Share

Episode 1: Blurry Memory

EPISODE 1

Ang pangalan niya ay Zoelle Erika Rose. 18 years old. Unica hija ng pamilyang Mori. Si Ezekiel Romano Mori ang kanyang ama, at si Amanda Mori naman ang tumatayo niyang ina. Siya ang ate sa sampung lalaking kapatid.

O at least, 'yon ang sabi nila. Hindi niya alam. Wala siyang alam.

Nagising siyang nakahiga sa isang kama. Unang bumungad sa mga mata niya ang puting kisame. Ilang segundo pa bago niya maramdaman at mapansin ang mga swero at kableng nakakabit sa kanya. Panay ang pag-beep ng makina sa kanyang tabi-- tanging tunog na maririnig sa apat na sulok ng silid na amoy disinfectant alcohol.

Sinubukan niyang igalaw ang katawan, o kahit ang labi lang, pero hindi niya magawa. Nagmistulan siyang isang sanggol na unang beses gumalaw, hindi marunong kontrolin ang mga buto, at walang lakas ang mga kalamnan.

Marami siyang hindi maintindihan.

Bakit siya nasa isang ospital? Paano siya napunta rito? Anong naging sakit niya? Nasaan ang ibang tao at bakit walang nagbabantay sa kaniya? Anong oras at petsa na?

Hindi kinaya ng bagong gising niyang isipan ang pagbaha ng mga katanungan. Sumakit ang ulo niya dahilan para ipikit niya muli ang mga mata.

Sa muling pagmulat niya, napalilibutan na siya ng mga tao. Lahat sila nakaputing coat, may mahaba at may maikli. May babae at lalaki. May nakasumbrerong puti at may mga hawak na gamit pang-ospital.

"This is a miracle," mabagal ngunit mariing wika ng isang ginang na sa tingin niya ay isang doktora.

Nanlalaki ang mga mata nito, maging ang mga katabi nitong nars na para bang napako sa kinatatayuan. Ang iba ay napaatras pa at napatakip ng kamay sa bibig.

"Finally, you're awake!" Lumapit sa kanya ang nanginginig na mga kamay ng doktora. Hinaplos siya nito sa balikat at nginitian. "Call her parents!"

Naguluhan siya. Bakit ang saya-saya nila na nagising siya? Anong himala ang tinutukoy nila?

Katulad kanina na hindi niya namalayan kung gaano katagal siyang napapikit, hindi niya ulit napansin ang oras.

Bigla na lamang bumukas ang pintuan ng silid. Pumasok ang isang humahangos na babaeng sopistikada. Kasunod nito ang isang may edad na lalaking maotoridad ang porma at postura maging sa paglalakad.

Nabigla siya nang hinawakan ng babae at isinapo sa pisngi ang likod ng palad niya. Maluha-luha ang mga matang tumingin ito diretso sa kanya.

"Rose..." Hindi niya sigurado kung binanggit ba nito ang pangalan niya. "God knows I waited so much for this day to happen," bulong nito sa pagitan ng paghikbi. "We waited for you. You made us worry so much, but thank you for not leaving us."

Hinaplos-haplos nito ang buhok niya bago dumapo ang labi sa kanyang noo. Napapikit siya sa ginawa nito. Pagkatapos, nagbigay-daan ang babae para sa kasama nitong lalaki.

"Do you recognize me, Erika?" tanong ng malalim nitong boses.

Ngayon naman ay iba ang tawag sa kanya. Mas lalo tuloy siyang nalito.

Tinitigan niya ang mukha ng lalaki at pilit inaalala kung sino ito. Blangko. Walang rumehistro sa kanyang isip.

"I am your father," sabi nito nang hindi siya makasagot.

Kung ito ang papa niya, hindi nalalayong ang humalik sa kanyang noo naman ang kanyang mama.

"It's alright if you still can't remember. What's important is you woke up from your comatose state."

Comatose. Ilang beses nag-echo 'yon sa pandinig niya. Nahimlay siya nang matagal. Kaya pala napakasaya nila para sa kanya. Kaya pala himala ang turing sa pag-gising niya.

Pero paano siya na-coma? Gaano katagal siyang nahimbing?

Pumintig ang ulo niya. Napangiwi siya sa kirot.

"Oh, God! Are you okay?"

Nag-aalalang humakbang palapit sa kanya ang Ina ngunit pinigilan ito ng kanyang Papa.

"She's probably confused, and everything might still be a blur to her. We shouldn't stress her more, Amanda."

