Share

Chapter Nine: Ghost

Wala sa loob na ipinatong ni Elaine ang papel na inihatid ni Tan sa kanya kanina. Nakaupo na siya sa kama habang nakasandal ang likod sa headboard. Sinulyapan niya ang wall clock. Kagaya ng dati, mag-uumaga na pero dilat na dilat pa rin siya.

She took a pill for her insomnia a few hours ago pero pakiramdam niya, hindi siya lalo dadalawin ng antok nang mabasa ang nilalaman ng papeles na pinapapirmahan ni Tan. Umangat ang isang sulok ng bibig niya. Ipinatong ang papeles sa side table, saka in-adjust ang sarili para mahiga.

Akala niya matatapos na sa pagpirma ng prenuptial agreement ang lahat. Pero bukod doon, may ilang kondisyon pa ang asawa.

Lilipat sila ng bahay. Hindi siya nito ititira sa mansiyon but she would be staying with him sa anim na buwang durasyon ng kasal. Walang violent reaction doon si Elaine. The best and fastest way to win his heart over was to live with him. Regardless kung saan siya nito ititira.

Para maiwasan ang pagpapanggap bilang normal na mag-asawa, hindi magha-hire ng housemaid si Tan. Ibig sabihin, siya ang magmamantini at gagawa ng mga gawaing-bahay. That was fine. Marunong naman siyang maglinis at maglaba. May internet din at mga cooking show sa YouTube para sa pagluluto.

Hanggang maaari, hindi gusto ni Tan na magkrus palagi ang kanilang mga landas tuwing nasa labas. Ayaw nito na makialam siya sa personal space nito at buhay. Sa papel lang sila kasal. Pera ang kapalit ng anim na buwan niyang pagiging Mrs. De Marco, hindi affection o atensiyon nito.

They wouldn’t be sharing the same room. Gusto nitong tuwing nasa bahay, magpanggap siyang multo na hindi nito mararamdaman.

After the contract expires, babalik sila sa normal nilang buhay. But that was only applicable to Tan.

Tumagilid si Elaine ng higa. Huminga siya nang malalim. Kung wala si Tan, mananatiling kulang at hindi normal ang buhay niya.

Ipinikit niya ang mga mata. In Tan’s eyes, she would always be the cruel ex-wife who left him after taking his millions. But she wouldn’t lose hope. Naniniwala siyang isang araw, matutunton din niya ang daan pabalik sa puso ni Tan.

“Bukasang dating ng stocks. Natawagan ko na ang supplier,” sabi ni Elaine kay Anne. Iniabot niya rito ang papeles na inaprubahan at napirmahan na niya. “Make her sign these papers kung dumating si Mrs. Efferstein nang wala ako.”

“Hindi ka papasok bukas?” tanong nito.

Ngumiti siya. “Lilipat na ‘ko sa bahay na binili ni Tan mamayang gabi, Anne. For sure, marami-rami akong aayusin. Magsha-shopping ako ng furnitures at iba pang gamit.”

Tumango si Anne, ngumiti. “Congratulations, Ma’am. Sabihan mo ako nang mas maaga kung kailan ang housewarming para makapaghanda ako ng bibitbitin.”

“Oo naman. Sasabihan kita. Isama mo ang boyfriend mo para makilala ko naman.”

Kakaupo lang ni Elaine sa upuan niya sa counter nang mapatingin siya sa glass wall. Nakilala niya agad ang bulto ng lalaking nakasuot ng dark shades at naglalakad papunta sa boutique. Nataranta siya. Mabilis siyang nagpatihulog sa swivel chair at nagtago sa ilalim ng desk.

“Kapag hinanap ako, sabihin mo, hindi ako pumasok,” bilin niya kay Anne na takang-takang sumilip sa kanya.

Kagat-kagat niya ang labi habang nakasiksik sa mesa. Si Marco na naman. Bakit ba pabalik-balik ang pulis na ‘to sa Ainsdale? Wala pa rin siyang mukhang ihaharap dito pagkatapos nitong ma-witness ang pagsampal sa kanya ni Mrs. Crisostomo.

“Hi, Sir. How may we help you today?” dinig niya ang parang memorized na linya ni Anne tuwing may dumarating na customer.

“Ang boss mo?”

Ngumuso siya. At siya talaga ang unang hinanap?

“Siya kasi talaga ang sadya ko.”

Nagsalubong ang mga kilay ni Elaine. Ano naman ang sadya ng mokong na ‘to sa kanya?

“Ah…”

Napangiwi siya, nabitin na kasi si Anne sa “Ah.” Hindi pa ito papasang accomplice niya.

