Share

Psycho 2.1

Tanya’s POV

“Natagpuan ang labi ng isang pasyente na itago na lamang natin sa pangalang Cora sa Osmenia Mental Hospital o mas kilala bilang OMH. Ayon sa nakasaksi, pagkatapos umano ng umagahan nito ay muli niya itong binalikan upang yayain sa activity ng ospital ngunit ito na nga ang bumungad sa kanya.”

Laman na ng telebisyon at social media ang nangyari kahapon. Hindi pa din mawala sa aking isipan ang hitsura niya nang madatnan namin siya sa kanyang silid.

Duguan.

Wala ng buhay.

Pinatay ko na ang TV at saka ko na inubos ang kinakain kong cerial na may gatas. Nandito pa ako sa aking condo, mabuti na lamang ay palagi akong maaga nagigising kahit na puyat ako sa gabi. Hinugasan ko na ang pinagkainan ko at saka muling tumingin sa salamin upang tingnan ang sarili.

“Good day at work… I hope so,” bulong ko sa aking sarili at kinuha ko na ang hand bag ko sa lamesa sa sala. Akmang bubuksan ko na ang pintuan ng aking unit nang may marinig akong kumaluskos sa may kusina.

Ano ‘yon?

Wala naman akong naaalalang may alaga akong aso o pusa dito. Mag-isa ko lamang na nakatira sa condo na ito. Napagdesisyonan kong tingnan ito dahil baka may daga lamang. Ngunit bakit iba ang sinasabi ng kaba ko sa dibdib?

Dinig ang takong ko sa buong unit habang maingat na naglalakad papuntang kusina. 

Maingat.

Dahan-dahan.

*dug, dug, dug, dug

Napalunok ako habang konting hakbang na lamang ay mararating ko na ito. Tanging ang pagtibok ng aking puso ang aking naririnig dahil sa sobrang tahimik na condo. 

Heto na.

Narating ko na ang kusina.

Ngunit wala akong nakitang kakaiba. Inilibot ko ang paningin sa buong kusina ngunit wala akong nakita. 

Maliban sa…

Bukas na gripo at napakalakas na paglabas ng tubig mula dito. Kaagad akong naglakad papunta sa lababo at saka ito pinatay. Napaka mahal ng tubig, jusko. Nakalimutan ko bang patayin pagkatapos kong maghugas? Parang hindi naman.

*vibrate

Naramdaman ko ang pagtunog ng cellphone ko mula sa aking bag kaya naman kaagad ko itong kinuha upang tingnan kung sino ang nagpadala ng mensahe. 

From: Grace

[Hoy babae! Gutom na ang mga patients mo, nasaan ka na? Aabutin ka pa ba ng bandila?]

Napairap na lamang ako dahil sa text ni Grace. Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone at nakitang 6:15 pa lamang. Ito talagang babaeng ‘to. Masyadong atat ang aga-aga pa naman. 

Naglakad na ako muli papuntang pintuan at tuluyan nang lumabas. Tinipa ko na ang aking code sa pintuan bago na tuluyang umalis at sumakay sa elevator. Excited ako ngayon dahil ang paborito kong pasyente ang aalagaan ko ngayong umaga. 

--------

“Dahan-dahan lang po, lola.” Akay-akay ko ngayon si Lola Sonya habang naglalakad kami papunta sa malawak na lote ng ospital kung saan may mga bench sa gilid upang maupuan. Hawak ko ang kaliwang kamay niya habang ang isang kamay ko ay nakahawak sa bewang niya upang patnubayan ang bawat hakbang niya.

Nakarating kami sa malapit na bench at saka ko siya inalalayan sa pag-upo. May katandaan na kasi siya at halos hindi na din makalagad. Kaya naman ang kwarto niya ay nasa unang palapag lamang upang hindi na siya mahirapang sumakay sa elevator o maglakad sa hagdan.

“Salamat hija.” 

Tumabi ako sa kanya at saka ko siya nginitian. Hinawakan niya ang kaliwang kamay ko at saka ito hinaplos-haplos. Siya si Sonya Cruz, ang matandang pasyenteng matagal ko nang inaalagaan. Actually, siya ang unang pasyente ko noon.