Iniwas niya ang tingin. Nahihiya siya at nadidismaya sa sarili dahil tama ang kanyang Papa. Isa pa, nagsisimula na rin siyang matakot. Sa katotohanan. Sa pagkadismaya sa sarili. At sa mga bagay na hindi niya alam at nakalimutan.

Tinapik siya ng ama sa balikat.

"Don't pressure yourself, Erika. Things will be better and you'll be back to normal. Take your time to recover."

Wala siyang nasabing kahit isang salita man lang. Sa gilid ng mga mata niya, nakita niya ang huling pagkaway ni Amanda bago ang mga ito humakbang palabas ng pintuan. Nang maiwan na ulit siya mag-isa, huminga siya nang malalim para pakalmahin ang sarili.

Kung tatanungin siya kung ano ang pinaka-nakakatakot na naranasan niya, ang araw na ito ang kaniyang isasagot-- ang magising sa hindi pamilyar na lugar, napaglipasan ng panahon, at lahat ay hindi niya kilala, maging ang sarili niya.

Maliwanag ang buong silid ngunit sa paningin at pakiramdam niya, patay ang lahat ng ilaw.

***

"Retrograde amnesia," seryosong sabi ng doktor. "Nabura ang mga alaala mo ng nakaraan hanggang sa araw ng aksidente dahil sa sobrang stress at head trauma."

"Kailan po babalik ang alaala ko?" tanong niya sa doktor na kausap.

"Walang kasiguraduhan kung kailan. Posibleng bumalik nang paunti-unti, may chance rin na hindi na talaga."

Napayuko siya nang marinig ang huli nitong sinabi. "Alam niyo po ba kung anong klase at paano po ako naaksidente?"

Matagal bago siya nito harapin. "It is better kung maaalala mo ito on your own. I recommend na huwag mo munang i-recall ang traumatic event na 'yon. Discuss it with your family. Sa ngayon, mas mabuti kung babawi ka muna ng lakas para mas maaga kang ma-discharge. And don't stress about anything, ang pamilya mo na ang bahala sa'yo. Okay?"

Mabagal lang siyang tumango.

Habang nasa ospital siya, parang lumilipad sa bilis ang oras. Isang minuto, sinusuri siya ng mga doktor. Tapos nalilipat siya sa ibang pasilidad para i-test ang kalagayan niya. At sa kisap ng mga mata, nakahiga na ulit siya sa kanyang kama. Epekto yata ng pagod o treatments, o siguro nag-la-lag pa rin ang utak niya.

Ilang araw at gabi pa siyang namalagi sa ospital. Hindi na rin dumalaw pa ang nagpakilalang Papa at Mama niya. Isang katiwala na lang ang nagbabantay at umaasikaso sa kanya sa ospital.

"Goodmorning, Ma'am Zoelle. Ako po ang pinadala ni Sir Ezekiel na magbabantay po sa inyo. Kung hindi po niyo ako nakikilala, ako si Manang Herminia," pakilala ng payat na ginang pagpasok pa lang sa kwarto niya.

Tanging pagtango lang naisagot niya.

Kahit magdamag pa silang magkasama, bihira lang siya nitong kausapin. Tuwing kakain lang o may kailangan saka siya kikiboin ni Manang Herminia. Nahihiya man, pinilit ni Zoelle na magsimula ng usapan.

"M-Manang Herminia," tawag niya. "Ano po ba ang totoo kong pangalan?" Mas nahiya siya sa tanong kaya napayuko siya.

"Maganda ang pangalan mo. Zoelle Erika Rose. Bigay sa'yo 'yan ng namayapa mong ina."

Natigilan at naguluhan siya sa narinig. "Hindi ko po totoong mama si Amanda?"

"Siya ang pangalawang asawa ng Papa mo matapos mabyudo."

Pilit siyang napangiti.

Napansin ni Manang Herminia ang pagkabagot ni Zoelle maghapon kung kaya't isang araw, nagpadala ito ng mga libro mula sa bahay.

"Itong mga libro na ito ang palagi kong nakikitang binabasa niyo noon, ma'am. Hindi ko lang po alam kung ano ang pinaka-paborito niyo kaya pinadala ko po ang lahat."

Tinitigan niya ang patong ng mga makakapal na libro. "S-Salamat po."

Napilitan siyang basahin ang mga 'yon kaysa tumulala nang walang ginagawa. Narinig niya sa nars, nakakatulong daw sa memorya ang pagbabasa niya. 'Yon lang ang pinagkakaabalahan niya hanggang sa muling dumating ang doktora kahapon.

Nakangiti ito matapos basahin ang results ng examinations at monitoring niya.

"You are ready to be discharged tomorrow, Ms. Zoelle!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status