Share

Psycho 2.2

(Continuation of chapter 2)

Tanya’s POV

Humigpit ang kapit nito sa aking palad. Muli niyang ibinalik ang tingin sa gusaling nasa harapan namin.

“Bata, matanda, at mga dalaga at binata. Lahat sila ay nagmistulang halimaw at ang iba ay pinapatay ang mga scientist na nagche-check ng kanilang kalagayan. Hanggang sa mawalan siya ng test subject. Sa kasamaang palad, ako ang napili niya.”

Unti-unting tumulo ang luha sa kanyang mata. Ramdam ko ang tila ba traumang nararamdaman ni Lola Sonya.

“Hindi ko alam ang gagawin. Tila ba may bumubulong sa aking tainga na pumatay ka, patayin mo sila, 'wag kang magtitira. Mula umaga hanggang gabi ay hindi ako makatulog pagkatapos akong maturukan. Wala akong iniisip kundi dugo. Nais kong makaamoy ng dugo ng tao.”

Napaigtad ako dahil sa kanyang sinabi.

“At ito ang dahilan hija. Lahat ng nabaliw sa eksperimento niya ay nandito sa ospital na ito. Isa na doon si Devin.” May kung anong kirot ang naramdaman ko sa aking dibdib matapos malaman ito. Kaya ba natatakot sila kay Devin? Kaya ba may warning sign ang pintuan nito?

“Maswerte kami dahil nakaligtas kami. Bata pa siya noon nang maranasan niya ang kagimbal-gimbal na pangyayaring ito. Nalaman ito ng pamahalaan kaya naman hinuli nila si Doctor Osmenia. Nakulong siya at binitay. Naiwan niya sa kanyang anak ang pamana niyang ito. Napagdesisyonan ng kanyang anak na gawin itong ospital ng mga baliw. Ang mga labi ng namatay noon ay nakalibing mismo sa sementeryo ng ospital na ito.” 

Bigla akong kinilabutan sa kanyang sinabi. Muli niyang ibinaling ang tingin sa akin at kitang-kita sa mga mata nito ang naiwang takot ng trahedyang natamo niya.

“Ngunit hindi sigurado ang anak ni Rudolfo…” 

Napalunok ako dahil sa kanyang sunod na sinabi. Namumula ang mata niya at nanlalamig ang mga kamay.

“…kung magaling na nga ba kami.”

At dahil doon ay bigla kong binawi ang aking kamay sa kanya. Bakit bigla akong natakot sa kanya? Mayroong kakaiba kay Lola Sonya na hindi ko maipaliwanag. Kinikilabutan ako sa iniisip ko.

Ang ibig sabihin, pinalabasa lamang na namatay sa ambush si Mr. Osmenia? Ang totoo ay baliw siya?

Naestatwa ako sa kinauupuan ko nang may maramdamang pares ng kamay na nakahawak sa magkabila kong braso. 

“Tanya,” wika ng isang babae.

Agad akong napaharap sa aking likuran at laking pasalamat ko na lamang na si Grace lamang pala iyon na nakatingin sa akin.

“Proceed na daw po si Lola Sonya sa main building. Magsisimula na po ang open forum natin," wika niya habang nakangiti sa aming dalawa. 

"Ah, eh. Grace, pwede bang ikaw na muna ang sumama kay Lola Sonya?"

Kumunot ang noo niya at nagkatinginan sila ng matanda.

"Bakit naman?"

"Ano kasi, m-may aayusin pa p-pala ko. Sige na, mauna na kayo," nauutal ko namang sabi. Nagkibit-balikat na lamang si Grace at saka na niya inalalayan si Lola Sonya na tumayo.

Pinagmasdan ko silang maglakad papalayo sa akin. Bahagyang tumingin ang matanda sa aking direskyon habang nakangiti ito ng nakakaloko.

--------

Tila ba nag-eecho ang mga kinuwento ni Lola Sonya sa akin kanina. Parang hindi na ito nawawala sa utak ko. Sa isipan ko ay tila ba nakikita ko ang lahat ng sinabi niya. 

Natatakot ako.

Naglalakad ako ngayon sa hallway ng ospital habang diretso lamang nakatingin sa aking daanan. May mangilan ngilang nurses ang nakikita ko at nakakasalubong ko dahil ang karamihan sa kanila ay nasa open forum.

"Tanya."

Mabilis pa sa alas kwatro akong lumingon sa aking likuran dahil sa biglang may bumulong sa aking tainga. 

Bumilis ang tibok ng aking puso. Napahawak ako sa aking dibdib at gulat na gulat na pinagmamasdan ang loob ng ospital na walang katao-tao.

