Share

Chapter 7

"Ako na po ang bahala rito."

Nahintakutang usal ni Maria sa lahat ng mga katiwalang nasa labas ng silid niya. Nanlaki ang mga mata ng mga ito ng walang kahirap-hirap na binuksan ni Maria ang sariling silid at pumasok.

Sinugurado ni Maria na nai-lock niya ang pinto ng silid. Hindi makapaniwala si Maria sa nakikita niya ngayon, parang dinaanan ng bagyo ang loob ng silid niya, napunit ang kumot, ang punda ng unan, ang kurtina ng terrace at madami pang iba. Natutop ni Maria ang bibig at nanlaki ang mga matang napatingin sa kaibigan nitong si Azreal.

Puno ng galit ang nakikita niya sa mga mata nito, nakatiim bagang  na wari niya'y parang gustong pumatay ng tao. Nalilito siya kung bakit nagawa ito ng kaibigan.

"A-Azi... " Usal ni Maria sa nanginginig na boses. "Anong ginawa mo?" Dagdag pa ni Maria na halos naitulos sa kinatatayuan. Hindi siya halos makahakbang at lahat ng balahibo niya sa katawan ay nagtayuan. Bumangon ang takot at kaba sa dibdib.

"May bisita ka?" Malamig ang boses na turan ni Azreal kay Maria.

"K-kaibigan ko, binisita ako. Bakit mo ginawa ito? May problema ka ba?" Pilit na pinapatatag ni Maria ang boses. Nanginginig ang mga tuhod na humakbang siya palapit sa kama at naupo doon dahil hindi na niya kayang tumayo pa ng matagal, pakiramdam niya ay mabubuway siya sa kinatatayuan.

"Akala ko ba ako lang ang kaibigan mo,Maria? Akala ko ba sa akin ka lang?!" Asik ni Azreal kay Maria, napasinghap naman ang dalagita at mabilis na tumayo sa pagkakaupo, ang takot sa dibdib niya ay napalitan ng galit.

"Ano bang pinagsasabi mo Azi? Kaibigan kita pero hindi mo mapipigilan na makatagpo pa ako ng mga ibang kaibigan. Walang nagmamay-ari sa akin kundi ako lang!" Asik ni Maria kay Azi, napapansin ni Maria na nagiging sakim ito sa kanya at tila ba ayaw nitong malayo siya rito. Paano nalang kapag nag-aral na siya pa Maynila? Ano nalang ang magiging reaksyon nito?

Binalingan siya ni Azi at katakot-takot na tingin ang ipinukol nito sa kanya, gustong matakot ni Maria sa nanlilisik na tingin nito pero pinanatili niyang huwag magpaapekto rito dahil wala naman itong karapatang maging sakim sa kanya.

"At saka pupunta na ako ng Maynila Azi, doon na ako mag-aaral." Sabi ni Maria, napasinghap siya sa reaksyon nito, biglang nagbago at isang kisap mata niya lang ay nasa harapan niya na ito.

Sinasakal siya!

"A-Azi! Bitiwan mo ako..." Pilit ang mga katagang binitiwan ni Maria, mahigpit na nakapulupot ang isang kamay nito sa leeg niya. Pakiramdam ni Maria ay kinakapos na siya ng hininga.

"Hindi ka aalis Maria! Hindi mo ako puweding iwan!" Asik ni Azi sa kanya na mas lalong humigpit ang pagkakasakal sa kanya. Tumataas na ang paa niya sa sahig, malakas na isinandal ni Azi ang likuran ni Maria sa may pintuan. Napangiwi ang dalaga dahil sa lakas ng pagkakasandal nito sa kanya, idagdag pa na ang mga paa niya ay hindi na lumalapat sa sahig. Nahihirapan siya!

"N-nasasaktan ako Azi! B-bitiwan–"

Bigla siyang binitiwan ni Azreal at kasabay noon ang pagbagsak niya sa sahig,sapo ang sariling leeg, napapaubo pa siya. Hindi makapaniwala si Maria na magagawa ito ni Azreal sa kanya.

Hindi pa siya nakakabawi ay naramdaman niya nalang na biglang umangat ang katawan niya at pabalyang siya nitong inihagis sa kama. Sa gulat ay napasigaw siya. Buti nalang ay malambot ang kama.

"Tama na! " Asik ni Maria saka pinilit na makatayo. Nanginginig ang buong katawan niya sa nakikitang anyo ng kaibigan.

