Share

Chapter 4

“SA ospital na lang,” ani Vera.

“Kay Tita Precious na dahil kakilala naman 'yon.” giit ni Karen.

“Iyon na nga, eh! Kakilala 'yon.” nakikipagtalong ani Vera.

“Eh, ano naman? Bakit, natatakot kang pagalitan niya si Inari?” Bakas na ang pagka-inis sa boses ni Karen. Matalim na ang tinging ibinibigay kay Vera.

Umismid si Vera. “Ah, basta sa ospital.”

Napahilot ako sa sentido at malalim na nagpakawala ng buntong-hininga. Pinag-uusapan lang nila kanina ang tungkol sa pagpapa-check up ko habang nag-aagahan kami hanggang sa magtalo na sila. Ang gusto kasi ni Vera ay sa hospital pero ang gusto naman ni Karen ay sa clinic ni Tita Precious— ang Tita niyang OB-Gyne.

“Mag pe-pregnancy test na lang muna ako,” singit ko sa pagtatalo nila kaya natigil sila at sabay na nilingon ako. “Iyon na lang muna ang gagawin ko,” dagdag ko pa. Agad na tumango naman sila pareho.

“Ako na ang bibili ng pregnancy test after nating mag breakfast,” presinta ni Vera.

Natahimik din ang lamesa pagkatapos niyon. Nang matapos kami sa pag-aagahan ay ako na ang nag hugas ng pinggan. Si Vera naman ay bumaba na para bumili ng pregnancy test.

“Kinakabahan ka?” tanong ni Karen na nasa likod ko at nagpupunas ng table.

Natigilan ako sa pagsasabon ng platong hawak at pinakiramdaman ang sarili. Hindi ko maitatanggi ang bigat doon dahil sa takot at sa napakaraming tanong.

Nilingon ko ang gilid ko nang lumapit si Karen at naghugas ng kamay. Nang matapos ay sumandal siya at tumitig sa akin.

“Natatakot ka?” malumanay na tanong niya muli.

Mabilis na nag-init ang mga mata ko. Napatungo ako dahil pakiramdam ko ay tutulo ang luha ko ano mang oras. Tuluyan ko nang naibaba ang sponge at pinggan. “O–Oo.” Takot na takot.

Narinig ko siyang bumuntong hininga.

“Dahil hindi nagpaparamdam si Kevin?” Tuluyang bumuhos ang mga luha ko dahil sa tanong niyang iyon. “Natatakot kang hindi ka niya panagutan?” Tumango ako nang paulit-ulit. “Kapag hindi ka ba niya pinanagutan ay itutuloy mo pa rin kung sakaling buntis ka?”

“Oo,” mabilis at walang pagdadalawang-isip kong sagot at luhaang nilingon siya. Nakangiti siyang tumango-tango at pinunasan ang mukha ko. “Hinding hindi ko idadamay ang inosenteng bata dahil lang natatakot ako, Ren. Wala siyang kasalanan,” dagdag ko at muli siyang nakangiting tumango.

“Salamat, Inari,” maliit ang ngiting aniya. “Salamat kasi ganoon ang naiisip mo. Alam ko namang hindi mo magagawa ang ganoong bagay. Pero minsan kasi sa sobrang takot na nararamdaman natin ay nakakapagdesisyon tayo ng bagay na hindi napapag-isipan nang mabuti. Kaya salamat dahil kahit sa kabila ng takot ay ganyan pa rin ang naiisip mo.” Muli niyang pinunasan ang mga luha ko na patuloy sa pagpatak. “Basta narito lang kami ni Vera. Sasamahan ka naming harapin ito.” Niyakap niya ako nang mahigpit pagkatapos sabihin ang mga iyon.

“Thank you so much, Ren. Hindi ko alam kung ano'ng gagaiwn ko kung wala kayo rito.”

Wala siyang sinabi pero mas humigpit ang yakap niya. Ngunit mabilis siyang napahiwalay sa akin nang marinig na bumukas ang pinto ng condo. Napaharap ako sa lababo at pasimpleng pinunasan ang mukha ko bago nagpatuloy sa paghuhugas.

“Oh, bakit nakabusangot 'yang mukha mo?” tanong ni Karen na lumapit nang muli sa lamesa.

