Share

Chapter 9

KALAGITNAAN na ng pangalawang klase nila sa umagang iyon pero wala pa ring Baste na nakaupo sa tabi ni Sahara. Hindi ito ang tipo na basta-basta na lang a-absent, lalo na nang hindi nagsasabi sa kanya. She tried texting and calling him that morning pero wala. 

Bahagya niyang tinapunan ng tingin ang bakanteng silya sa kanyang kaliwa. Bakit ganoon, ilang oras pa lamang niya itong hindi nakikita ay parang ang lungkut-lungkot na sa pakiramdam? 

Napailing na lamang si Sahara nang mapagtanto ang katotohanang iba nga pala si Baste kumpara sa iba at hindi ito tulad ng ibang lalaki na kayang-kaya niyang akitin sa isang simpleng halik. O kahit sa isang simpleng mapang-akit na titig. He is the conservative type and he probably hates her now for what she had done. Baka iyon ang unang halik ni Baste at pakiramdam nito ay nasayang iyon dahil sa kanya. Siguro, na-turn off ito dahil hindi nito akalaing magagawa niya iyon.

And she realized, this is it. This is probably it – the end of their friendship, dahil sa kanyang ka-gagahan. In just a snap of a finger, Baste is out of her life. 

Or so she thought. Nakita niya si Baste na nagmamadaling pumasok ng kuwarto, nagpaumanhin kay Prof. Salazar at tsaka tumuloy nang umupo sa tabi niya. Tiningnan niya ito habang nagbubukas ng bag para kunin ang notebook at ballpen. Gusto niya itong kumustahin, tanungin kung ano ang nangyari at kung bakit hindi nito sinasagot ang mga text messages niya pero naunahan siya ng hiya. 

Kaya hinintay na lamang niya na ito na ang unang magsalita, na hindi rin naman nangyari. Natapos at natapos ang lecture ng matanda nilang propesor ay hindi pa rin siya pinansin nito. Nauna itong tumayo at akala niya ay aalis na ito at iiwan siya pero hinintay siya nitong makapag-ayos ng gamit. Nagulat pa siya nang sundan siya nito palabas ng silid pero wala pa rin itong kakibo-kibo at wala pa rin itong sinabi.

“Uy, ang tahimik natin, ah,” lakas-loob niyang sabi. Iyon ang madalas na sinasabi sa kanya ni Baste kapag wala siyang imik. “N-natanggap mo ba ‘yung mga text messages ko?”

Umiling ito. “N-nawala ‘yung cellphone ko. Kaya ngayon lang ako, hinanap ko pa sa bahay.”

“Okay ka lang?” Medyo nakahinga ng maluwag si Sahara. Hindi naman pala siya nito iniiwasan. Pero sana, nagsasabi ito ng totoo. 

“Okay lang.”

Magkasabay pa rin silang bumaba ng building at magkasabay pa ring kumain ng pananghalian sa paborito nilang fast food. Wala naman talagang kakaiba sa araw na iyon, liban na lamang sa pagiging sobrang tahimik ni Baste, na pakiramdam ni Sahara ay kasama nga niya ito pero nasa ibang planeta ang isip nito. 

Sabay pa rin silang lumabas ng campus pagkatapos ng klase nila kay Prof. Del Mundo. Sa sobrang pag-iisip niya tungkol kay Baste ay nalimutan na niya nang tuluyan ang tungkol sa problema niya sa propesor. Ni hindi na niya napansin ang manaka-naka nitong pagtingin sa kanya sa kabuuan ng klase. 

Naroon na sila sa hintayan ng sasakyan, doon sa parehong lugar kung saan naganap ang makasaysayang paghalik niya sa kaibigan. Kaya kahit gusto nilang iwasan ay hindi nila magawang hindi iyon maalala. 

“B-Baste…o-okay lang ba tayo?” tanong niya. At nang makita niyang lalong sumama ang mukha nito ay sinundan niya iyon ng isa pang tanong. “T-tungkol ba sa ‘to sa…kiss? Nagagalit ka ba sa akin dahil sa hinalikan kita?”

Matagal pa bago nito iyon natugunan. Tipong dalawampung sasakyan na ang dumaan sa kanilang harapan, apat doon ay jeep na dapat niyang sakyan. “H-hindi naman ako galit, Sahara kaya lang-”

“Kaya lang ano?” 

“Kasi…babae ka, h-hindi ka dapat nag-i-initiate ng ganoon…at dito pa sa lugar na ‘to.” Dala nito sa kanang kamay ang kanyang mga libro, at nakahawak ang isa pa nitong kamay sa strap ng knapsack. “Ang daming taong nakakita, nakaka-“

“Nakakahiya?” pagtutuloy niya sa sasabihin ni Baste. “Nakakahiya dahil babae ako at ako ang nanghahalik ng lalaki? Nakakahiya dahil hinalikan kita, sa public place pa?”

“Bakit mo ba kasi ginawa ‘yon?”

“Dahil gusto ko,” walang pag-aatubili niyang sagot.

“B-bakit?” Napatitig ito sa kanya.

Kumunot ang noo niya. “Ano ba sa tingin mo ang dahilan?” 

Kung ibang lalaki, siguradong maganda ang reaksyong matatanggap niya pero sa itsura nito, para itong pinagsakluban ng langit at lupa. Sa mga sasakyang nagdaraan ito nakatingin sa halip na sa kanya. And yes, the way he looks at her now (or the way he doesn’t look at her) says it all.

“Akin na’ng mga libro ko,” sabi niya sabay hablot sa mga librong hawak ni Baste. “Sige, goodbye.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status