"Tandaan mo Maria! Akin ka lang! Hindi mo ako puweding iwan!" Nanlilisik ang mga matang angil ni Azreal sa kanya habang mahigpit na hawak nito ang dalawa niyang pisngi.

Hindi siya nakaimik hanggang sa tuluyan na itong nawala sa paningin niya. Nanghihina ang buong katawan na napaupo sa kama si Maria at walang anu-ano'y sumigaw ng malakas.

Kinabukasan pinatawag ni Olga ang doctor para patingnan si Maria, kagabi pa mataas ang lagnat nito at hindi nila makausap.

Naabutan nila ito kahapon sa silid na nagsisigaw at umiiyak, magulo ang silid nito na para bang may nagwala at lahat ng gamit ay sinira.

"Wala pa ba ang doctor?" Nag-aalala na tanong ni Olga kay Terry, palakad-lakad si Olga sa silid ng pamangkin, hindi mapakali at puno ng pag-aalala ang mababanaag sa mukha.

"Wala pa po señora pero sabi ni Matilda parating na raw." Saad ni Terry na ang tinutukoy na nagsabi ay ang isa pang katiwala sa mansyon.

Nakahinga ng maluwang si Olga at muling ibinaling ang tingin sa natutulog na pamangkin. Namumutla ito.

Pinahalughog na niya ang buong Belle Veu Manor kahapon sa pag-aakalang may mga magnanakaw na nakapasok pero ni isa ay wala silang nahuli o nakita.

"Señora! Señora Olga!"

Ang humahangos na boses ni Matilda ang pumukaw sa malalim na pag-iisip ni Olga. Lumingon siya rito, puno ng pag-aalala ang nakabalatay sa mukha nito.

"Mukhang hindi po makakarating ang  manggagamot dahil naaksidente po ang sinasakyan nito." Nag-aalalang turan ni Matilda.

Nag-iisa lang ang doctor nila sa bayan kaya mas lalong nag-alala si Olga, bumuntong-hininga siya at nagsalita.

"Ipahanda mo ang kotse sa driver,Matilda. Luluwas tayo sa Syudad. Doon natin dadalhin si Maria." Kalmanteng utos ni Olga.

"Opo Señora."

Pagkalabas nina Matilda at Terry sa silid, masuyong hinaplos ni Olga ang pisngi ng pamangkin. Namumutla si Maria at mainit. Si Maria nalang ang tanging ala-alang iniwan nilg kapatid niya, si Ingrid ang ina ni Maria. Kaya itinuring na niyang tunay na anak ang pamangkin.

Lumipas ang ilang minuto,bumalik na sa silid si Matilda. Hindi ito mapakali.

"Señora, ayaw pong umandar ang dalawang sasakyan. Wala naman pong sira pero hindi po umaandar. Hindi alam ng driver kung anong nangyari pero kasalukuyan niyang sinusuri ang sasakyan ngayon." Puno ng pag-alala abg boses ni Matilda.

Napapikit si Olga,ayaw niyang mabulyawan ang kaharap dahil sa sobrang inis sa sitwasyon ngayon. Magsasalita na sana siya ng may biglang humawak sa kamay niya.

"Tita Olga..." Mahinang usal ni Maria.

"Diyos ko! Maria, kumusta ang pakiramdam mo? Dadalhin ka namin ngayon sa ospital." Natatarantang sabi ni Olga ngunit umiling si Maria.

"Huwag na po, magiging maayos din ang pakiramdam ko."

"Pero hija–"

"Pahingi ng tubig..." Nahihirapang usal ni Maria. Si Matilda na ang nag-abot ng isang basong tubig, mabilis ang naging kilos nito sa pagsalin ng tubig sa baso mula sa pitsel na nakapatong sa study table ni Maria.

"Dahan-dahan." Sabi ni Olga na inalalayan si Maria na makaupo at makainom ng tubig.

"Magpapahinga lang ako tita Olga, huwag kang mag-alala, maayos ang kalagayan ko." Pilit ang ngiting ibinigay ni Maria sa kanila at muling pumikit.

Nanghihina ang buong katawan niya, siguro dahil sa sobrang takot na rin at pagkasindak dahil sa ginawa ni Azreal sa kanya. Pero hindi siya padadaig dito, ngayon pa na alam na niya ang tunay na motibo nito.

~•~


Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status