“Hindi nakapasok si Ma’am Elaine, Sir. But maybe I can be of help. Anong brand at size po ang hinahanap n’yo?”

At last, naapuhap na ni Anne ang boses.

Elaine restrained her ears. Wala siyang narinig na sagot mula sa lalaki. Idinikit niya ang tainga sa katawan ng desk. Umalis na kaya ito?

Did he really go there just to see her? Wala itong balak mamili?

Kahapon, hindi nakabili ang lalaki. Marahil napansing uncomfortable siya na naroon ito kaya nagpaalam na aalis at babalik na lang pagkatapos ng komosyon. Hindi niya alam na magaling tumupad ng pangako ang hudyo, wala pang twenty-four hours, bumalik nga.

“Punyeta ka!” gulat niyang sabi nang walang ano-anong sumungaw ang nakangiting mukha ng pulis sa gilid ng desk.

Marco’s smile broadened. “Ano’ng ginagawa mo diyan?”

Nakagat ni Elaine ang dila. Nag-iinit ang kanyang mukha sa katangahan.

“Ang ganda mo lalo ‘pag namumula ka.”

Inirapan niya ito. “I told you to stop hitting on me. Taken na ‘ko. Hindi uubra sa akin ang pagpapalipad-hangin mo.”

Ngumisi si Marco. Noon lang niya napagtuunan ng pansin ang hitsura nito. He looked decent and neat, siguro dahil maputi ito at magarang manamit. He was handsome, may malalim na dimple sa kanang pisngi na lumilitaw tuwing ngumingiti.

She realized that he was about five feet and eleven inches tall, kasintaas halos ng height ni Tan. But in her eyes, this man would always pale in comparison to her husband.

She shook her head. What was she thinking comparing this man to Tan?

“My fiancée will get jealous if you keep on staring.”

“Excuse me?”

Amused na ngumiti si Marco. He reached out his hands to her.

Natitigilang napatitig doon si Elaine saglit. Why was this man being gentle and kind to her now?

Tumangging humawak sa kamay ng kung sino, mag-isang lumabas ng pinagtataguan si Elaine. Gusto niyang kutusan ang sarili. Bakit ba kasi niya naisipang sumuksok sa ilalim ng desk?

Patay-malisyang bumalik siya sa pagkakaupo sa swivel chair. Nagkunwari siyang inaayos ang dati nang maayos na pile ng papel sa mesa. Kinausap naman ni Marco ang assistant niya.

“Thank you for the offer, Anne. Pero ka-size kasi nitong boss mo ang magiging misis ko. Mas madali kung sa kanya isusukat ang mga damit na pagpipilian ko.”

Natigilan si Elaine. Hindi makapaniwalang napatitig siya kay Marco. Seryoso ba ito?

Iritableng bumuntong-hininga si Elaine. Hinubad niya ang suot na dress para palitan ng unang damit na napili ni Marco. The brute picked two white maxi dresses and two blouses. Galanteng fiancé ang lalaki. Ang pinakamahal na brand na ino-offer ng Ainsdale ang napili nito.

So, he was really getting married. Ang sabi nito, surprise para sa mapapangasawa ang mga damit na bibilhin. Ang haba ng buhok ng girl, pero hindi siya maiinggit.

Then she thought of Tan. Dati, palagi ring may uwing damit at regalo para sa kanya ang lalaki. Gaya kay Marco, hindi rin problema kay Tan ang presyo ng binibili.

Ipinilig ni Elaine ang ulo. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin sa loob ng fitting room. Bagay sa maputing kompleksiyon niya ang lampas tuhod na damit. It was a floral multiprint minidress. Saktong-sakto sa katawan niyang slim.

Hinawi niya ang makapal na kurtina bago lumabas ng fitting room. Bumungad sa kanya si Marco na nakaupo sa couch paharap sa fitting room. Nag-angat ito ng tingin mula sa busy na pagbabasa ng kung ano sa cell phone.

Pinasadahan siya nito ng tingin, ngumiti. Then he lifted his hand and took a photo of her bago pa siya maka-react.

“What’s that for?” angal niya.

“Ipapadala ko sa maid of honor para tulungan akong makapagdesisyon. Huwag kang mag-alala, bibig mo lang pababa ang makikita nila.”

“Pero wala sa usapan…”

Humalukipkip si Marco. Nag-cross legs. “Next please.”

Napilitan si Elaine na bumalik sa loob nang iabot sa kanya ni Anne ang naka-hanger pang damit.

Kinunan ng lalaki ng picture ang bawat labas niya ng fitting room. Sa dalawang una lang siya umangal, iyong mga sumunod ay hinayaan na lang.

