Share

Psycho 1.2

(Continuation of chapter one)

Tanya’s POV

Nakatingin siya sa akin na walang emosyon. Nagulat ako sa biglang pagtakbo niya sa corridor papalayo. Hindi ko alam ngunit kusang kumilos ang mga paa ko upang habulin siya. 

May kalakihan ang pagitan ng dalawang gusaling ito kaya inabot ako ng halos isang minuto upang makapunta roon. Napatigil ako sa pwestong kinatatayuan niya kanina at nakita ko siya sa kanto ng hallway na nakatayo at nakatingin sa akin.

At muli nanaman siyang tumakbo pakanan. 

Hinabol ko siya.

“Sandali!” sigaw ko sa kanya na hindi tumitigil sa pagtakbo. 

Walang tao sa bawat hallway na madadaanan ko dahil lahat sila ay nasa labas. Muli siyang lumiko sa kaliwang daan kaya naman sinundan ko siyang muli. 

Pagliko doon ay ito na ang wakas ng corridor. Ngunit biglang lumakas ang kabog ng aking dibdib nang makitang bukas ang gate sa dulo nito. Ang gate na ito ay palagi lamang naka kandado dahil ito ay daan na papunta sa sementeryo ng ospital kung saan nakalibing ang mga namatay na pasyente, doktor, at nurse.

Ngunit ang lalong nakapagpakilabot sa akin ay ang malamig na simoy ng hangin na nakapagpataas ng aking mga balahibo. Ito ang dahilan kung bakit bahagyang gumalaw ang gate na bukas at narinig ko ang pagkalansing ng kadenang nakalagay dito.

May takot mang nararamdaman ay dahan-dahan akong naglakad papunta doon. 

Isang hakbang.

Dahan-dahan.

Dalawang hakbang.

Nanginginig ang mga kalamnan ko.

Limang hakbang.

Ni hindi ko magawang kumurap.

Konting hakbang na lamang ay mararating ko na ito. Nakahanda na ang aking sarili sa maaaring masaksihan. Tatlong hakbang na lamang ay abot-kamay ko na ito. 

Konti na lang…

Hahawakan ko na ang gate na kalawangin. 

Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang lumapat na ang balat ko sa malamig na rehas ng gate na ito at halos hindi ko na makuha pang huminga ng normal dahil sa kakaibang nararamdaman. 

Bubuksan ko na ito nang…

“Anong ginagawa mo?”

Napahawak ako sa aking dibdib at halos mapasigaw sa kaba nang biglang may sumulpot na batang babae sa aking likuran. Nakasuot siya ng blouse na pula, maong na short, pink na rubber shoes, at ang buhok niya ay naka-ponytail.

“S-sino ka?” utal kong tanong sa kanya.

“Ako si Lea, ikaw? Sino ka? At anong ginagawa mo?” dire-diretso niyang tanong sa akin. Para siyang matandang makipag-usap sa akin ngunit mukha lamang siyang labing dalawang taong gulang na bata. 

Napunta ang tingin ko sa gate.

“A-ano, isasara ko lang.” Mabilis kong kinuha ang kadenang may kandado at kaagad na sinarado ito. Kabilin-bilinan ni Doktor Osmenia na bubuksan lamang ito kapag kailangan. 

Pagkasara ko nito ay bigla akong napahiyaw dahil sa paghawak niya sa aking kamay. Nagtatakha naman siyang tumingin sa akin habang nakakunot ang noo.

“Ang OA mo. Nahawa ka na ata sa mga pasyente mo.” Hinila niya ako at naglakad na kami papalayo dito. Muli kong sinulyapan ang gate at nagulat ako dahil bukas na ulit ito. Teka, isinarado ko naman ng maayos ‘yon ah. Hindi ko na ito pinansin at nagpatianod na lamang sa batang may hawak sa akin ngayon.

---------

“Anong pangalan mo?” tanong ni Lea habang magkasabay kaming naglalakad sa malawak na field. Hindi na din siya nakahawak sa aking mga kamay at simple lamang kaming nagkukwentuhan mula pa kanina.

“Ako si Nurse Tanya, kung naiilang ka naman, Ate Tanya na lang.”

“Matagal ka na bang nagtatrabaho dito?”

“Hmmm… hindi naman masyado. Tatlong taon pa lang. Ikaw? May binibisita ka ba dito?”

“Yes.”

“Sino?”

Tumigil siya sa paglalakad kaya naman napahinto din ako. Nakatingala siya sa akin dahil maliit lamang siya. Ang parehong kamay niya naman ay nasa likuran.

“Someone close to me,” saad niya. Napatango ako dahil doon. 

