Share

KABANATA 8 — BEACH (Unang Pagkikita)

"Peep! Peep! Peep..."

Rinig na rinig namin sa loob ng bahay ang malakas na busina ng kotse na nangagaling sa labas ng gate.

"Spencer anak! Mukhang narito nang sundo mo." pagtawag sa akin ni nanay.

"Opo! Nay. Palabas na po."

Pagkatapos kong e double check ang mga dadalhin ko ay kaagad na 'kong lumabas ng kwarto para sana puntahan sila Raffy at Larah sa labas ngunit pumasok na pala ang mga ito sa bahay kaya nasalubong ko sila sa sala kasama nila si tatay at ate, habang si nanay naman ay nasa kusina at naghahanda ng almusal.

"Oh! Tayo na?" sabi ko habang dala-dala ang isang backpack na naglalaman ng mga damit ko at bitbit ko rin ang dilaw na salbabidang may desinyong bibe na binili sa akin ni nanay noon pa atang seven years old ako.

Biglang natahimik ang buong bahay ng makita nila ako. Hindi ko alam pero tinignan lamang nila akong may gulat sa mga mukha.

"Bakit?! May problema ba?" medyo nahihiya kong tanong kasi baka may mali akong nasuot o ano.

Nagtinginan lamang si Larah at Raffy habang si tatay at ate naman ay hindi na mapigil ang malakas na halakhak.

Bigla akong nahiya sa sarili ko. Ano bang pinagtatawanan nila sa 'kin? Sa suot ko ba? Eh simpleng short at loose shirt lang naman 'to ha!

Sumabay na rin sa pagtawa sina Raffy at Larah kaya nagtanong na ako kung anong pinagtatawanan nila.

"Hoooy! Anong pinagtatawanan n'yo?" kunot-noo kong sabi sa mga ito.

Hindi nila ako sinagot at nagpatuloy lamang sa pagtawa. Ilang sandali pa'y pumunta si nanay sa sala galing sa kusina upang malaman kung anong kasiyahan ang nagaganap dahil rinig na rinig ang halakhalk nila mula roon.

"Nagkakasiyahan kayo ha. Ano bang meron?" bungad ni nanay sa amin.

Tumingin ito sa nakabusangot kong mukha at biglang ngumiti. Hindi ko naman mapigilang magsumbong sa kanya.

"Nay oh! Ako yata 'yung pinagtatawanan nila." 

"Kawawa naman 'tong anak ko." wika ni nanay sabay gulo ng buhok ko.

"'Wag mo na dalhin 'tong salbabidang 'to! Hindi na naman 'to kakasya sayo eh!" dagdag pa n'ya.

"Ahhh. Si quacky ba pinagtatawanan n'yo ha!" busangot kong wika sa kanila.

"At may pangalan pa talaga 'yan ha!" halakhak ni Larah.

Tanging pag-irap na lamang ang naisagot ko habang tawa lang ng tawa silang lahat.

"Nay, okay pa rin 'to! Binili n'yo to sa 'kin eh. Tapos hindi pa nagagamit, matagal ko na kayang hinihintay na magamit ko 'tong salbabidang 'to! Matagal na 'tong nakasabit sa kwarto ko eh." wika ko kay nanay.

"Alam ko namang pambata ito no! Pero gusto ko lang talagang dalhin to kasi nag promise ako sa sarili kong balang araw 'pag magaling na ako, gagamitin ko 'to." dagdag ko pa na nagpatigil sa pagtawa nila. Siguro naaawa naman sila ngayon sa akin dahil sa pinagdaanan ko noon.

"Hayst. Spencer! Sayang hindi kami pwede ngayon, pero 'wag kang mag-alala sa susunod sasama na kami sa inyo. Si nanay, si tatay, ako! Sasama na kami mag beach. Siguro sa susunod na linggo, pwede rin sa susunod na buwan, o pwede rin sa kasal ko na!" pangiti-ngiting wika sa amin ni ate.

"Asa ka ate! Hindi ka pa nga nililigawan ni doc Bryell eh! Magpakita kana kasi ng senyales." pag-aasar ko sa kanya kasi alam ko namang si doc Bryell ang pinapangarap niyang ikasal sa kanya.

