Share

The Nerd's Diary
The Nerd's Diary
Author: Frindel Kindel

Chapter 1 (The damn day)

Mahimbing ang tulog ni Ken nang biglang kumuliling ang alarm clock ng kanyang cellphone. Naalipungatan s'ya mula sa pagbangon nito na nakadapa sa kanyang kama, at may sleep mask na nakapiring sa kanyang mga mata. Bahagyang ibinaba ang sleep mask, at pinatay ang tumutunog n'yang alarm clock. Suot nito ang damit pantulog na abot palad at talampakan ang haba.

Antok na antok pa rin siya kaya muli itong humiga at nagtakda ng panibagong oras sa kanyang alarm clock at muling sinuot ang piring. Isang sandali ang nakalipas nang tila may narinig s'yang kruk-kruk o mahinang tunog malapit sa kanyang kama ngunit pinagsawalang bahala na lamang niya ito dahil sa sobrang antok at di pa kayang idilat ang kanyang mga mata. Siya ay tila nananaginip ng pantasya. Mga ilang sandali lang ang lumipas nang di n'ya namalayang may sumagi sa kanyang naka-brace na ngipin at tuluyang dumaloy sa kanyang nakangangang bibig na animoy isang masangsang na krema.

 Mga ilang segundo pa ang nakalipas nang biglang pumutak ang manok sa tabi n'ya. Napabalikwas siya at inalis ang piring sa kanyang mata. Tila malabo ang paningin nito kaya sinuot ang salamin sa mata na nakapatong sa librong nasa ibabaw ng mesa. Laking gulat na lamang niya nang may makitang manok sa kanyang kama. 

"Hhhm" ang pigil hinga n'yang pagsigaw dahil may ipot na bumara sa kanyang bunganga. Agad s'yang bumangon, at binugaw ang manok palabas ng bintana sa sobrang pagkairita dito. 

"Kruk-Kutak-Kutak," dinig niyang putak nito.

 Bagama't may narinig s'yang bungisngis na nanggagaling sa kanyang kuwarto, at agad s'yang kumaripas bumaba ng kusina patungong lababo upang magsuka at maghugas marahil inda n'ya ang nakakadiring ipot sa kanyang bibig. Nadatnan n'yang kumakain ng almusal habang abala sa pag-o-online si Bethany Villareal o mas kilala sa tawag na Bethy. Nakasuot ito ng uniporme na nakapaldang abot tuhod ang haba at may hair clip na laso na nakatali sa kanyang itim at kulot na buhok na hanggang balikat ang haba. Siya ay ikalawa sa magkakapatid at nasa ikalabing isang baytang na sa Senior High School sa Marymount Academy - matalino, tisay, maganda at sikat. Siya ay hinahangaan at pinagkakaguluhan ng mga kalalakihan sa kanilang paaralan o kahit saan man dahil sa taglay nitong kariktan ngunit s'ya ay materyalistik at mahilig sa bago at magagarang gamit. 

Nadatnan rin n'yang naghahain ng prinitong burgersteak sa mesa ang kanyang ina na si Elizabeth Villareal. Nakasuot ito ng berdeng blouse at puting apron na may munting mantsa na natuyong mantika. Siya ay isang negosyante at may ari ng Fruit Juice Bar. 

May ka-video call ito habang abala sa pagpira-piraso ng sliced bread na gagawing sandwich. Nakita n'yang kausap nito ang kanyang ama na nagngangalang Ian Villareal, isang OFW na nagtratrabaho bilang Site engineer sa Dubai. Sila ay larawan ng isang masaya at may kayang pamilya na naninirahan sa isang nayon. 

 " Hon, kumusta ka na d'yan?"  bungad na pag-bati ni Elizabeth. 

"Ayos lang ako dito" sagot ni Ian. 

"Kumusta pala 'yong trabaho mo? Kelan ka ba uuwi rito sa Pilipinas? Miss ka na namin, e," wika na may pananabik ni Elizabeth.

 " Okay lang naman 'yong trabaho ko dito, isang taon pa 'yong kontrata ko". 

" Ganoon ba, ingat ka lang diyan palagi, ah?" bilin ni Elizabeth. 