“Sinong kasama mong pumunta dito?” Bahagya siyang natahimik sa aking tanong at mistula bang nag-iisip habang nakatingin sa langit. Napaka cute niya! Ang dimples niya sa magkabilang pisngi ay lumalabas kapag ngumingiti siya.

“Ako lang ata.” Natawa naman ako sa naging sagot niya. Pinisil ko ang pisngi niya at hinakawan naman niya ang mga kamay ko na pumipisil sa mataba niyang pisngi.

“Ikaw talaga—“

“Ahhhhhhhhhhh!” 

Pareho kaming napalingon sa pinanggalingan ng malakas na sigaw at sa tingin ko ay nagmula ito sa pangalawang palapag ng gusali ng ospital. Ang mga tao sa field ay napatigil din sa kanilang activity at iisa lamang ang pinapahiwatig ng mga mukha.

Pag-aalala.

Ang lahat ng doktor at ang ibang nurses ay kanya-kanyang tumakbo papasok ng building habang ang ibang nurse ay naiwan dito upang bantayan ang mga pasyente. Maging ako ay napatakbo na din papasok. Hindi na ako nakapag paalam kay Lea dahil na din sa aking kuryosidad.

Pagpasok ko doon, sumalubong sa akin si Grace na kapwa nag-aalala din.

“Anong nangyari?” tanong ko sa kanya nang makalapit ako.

“Hindi ko din alam. Pero pakiramdam ko, si Madel ‘yong sumigaw.”

Sabay kaming napatakbo papunta sa hagdan at nagmamadaling umakyat dito. Ang tinutukoy niya ay ang katrabaho naming nurse na babaeng mataba at madalas na naa-assign sa pangalawang palapag ng ospital.

Ang lahat ay kanya-kanyang takbo sa hagdan, ang iba naman ay sumakay ng elevator. Nakarating kami ni Grace sa pangalawang palapag at agad naming nakita si Madel na nakatayo sa harapan ng isang kwarto. Nakatulala siya doon at halos hindi mawala ang mga titig dito.

“Madel! Anong nangyar—“ Napatigil sa kanyang sasabihin si Grace.

Pareho kaming nagulat sa nakita sa loob ng kwarto. Napahawak ako sa aking bibig at tumulo na ang aking mga luha mula sa mata.

Ang isang babaeng pasyente ng ospital ay nakahandusay na sa sahig habang naliligo sa sarili nitong mga dugo. Ang mga lamang loob nito ay nasa sahig na din dahil ang tiyan niya ay wasak na wasak na. 

Masangsang.

Nakakasulasok ang amoy dito. 

Ang dugo sa sahig ay sariwang-sariwa pa at mukhang hindi pa nagtatagal ng isang oras. Sa pader ay kitang-kita ang marka ng dugong korteng kamay at mukhang sinubukan niyang lumaban sa kung sino man ang nakagawa ng karumaldumal na krimeng ito.

“Oh my God, Tan,” mangiyak-ngiyak na banggit ni Grace at saka isinubsob ang mukha sa aking balikat habang nakayakap sa akin. Niyakap ko din siya at pilit kong pinapatahan. 

“Excuse me.” Dumating na ang ibang nurse ng ospital maging ang mga doktor ay isa-isa na ding nagsipasok sa kwarto at ininspeksiyon ang bangkay. Maging sila ay napapahawak sa bibig at pinipigilang masuka sa nakikita at naaamoy.

---------

“Sino po ang huling kasama ng biktima?” tanong ng isang member ng SOCO kay Madel. Madami na ding mga pulis ang nandito sa ospital at gumagawa din ng pag-iimbistiga sa pinangyarihan ng krimen.

“A-ako po. Pagkatapos ko po siyang pakainin kanina, binalikan ko p-po siya para s-sana sa activity ng ospital. P-pero nang buksan ko po ang kwarto n-niya, nakita kong wala na siyang buhay,” saad ni Madel at bigla na lamang napaiyak habang yakap-yakap si Grace.

Isinulat naman ito ng lalaki at saka na nagpaalam sa amin. 

Nagpaalam ako kay Grace na lalabas lamang ako para magpahangin kaya naman naglakad na ako papunta sa malawak na field. This is the first time na nagkaroon ng ganitong insidente dito. High-tech naman ang security ng ospital ngunit bakit napasok pa din ng masasamang loob?

Napatingala na lamang ako at nagbuga ng malalim na hininga habang nakahawak sa aking bewang.

Pagmulat ko ng aking mata ay hindi nakaligtas dito ang kwarto sa ikaapat na palapag ng building. 

Nakabukas ang bintana nito.

Nakatayo siya doon habang nakatanaw sa akin.

Si Devin.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Mulan
is it what Devins said to Tanya? Demons me gawa? suspense nga
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status