"Ahh... Gano'n ba? 'Yun ang akala mo!" biglang tugon nito na gumulat sa aming lahat.

"Halaaa... So kayo na?!" 

Tanging tango at matamis na ngiti lamang ang tinugon nito sa amin.

"So bayaw ko na pala si doc Bryell!" masiglang saad ko.

"Bayaw agad? Don't worry, soon enough." malanding saad ni ate. Nakakatawa siya!

"Ikaw Eilana ha! Hindi mo sinabi sa amin. Pag-usapan natin 'yan habang nag-aalmusal. Oh! Raffy, Larah. Sumabay na kayo sa amin ha, nagluto ako ng adobo." ani nanay.

"Opo tita, salamat po!" sabay na tugon nilang dalawa.

Pagkatapos naming mag-almusal at makapagkwentuhan ay bumyahe na kami papuntantang resort nila Raffy. Honestly, kahit malayo-layo ang byahe ay hindi ako napagod dahil sa excitement at kakulitan naming tatlo.

Habang nasa byahe ay lagi kaming nag kakantahan, nagkukwentuhan, at kumakain ng mga baon naming chips at softdrinks.

Mga apat na oras din bago kami tuluyang nakarating sa resort.

Nauna na akong bumaba sa kotse at sumunod naman si Larah, habang si Raffy naman ay meron pang inaayos sa loob ng kotse niya.

Mula sa parking lot ng resort ay makikita mo na ang napakalinaw na kulay asul na dagat, gayun di ang napakalaking hotel nila raffy na may malaking swimming pool.

Hindi ko na talaga mapigil ang excitement ko kaya bigla akong tumakbo papuntang entrance. Sumunod naman sa pagtakbo ang dalawa.

Pagpasok namin sa hotel ay kaagad kaming sinalubong ng mga staff doon.

"Good morning po! Sir, nakahanda na po ang tatlong VIP rooms sa taas. Ihahatid na lang ho kayo ng mga staff." bati ng isang lalaki na sa palagay ko ay manager doon. 

"Teka! Tatlo? Hindi ba tayo magkasamang tatlo sa iisang kwarto?" tanong ko kasi akala ko talaga kaming tatlo sa iisang kwarto. 

"Sempre, babae kaya ako! Alangan naman magtabi-tabi tayong tatlo. Hindi na tayo mga bata no!" biglang sabat ni Larah.

"Ay babae ka pala? Mukha ka kasing lalaki!" pang-aasar ni Raffy.

"Ha! Ha! Ha! Nakakatawa 'yun?!" inirapan lamang niya ito.

"Bakit Spencer! Natatakot ka no?" biglang sabi ni Raffy sa akin.

Patay! Actually, takot talaga akong mag-isa sa kwarto. Hindi ko pa pala nasabing hanggang ngayon ay iisa pa rin kami ng kwarto ni ate Eilana. Okay lang naman din 'yun kay ate kasi nasanay na siya. Pero pa'no nato sigurado naman akong aasarin ako ng dalawang 'to pag nalaman nila.

"Hindi no! Ako, matatakot? Never! Tayo na nga!" sabi ko na lang para hindi nila mahalata.

Agad na kaming nagtungo sa kanya-kanya naming silid. Nasa ikatlo at huling palapag ang mga VIP rooms. Pagpasok ko sa kwarto ko ay agad akong namangha dahil sa ganda ng interior designs ng kwarto, talaga namang pinag-isipan ang theme. Ang ganda ng puting motif ng kwarto napaka elegante, at naka dagdag pa sa ganda ang mga painting at halaman sa loob.

May isang malaking kama ito na kasya ang apat na tao. Sobrang lambot rin nito nang aking higaan. Ang ganda rin ng pagkaka-arrange ng mga gamit, may sariling Refrigerator, malaking TV, kusina, malaking banyo, lahat na ata nandito na. 

Napa-wow talaga ako sa ganda ng kwartong 'to pero ang mas pumukaw sa akin ay ang view sa labas ng balkunahe. 

Kitang-kita ko mula rito ang napakagandang tanawin ng buong isla. Napakasarap sa pakiramdam, lasap na lasap ko talaga ang simoy ng hangin na  nagmumula sa karagatan. Talagang nakaka relax sa ganda. Nakakawala ng problema! Haysst... Sana ganito na lang parati.

