Share

Chapter Nine

Chapter 9

|Caden's POV|

Nakatayo ako malapit sa bahay nila Brielle at pinapanood si Leo kung paano siya makakapasok sa loob nito. Tama si Brielle, idadamay nga ng lalaking ito ang kaniyang pamilya. Masama ang epekto sa kaniya ng banal na dugo ng aking Lola Amira. Kaya't mas naging halimaw pa siya sa amin.

Bukod pa rito, nananatili siyang may dugong tao kung kaya't iba talaga ang epekto sa kaniya. Tinititigan ko lang si Leo at inaabangan ang mga susunod niyang gagawing. Panay ang silip niya, at pilit nitong binubuksan ang gate.

May lumabas na babae, sa tingin ko ay nanay 'yon ni Brielle. Bago pa man siya makalapit kay Leo ay mabilis ko na itong pinigil. Nagtangka siyang itulak ako, pero pinilit ko siyang labanan. Pinaulanan ko ng suntok si Leo, panay naman ang sigaw ng nanay ni Brielle.

"Umalis na po kayo rito!" sabi ko sa kaniya.

Nagtaka naman siya at nakatitig lamang sa akin.

"B-Bakit?" tila kinakabahan niyang sabi.

Tumayo si Leo at hinila ako, pero muli ko siyang tinulak dahilan para tumalsik siya sa malayo at nasira ang isang kotseng pinagbagsakan niya.

"Nasa panganib ang buhay ninyong magkakapamilya. Huwag kang mag-alala, safe po si Brielle." sabi ko.

Hindi ko na hinintay pa ang kaniyang sagot at mabilis kaming pumasok sa loob ng kanilang bahay. Pinilit ko silang paalisin at dalhin sila sa lugar kung saan hindi sila mahahanap ni Leo. Pansamantala ko silang dinala sa dating rest house namin na malapit naman sa studio kung saan nagtatrabaho ang tatay ni Brielle.

I need to make sure that they're safe.

Ayaw kong mawalan ng tiwala si Brielle sa akin, at mas lalong ayaw ko na magalit na naman siya sa akin. Hindi na ako nakapagpaliwanag sa mga magulang niya dahil kailangan ko nang umalis.

****

|Marco Mendoza's POV|

Magulo ang sitwasyon namin ngayon. May isang lalaki na nag-amok sa harap mismo ng aking pamamahay, at sa hindi malamang dahilan ay dinala naman kami sa isang mas malaking bahay ni Caden Rhett. Hindi ako nagkakamali, alam kong si Caden 'yon.

Si Caden Rhett ang isa sa pinakasikat at pinakabata na businessman sa buong mundo. Mayaman ang kaniyang pamilya at mala-artista naman ang kaniyang mukha.

Hindi namin maintindihan ng aking asawang si Alysa na kung bakit dinala pa kami ni Caden sa bahay na ito. At sinabi pa niyang ligtas ang aming anak.

"Marco, hindi mo ba kilala yung lalaking nagwawala kanina?" nag-aalalang tanong ni Alysa sa akin.

"Hindi ko siya namukhaan. Bakit?" tugon ko.

"Nakasisigurado akong si Leo ang taong 'yon! Yung murderer. Bakit siya nakatakas? At bakit tila nagagalit siya sa atin?" nagsimula nang mag-panic ang aking asawa.

Pilit naman akong nag-iisip ng dahilan. Bakit nga ba ginawa ni Leo iyon? Ang isang murderer na gaya niya ay hindi dapat pinapayagan na makapag-piyansa. Masamang tao siya, mamamatay-tao, walang puso't kaluluwa, mas halimaw pa sa halimaw.

Kumusta na kaya ang aking anak? Alam kong mababalitaan niya ang tungkol sa pagtakas ni Leo mula sa kulungan. Pero sana nga ay ligtas din siya. Alam ko nag-aalala rin siya sa amin. Buti na lamang at dala ko ang aking cellphone na siyang gagamitin ko upang matawagan at makausap ang aming anak.

Nagsend ako ng message sa kaniya at umaasa na nasa maayos siyang kalagayan.