Marco bought all four clothes using his card. Lahat daw kasi ay nagustuhan ng maid of honor. Iniabot niya sa lalaki ang paper bag kung saan niya isinilid ang mga pinamili nito.

“Wala akong cash, gusto ko sanang magbigay ng tip.”

“Hindi na kailangan, happy to help,” tanggi ni Elaine.

“How about I treat you to dinner para ma-compensate ka at makabawi ako?”

“Parang ang dami mong time bukod sa marami kang pera. Pulis ka ba talaga?” nakaangat ang isang kilay na tanong niya. Pansin niya, parami nang parami ang mga good-looking na pulis nowadays.

“Kung gusto mo ‘kong mas makilala, bakit hindi ka pumayag sa dinner? Marami pa akong puwedeng ikuwento tungkol sa ‘kin.”

Tumikwas ang kilay niya. Ito pa lang ang lalaking nakikilala niya na ikakasal na at lahat, nakuha pang mag-alok ng dinner date sa ibang babae. Iba rin.

“Lilipat ako ng bahay ngayon. Kaya thanks but no, thanks.” Bago pa makapagprotesta ang lalaki, yumukod na si Elaine sa harap nito. “Thank you for your purchase, Sir. Please come again.”

“Ayaw mo ba talagang ihatid ka namin?” tanong ni Macon sa kabilang linya.

Ikinakarga ni Elaine ang dalawang maleta sa likod ng kotse niya. Nakaipit ang cell phone sa pagitan ng kanyang balikat at tainga. “Huwag na. Iimbitahan ko na lang kayo sa housewarming. Sige na.”

“Ikaw ang bahala. Mag-iingat ka.”

“Ahm, Macon… Si Mang Chito, alam ba niya?”

“Na kasal ka na uli kay Tan?”

“Ano’ng reaksiyon niya?”

“Wala. Bukod sa ‘Sisirain na naman niya ang buhay niya.’”

Huminga si Elaine nang malalim. Was she really about to ruin her life again? Hindi. Nakahanda siya sa mga puwedeng mangyari. Wala siyang sisirain, may bubuuin siya.

Isinara niya ang trunk ng kotse, saka umikot papunta sa driver’s seat at sumakay. Inayos niya ang pagkakahawak sa cell phone.

“Sabihin n’yo na lang na nagkasundo na kami ni Tan,” bilin niya, saka tuluyan nang nagpaalam.

Bago mag-alas-tres ng hapon, umuwi na si Elaine para mag-impake. Nai-text na ni Tan sa kanya kanina ang address ng bahay na nabili nito sa Makati.

She checked the time on her wristwatch. Five minutes to eight in the evening. Baka bago mag-alas-diyes, kung walang traffic ay makarating siya sa destinasyon.

Nag-Waze siya para makarating sa address pero nagtaka siya na imbes na sa isang safe at malinis na daan, habang papalapit sa pupuntahan ay nagiging bako-bako ang daan.

A few minutes later, ipinaparada na ni Elaine ang kotse sa harap ng kinakalawang na gate ng isang lumang bahay. Mula sa kinaroroonan, tanaw niya ang bahay mula sa awang ng gate.

Hindi makapaniwalang bumaba siya ng kotse. Sumilip siya. Isang palapag ang bahay. Hindi niya alam kung exaggerated lang siya o ano but the old house would more likely to collapse kung tatamaan ng magnitude four pataas na lindol.

Idinayal niya ang numero ni Tan.

“Hello?” bati niya when he picked up her call. Walang sagot sa lalaki kaya nagpatuloy siya. “Nandito na ‘ko. But can you double check if tama ang naibigay mong address?”

“You arrived in the right place,” siguradong sagot ng lalaki.

“But… how can you be so sure? Hindi condo o apartment unit ang napuntahan ko.”

“The gate is open. Pumasok ka sa loob.”

Nagulumihanan si Elaine. Sinubukan niyang itulak ang pinto just as he ordered. He was right. It opened. Hesitant, humakbang siya papasok. May ilang hakbang na pathway papunta sa main door.

Bumukas ang lumang pinto ng bahay. Nakita niya ang aninong humahakbang palabas. Si Tan. Nakasuksok ang isang kamay nito sa bulsa ng suot na slacks. Kagaya niya, nakadikit din ang cell phone nito sa tainga.

Their eyes met. It can’t be…

When he smiled, her heart started to pound. Hindi, hindi sa kung ano pa man…

Ang mga titig ni Tan, sumusumpa ng anim na buwan niyang paghihirap at pag-iyak.

Kayanin kaya niya?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status