Share

Kabanata III : ANG MGA TAKSIL

Sa kabilang dako naman, sa Kaharian ng Vireo ay may isang sikretong silid sa kaharian na tanging

ang mga traydor lamang ang nakakaalam. Tuwing hatinggabi ay nagkikita-kita sila roon upang

magpulong. Isa lang ang kanilang layunin at iyon ay ang kunin ang trono sa reyna at alisin ang mga

balakid sa kanilang plano.

“Sigurado ba kayong walang nakahalata sa mga ikinikilos niyo?” alingawngaw ng boses ni Duke Flavio. Sinundan naman ito ng sagot ng kapatid ni Reyna Verina na si Centina.

“At sino naman ang makakahalata? Ang aking kapatid na reyna? Masyado siyang abala sa pamumuno sa kaharian na dapat ay sa akin! Kaya siguradong hindi siya maghihinala.”

“Baka ang ibig mong sabihin ay, na dapat ay sa atin!”

“Kailan ba natin sasabihin kay Prinsesa Alora ang plano?” tanong ng amasonang si Talina.

“Wala munang kikilos sa inyo nang hindi ko sinasabi. Hindi pa tayo nakasisiguro kung  talagang kakampi siya sa atin.”

“Ngunit Duke Flavio, base sa aking napapansin ay ayaw niya rin sa pamumuno ng kaniyang inang reyna.”

“H’wag kang mainip Talina. Huwag kayong magpadalos-dalos. Sa ngayon ay hindi dapat malaman ng iba ang ating balak na pagpapatalsik kay Reyna Verina. Ngunit kung totoo man na may dugong taksil din si Prinsesa Alora ay magiging malaking tulong siya sa atin sa pag-angkin sa kaharian.”

“Hahahahaha! Hahahahahaha!” bungisngis na tawa ni Centina na ikinainis ni Duke Flavio.

“At bakit ka tumatawa Centina?”

“Hahaha! Hindi mo ba naisip na kagaya mo ay sakim din sa kapangyarihan si Prinsesa Alora at ano sa tingin mo ang mangyayari kapag nagsama at nagtulungan ang dalawang sakim?”

“Siguradong mag-aagawan kami sa kapangyarihan sa bandang huli!”

“Alam mo naman pala duke! Kaya bakit ka pa umaasang magiging kaanib natin siya?”

“Bwahahahaha! Sa tingin mo ba ay hindi ko naisip iyan Centina? Kapag nagawa na ni Prinsesa Alora ang trabaho niya, uunahin ko na siyang patayin para hindi na siya makasagabal pa!”

“At sa palagay mo ba ay magiging madali iyon? Wala pang nakakatalo sa kaniya hindi ba? Kahit ang mga kapatid niyang maharlika ay hindi siya magawang talunin!”

“At paano mo nalamang hindi siya kayang talunin ng mga kapatid niya?”

“Hindi mo ba pinapanood ang mga laban niya, duqke? Natalo na niya ang lahat ng

mahuhusay na mandirigma ng Kaharian ng Vireo. Maging si Aztec at si Arum. Pati na rin ang iyong anak na tagapagsanay pa mismo ng mga mandirigma na si Althea. Maging ang dalawa niyang kapatid na sina Prinsipe Zeus at Prinsesa Manorah!”

“Pero hindi naman sila ang tinutukoy ko na tatalo kay Alora!”

“At sino naman sa tingin mo ang iba pang makagagawa?”

“Sino pa ba kung 'di ang bunsong si Prinsesa Aleyah.”

“Si Prinsesa Aleyah? Pwede nga siguro. Pero masyado pa siyang bata para tapatan at matalo ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Prinsesa Alora.”

“Bagamat naiinis ako sa kaniya, inaamin kong mayroon siyang potensiyal. Marami ang nakaaalam na mahusay si Prinsesa Aleyah pero siya nalang ang hindi pa nakakaharap ni Prinsesa Alora sa mga tunggalian at paligsahan na isinasagawa sa kaharian tuwing ikaapat

na buwan, taun-taon.” paliwanag ni Talina.

“Mukhang maganda nga na magtapat sila… tamang tama dahil hindi sila magkasundo at pareho rin silang pasaway na prinsesa.” dagdag muli ni Centina.

Maya-maya ay dumating pa ang isa nilang kasabwat, ang tagapaghatol na si Shanaya.

“Kumusta ang pagpaplano?”

“Maganda ang tinatakbo ng plano Shanaya kaya maghanda na kayo dahil malapit na nating maagaw ang kaharian sa reyna. Bwahahahhaha!”

“Magaling! Pero wag muna kayong magpakasaya dahil marami ang hadlang sa plano.” babala ni Shanaya sa mga kagaya niyang taksil na tinapatan kaagad ng tanong ni Centina.

“At sino ba sa tingin mo ang mga hadlang sa tagumpay natin?”