Napalingon ako sa kanila. Nakita kong umupo silang dalawa ni Vera sa dining table. Nagpatuloy na muli ako sa paghuhugas habang nakikinig sa kanila.

“Nakakainis 'yong nagtitinda sa pharmacy! Bumili lang ako ng pregnancy test kung makatingin sa akin parang hinuhusgahan na ako. Bakit? Matanda na naman ako, ah?! Akala mo pitong taong gulang ang bumili sa kanya! Kainis!” reklamo ni Vera.

Saglit ko silang tiningnan at nakita ko ang hindi maipintang mukha ni Vera.

“May ganoon talagang tao. Hindi mo sila mapipigilan na mag isip ng kung anu-ano. At hindi mo dapat iniintindi ang mga ganoon dahil kapag inisip mo nang inisip ang mapanghusgang tingin ng mga tao ay nagpapatalo ka lang,” mahabang litanya ni Karen.

“Nakakainis kasi! Ang aga-aga nakakabadtrip!”

“Araw-araw kang may makakasalamuhang ganoong tao, Vera. Kung ganyan ka nang ganyan baka everyday badtrip ka? 'Di ba talo ka na agad doon?” ani Karen. “Baka pati sarili mo husgahan mo na rin dahil may nanghuhusga sa’ ‘yo. Huwag mo na lang pansinin ang ganoong tao kung alam mo namang wala kang ginagawang mali.”

Hindi na nakasagot si Vera. Basta nagsalita nang ganoon si Karen ay naiintindihan agad namin ang punto niya.

Si Vera kasi ang tipo na konting tingin ng tao ay iniisip niya. Kung pangit ba siya kaya ganoon siyang tingnan, kung baduy ba ang pananamit niya at kung may mali ba sa kanya. Kaya naman lahat iniisip niya bago niya gawin dahil takot siyang mahusgahan.

Maski ang pakikipagblind date ay hirap siyang gawin. Natatakot siyang mahusgahan kahit ng taong makaka-date niya. Pero noong naumpisahan niya ay nagbigay iyon ng confident sa sarili niya. Natutuwa siya kapag pinupuri siya ng nakaka-date niya. Kapag pinapadalahan siya ng mga ito ng text message after ng unang date nila ay masaya na siya. Pakiramdam niya nagustuhan siya nito kaya ganoon.

Pareho naman kami ng ugali ni Karen. Hindi namin iniintindi ang nasa paligid namin. Gagawin namin kung ano ang gusto at nakakapagpasaya sa aming dalawa. Iniisip kasi namin na hindi naman mawawala ang ganoong tao sa mundo. Iniisip rin namin na para bang isa iyon sa pagsubok sa ‘yo. Kapag nalampasan mo ang mapanghusgang isip at tingin nila ay panalo ka.

Nang matapos ako sa ginagawa ay lumapit na ako sa kanila at umupo sa tabi ni Karen. Kinuha niya ang paper bag at inilalabas mula roon ang binili ni Vera.

“Napadakadami naman nito?” gulat na tanong ni Karen nang makita ang limang pregnancy test na binili ni Vera. Iba’t ibang brand iyon. Maski ako ay natawa sa dami niyon. Sapat na kasi siguro ang dalawa.

“Eh, para sure.” Napapakamot sa ulong ani Vera.

Napailing na lang si Karen at iniabot sa akin ang pregnancy tests. “Oh, try mo na. Bilis!” excited na aniya.

“Ngayon na?” Sabay naming tanong ni Vera kaya napalingon si Karen kay Vera bago tumingin muli sa akin.

“Oo. Bakit?”

“'Di ba mas magandang i-try 'to sa umaga?” sabi ko.

“Oo nga. Pero…” Natigil siya sa pagsasalita at mukhang nag-isip pa saglit. “Eh, 'di maghihintay pa tayo ng bukas?” tanong niya at napatango ako. “Ano ba yan! Excited na pa man din ako!” reklamo niya.

“Magta-try na lang muna ako ng dalawa ngayon,” sabi ko at kumuha ng dalawa.