Pagkatapos kong e-arrange ang mga gamit ko ay sakto namang kumatok sina Raffy at Larah.

"Spencer! Hoy! Ang hinhin mo talaga daig mo pa ako eh." sigaw ni Larah sa labas ng pinto.

"Spence! Labas ka na d'yan mag swimming na tayo!" dagdag pa ni Raffy.

Nagmadali akong nagpalit ng damit pangligo at binuksan na ang pinto. 

Bumungad sa akin ang dalawa at sa itsura nila'y reading-ready na ang mga itong maligo.

Agad kaming naligong tatlo at enjoy na enjoy kaming sinubukan lahat ng water rides sa resort. Buong araw kaming nagbabad sa tubig dagat at sinubukan din naming mag-dive sa corals at sobrang saya no'n.

Hapon na kami tumigil at nagpahinga para ituloy bukas ang kasiyahan namin.

Dalawang araw lang kasi ang tagal namin dito — ngayong araw at bukas, kasi may klase na kami sa lunes. Sayang nga pero susulitin na lang namin bukas bago umuwi.

Dahil may araw pa at hindi pa ako pagod, napagdesisyunan kong maglakad-lakad muna sa kahabaan ng dalampasigan. Masarap kasi ang simoy ng hangin mas nakakawala ng pagod.

Sa aking paglalakad ay naabot ko ang dulo ng resort. Babalik na sana ako nang mapansin ko ang isang butas sa pader na dekerta sa kabilang baybayin.

Ang butas ay natatakpan lamang ng isang lumang yero. Ewan ko kung bakit hinayaan lamang ng management ng resort nila Raffy ang butas na 'yun or siguro under renovation 'yun.

Tinanggal ko ang nakatakip na yero at lumantad sa akin ang maliit na butas na maaring mapasukan ng isang tao.

Sinilip ko muna kung anong meron sa kabila at nakita ko ang isang maliit na parang resort rin. Pumasok ako rito dahil hindi naman mukhang nakakatakot ang lugar, sa katunayan ay maganda ito at napapaligiran ng mga puno't bulaklak. 

Maririnig mo rin ang huni ng mga ibon sa ibabaw ng mga puno. Sinabayan pa ng tunog ng mga alon sa dalampasigan at ang pagpalakpak ng mga dahon ng puno na ani mo'y nagkakasiyahan dahil sa pag-ihip ng hangin. Talagang nakakarelax sa pakiramdam.

Huminga ako ng malalim at nilasap ang biyaya ng kapaligiran. Talagang nasisiyahan ako sa lugar, para bang nakapunta na ako rito noon. 

Naglibot-libot ako sa kabuan nito, pero sobrang liit lang nito kumpara sa resort nila Raffy. Wala ring katao-tao, siguro hindi na nag-o-operate ang resot na 'to. 

Meron din pala itong nag-iisang building na para bang bahay. 

Ilang sandali pa ay medyo kinabahan ako nang ma-realize kong baka nasa isang bahay talaga ako at trespassing ako roon.

Nagmadali akong bumalik sa dinaanan ko kanina. Lakad-takbo ang ginawa ko baka kasi mahuli pa ako rito't mapagkamalang magnanakaw.

Sa pagtakbo ko ay may biglang sumigaw sa aking likuran, parang lumambot bigla ang mga tuhod ko at nangatog ang buo kong katawan sa kaba.

"Hoy! Tigil! Sino ka?" sigaw ng isang lalaki mula sa likuran ko.

Tumigil naman ako! Sa isip ko kasi ay baka may dala itong baril o kung ano man na pwedeng iputok kung magkakamali ako ng galaw.

"Sir! Ako po si Spencer Dela Cruz, guest po ako sa kabilang resort! Naligaw lang ho ako sir!  Wala po akong balak na masama. Sorry po, 'wag n'yo po akong saktan." sigaw ko habag nakatalikod, baka kasi paghumarap pa ako ay isipin nitong gagawan ko siya ng masama.

"Sir! Pwede po ba akong humarap.  Itataas ko po 'tong dalawang kamay k. Hindi po talaga ako masamang tao." pagpapatuloy ko sa pag-e-explain.

