Share

Chapter 3

"Bakit tahimik kayo diyan?"

Tanong ko kina Karen at Vera na parehong nasa passenger seat. Kanina pa sila tahimik simula no'ng umalis kami sa Tagaytay. Malapit na kami sa condo pero tahimik parin sila at pareho lang silang nakatingin sa labas ng bintana ng kotse. 

"Hindi na ako makikipag blind date kahit kailan," ani Karen na hindi inaalis ang tingin sa bintana.

"Bakit naman?" tanong ko at sinulyapan siya sa rearview mirror. Nanatili itong nakatingin sa labas ng bintana. "Nabighani ka ba sa kagwapuhan ni Nikolaj?" nakangisi kong tanong. Muli ko siyang sinulyapan. Sa pagkakataong ito ay seryoso siyang lumingon sa akin at umalis pa sa pagkakasandal.

"Hindi lang sa kagwapuhan niya, Inari!" Napalingon na rin sa kanya ang seryoso ring si Vera. Pasulyap sulyap naman ako sa rearview mirror habang nagpipigil ng tawa sa kanila. "Sobrang bait niya." Parang maiiyak na sabi niya pa. Muli siyang sumandal sa upuan at tumingin sa labas ng bintana. "Magbabago na ako. Hindi na ako makikipag blind date," aniya pa.

"Hindi naman masamang gawain ang pakikipag blind date, ah?" sabi ko pa.

Lumingon muli siya sa akin. "Kahit pa! Basta hindi na ako makikipag blind date! Dadalhin ko sa alaala ko na siya ang huling nakablind date ko," madrama niyang sabi na ikinatawa ko.

"Mukhang nagayuma ka, ah, Ren," sabi ko at napahagalpak ng tawa nang makita sa salamin na sinimangutan niya ako. "Ikaw, Vera? Bakit tahimik ka?" nakangisi kong tanong rito at nagkatinginan kami sa salamin.

"Namimiss ko si Owen," nakasimangot na aniya na ikinatawa kong muli. 

"Ang lalakas ng tama niyo, ah!" Sabay nila akong sinamaan ng tingin na ikinahagalpak ko ng tawa.

Tinupad nga ng dalawa ang sinabi nila na hindi na sila makikipag blind date pa ulit. Tatlong buwan na ang nakakalipas ng matapos ang date namin nila Kaiden. Palaging nagkakatext si Niko at Karen pati si Owen at Vera. Kay Kaiden naman ay wala akong balita.

"Hindi ka talaga pupunta? Tatlong araw na tayong hindi nagkikita, ah?" nagtatampo kong sabi. Kausap ko ngayon si Kevin sa cellphone.

"Sorry, Love. Babawi ako next time. Busy lang talaga 

ako."

"Noong isang araw mo pa sinasabi 'yan! Pinagbigyan kita dahil weekdays pero sabado ngayon, Kev!" naiinis kong sabi. 

"Sorry na, Love," malambing na sabi niya.

"Bakit ba kasi hindi ka makakapunta ngayon?" inis kong tanong.

"May inaasikaso lang ako."

"Ano nga—"

"Ay, Love, mamaya na ulit ha? Tatawagan nalang kita. Bye!"

Kunot na kunot ang noo kong nailayo sa tenga ko ang cellphone at tiningnan iyon ng patayin ni Kevin ang tawag. Nakaramdam ako ng inis dahil doon.  

"Pinatayan ka na naman?" Napalingon ako kay Karen, na katabi ko ng magsalita ito. "Panay-panay 'yan ah? Baka may ginagawa ng kalokohan 'yan?" naiinis niyang tanong.

Napabuntong-hininga ako, "Busy lang daw."

"Busy saan?" masungit na tanong naman ni Vera na nakaupo sa single sofa at pinagtaasan ako ng kilay. Natigilan naman ako roon.

"Hindi ko alam."