Pumasok ako sa kwarto ko at dumiretso sa banyo. Binuksan ko ang dalawang pregnancy test at ipinatong iyon sa lavatory sink. Umupo ako toilet bowl at sinimulan ang paggamit niyon. Nang pareho ko ng napatakan iyon ng urine ko ay nanatili akong nakaupo habang hawak ang pregnancy tests at nakatitig doon. Parang tinatambol ang puso ko habang hinihintay ang resulta niyon. Lalong lumala ang nararamdaman kong kaba nang unti-unting nagkaroon ng guhit doon.

Pinakiramdaman ko ang sarili nang makita ang resulta. Wala akong maramdamang pagsisisi. Napakasaya ng puso ko na para bang may humahaplos doon. Nakangiti akong lumabas ng banyo pero sumeryoso ako nang lumabas ng kwarto.

Nasa sala na sila Karen at Vera. Magkatabi silang nakaupo sa 3-seater sofa. Lumapit ako sa kanila at umupo sa isang single sofa.

“Ano?” Sabay nilang tanong.

Dahan dahan kong iniabot sa kanila ang pregnancy test. Sabay rin silang napatingin roon. Magkapatong pa iyon nang damputin ni Karen sa palad ko. Napatingin siya sa akin bago muling tumingin sa hawak niya. Sumilip naman si Vera nang paghiwalayin ni Karen ang mga iyon. Napanganga sila nang makita ang resulta ng parehong pregnancy test.

“Hindi ka buntis, Inari?” gulat na tanong ni Vera na nasa pregnancy test pa ang paningin. Nakangiwi siyang nilingon ni Karen kaya napatingin siya rito. “What?”

“Dalawang guhit, 'di ba?” Nalilitong tumango naman si Vera. “Eh, di positive!”

“Ha?” Muling tiningnan si Vera ang hawak ni Karen. Lumiwanag ang mukha niya nang may mapagtanto. “Ah, oo nga pala! Gosh! natatawa ng ani Vera.

“Ano’ng balak mo?” Baling sa akin ni Karen. ”Magpapacheck-up na tayo bukas? Sabado naman bukas kaya masasamahan ka namin.”

Tanging tango ang isinagot ko. May kaunting kaba para sa checkup bukas.

Pagkatapos ng pag-uusap ay pumasok na kami sa kanya-kanyang kwarto at naghanda sa pagpasok. Puro afternoon class ang klase namin ngayon. Nang matapos ako sa ginagawa ay umupo muna ako sa kama at tinawagan si Kevin. Panay lang ang ring niyon at walang sumagot sa kabilang linya hanggang sa namatay ang tawag. Nakatatlong ulit pa ako pero wala pa ring sumasagot.

Kahit noong nasa biyahe papasok ng university ay tinawagan ko pa rin si Kevin. Kahit tuwing breaktime at vacant time ko. At maski noong gabi at bago matulog ay ginawa ko iyon pero wala talagang sumasagot. Hindi ko gawain ang mag flood texts at calls. Ginawa ko 'yon dahil kailangan ko siyang makausap. Kailangan niyang malaman ang kalalagayan ko. Pero dahil hindi niya sinagot isa man sa mga tawag ko ay wala na akong ibang choice. Kailangan ko na siyang puntahan sa condo niya.

Kinabukasan ay alas sais ako nagising. Pupunta na sana ako sa banyo para maghilamos nang makita ko sa study table ko ang tatlong pregnancy test. Dinampot ko iyon bago dumiretso sa banyo. Katulad kahapon ay sinunod ko lang ang instructions doon. At katulad kahapon ay ganoon pa rin ang resulta. At tulad ng nagdaang araw, wala akong pagsisising nararamdaman. Natatakot ako, oo, pero hindi niyon matanggal ang sayang nararamdaman ko.

Magkakababy na ako!

Lumabas ako ng kwarto at naabutan si Karen na nagluluto ng breakfast. Nagtitimpla naman si Vera ng kape at gatas.

“Oh, gising ka na pala,” ani Karen nang makita ako habang naglalagay siya ng isang plate ng pancakes sa lamesa. Natakam ako nang makita ko iyon kaya agad akong kumuha at kumain. Natawa naman si Karen sa akin. “Wala pang syrup.”

Umiling lang ako dahil puno ang bibig ko.