'To: Brielle - [Anak, nasaan ka? Okay ka lang ba? Dinala kami ni Caden sa isang malaking bahay na malapit sa studio namin, ano ba ang nangyayari? Balit ko nakatakas si Leo mula sa kulungan.]'

Naupo muna kami ni Alysa at kalmadong naghihintay sa reply ng mahal naming anak. Hindi ko kakayanin kung may masama man na mangyari sa kaniya. Nag-iisang anak lang namin si Brielle, siya ang aming kayamanan, kaya't doble talaga ang pag-iingat namin sa kaniya.

Maya-maya pa ay tumunog ang aking cellphone, hudyat na nag-reply si Brielle.

'From: unregistered number - [Papa, alam kong nag-aalala na kayo sa akin. Pero nasa mabuting kalagayan naman na po ako. Sira na po ang cellphone ko kaya hindi na ako makatawag sa inyo. I'll be home soon.]'

Tila ba'y nabunutan ako ng tinik sa lalamunan. Buti naman at nasa maayos siyang kalagayan. Pero kaninong number yung ginamit niya?

"Sigurado ba'ng okay lang ang natin, Marco?" tanong ni Alysa sa akin.

"Oo, pero hindi ko alam kung kaninong number ang ginamit niya. Sabi pa ng anak natin ay sira ang kaniyang cellphone." sabi ko.

Heto na naman si Alysa at tila hindi mapakali.

"Tanungin mo kung nasaan siya Marco. Kailangan natin siyang puntahan." sabi ni Alysa at parang gusto nang umalis.

'To: unregistered number - [Nasaan ka ba, Brielle? Gusto kang puntahan ng Mama mo.]'

Maya-maya pa ay dumating si Caden na may dalang mga damit at pagkain.

"Hijo, ano ba'ng nangyayari?" tanong ni Alysa kay Caden.

"D-Delikado po na makasalamuha ninyo ang katulad ni Leo. Malala na po ang kaniyang kalagayan, gusto niyang patayin si Brielle, ganun din po kayo." tugon niya.

Nagkatinginan kami ng aking asawa at sakto namang dumating na ang reply ng anak namin.

'From: unregistered number - [Nasa bahay lang po ako ng kaibigan ko. Safe po kami.]

Huminga ako ng malalim. Hindi ako kuntento sa sinasabi ng anak ko.

"Nasaan si Brielle?" sabi ko.

"H-Hindi ko po alam." nakayukong sagot ni Caden sa akin.

"Sabi mo safe siya!" nagsimula nang umiyak at magalit si Alysa.

Hindi nakapagsalita si Caden. May alam siya kung nasaan talaga ang anak ko, pero bakit ayaw niyang sabihin? Kami ang mga magulang ni Brielle kaya may karapatan kaming malaman kung nasaans siya. Tila ba'y ipinagdadamot niya si Brielle sa amin.

Mapagkakatiwalaan ba talaga ang taong ito?

Tao nga ba talaga siya?

Marami siyang alam tungkol kay Leo.

Hindi dapat ako magpadala sa mga pamemeke ni Caden sa amin. Mahirap magtiwala ngayon sa mga tao, lalo na't ganito pa ang sitwasyon ng pamilya ko ngayon. Bago pa ulit magtanong si Alysa ay mabilis na nawala si Caden, lalo pa akong nagalit at nag-alala.

****

|Brielle's POV|

Heto na nga ba ang sinasabi ko. Nag-aalala na sila Mama at Papa sa akin. Gumamit pa ako ng ibang number at nagsinungaling ako sa kanila. Tuluyan na kasing nasira ang cellphone ko, ilang gubat din ang narating 'nun pero bumigay na talaga siya. Humiram lang ako kay Caden ng cellphone para lang masabi sa parents ko na ayos lang ako.

Teka, nasaan na ba si Caden? Kanina pa kami ikot nang ikot ni Charlene sa mansyon pero wala pa siya. Marami na akong nakitang hints, kailangan ko na lang kumilos. Pero paano ko gagawin 'yon kung parating nakabantay si Charlene sa akin.