" Kumusta nga pala 'yong negosyo mo d'yan?" sambit ni Ian. 

" OK lang, kahit papaano nakakaraos din at lumalago narin 'yong negosyo. Maraming customer na ang pumupunta sa VillaReal Fruit Juice Bar natin dahil sa tulong na rin ng pagba-vlog nitong si Bethy. 'Yong interes, 'yon ang ginagamit kong panglaan sa tuition fee at allowance ng mga anak natin, at 'yong ipinapadala mo naman dito, e 'yon din ang ginagamit ko sa gastusin dito sa bahay, pagkain, kuryente at tubig," saad ni Elizabeth.

 "Ganoon ba, Salamat sa Diyos!" natutuwang saad ni Ian. 

 "Gusto ko sanang ikaw ang maging assistant ko, kasama kong mag-manage ng negosyo," pakiusap ni Elizabeth.

 "Hayaan mo, darating din tayo d'yan. Kumusta naman 'yong mga anak natin?" wika ni Ian. 

"Okay lang sila, narito nga pala si Bethy sa kusina, kumakain. Kausapin mo?"

"Oo, sige" sagot ni Ian. 

Dahan-dahang iniabot ni Elizabeth ang cell phone kay Bethany. "O, Bethy, kakausapin ka daw ng daddy mo."

"Hi, Dad, kumusta po?" magiliw na pangungumusta ni Bethany sa kanyang ama. 

"Okay naman, 'nak. Ikaw, kumusta ka na?  Kumusta 'yong pag-aaral mo? "

"Okay lang po ako, Dad. Actually, Matataas po 'yong grade ko," natutuwang sabi ni Bethany. 

Datapwat biglang naputol ang koneksyon ng usapan ng dalawa sa video call. " Dad?, Hello po, Dad? Mommy, nawala!" Binigay ang cellphone.

 "Anong sabi ng daddy mo?" tanong ni Elizabeth habang gumagawa ng sandwich. 

"Nangumusta lang. Di ko nakausap ng maayos, e, mahina yata ang signal ng network".

 "Hayaan mo na, ako nalang kakausap sa kanya mamaya," aniya Elizabeth subalit nakita nitong pinagsasabay ang almusal at pag-o-online, kaya sinita n'ya ito "Ano ba 'yan, Bethy?  Kumakain ka ba o nag-o-online?"

"Tinatapos ko lang 'yong project namin, Mommy," sabi ni Bethany habang dumadampot ng sandwich sa plato na nakapatong sa ibabaw ng mesa. 

"Sana ginawa mo na 'yan kagabi bago ka natulog, hindi 'yong puro ka na lang F******k at Social media."

"Mabilis lang naman 'to, Mommy," sagot ni Bethany. 

 Samantala walang tigil ang pagsusuka ni Ken at ginalugad n'ya ng kanyang daliri ang kanyang bibig. "Whoaaa, " tunog ng pagsusuka  niya habang kumakain naman si Bethany. 

 "Kuya, ano ba naman yan? May kumakain dito, e!" nandidiring sabi ni Bethany. Bagaman pinaglalagyan ni Elizabeth ng sandwich ang dalawang lunchbox sa mesa at nagtanong "Ano ba'ng nangyayari sa 'yo Ken?" sandali n'yang itinigil ang kanyang ginagawa at bahagyang lumapit kay Ken upang haplusin ang likod nito "Ano ba kasing nakain mong bata ka, ah?" tanong ng may pag-aalala ni Elizabeth.

 "Kanina pa 'yan si kuya, Mommy, e. Suka ng suka, " sabad naman ni Bethany.

Sandaling kumuha ng tubig sa gripo at nagmumog pagkatapos nito'y binalingan si Bethany "Kung ikaw kaya 'yong makakain ng ipot ng manok, 'no? Kung hindi ka masuka!" nangangatwirang sagot ni n'ya habang sundot ng hintuturo nito ang kanyang bibig. 

"Ipot, talaga? Sigurado ka?" di makapaniwalang tanong ni Elizabeth at tumigil mula sa paghaplos nito sa likod ni Ken. 

 "Oo nga po, Mommy," sabi ni Ken. 