“Lola, magkwento po kayo ulit,” wika ko na parang isang batang nais makarinig ng kwento mula sa kanyang mahal na ina. 

Bahagya siyang natawa at saka tumingin sa kawalan. 

“Narinig mo na ba ang kwento ng ospital na ito, Tanya?” tanong niya. Dahil matanda na ay wala itong ngipin kaya naman medyo hirap ito sa pagsasabi ng mga salita. Umiling ako.

“Hindi pa po, lola.” 

Sandali kaming nabalot ng katahimikan at tila ba inaalala niya ang mga nagdaang panahon na lumipas at ang mga naranasan niyang mga bagay dito. Maya-maya lamang ay nagsimula na siyang magkwento.

“Taong 1980, naitayo ang ospital na ito. Ngunit hindi talaga ito ospital noong unang panahon.” Saglit akong napakunot ang noo. Mukhang magugustuhan ko ang kwento ngayon ni lola.

“Iisa pa lamang ang gusali na nakatayo dito. Iyan,” pagpapatuloy niya at saka itinuro ang gusaling nasa harapan namin. Pinagmasdan ko ito. Base sa aking obserbasyon ay halatang luma na nga ito dahil sa kulay na mukha ng vintage.

“Ang gusali na iyan ay dating laboratoryo ng mga propesyonal na mga siyantipiko noong araw. Ito ang pinaka sikat na gusali noon, hanggang ngayon naman ngunit iba ang pangalang itinatawag dito.” Ngumiti siya ng mapakla.

“Osmenia Laboratory.” 

Nang banggitin niya ito ay bigla akong nakaramdam ng malamig na simoy ng hangin. Tila ba may yumakap sa akin na malamig na hangin at nabalot ng takot ang buong sistema ko. Ngunit mayroong bagay sa loob ko na parang nais ko pang makarinig ng madami.

“Isa ako sa mga assistant ng laboratoryong ito. Kaya naman nasasaksihan ko lahat ng kanilang ginagawa. Si Rudolfo Osmenia, ang nagmamay-ari at tagapagtatag ng samahang ito. Siya ang pinaka magaling na scientist at doktor noon dahil marami na itong nabigyan ng lunas na mga sakit.”

Rudolfo Osmenia, oo kilala ko siya. Siya ang tatay ng nagmamay-aring doktor ng ospital na ito ngayon. Si Sir Rudolfo din ang siyang nagdala kay Devin dito. 

“Noong una ay maayos pa ang lahat. Masaya ang samahan ng bawat kasapi, ngunit dumating ang panahong sisira ng pagkakaisa namin, ang pagkakawatak-watak ng aming samahan,” saad niya. Kakikitaan ng lungkot ang kanyang mga mata habang ipinapagpatuloy ang kwento.

“May nadiskubreng kakaibang sakit ang pamahalaan na tuluyan nang kumakalat sa Pilipinas. Nabahala ang lahat dahil sa nakakatakot na sakit na ito na maaaring magdulot ng pagkaagnas ng balat ng tao. Gumawa ng paraan ang pamahalaan ukol dito. Nagbigay sila ng pabuyang sampung milyong piso sa kung sino man ang makakagawa ng lunas sa sakit na ito.” 

“At dahil sa halaga na iyon ay hindi na nagdalawang isip pa si Doctor Rudolfo na gumawa ng mga eksperimento. Lahat ng natutunan niya sa medisina ay ginamit niya upang makagawa lamang ng gamot. Umabot ng limang buwan ngunit bigo pa din siya. Ngunit isang araw, nakalikha siya ng gamot. Ang kaso, malulunasan nito ang sakit ngunit magdudulot ito ng komplikasyon sa pag-iisip ng matuturukan nito.”

Napalunok ako habang patuloy na nakikinig sa kanya. 

“Pinigilan namin siya ngunit parang wala na ito sa kanyang sarili. Hindi siya nakinig sa amin. Nasaksihan ko kung paano niya turukan ang mga taong inosente at kung paano sila mawala sa kanilang pag-iisip. Ang mga test subjects niya ay nakaranas ng kakaibang pakiramdam. Natutuliro, nababalisa, nagwawala, at nais pumatay. Tila ba kinokontrol sila ng itim na mahika.”

Tumingin siya sa akin.

“Ng demonyo.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status