Share

Kabanata 2

Kinagabihan ay kumpleto kami sa hapagkainan, Maaga kasing umuwi si Tita Cassandra, habang si Daddy naman ay sinundo kanina si Allen na nagbakasyon sa bahay ng mga magulang ni Daddy.

Si Allen ay bunsong anak ni Tita at ni Daddy, Seven years old na siya ngayon. Walong taon ang tanda namin ni Aivan sa kanya.

Sabay-sabay kaming kumakain, Magkatabi sina Tita at Daddy habang si Allen at Aivan naman ay magkatabi din, ang pwesto ko naman ay malapit sa pwesto ni Allen. Ayoko kasing tumabi kay Aivan dahil baka apakan na naman niya ang paa ko tulad ng mga ginagawa niya noong una sa akin sa tuwing kami ay kumakain.

"Nagustuhan mo ba 'yung binigay ko sa'yo?" Tanong ni Daddy sa akin.

Napatingin ako sa gawi ni Aivan na walang mababahiran ng kahit na anong reaksyon ang kanyang mukha.

Wala ako sa sariling napatango. "Opo, salamat po." Sabi ko na lamang kahit na ang totoo ay hindi ko ma nahahawakan ang ibinigay niyang cellphone sa akin.

Nakita ko kasi kanina kay Aivan na gamit na niya ang cellphone na dapat ay para sa akin. Wala naman sa akin 'yon, sanay na naman ako na angkinin niya ang mga bagay na para dapat sa akin. 'Yon nga lang ay sobrang nasasaktan pa rin ako sa mga sinasabi niya.

Pagkatapos kumain ay umakyat na ako at nagtungo sa kwarto ko. Gusto ko sanang hugasan ang mga pinggan na pinagkainan namin ngunit matagal na akong binabawalan ni Tita at ni Daddy na hindi na dapat pa akong gumawa ng mga ganoo'ng bagay.

Pagpasok ko ng kwarto ko ay tinignan ko ang cellphone ko na kasalukuyang naka-charge. Iphone 4s, matagal na sa akin ang cellphone na iyon na bigay pa sa akin ni Daddy noong grade seven pa lang ako pero ngayong grade 12 na ako, Ito pa rin ang cellphone ko. Walang pinagkaiba, Kaya nga sobra ko pa rin itong iniingatan.

Kinuha ko ang math notebook ko mula sa bag ko, at saka ipinatong iyon sa aking study table. Pag-upo ko para sana gumawa ng assignment ay saktong bumukas ang pintuan ng kwarto ko.

Nakalimutan ko na naman palang i-lock ang pintuan ko.

Napabuntong hininga na lamang ako nang makita ko si Aivan na may hawak na notebook.

Napasigaw na lamang ako sa gulat at sakit nang ibato niya sa akin ang notebook niya kaya nasapol ako sa mukha.

Napa-aray ako dahil hindi ko naman inaasahan na gagawin niya iyon sa akin. Hindi na lamang ako umimik dahil ayoko nang matinding gulo sa pagitan naming dalawa.

"Gawin mo ang assignment ko para may magawa ka namang matino sa buhay mo!"

Sa kalagitnaan ng pagso-solve ko ay naramdaman ko sa likuran ko si Aivan, na sa tingin ko ay pinapanuod ang ginagawa ko.

"G—Ginagawa ko na itong assignment mo, kaya sana... H'wag mo na muna akong asarin ngayon." Sabi ko sa kanya ngunit narinig ko ang pagtawa niya.

"Hindi naman kita inaasar ah?" Natatawang sabi niya at nang lumingon ako sa kinaroroonan niya ay nakahiga na siya sa kama ko ngayon, "Dito ako matutulog ngayon." Sabi niya habang nakapikit ang mga mata niya at mistulang sarap na sarap sa pagkakahiga.

Hanggang sa matapos ako sa paggawa ng assignment naming dalawa ay nakahiga pa rin si Aivan at sa tingin ko ay malalim na talaga ang pagkakatulog niya.

Si Daddy at Tita Cassandra ay may date ngayong gabi, kasama si Allen. Kaya bukod sa mga maids ay kaming dalawa lang ni Aivan ang narito ngayon sa bahay.

Kinuha ko ang banig na nakatiklop sa likuran ng pintuan. As usual, sa banig na naman ako mahihiga ngayon dahil pag-aari ni Aivan ang kama na dapat ay hihigaan ko ngayon. Ganiyan naman siya, eh. Sa tuwing wala sila Tita at Daddy ay nagagawa niya na talaga ang gusto niyang gawin.

May isang beses pa nga akong nakita na may iniuwi siyang babae. Pinagsabihan pa niya 'yung mga maids na kapag nagsumbong sila ay palalayasin sila ni Aivan.

Iba ang ugali ni Aivan, kumpara kay Daddy at kay Tita Cassandra, mas lalo ring iba ang ugali ni Aivan kaysa kay Allen, na mabait at malambing sa akin.