Napabungisngis si Bethany, at bahagyang humalikhik si Elizabeth at nagtanong "Ano ba kasi'ng nangyari, paano ba napunta 'yong manok na'yon sa kwarto mo?"

Di kalauna'y humarap ito kay Elizabeth at nagsabi "Di ko alam, Mommy, basta paggising ko, may manok na sa tapat ng mukha ko at iniputan tuloy ako sa bibig. Di ko nga alam kung paano 'yon napunta sa kama ko. Yawang 'yon!"

Di napigilang tumawa si Elizabeth dahil sa kuwento ni Ken.

"Mommy, naman, bakit mo 'ko pinagtatawanan? " napipikong tanong ni Ken. 

Tumawa na rin si Bethany habang kumakain ng almusal at nagta-type sa Laptop nito. 

"Sige, Mommy, pagtawanan n'yo ko'ng dalawa."

"Sorry, na 'nak. Nakakatawa naman kasi 'yong kuwento mo," natatawang sabi ni Elizabeth. 

Bagama't bumaba si Jerry galing sa ikalawang palapag. Nakasuot ito ng uniporme na may suot na pantalong itim at kumikinang na itim na sapatos. Si Jerry Villareal ay bunso sa magkakapatid - pilyo at pasaway marahil magaling sa pag-isip at paggawa ng anumang kalokohan. Siya ay nasa ikawalong na baytang at nag-aaral din sa paaralang pinapasukan ni Bethany. 

"Anong ginawa mo sa taas? Huwag mong sabihing galing ka sa kuwarto ko at ikaw 'yong naglagay ng manok sa kama ko!" bulalas ni Ken. 

"Wa... Wala," nauutal na sagot ni Jerry. 

"Ano 'yong narining kong may tumatawa sa kuwarto ko?" pataas na boses ni Ken.

"Ikaw ba 'yong naglagay manok sa kuwarto ng kuya mo, Jerry? " sabad ni Elizabeth. 

"Opo, Mommy," pag-amin ni Jerry (Sa kanya pala ang bumingisngis na narinig ni Ken sa kwarto niya at nagtago pala ito sa ilalalim ng kama pagkatapos ilagay ang manok sa kama).

"Kita mo magsisinungaling ka pa. 'Pag kay Mommy, nagsasabi ka ng totoo pero pag sa 'kin hindi," mataas na boses ni Ken. 

Bahagyang pinagalitan ni Elizabeth si Jerry, "Ikaw, Jerry, ah. Sumusobra ka na. Di na nakakatuwa 'yang mga pinaggagawa mo sa kuya mo. Kung anu-ano nalang kalokohan ang pumapasok sa kukote mo, baka gusto mong hindi na kita bigyan ng allowance. Tandaan mo yan!"

"Sorry na, Kuya, pero di naman talaga ako ang may pakana no'n, e," mariing sagot ni Jerry. 

"Kung 'di ikaw, sino? " tanong ni Ken. 

Agad namang pinabulaanan ni Bethany si Jerry na tila 'wag magsumbong subalit... 

"Si ate," sumbong ni Jerry. 

Kumunot ang noo ni Ken at pataas boses na nagsabi "Ibig sabihin kanina ka pa d'yan habang pinagmamasdan ako dito at natawa ka sa ginawa mo!"

"Ah, e, sorry na, Kuya. Plano ko lang naman na gisingin ka kasi tanghali na, di ka pa bumabangon," mahinahong sagot ni Bethany. 

Napakamot ng ulo si Ken at nagsabi "Totoo ba 'yang sinasabi mo o parte na naman 'to ng prank mo? Kayo ah, tigilan n'yo na ang pangtitrip sa 'kin a! Di kayo nakakatuwa."

"Bahala ka nga kuya, kung ayaw mong maniwala," mahinahong sagot ni Bethany habang umiinom ng gatas. 

"E,  naka-set naman 'yong alarm clock sa cellphone ko, a. Kelangan pa talaga manok 'yong gigising sa 'kin."