Hindi ko alam dahil hindi naman sinasabi ni Kevin ang dahilan kung bakit siya busy. Nakaramdam lalo ako ng inis.

"Hay, nako ha! Kapag 'yan nagloko! Nako! Huwag na huwag siyang magpapakita sa akin!" ani Karen. Halos tikom na ang bibig nito ng magsalita dahil sa sobrang inis.

Hindi ako nakasagot kay Karen. Bigla akong nakaramdam ng kaba sa isiping lolokohin ako ni Kevin. Para akong maiiyak isipin pa lamang iyon.

'Hindi pwede iyon! Nangako siyang hindi niya ako lolokohin!'

Nasundan pa ng nasundan ang mga araw na palaging ganoon si Kevin hanggang sa halos dalawang linggo na siyang hindi nagpaparamdam sa akin. Kahit ang pagte-text ay para bang hirap a hirap siyang gawin ngayon dahil maging iyon ay dumadalang na. Kapag tumatawag naman ako ay hindi niya sinasagot at kapag sinundan ko pa ulit iyon ng isa pang tawag ay hindi ko na siya makontak. Hindi ko naman siya mapuntahan sa condo niya dahil busy ako masyado sa school. Graduating na ako kaya maraming inaasikaso.

Ngayon ay mag isa ako sa condo dahil wala akong pasok. Sila Karen at Vera naman ay whole day ang klase. Tanghali na at naglilinis ako ng kwarto ko ng mapatingin ako sa calendar kong nakapatong sa study table. Kunot-noo kong kinuha iyon ng may mapansin. 

November 25 na ngayon. Sa marka ko roon ay kailangang November 4 ay nagkaroon na ako ng menstruation. Ibig sabihin ay tapos na dapat ako sa aking monthly menstruation pero wala pa rin hanggang ngayon. Nanlalambot akong napaupo sa swivel chair na naroon. Labis-labis na kaba ang nararamdaman ko. Hindi maari ito lalo pa't dalawang linggo ng hindi nagpaparamdam si Kevin. Ngunit nawala rin ang kaba ko dahil naisip kong wala naman akong nararanasang sintomas tulad ng pagkahilo at pagsusuka. 

Pero mukhang nagkamali ako.

Isang gabi ay nakaupo ako sa kama at pinag-aaralan ang tungkol sa presentation ko para bukas ng may kumatok sa pinto ng kwarto ko. 

"Pasok!" sigaw ko ng hindi inaalis ang tingin sa laptop na nasa kandungan ko.

"Inari, kakain na."

Napaangat ang tingin ko at nakita ko si Vera na nakadungaw lang ang ulo sa nakabukas na pinto at hawak niya ang doorknob. Ipinatong ko muna ang laptop sa kama at tumayo. Sabay kami ni Vera naglakad papunta sa kusina. Pero hindi pa man tuluyang nakakalapit doon ay napatakip na ako sa ilong ko at napasimangot ako dahil sa naamoy ko.

"Bakit ang baho?" nakangiwi kong tanong. Parang sumama ang pakiramdam ko sa mabahong iyon.. Nagtatakang napalingon sa akin si Vera.

"Ha? Wala naman, ah?" aniya na suminghot pa sa ere habang nakanguso. "Ang bango nga, e. Favorite mo ang niluto ni Karen kasi request mo raw."

Lalo lang sumama ang pakiramdam ko nang tuluyang makalapit sa lamesa at no'ng makita ko ang Garlic Butter Shrimp. Bigla kong naitakip sa bibig ko ang kamay ko dahil para akong nasusuka habang nakatingin sa ulam. Taka namang napatingin sa akin si Karen na nag-aayos ng mga pinggan sa lamesa kanina pero natigilan siya sa ginagawa dahil sa akin.

"Ang baho—" Napatakbo ako sa lababo ng makaramdam ng pagsusuka. 

"Inari!" sabay na sigaw ni Vera at Karen at parehong lumapit sa magkabilang gilid ko.