"Kakain na tayo." nakangiting sabi ni Charlene.

Tumango naman ako atsaka sumunod sa kaniya upang magtungo sa dining area.

Laking gulat ko nang makita ko si Caden na nakaupo at kumakain, naupo naman ako sa pagitan ni Charlene at Amanda.

"Your family is safe." saad ni Caden.

"Nasaan sila?" I asked him.

"Sa lumang rest house namin. Siya nga pala, bukas na ilalabas ang magazine kung saan ako nag-cover." sabi pa niya.

Hays! Uunahin pa niya 'yon than to protect me and my family.

"We are so proud of you, son." masayang sabi ni Amanda.

Tahimik lang akong kumakain, pinapakinggan ko lang ang kanilang mga pinag-uusapan. It's their family matters, I can't relate on them.

"Gusto mo bang mag-swimming mamaya?" biglang bumaling ang atensyon nilang lahat sa akin.

Nabitawan ko ang kubyertos, ano ba dapat ang isagot ko? Sa totoo lang hindi talaga ako komportableng kasama sila.

"M-Magpapahinga na lang muna ako." ani ko.

Sumimangot si Caden at mabilis na umalis. Tumingin naman si Kent sa akin, habang ang ibang miyembro naman ng pamilya ay patuloy lang sa pag-kain.

Ano na naman ba ang nagawa ko? Wala naman sigurong masama kung tatanggi ako sa gusto niya. Masama ang pakiramdam ko at alam niya 'yon, tapos siya pa ang may ganang magalit ngayon. Pwes, wala akong pakialam.

Mas mabuti nga siguro na samahan ko na lang sila Mama at Papa kung nasaan man sila ngayon. Mababantayan at maaalagaan nila ako ng mabuti dahil mga totoong tao sila. E dito, hindi ako safe sa puder nila.

Pero mas kailangan ko rin naman manatili rito upang makahanap ng mas maraming kasagutan.

****

Matapos naming kumain ay pinuntahan ko si Caden sa swimming pool area. Nakaupo lang siya mag-isa habang nakalawlaw ang paa sa tubig, sinamahan ko naman siya.

"Akala ko ba kailangan mo magpahinga? Niloloko mo ata ako." seryoso nitong sabi.

"Kahit masama ang pakiramdam ko mas pinili kong samahan ka." biniro ko siya.

"Salamat." nagkatinginan pa kaming dalawa.

Umiwas agad ako. Bigla kong naalala na may gusto nga pala siya sa akin.

"Hanggang kailan ba ako mananatili rito?" tanong ko sa kaniya.

He sighed, "Hanggang sa maging normal ang lahat. Hindi mahuli ng awtoridad si Leo dahil masyado siyang agresibo, nananakit, hindi na siya normal." ani naman ni Caden.

Gusto kong maiyak, pero kahit naman gawin ko 'yon ay wala namang mangyayari. Kung hindi sana pumatay si Leo, hindi sana niya makukuha at maiinom ang banal na dugo ng reyna ng bampira, hindi sana magbabago ang kaniyang anyo, at hindi sana kami natatakot o nangangamba.

Sino ba kasi ang dapat sisihin sa mga nangyayari ngayon?

Si Caden? O si Leo?

Tumingin ako kay Caden na tila malalim ang iniisip.

"Congratulations nga pala." sabi ko sabay hawak sa kaniyang braso.

Nilingon niya ako atsaka nginitian. Hays! Salamat naman at nasilayan ko rin ang kaniyang mga ngiti.

"Alam mo bang maraming nagpapa-picture sa akin 'pag nasa labas ako? Hindi ko akalain na sikat pala ako." tila nagyayabang niyang sabi sa akin.

Natawa na lang ako.

"Wow! Ang galing mo naman, e di maraming girls ang naghahabol sayo." sabi ko.

"Hindi naman masyado. Iisa lang naman kasi ang babaeng gusto ko." bigla siyang naging seryoso at hinawakan pa ang kamay ko.

"H-Huh? Bakit ka nakahawak sa akin?" ani ko.