Hindi ako makahiga ng maayos pero pinilit ko na ipikit ang mga mata ko hanggang sa makatulog ako.

Kinabukasan, maaga akong nagising at pagbangon ko para tingnan kung naroon pa rin si Aivan sa kama ko ay wala na siya. Siguro ay maaga siyang bumalik sa kwarto niya para hindi siya mahuli ni Daddy na dito siya natulog sa kwarto.

Naalala ko kasi dati, noong dito natulog si Aivan sa kwarto ko para lamang paiyakin ako buong gabi, nagising na lamang ako nang marinig ko ang galit na galit na boses ni Daddy habang sinisinturon si Aivan. Ayaw kasi ni Daddy na matutulog si Aivan sa kwarto ko.

Iniayos ko na muna ang banig na pinaghigaan ko pati na rin ang kama ko, Iniwanan na lang kasi ni Aivan basta-basta ang kama ko.

Pagkatapos kong maligo at magbihis ng uniform ay bumaba na ako, naabutan ko pa si Allen na kumakain ng breakfast gayundin si Aivan.

"Good morning, Ate!" Bati ni Allen sa akin sabay halik sa pisngi ko, "Buti gising ka na. Sasabay kasi ako sa'yo na pumasok sa school eh." Sabi pa niya.

Ngumiti ako at pinisil ang pisngi niya, "Sige, ihahatid na rin kita hanggang sa classroom mo." Sabi ko sa kanya.

Same school naman kami ni Allen, 'yun nga lang ay nasa elementary level siya na malayo-layo sa building namin, pare-parehas naman kami ng school ni Aivan at Allen noon pa man.

Ako kasi ang kasabay ni Allen minsan na pumasok kapag maagang pumapasok si Tita at Daddy sa kani-kanilang mga trabaho.

Pansin ko din naman na tahimik si Aivan habang kumakain ng almusal, si Allen lang ang natatanging maingay sa aming tatlo at ako naman ang napili niyang kausapin.

"Ate Avy! Ano nga pala 'yung crush?" Tanong niya sa akin kaya bahagya pa akong nagulat, "Crush ka kasi ng Kuya ng classmate ko... maganda ka daw kasi tapos mabait pa.."

Sa puntong iyon ay hindi na ako nakasagot dahil sa gulat, "Baka naman niloloko ka lang..." Sabi ko sa kanya.

Umiling si Allen pagkatapos uminom ng gatas, "Hindi po... In-add ka nga daw ng Kuya ni Peter sa Facebook eh... Tapos naka-chat mo na daw siya!"

Naalala ko na!

"Si Patrick ba? 'Yung Grade 12 section C?" Tanong ko sa kanya.

Tumango naman siya, "Opo Ate! Crush ka nga ni Kuya Patrick eh! Secret lang natin ah?"

Napatango-tango ako habang natatawa.

Pagkatapos kumain ay umakyat ako sa taas at pumasok sa kwarto ko para kunin ang assignment ko at pati na rin ang assignment na ipinagawa sa akin ni Aivan, at lalabas na sana ako nang pumasok si Aivan na may nanlilisik na mga mata.

Nagulat ako nang kunin niya ang cellphone ko na nakapatong sa mesa.

"Akin na 'yan! B—Bakit mo kukunin ang cellphone ko?" Naaalarmang sabi ko sa kanya ngunit hindi niya binigay sa akin ang cellphone.

Baka kasi kung ano na lang ang gawin niya sa cellphone ko.

Ngumisi siya at pagkatapos ay may binasa siya sa cellphone ko. "Hello po, pwede ba tayo maging friends??.... Oo naman.... He-he-he salamat sa'yo ganda ah? Pwede ba kitang masamahan sa tuwing recess n'yo??.... Oo naman, pwedeng-pwede..." Ani Aivan habang nag-i-scroll sa cellphone at ginagaya ang boses ko na tila mas lalong nagpapa-asar sa akin.

Tuluyan na akong napasigaw ng ibato niya ang cellphone ko sa dingding ng kwarto ko, "Tang ina ka! Manang-mana ka talaga sa nanay mong malandi! Magsama kayo ng Patrick mo gago!" Sigaw niya at pagkatapos ay umalis na sa kwarto ko.

Naiwan akong nakatitig sa durog na cellphone ko habang umiiyak.

Palagi-lagi na lang na ganito, Araw-araw na lang niyang ipinamumukha sa akin na hindi ako karapat-dapat na mapabilang sa pamilya niya.

Pagdating ko sa school ay inihatid ko na muna si Allen sa classroom niya, at pagkatapos ay saka naman ako naglakad patungo sa classroom ko ngunit hindi pa ako nakakalapit ng lubusan sa classroom ko ay may nakita na akong tila nagkukumpulang mga estudyante sa harapan ng classroom namin.

Nakita ko si Lizette na tumatakbo patungo sa akin, "Avy! Avy! Si Aivan! Nakikipagsuntukan sa section c na si Patrick!"

Related chapters

DMCA.com Protection Status