Naghintay ako ng ilang sandali pa para sa sagot n'ya pero wala itong imik. Nagtaka na ako kaya tinignan ko ang aking likuran at tumambad sa akin ang isang lalaking nakahandusay na sa buhangin. 

Agad ko itong pinuntahan upang alamin kung anong nangyari. At sa aking paglapit ay napagmasdan kong mabuti ang kanyang kabuoan.

May hawak itong isang bote ng alak kaya naman napagtanto kong nakatulog lamang ito dahil sa kalasingan. Ang lalaki ay may malaking pangangatawan kung ikukumpara sa akin ngunit sigurado naman akong ka-edad ko lang  siya o mas matanda lang siya sa akin ng kaunti.

Tinitigan ko lamang siya habang nag-iisip kung anong dapat gawin. Naisip kong umalis na lamang, ngunit ilang hakbang pa lang ang aking nagawa ay parang pinipigilan ako ng aking konsyensya. Hindi ko alam ngunit parang resposibilidad kong tulungan ang lalaki.

Sa aking pag-iisip ay di ko na namalayang humahakbang na ako pabalik at binubuhat ang  lalaki mula sa likuran nito sabay hatak sa kanya papasok sa loob ng bahay. Sigurado kasi akong dito siya nakatira.

Habang binubuhat ko siya ay napansin kong lumulubog na pala ang araw at nag-aagaw na ang dilim at liwanag sa kalangitan. Binilisan ko na lang ang paghatak sa lalaki, hindi ko kasi siya kayang buhatin ng todo dahil napakabigat n'ya at mas malaki pa siya sa akin.

Habang papasok na kami sa pintuan ay sinubukan kong alalayan na lang siyang maglakad para mas mapadali.

Kinuha ko ang isa n'yang braso at ipinatong sa balikat ko. Pero nang pahakbang na kami ay bigla kaming natumba at napahiga sa sahig.

Sa kasamaang palad ay ako ang nauna kaya ako ang nadaganan niya. Sobrang bigat nito kaya  nahirapan akong makawala. Habang pinipilit ko siyang itulak ay bigla itong nagdiliryo at may sinasabing hindi ko maintindihan.

"Natahannnaa... Natannnah..." paulit-ulit na wika nito.

Pinapatuloy ko ang pagtulak sa kanya ngunit bigla itong yumakap ng napakahigpit sa akin na naging dahilan na hindi na ako makagalaw pa. 

"Ahh! Hellooo! Bitawan n'yo ho ako. 'Di po ako makagalaw." paulit-ulit kong sabi sa kanya.

"Hmmmm... Natahhali..." 'di ko maintindihang tugon nito.

Napansin ko rin na para bang umiiyak siya. Medyo naawa na ako sa kanya dahil mukhang may mabigat na pinagdadaanan ang lalaking 'to. 

Pero sa ilang sadali pa'y bigla nitong hinalikan ang aking leeg at pisngi na aking ikinagulat. Agad naman akong umiwas dahil gusto pa sana nitong humalik sa labi.

Dahil do'n ay kaagad ko siyang itinulak ng malakas kaya natanggal ang pagyakap niya sa akin. Hindi ko inasahan ang sunod na nangyari ng bigla itong sumuka sa leeg ko.

Amoy na amoy ko ang maasim n'yang suka, mula sa leeg ko at umagos pa ito patungong likuran at ulo ko.

Hindi ko na talaga nakayanan ang nangyayari kaya tinodo ko na ang lakas ko para matanggal siya sa pagkakadagan sa akin, at nagtagumpay naman ako.

Agad akong tumayo at hinubad ang kulay grey kong damit at ipinahid ito sa parteng nasukahan. 

"Bwesit naman oh! Ikaw pa nga 'yung tinulungan, sinukahan mo pa ako." kunot noo kong wika.

Ewan ko rin ba sa sarili ko, pero nakakakosyensya naman kasi kung iiwan ko lang siya sa labas.

Tama lang siguro itong ginagawa kong pagtulong sa kanya, meron din naman akong kasalanan sa kanya kasi pumasok ako sa bahay nila ng walang paalam. Hay naku! So pa'no na 'to ngayon? Anong gagawin ko?

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Erick Writes
kailan update?
goodnovel comment avatar
Erick Writes
wow ang ganda.
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status