Share

Episode 7: A Victim's Cry

EPISODE 7

“Fifteen over fifty.”

Kinagat ni Zoelle ang pang-ibabang labi habang nakatingin sa kanyang test paper. Ni hindi man lang siya nangalahati sa singkwenta. At hindi lang iisa ang mababa niyang score. Lahat ay bagsak.

Wala siyang ganang ipinasok ang test paper sa loob ng kanyang bag.

“Miss Zoelle, please come with me to the office,” wika ni Sir Alfred.

Alam na niya kung ano ang mangyayari. Alam na niya kung bakit siya pinapatawag. Sumunod siya sa adviser patungong faculty room. Umupo ito sa kanyang upuan, hawak-hawak ang ilalim ng baba.

“I’ve received reports from your teachers regarding your grades,” panimula ng guro. “You used to ace all the exams back then, but now, you got the lowest on all subjects.”

Walang magawa si Zoelle kundi mapayuko sa kahihiyan.

“I don’t want to break it to you, but I think you’re still not ready for school. Your amnesia must be the reason that’s why you have a hard time remembering the lessons.”

“No, sir,” mabilis niyang pagtanggi.

Kumunot ang noo ng kanyang guro. “I am asking you this because we are concerned about your records. So if it’s not your amnesia, can you tell me what the problem is?”

Natahimik si Zoelle sa tanong.

“Is there something bothering you?” dagdag pa nito.

Gusto niyang tumango. O umiling-iling. O magkibit-balikat. Umiyak. Wala naman talaga siyang problema sa pagtanda ng mga lessons. Hindi rin sa pagtuturo ng mga teachers ang dahilan. 

Sa huli, bigla na lang niyang naramdaman ang pag-init ng sulok ng mga mata at tumakbo palabas ng office.

“Miss Zoelle!” tawag pa sa kanya ni Sir Alfred.

Pinahid niya ang pumatak na luha habang tumatakbo. Nakalayo-layo na siya sa faculty at saka lang siya huminto. Lunch break na rin at nagkalat ang mga estudyante pero wala siyang ganang kumain. Ayaw niyang bumalik ng classroom. Natatakot na rin siya magkulong sa cubicle ng comfort room dahil sa takot na makarinig na naman ng bagay na mas ikasisira pa niya.

Hindi niya alam kung saan tutungo at aapak ang mga isang tulad niya.

Ang alam niya lang, kailangan niya ng makakausap. Gusto niyang may mapagsabihan kung ano talaga ang sitwasyon niya. Wala pa siyang isang linggo sa school kaya ayaw niyang ipakitang nahihirapan siya, pero paano na?

Isang tao lang ang pumasok sa isip niya na pwede niyang malapitan. She wanted to talk to Timothy. Nagbaka-sakali siya na makikita niya ito sa classroom nito kaya pumunta siya sa HUMSS building.

Ngunit masyado siyang nalunod sa mga isipin at naligaw siya ng napuntahan. Sa isang Junior High building siya napadpad, base sa laki at kulay ng bowtie nila. 

Paalis na siya nang makarinig ng kung ano.

Dahan-dahan siyang tumungo sa pinanggagalingan ng mga boses. Nakarating siya sa likuran ng building. Walang katao-tao. Maraming puno’t halaman kaya mukhang tago.

Humakbang pa si Zoelle palapit sa eskandalo. Hinanap niya ang mga tunog. Palahaw. Sigaw. Boses na may poot. At bigla siyang napatigil.

Nagtago siya sa likuran ng isang pader, kumakabog ang dibdib at nanlalaki ang mga mata.

Muli siyang sumilip para makumpirma kung ano ang nakita niya.

Ang kapatid niya! Si Stephen. Ang payat nitong katawan ay nakasalampak sa isang sulok. Nasa harapan nito ay naglalakihang mga lalaking estudyante, tig-dalawa sa magkabilang gilid at isang pinaka-maton ay hawak si Stephen sa kwelyo.

Binuhat siya ng bulas nang walang kahirap-hirap. Pinagtutulungan nila ang kapatid niya nang walang kalaban-laban.

“Ba’t pumapasok ka pa? ‘Di ba ayokong nakikita ‘yang pagmumukha mo dito sa campus? Ha!” sigaw ng isang bulas sa mismong mukha ni Stephen.

“At sinasadya mo pang paunti-unti ang dalhin mong baon na pera. Mayaman ka, lampa. Alam mo bang kulang na kulang ‘tong binibigay mo?”

“Wala na talag-- ugh.”

“T*rantado.”

Tinakpan ni Zoelle ang bibig para pigilan ang sigaw at iyak nang biglang sinikmuraan si Six. Ngunit hindi pa nakontento ang hari-harian at tinadyakan pa ito sa tuhod.

