ano ang ipinapahiwatig nito.

Napalunok na lamang si Ruanne. Ang kamay na kanina'y nakahawak sa kanyang pulsuhan na ngayon ay umakyat na sa kanyang beywang ay naghatid ng kakaibang kiliti sa kanyang puso.

Hindi inalis ni Ruanne ang tingin kay Pio. At unti-unti, ibinaba ng lalaki ang kanyang mukha papalapit kay Ruanne. Papalapit nang papalapit nang papalapit, hanggang sa halos magdikit na ang kanilang mga ilong at magkiskisan.

Kitang-kita sa mukha ng dalaga ang epekto ng binata. Napangisi na lamang ang binata.

"Then, should we stay here a little bit longer?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status