Teka, kanina lamang ay may mga kasama pa ako dito, 'di ba?

"Tanya."

Narinig ko nanaman ang nakakakilabot na bulong at muling lumingon sa aking harapan. 

Ngunit wala.

"S-sino ka?!" Kahit na natatakot ay nagawa ko pa ding sumigaw. Nararamdaman ko ang malamig na pawis na tumutulo papunta sa aking leeg.

"Tanya."

Napatakip ako sa aking magkabilang tainga dahil sa tinig na paulit-ulit kong nadidinig. Naririndi na ako.

Biglang namatay ang ilaw ng ospital.

Ang kabang nararamdaman ko ay tila ba nadoble. Malayo ako sa labasan ng ospital kaya naman medyo madilim dito sa kinatatayuan ko ngayon.

Wala akong makita.

"Tanya."

"Ahhh!" Napahiyaw ako dahil ang bulong na kanina ay nadidinig ko ay tila ba nasa harapan ko lamang at nagsasalita.

Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako makatakbo dahil wala akong makita. Nais kong gumalaw ngunit tila ba naging manhid ang aking katawan at ang tanging nararamdaman ay ang malamig na presenya ng nasa harapan ko ngayon.

"Tanya."

Dahan-dahan kong inangat ang aking kaliwang braso. Nais kong hawakan ang nasa harapan ko.

Sino ba talaga siya?

Or...

Ano ba talaga siya?

Maingat.

Utay-utay.

Nanginginig ang aking mga kamay.

Konti na lamang ay mahahawakan ko na siya.

Isa.

Dalawa.

Tatlo!

Nakarating na ang kamay ko sa aking harapan. Ngunit... wala akong makapa.

Walang tao dito. 

Iwinasiwas ko ang pareho kong braso paharap ngunit wala talaga.

Katahimikan...

"Ate Tanya?" 

Tila ba nabuhay ang katawang lupa ko nang biglang may humawak sa aking kanang braso. Pagkarinig na pagkarinig ko nito ay mabilis akong napaharap dito.

Si Lea!

Ngunit ang mas lalong nakapagtataka ay tila ba bumalik ang mga tao sa paligid. Hindi madilim dahil bukas na bukas ang mga ilaw ng ospital. 

Anong nangyari?

"Uy, Ate Tanya!" tawag niya sa akin kaya naman nilingon ko siya na tila ba nawiwirduhan sa akin.

"L-lea. K-kanina ka pa ba?"

"Oo. Actually, kanina pa kita tinatawag pero nakatulala ka lang tapos nang hawakan kita bigla kang napakurap. Anong nangyayari sayo?"

What just happened? 

Nababaliw na ba 'ko?

O baka nag-hallucinate lang ako? Pero hindi, parang totoo talaga 'yong kanina eh.

"Ah... o-okay lang ako. M-may iniisip lang," sagot ko sa kanya at saka ako ngumiti ng pilit. 

"Tara sa main building. Nandoon sila, nag-oopen forum." Nakakatatlong hakbang pa lamang kami ay bigla akong napatigil sa paglalakad nang biglang nagtakbuhan ang mga nurse sa hagdan.

"Call Doctor Osmenia! Tell him that we have an emergency in room 25!" nagpa-panic na sigaw ng isang nurse. 

Room 25?

Si Devin!

"Lea, pumunta ka na sa building na iyon ha. Susunod ako," utos ko kay Lea habang nakaturo ang daliri sa katapat na building ng ospital. Kaagad naman siyang tumango at saka na ako sumunod sa mga nagtatakbuhan sa hagdan.

Sa ikaapat na palapag pa ang kwarto niya kaya naman natagalan akong makarating doon. 

Maririnig ang bawat yabag ng mga nurse at doktor na kapwa ko umaakyat ng hagdan. 

Tila ba hindi ko maramdaman ang pagod sa pag-akyat. Kinakabahan ako sa nangyari kay Devin. Posible kayang nangyari din sa kanya ang nangyari kay Cora kahapon?

Wag naman sana.

Halos magtatalon ako sa saya nang marating ko ang ikaapat na palapag. Tagaktak man ang pawis ay hindi ko na ito alintana.

Malayo pa lamang ako sa kwarto niya ay nagulat ako sa mga kumakalabog na bagay na sa tingin ko ay parang ibinabato. 

Nagtungo na ako sa kanyang kwarto at doon naabutan ko siyang nababalisa.

Natatakot.

Nagwawala.

Nanlilisik ang mga mata.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status