Naglagay pa ng rice, longganisa at scrambled egg sa lamesa si Karen bago umupo. Natapos na rin si Vera sa pagtitimpla kaya dinala na niya iyon sa lamesa at umupo na rin. Inilagay niya sa tapat ko ang tasa ng gatas at parehong kape naman sa kanila ni Karen.

“Kumain ka ng kanin, Inari,” nag-uutos ang tonong ani Karen nang kumuha ako ng panibagong pancake. Pang-apat ko na iyon. Tumango lang ako at nagpatuloy sa pagkain ng pancake. “Sarap na sarap ka riyan, ah,” natatawa pang aniya.

“Akala ko ba sawa ka na riyan?” nakangising tanong ni Vera.

Hindi ako sumagot sa kanila. Patuloy lang ako sa pagkain. Ganang gana ako sa pancake ngayon. Para bang iyon ang pinakamasarap na pancake na natikman ko.

Pagkatapos naming mag-agahan ay bumalik na ako sa kwarto ko at naghanda para sa pag-alis namin. Nagsuot lang ako ng grey bodycon dress at white converse shoes. Bitbit ang black shoulder bag ko ay lumabas na ako ng kwarto. Naroon na sa sala si Karen na abala sa cell phone nito.

“Ka-text mo si Nikolaj?” tanong ko nang makaupo ako sa tabi niya.

Pagkatapos ng date sa Tagaytay tatlong buwan na ang nakararaan ay hindi na nasundan pa iyon. Ani ng mga ito ay hindi na sila kailanman makikipagblind date. Nagpatuloy ang communication ni Nikolaj at Karen pati na rin si Owen at Vera. Kay Kaiden naman ay wala akong balita. Hindi naman kasi kami nagkahingian ng cell phone number ng isa’t isa bago umuwi nang gabing iyon.

“Oo,” tipid niyang sagot na hindi ako nililingon.

Napatitig ako sa kanya. Marahil ay naramdaman niya iyon kaya nilingon niya ako.

“Bakit?” nagtataka niyang tanong.

Umiling ako at pilit na ngumiti. “Parang may nagbago lang kasi. Noon kasi mabanggit pa lang ang pangalan ni Niko ay nakangiti ka na,” seryoso kong sabi. Napabuntong-hininga siya at pilit rin na ngumiti.

“Hindi ko alam,” aniya na nilaro-laro ang mga daliri. “Alam kong gusto ko siya o baka nga higit pa roon. Kaso hindi ko alam kung bakit parang may nagbago sa nararamdaman ko.” Tumingin siya sa akin at malungkot na ngumiti. Nangingilid na ang luha niya sa mga mata. “O baka nakukulangan lang ako? Hindi pa siya handang pumasok sa relasyon. Sumubok lang naman siya sa blind date na iyon para maituon sa iba ang atensyon niya. Ka-be-break lang kasi nila ng ex-girlfriend niya last year at hanggang ngayon ay mahal niya pa rin 'yon.”

Malungkot akong tumitig sa kanya. Alam ko na ang tungkol sa mga sinabi niya. Isang buwan pa lang makalipas ang date ay sinabi na iyon ni Nikolaj sa kanya. Iniyakan iyon ni Karen habang iki-nu-kwento sa amin noon habang umiinom.

“Hindi ko alam kung kaya kong maghintay. Mahirap maghintay sa taong walang kasiguraduhan kung kaya bang suklian ang nararamdaman mo. Gusto ko na siyang iwasan pero hindi ko kaya.”

Tumungo siya. Nanikip ang dibdib ko nang makita ko ang sunud-sunod na pagpatak ng mga luha niya..Lumapit ako sa kanya at patagilid siyang niyakap. “Ren, alam kong masakit ang nararamdaman mo. Pero kung ano ang alam mong tamang gawin ay iyon ang sundin mo. Kung mas makakabuti ang iwasan siya para hindi ka na masaktan ay gawin mo. Pero huwag kang gagawa ng desisyon na pagsisihan mo.” Hindi na siya sumagot. Tumango lang siya sa sinabi ko habang mahinang humihikbi. Nanatili akong nakayakap sa kanya habang hinahagod ang kanyang likod. Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha.

Malalampasin din natin ang lahat ng ito, Ren. Tiwala lang!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status