Share

The Borrowed Husband - Chapter 6

CHAPTER SIX:

"ANG wedding present ko naman para sa magiging esposa ko." isang pulam-pula at perpektong buko ng rosas ang hinugot ni Reymart buhat sa bulsa ng suot na blazer.

"Ang ganda!" Muling bumulalas sa katuwaan si Natasha.

Inilapit agad sa ilong ang bulaklak matapos tanggapin ng dalawang kamay. 

Muntik nang hindi maitago ang pagka-dismaya nang matuklasang hindi tutoo ang rosas. 

Isang makatotohanang imitasyon lamang pala. May bango pero nanggaling lamang sa bote. Hindi amoy-rosas. 

"Maraming salamat, Reymart," sambit niya matapos samyuin nang marahan ang masangsang na bango.

"Pasensiya ka na. Kulang ang pera ko. Ibibili sana kita ng enggament ring--kahit na simple lang. Wedding ring na lang muna, ha?" Isang asul na kahita ang inilabas ng lalaki buhat sa bulsa ng pantalong slacks.

Hindi sinasadyang napuna ni Natasha ang kawalan ng gusot sa suot na slacks ni Reymart. Parang bagong palit lang iyon, pati na ang poloshirt na kulay asul din.

At tila bagong shower na rin si Reymart.

Ngunit saglit lang ang pagtataka ni Natasha. Naisip niya agad na baka natutulog pa siya nang bumalik para mag-shower ang nobyo.

Dagling lumipas ang pagkalito nang lumantad ang dalawang singsing na makintab at ginintuan.

"Oh, Reymart!" Muling naantig ang kalooban ni Natasha. Tuluyan nang bumalong ang luha sa kanyang mga mata. Napasinghot siya.

"Napapaiyak na ako sa sobrang saya ko." Pinahi ng mga daliri ang mga basang pisngi.

"Isukat mo nga muna, Natasha. Baka maluwag ang sukat."

Maluwag nga sa palasingsingan ni Natasha, pero hindi nabawasan ang excitement niya. 

"Okey lang. Saka na lang natin ipabago ang sukat," agap niya.

May kumatok sa pintuan.

"'Yan na siguro ang Kapitan ng barko," panghuhula ni Reymart. 

"Pakiayos mo na nga muna ang kama, Natasha." Tumalikod ito upang damputin ang pulang cosmetics case.

Di-sinasadyang nasundan ng tingin nang ipasok sa loob ng aparador na nakadikit sa dingding. 

Napuna tuloy ni Natasha ang nakasarado pa ring maleta ng nobyo. 

Ibig sabihin, hindi doon nagpalit ng damit si Reymart.

Magtatanong sana si Natasha, ngunit nabuksan na ng lalaki ang pinto ng kabino. 

Nakasuot ng puting uniporme at sumbrero, hindi maikakailang ang Kapitan ng barko na ang bagong dating.

Bagama't taliwas ito sa inaasahan niyang hitsura ng isang taong may mataas na posisyon sa isang napakalaking sasakyang pantubig.

"Magandang hapon sa inyo, Mr. Reyes. At sa 'yo rin, Miss Villanueva," ang magalang na bati ng panauhin. Bahagya pa ngang yumukod.

"Magandang hapon din po, er, Kapitan Cuesta," ang ganting bati ng ninenerbiyos na si Natasha.

"Tuloy ka, Kapitan," ang malugod na imbita ni Reymart.

Niluwangan nang kaunti ang pagkakabukas ng pinto. Para bang ayaw ipakita nang husto ang interyor ng kabino sa mga taong nagdaraan sa koridor.

Napansin ni Natasha na magkasingtangkad at magkasingkatawan lang sina Reymart at ang Kapitan.

Kundi nga siya nagkakamali, baka magkasing-edad pa ang dalawa. Pareho ding maputi.

 Mas malapad nga lang ang mga balikat ng huli. At mas mahaba ang medyo kulot na buhok.

"Buweno, hindi na ako gagamit ng maraming seremonyas. Ikakasal ko na kayo agad--para matapos na ang pagkasabik ng iyong nobyo, Miss Villanueva."

Ikalawang ulit nang nabanggit ang apelyido sa pakaswal na paraan, medyo nabahala si Natasha.

"Kilala n'yo po ba ang pamilya ko, Kapitan?" ang diretsang tanong niya.

"Hindi. Sinabi lang ni Mr. Reyes ang pangalan at apelyido n'yo kaya nalaman ko," paliwanag agad ng Kapitan.

"Don't worry, sweetheart. Hindi kilala ni Kapitan Lando ang mga magulang mo. Isa pa, hinding-hindi niya tayo ipagkakanulo. Hindi ba, Kapitan?"