Napaupo si Stephen sa semento, hawak-hawak ang tiyan, dumadaing.

Isa-isa siyang binatukan ng mga lalaki.

Matinding pagpipigil ang ginawa ni Zoelle sa sarili pra hindi tumakbo palapit. Alam niyang wala rin siyang magagawa kung haharang siya sa gitna nila. Wala silang laban sa laki at dami nila. Sunod-sunod na tumulo ang luha niya.

“Sa susunod na pumasok ka pa at hindi malaki ang ibigay mo sa’min, maghanda ka at lalampasuhin ko ang mukha mo.” Dinuro nito ang mukha ni Stephen. “At ‘wag kang magkakamaling magsumbong kahit kanino. Pasalamat ka walang latay ang mukha mo.”

Binitawan nito si Stephen dahilan para mapadapa ito sa sahig. Umalis na sa kabilang bakod ang mga nambugbog dito at iniwan ang kapatid niya parang isang b****a.

Nang tuluyang wala na ang mga ito, tumakbo siya agad kay Stephen. Hindi matigil ang kanyang pag-iyak. Sinapo niya ang mukha nito at tumingin sa kanya ang pagal nitong mga mata. Inalalayan niya itong makasandal at makaupo sa pader.

Biglang itinaboy ni Stephen ang kamay niya.

“D-D-Dadalhin kita sa clinic, ha, okay?” sabi niya sa pagitan ng paghikbi.

*****

 Hindi na pumasok si Zoelle sa kanyang afternoon class noong araw na ‘yon. Hindi siya umalis sa tabi ni Six sa clinic habang ginagamot ang sugat at pasa sa katawan nito. 

Walang lakas si Stephen kaya hindi na ito nakaayaw at umalis. Mataas rin ang temperatura, at sabi pa ng nars, mukhang walang kain at tulog ang kapatid niya. Kung kaya’t hinayaan lang siya doon ng nars na magpahinga.

Lumabas muna sandali sa kwarto si Zoelle kasama ang nars.

“Pangalan ng dinala mo dito?” tanong nito habang hawak ang isang logbook.

“Stephen,” sagot niya. “Stephen Mori. Kapatid ko po siya.”

Pinagmasdan ng babae ang mukha ni Zoelle nang ilang segundo. Nabakas ang bahagyang pagkagulat ngunit wala na itong sinabi.

“Alam mo ba kung sino ang mga gumawa n’on kay Stephen? Hindi na tayo tulad ng panahon noon, ipinagbabawal na ang bullying lalo na sa school zones. Kung kilala mo, hija, sasamahan kita mag-report sa admin para managot ang mga gumawa n’on sa kapatid mo.”

Tumango-tango si Zoelle. “Limang lalaki po sila. . . pero hindi ko po sila namukhaan at hindi ko rin po alam ang pangalan. N-Nakita ko lang po sila na pinagtulungan si Stephen.”

Sabay silang malungkot at nag-aalala na tumingin sa kurtinang humaharang sa silid.

Nang mag-uuwian na, kusang pumunta si Zoelle sa classroom ni Stephen para kuhain ang gamit nito. Wala na ang mga estudyante sa building. Sarado na ang ilang pinto at ilaw. Tahimik. May kalalabas lang sa isang silid, at doon din ang classroom ni Stephen.

Isang bag na bukas na lang ang natitira sa pinakalikod. Malapit sa basurahan.

Napunit ang puso ni Zoelle nang makita ang desk ng armchair nito. Puno ng mga sulat ng marker. Iba-ibang kulay. Iba-ibang sulat. Iba-ibang laki.

Outcast’s seat. Weirdo. Trash. No one likes you. You make me feel sick. Bobo. Lampa. Why are you here? Psycho. Kill your self.

Paano? ‘Yon ang tanong ni Zoelle sa isip. Kung nasasaktan na siya at nawawalan ng ganang pumasok dahil pa lang sa mga bulungan, paano pa kaya kay Stephen na harap-harapan hinahagisan ng matatalim na salita? At kulang pa. Kulang pa doon ang pisikal na pananakit.

Binuhat na niya ang bag nito na agad nabitawan ng kamay niyang naikukuyom.

Bumuhos sa sahig ang mga libro, notebooks, ballpen. . . at isang cutter.

Nanginginig ang kamay niya nang kuhain ito. Kinukumbinsi niya ang sarili na dinadala lang ito ni Stephen para gamitin sa school. ‘Yon lang ang dahilan. O ‘yon nga lang ba?

Naibagsak ni Zoelle ang patalim kasabay ng pag-agos ng kanyang mga luha.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status