"May possibility ba na magkagusto ka sa gaya ko?"

Hays! Heto na naman si Caden. Ayaw ko talaga ng mga ganitong usapan, hindi ako handa at wala talaga akong interes sa kaniya. Hindi na ako sumagot, bagkus ay bumalik na lamang ako sa loob.

Sumapit na ang gabi at kailangan nang magpahinga ng lahat. Sa kabilang kwarto matutulog si Caden, habang dito naman ako sa kaniyang kwarto. Sinigurado ko munang tulog na silang lahat bago ako mag-ikot sa mansyon.

Dahan-dahan akong naglakad palabas, patay ang ilan sa mga ilaw at tanging chandelier lang ang nakabukas. Bumaba ako sa living room dahil malapit doon ang opisina ni Dylan Rhett, ang Daddy ni Caden. Lumingon muna ako sa likod dahil baka may nakasunod sa akin.

Huminga ako ng malalim bago pasukin ang opisina. Pilit kong inaaninag ang mga bagay sa loob, hindi ko pwedeng buksan ang ilaw.

Cabinet. May dalawang cabinet, pinuntahan ko yung naka-pwesto sa bandang kaliwa. May apat itong layer, marahan kong binuksan ang itaas na cabinet. Mga papel, iisa-isahin ko pa ito.

Nakarinig ako ng hakbang na tila pababa ng hagdan. Mabilis akong lumabas ng opisina dala ang dalawang envelope, saan ako dapat magtago?! Buti na lamang at may daan pa palusot sa kitchen, takbo Brielle! Takbo!

Bumukas ang ilaw sa sala kaya nagmadali akong umakyat pabalik sa aking kwarto.

Success!

Ni-lock ko ang pintuan atsaka ako nagpahinga. Dalawang envelope lang yung nakuha ko, at nakalimutan ko pang isara yung cabinet. Lagot na ako nito! Sana hindi nila ako paghinalaan. Ayaw ko pang mamatay. Gusto ko pang makasama sila Mama at Papa.

Binuksan ko yung isang envelope.

"Resume?" nagtaka naman ako.

Birth certificate, resume, barangay clearance, IDs at iba pang records ang laman ng envelope na nakuha ko.

"L-Leo." nakalagay sa itaas na bahagi ng papel sa bandang kanan ang litrato ni Leo.

Sakto! Ito na nga ang hinahanap ko.

"Married. May isang anak."

Patuloy lamang ako sa pagbabasa. Habang tumatagal ay nagiging interesado ako sa aking mga nababasa.

"Family driver."

Nakasiksik sa gitnang bahagi ng envelope ang isang litrato, agad ko itong kinuha. Isang napakagandang view. Nakatayo si Leo sa gitnang bahagi ng hardin, sa kaliwa niya ay si Caden at sa kanan naman ay si Charlene. Malapit talaga sila sa isa't isa.

Kinuha ko rin ang ilan sa mga records. Dito nakatala ang mga pera na pagmamay-ari o kinita ni Leo sa kaniyang pagsisilbi sa Rhett Family. Malaki-laki rin ang kaniyang naipon, may nakita pa akong passbook.

"Leo's bank account?" napalakas ang boses ko.

Bakit hawak ito ng pamilya ni Caden? Si Leo ang mas may karapatan sa bagay na ito, this is his money! Pinaghirapan niya ito.

Sunod kong binuksan ang isa pang envelope. Resume at iba pang documents din ang laman.

"Julieta. Married to Leo. Maid." inisa-isa ko ang mga papel.

Hindi gaya ni Leo, walang passbook at litrato si Julieta. Tanging isang pulang sobre lamang ang mayroon ito. Selyado ang sobre, at mukhang matagal nang hindi nabubuksan.

"This is the answer." bulong ko sa aking sarili bago buksan ang sobre.

Bago ko pa ito mabuksan ay may kumatok sa pintuan kaya itinago ko muna ang mga papel sa ilalim ng kama. Kabado akong tumayo.

Nahuli kaya ako?

~

🖊 author_mj

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status