Bahagyang hinampas ni Elizabeth ang mesa at sandaling nabasag ang katahimikan, "Itigil n'yo na nga 'yan!" pataas na boses ni Elizabeth. "Mismo sa harapan ko at hapag kainan pa kayo nagbabangayan! Wala na ba talaga kayong respeto, a!  Kayong dalawa, Bethy at Jerry! Itigil n'yo na 'yang katarataduhang ginagawa n'yo. Minsan ko lang 'tong sasabihin sa inyo, magpakatino kayo. Irespeto n'yo naman ang kuya n'yo dahil s'ya ang nakakatanda sa inyo. Ang aga-aga e, hina-high blood n'yo ko!"

Sandaling nanahimik ang lahat nang biglang may bumusina malapit sa kanilang bahay. Bahagyang lumapit si Jerry sa pwerta upang tingnan ito.

 "Ate, andyan na y'ong school bus," mahinahong pagtawag ni Jerry at kinuha ang bagpack sa upuan. Ipinasok ang isang lunch box galing sa mesa at nagkumaripas lumabas "Mommy, do'n na po ako... Ate sunod ka nalang."

"Oo, Wait lang," tugon ni Bethany habang inisinisilid ang laptop at lunchbox nito sa bagpack. "Mommy, pwede pong pahingi ako ng pandagdag kahit 1000 pesos lang kasi do'n po ako mag-o-over night sa bahay ng groupmate ko sa thesis mamaya."

"Ba't ang laki naman ng hinihingi mo? Kabibigay ko lang sa 'yo, a. Malulugi 'yong negosyo ko sa'yo, e. Ako tigilan mo ako, Bethany, a! Hirap na nga ako sa kaba-budget ng pera tapos ikaw puro ka na lang hingi," mataas na boses ni Elizabeth habang nagpupunas ng mesa. 

"E, do'n po ako makikitulog sa classmate ko kasi gagawa talaga kami ng thesis, dala ko naman na 'yong ibang gamit ko," daing ni Bethany. 

"Kung dito nalang sana kayo gumawa n'yan, baka mamaya gagala na naman kayo kung saan-saan kasama ng mga kaibigan mo," sabi ni Elizabeth. 

"Luh, hindi!" tanggi ni Bethany. 

"Ate!... Ate!, bilisan mo na, ikaw nalang 'yong hinihintay," sigaw ni Jerry habang nasa school bus. 

"Hinihintay ka na do'n sa labas, Bethy," malumanay na sabi ni Ken habang nagtitimpla ng gatas. 

"Mommy, dali na," pagpipilit na sabi ni Bethany.

 Nakakunot ang noo ni Elizabeth ngunit di kalauna'y kumuha ito ng hinihinging isang libo mula sa kanyang pitaka at iniabot kay Bethany. 

"Huh, 'yan na. Bahala ka nang mag-budget n'yan, a."

"Salamat po, Mommy. Do'n na ako... Bye. Love you!" naglalambing sabi ni Bethany.

"Sige. Ingat... Bantayan mo si Jerry... Ingat kayo, " bilin ni Elizabeth. 

"Opo, Mommy... Bye!" Kumaripas sa pagtakbo palabas patungong school bus at saklay nito ang bagpack na may lamang damit kasama ang isinilid na lunch box at laptop, at bitbit ang isang clutch bag. 

"Ikaw Ken? Ba't di ka pa nag-aasikaso? Anong oras ang pasok mo? tanong ni Elizabeth habang nagliligpit ng kinainan. 

"Alas nwebe y media pa naman po ang klase namin,  Maaga pa naman ng dalawang oras." Inubos ang iniinom na gatas, "Ako na lang maghugas n'yan,  Mommy."

"Wag na,  ako nalang nito. Mag-asikaso ka na, baka ma-late ka pa," tugon ni Elizabeth. 

"Ah, sige po mag-aasikaso na ako" mahinahong wika ni Ken. Pupunta sana ng ikalawang palapag subalit may hiniling si Elizabeth. 

"At saka 'yong nangyari kanina, sana ikaw na lang ang umunawa sa mga kapatid mo, 'nak. Pagpasensyahan mo na lang sila."

"Opo, Mommy, naiintindihan ko po," mapagpakumbabang tugon ni Ken.

Bahagyang napangiti si Elizabeth habang naghuhugas ng mga kinainan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status