Duwal ako ng duwal pero wala namang lumalabas sa bibig ko at mas lalo no'ng pinapasama ang pakiramdam ko. Panay naman ang hagod nila sa likod ko.

"Anong nangyayari sa'yo, Inari?" nag-aalalang tanong ni Karen.

Nagmumog ako at humarap sa kanila pero naamoy kong muli ang ulam kaya napatakip muli ako sa ilong ko at napangiwi.

"Ang baho!" naiiyak kong sabi habang nakaturo sa lamesa. 

"Ha? Ano bang mabaho? Wala naman, ah?" takang tanong ni Vera.

"Ang baho ng ulam!" naiinis kong sabi habang nakatakip parin sa ilong ko kaya para akong ngongo kung magsalita.

Sabay silang lumingon sa lamesa at sabay ring muling tumingin sa akin. Bakas ang pagtataka sa mukha nila habang nakatitig sa akin. Maya-maya ay lumapit si Karen sa dining table at inilagay sa counter ang ulam at tinakluban iyon. 

"Okay na?" mahinahong tanong niya. Inalis ko ang nakaharang na kamay sa ilong ko. Nang wala ng maamoy na nakakasuka ay tumango ako bilang sagot. "Anong uulamin mo?" tanong muli ni Karen.

"May ulam na, ah?" naguguluhang tanong ni Vera.

Tumingin sa kanya si Karen at nagkatitigan sila. Para bang nakuha agad ni Vera ang nais iparating ni Karen sa isang tingin palang. Nakanganga siyang lumingon sa akin. "Buntis ka, Inari?" gulat niyang tanong habang nanlalaki ang mga mata.

"Ano?!" inis kong tanong. "Ano bang sinasabi mo?! Hindi ako buntis!"

"Hindi, Inari?" Napalingon ako kay Karen na palapit na muli sa amin. "Eh, bakit ganoon ang reaksyon mo kanina?" dagdag niya pa ng tuluyang makalapit sa amin.

Napatitig ako kay Karen at inisip ang pinupunto niya. Nanlalambot akong napasandal sa sink at napatulala sa sahig.

"Buntis ka, Inari?" nag-aalalang tanong muli ni Vera.

Napatingin ako sa kanila na parehong nag-aalalang nakatitig sa akin. "H-hindi ko alam," naiiyak na sabi ko habang umiiling pa.

Napahawak sa noo si Karen at nakatungong napapikit. Nang magmulat at mag-angat muli ng ulo ay sa akin muli siya tumingin. Tinitigan niya ako bago siya bumuntong hininga.

"Kailan ka pa huling nagkaroon?"

Umiling ako. "L-last month." Napanganga si Vera. "Noong a-kwatro pa sana ako nagkaroon pero w-wala parin," naiiyak kong sabi na na kay Karen ang paningin.

Napabuntong-hininga si Karen, "Magpacheck-up tayo bukas."

"Pero, Ren, wala akong symptoms na nararamdaman." Depensa ko pa kahit naiiyak na talaga ako.

Inakay ako ni Karen sa dining table at pinaupo. Umupo rin siya sa tabi ko at sa tapat naman namin pumwesto si Vera.

"Kahit wala kang nararamdamang sintomas ay kailangan mo paring mag pa-check up lalo na't delayed ka pala. Pati na rin sa nangyari kanina," malumanay na ani Karen habang nakatingin sa akin. Napabuntong-hininga siya. "Wala kaming morning class bukas. Sasamahan ka namin bukas sa OB Gyne."

Napatakip ako sa mukha ko gamit ang dalawang kamay nang tuluyan na akong mapaiyak. Hinagod naman ni Karen ang likod ko.

"Paano 'to? 'Di ba hindi nagpaparamdam si Kevin?" bakas ang pag-aalala sa boses ni Vera ng itanong niya iyon at lalo naman akong napaiyak dahil doon. Narinig ko pa ang pagtikhim ni Karen sa tabi ko at pagkatapos no'n ay iyak ko na lamang ang maririnig.