“Sa tingin niyo ba ay makukuha natin ang trono ng ganoon kabilis kung naririto pa ang apat na maharlikang anak ng reyna. Alam naman natin kung gaano sila kahuhusay at kagagaling kaya hindi natin sila maaaring maliitin.” paliwanag ni Shanaya na matibay namang sinang-ayunan ni Talina.

“Oo tama ka magagaling sila! Pero hindi sila magkakasundo hindi ba? At maaari nating gamitin iyon upang sila mismo ang magpatalsik sa isat-isa.”

“May punto ka Talina subalit baliktarin man natin ang mundo, magkakapatid pa rin sila at kahit gaano kalalim ang galit nila sa isat-isa, kapag usapang kaharian na, tatalikuran nila ang lahat maipagtanggol lamang ito.” ani ni Shanaya.

“Kaya nga ang plano ay isa-isa natin silang papatalsikin sa kaharian para hindi na sila makasagabal pa. Bwahahahahahah!”

Samantala, hindi pa natutulog ang espiya at mensaherong si Lancelot. Naisip niya munang magpahangin at lumabas. Subalit paglabas niya ng kaniyang silid ay nagtaka siya dahil sabay-sabay na lumabas sa isa pang silid sina Duke Flavio, Talina, Centina at Shanaya. Nagtaka siya nang makitang magkakasama ang apat sa ganoong oras kaya naisipan niyang sundan ang isa sa mga ito.

Napili niyang subaybayan si Centina na pawang pabalik na sa kaniyang silid. Ngunit nag-alangan siya noong una dahil ang silid ni Centina ay malapit sa silid ng reyna. Gayun pa man ay itinuloy niya pa rin ang pagsunod dito. Subalit sa kalagitnaan ng paglalakad ay bumalik si Centina na pawang may nakalimutan kaya ipinagpatuloy niya ang pagsunod sa kapatid ng reyna. Laking gulat niya nang makitang pumasok si Centina sa isang lihim na silid malapit sa pasilyo ng palasyo.

Samantala ay nasa silid naman ang reyna. Kasama niya ang kaniyang kanang kamay na si Luna.

“Luna”

“Ano po iyon kamahalan?”

“Maaari mo bang silipin ang aking mga anak? Nais ko lang masigurong sila ay nagpapahinga na.”

“Ngayon din po.”

Mabilis na sinunod ni Luna ang mahal na reyna pero laking gulat niya nang makabangga niya sa pasilyo ng palasyo ang mensaherong si Lancelot.

“Mabuti at nakita kita Luna. Mayroon akong natuklasan na hindi mo paniniwalaan!” pabulong at pinagpapawisang pahiwatig ni Lancelot.

“Maaari bang mamaya mo na iyan sabihin sa akin? Mayroon lang akong importanteng 

gagawin na ipinag-utos ng reyna.”

Umalis muna si Luna at sinunod agad ang utos ng reyna. Una niyang pinuntahan ang silid ni Prinsipe Zeus, kasunod ang kay Prinsesa Alora, sumunod ang kay Prinsesa Manorah at ang panghuli ay kay Prinsesa Aleyah. Pagkatapos ay binalikan niya si Lancelot kung saan niya ito huling 

nakita subalit wala na ito roon kaya naman binalikan na niya ang reyna.

“Mahal na reyna, si Prinsipe Zeus po ay nagpapahinga na dahil mukhang pagod na pagod po siya dahil gabi na rin siya dumating galing sa isang paglalakbay.”

“Ganun ba? Kumusta naman si Alora?”

“Si Prinsesa Alora po ay gising pa at inaayos niya ang kaniyang mga  sandata.”

“Talaga iyang si Alora! Palagi na lang pakikipaglaban ang nasa isip.”

“Ang mayuming si Prinsesa Manorah naman po ay nagsusulat kagaya ng dati niyang paboritong gawin. Mukhang hindi rin po siya makatulog.”

“Mukang malalim ang iniisip ng aking pangatlong anak. Si Aleyah naman kumusta?”

“Wala po siya sa kaniyang silid mahal na reyna.”

“Hindi pa ba siya umuuwi mula kanina?” nag-aalalang tanong ni Reyna Verina.

“Nakita ko po siya kaninang nagtungo sa silid niya upang kumuha ng mga palaso pero umalis din po siya agad kasama ang kaniyang mga tauhan.”

“Talaga iyang si Aleyah! Misyon na lang palagi ang binibigyang-pansin!”

“H’wag po kayong mag-alala mahal na reyna. Kaya na po niya ang sarili niya. Napalaki niyo po ang inyong mga anak na marunong lumaban. Tiyak kong kaya nilang protektahan ang 

kanilang mga sarili.”

“Sana nga Luna…sana nga.”

“Maiwan ko na po kayo mahal na reyna upang makapagpahinga na po kayo.”

“Oh sige, maraming salamat Luna.”

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Rian'morgan GeLua Rodriguez
The best good novels ...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status