Isang sikretong mensahe ang lumipad sa hangin nang magtama ang mga mata ng dalawang lalaking kaharap.

Niyapos ni Natasha ang sarili dahil biglang nakaramdam ng di-maipaliwanag na lungkot. 

Para bang naiwanan siyang mag-isa sa ere kahit saglit lang.

"May tiwala ako kay Kapitan, er, Lando." Nautal si Natasha nang sambitin ang pangalan ng panauhin.

Habang tumatagal, nawawala ang impresyon ng awtorismo ni Kapitan Lando Cuesta.

Unti-unting tumitindi ang pagtataka niya sa pagkakaroon nito ng isang mabigat na obligasyon, sa kabila ng napakabatang edad.

Kakaiba rin ang mga manerismo. Paminsan-minsan, kapuna-puna ang pagtilamsik ng daliri habang nagsasalita.

"Ikasal n'yo na kami, Kapitan. Dala n'yo na ba ang marriage contract namin?"

"Oo naman." Isang sobreng puti ang hinugot sa vest pocket ng unipormeng pambarko. "Heto. Pirmahan n'yo na habang ikinakasal ko kayo."

Naibahan si Natasha sa sobrang bilis ng naturang seremonya, pero wala siyang magawa kundi ang magpatianod.

Pumayag siya sa gayong klase ng kasal kaya wala siyang puwedeng ireklamo.

Pero isang romantikong matrimonyo ang ipinangako sa kanya, hindi ba?

Matapos pumirma sa malutong na papel ng marriage contract, iwinaksi na ni Natasha ang sari-saring agam-agam.

Kundi siya makukuntento sa pagpapakasal ni Reymart, wala siyang karapatang lumigaya.

Dapat niyang tanggapin ng maluwag sa loob ang simpleng kasal na nakayanan ng lalaking pinili niya.

Abala pa rin sa pagsesermon sa sarili si Natasha habang hinahagkan siya ni Reymart sa bibig at habang kinakamayan ng Kapitan ng barko.

Kaya nagulat pa siya nang iabot sa kanya ang isang kopita na may lamang alak. 

"A-ano 'to?" 

Tatanggi sana siya dahil hindi naman sanay uminom ng alkohol, pero nakapagpigil nang mapasulyap sa seryosong mukha ng bagong kabiyak.

"Celebratory toast lang, Natasha," paliwanag ni Reymart. "Para sa isang maligayang bukas!"

"Cheers!" dugtong ni Kapitan Lando.

"Cheers," gagad ni Natasha. Medyo alanganin siya nang lumagok.

"Ubusin mo, Natasha," udyok ni Reymart. "Para suwertihin tayo."

Tumalima si Natasha. Inubos niya ang laman ng kopita kahit parang napaso na ang dila at lalamunan.

"Isa pa," wika ni Kapitan Lando.

"B-bawal maglasing ang Kapitan kapag nasa biyahe ang barko, hindi ba?" Pinadulas ng alak ang dila ni Natasha. Nasabi na niya agad ang paalala kahit hindi pa iniisip. "Sorry! Lasing na 'ata ako." Bumawi agad siya. Pulam-pula ang mga pisngi.

Tumawa si Reymart. "Natasha, tayong dalawa na lang ang iinom. Aalis na si Kapitan." Bumaling ito sa kapwa lalaki. Nakipagkamay bago umakbay para igiya patungo sa pintuan.

"Maraming salamat uli," ang naulinigan niyang wika nito.

Hinipo ni Natasha ang singsing na kasusuot pa lang sa daliri niya. Parang hindi siya ikinasal. Parang dalaga pa rin siya.

Pero mawawala na ang kakatwang pakiramdam sa sandaling magsiping na sila ng lalaking pinakasalan.

"Reymart?" tawag niya nang mapunang nagtagal pa sa labas ng kabino ang bagong asawa.

"Sandali lang, Natasha. May inihahabilin lang si Kapitan Lando sa akin," paliwanag ni Reymart nang luminga sa kanya. 

"Ubusin mo na ang laman ng kopita mo para hindi ka mainip," utos pa bago isinaradong muli ang pinto.

Muling sinagilahan ng di-maipaliwanag na lungkot si Natasha. 

Sinubukan niyang lunurin iyon ng maligamgam na alak. Inubos uli niya ang isinalin sa kanyang kopita. 

Nakaramdam ng liyo, naupo siya sa katre. Pumikit, ngunit lalong naliyo dahil parang umalon ang sahig.

"Reymart...!" daing ni Natasha. "Reymart!" Paulit-ulit ngunit papahina ang boses niya. Mas malakas ang malakulog na ugong sa loob ng utak niya.

Walang Reymart na dumating hanggang sa tuluyang pumanaw ang kanyang ulirat.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status