"Tahan na, Inari. Baka makasama sa'yo 'yan," ani Karen matapos ang mahabang katahimikan at ang matagal kong pag-iyak.

Pinilit ko ang sarili kong huminahon. Inabutan ako ni Vera ng tubig na ininom ko naman agad.

"Magpi-prito na lang ako ng hotdog at itlog para makapag hapunan tayo."

Tumayo si Karen at nagprito ng mai-i-ulam namin. Tahimik naman kami ni Vera na nakaupo sa lamesa. Kahit no'ng kumakain na ay tahimik pa rin kami. Si Vera na ang nagpresintang maghuhugas ng pinagkainan kahit ako naman ang naka-schedule na gagawa no'n ngayong araw.

Pumasok na lamang ako sa kwarto ko at humiga sa kama. Tumulo ang luha ko at napahawak sa tiyan ko. Nakaramdam ako ng habag para sa aking sarili habang iniisip na— paano kung buntis nga ako? Hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral. May limang buwan pa ako bago grumaduate. Hindi nagpaparamdam ang boyfriend ko na nakabuntis sa akin. Paano ko sasabihin kina mommy at daddy ang tungkol sa pagbubuntis ko? Una palang ay ayaw na nila kay Kevin pero hindi ko sila pinakinggan. 

Napahagulgol ako sa lahat ng naisip ko. Paano ako? Paano ang magiging baby ko kung sakali? Natatakot ako! Takot na takot! 

Sa sobrang pag-iyak ay nakatulog ako nang hindi ko namalayan at nagising lang ng maramdamang may tumatapik sa braso ko.

"Inari. . . Inari." Nagmulat ako ng mga mata at nakita ko si Vera na nakaupo sa kama ko. "Gising na raw. Kakain na."

Nilingon ko ang side table at tiningnan ang orasan na nakapatong doon. 7:35a.m. Nilingon ko muli si Vera. "Sige, susunod nalang ako."

Nakangiti siyang tumango at lumabas na ng kwarto. Tumayo naman ako at pumunta sa bathroom para magtoothbrush pagkatapos ay lumabas na rin ng kwarto at dumaretso sa kusina.

Nakaupo na roon si Karen at Vera. Umupo na rin ako sa tapat nila at tiningnan ang mga nakahaing pagkain. Mayroong rice, bacon, ham, sunny side-up egg, hotdog, bread at peanut butter. Nagtaka ako dahil walang fried rice. Hilig kasi ni Karen ang fried rice tuwing umaga.

"Hindi ako nag fried rice. Baka ayaw mo rin niyon," ani Karen habang naglalagay ng kanin sa pinggan niya. Para bang nabasa niya ang iniisip ko.

Naluluha akong napatitig kay Karen. Napatingin naman siya sa akin ng mapansin iyon. 

"Thank you, Ren," naiiyak kong sabi. 

Ngumiti siya at tumayo para lumapit sa akin. Pinunasan niya ang magkabilang pisngi ko gamit ang mga kamay niya.

"Huwag kang umiyak. Napakagandang regalo niyan para sa'yo, Inari," nakangiti niyang sabi habang hawak pa rin ang magkabilang pisngi ko. "Narito lang kami para sa'yo at ng magiging baby mo, Inari. Hinding hindi ka namin iiwan." Niyakap niya ako kaya lalo akong napaiyak. Maya-maya ay naramdaman ko na ring yumakap si Vera.

Napakahigpit ng mga yakap nila. Higpit na hindi nakakasakit. Higpit na ipaparamdam sa'yong hindi ka nag iisang haharap sa pagsubok na ibibigay sa'yo. Higpit na nakakapagpawala ng takot sa puso ko.

"Magiging Tita na ako!" masaya pang sabi ni Vera habang magkakayakap kami kaya natawa kami pareho ni Karen.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status