Share

Kabananata II: Si Francisco Alonzo y Montevallo

Walang patid ang pag dating ng mga panauhin, mga naggagandahang kadalagahan na may magagarang kasuotan nang biglang matigilan si Padre Ignacio na parang nakakita ng multo hindi dahil sa mga magagandang dalaga kundi sa binatang luksang-luksa na kasama ni Gobernador Gregorio habang pumapasok sa bulwagan. 

Magalang na bumati si Gobernador Gregorio nang makita ang dalawang pari sabay halik ng kamay. "Magandang gabi po sa inyo, ginoo, ipinakikilala ko po sa inyo si Don Francisco Lorenzo, anak ng namayapa kong kaibigan. Kararating lamang niya mula sa Paris, at siya'y aking sinalubong."

Dahil sa matinding pagkabigla nakalimutang basbasan ng pari si Gobernador Gregorio. Inalis ng paring dominico ang suot na salamin at masusing siniyasat ang kasama ni Gobernador Gregorio habang putlang-putla at nanlalaki ang mga mata ni Padre Ignacio.

Hindi naitago ang paghanga ng mga panauhin nang marinig ang pangalan ng binata. Maging ang tenyente ng mga guwardiya sibil na si Tenyente Angeles ay nakalimot din na batiin si Gobernador Gregorio dahil kay Francisco.

"Maligayang pagbabalik ginoo, sana'y... Higit kayong maging mapalad kaysa sa inyong ama." anang tenyente sa tinig na gumagaralgal. "Nagkakilala at nagkausap na kami ng inyong ama. Hindi matatawaran na siya'y isang mabuti at marangal na tao."

"Salamat, ginoo, sa mga papuri mo sa aking ama, dahil dito nawala ang aking alinlangan tungkol sa mga sa mga bagay na hindi ko pa naliliwanagan," sabi ni Francisco.

Maluha-luha ang militar nang tumalikod nang papalayo sa binata.

Nag-iisa at walang magpakilala sa kanya sa mga naroroong panauhin lalo na sa mga kadalagahan dahil wala ang may bahay. Ipinasya ni Francisco na lapitan ang mga mahinhing binibini na waring gustong makipagbatian sa kaniya. 

"Ipagpaumanhin ninyong lumabag ako sa tuntunin ng magandang pag-uugali," aniya. "Walong taon akong namalagi sa ibang bansa at ngayon sa pagbabalik ko ay hindi ko matiis na hindi batiin ang pinakamaririlag na hiyas ng aking bansa."

Nakaramdam ng kaunting pagkapahiya si Francisco nang wala ni isa man sa grupo ng mga kadalagahan ang kumibo. Tinungo niya ang nagkakatuwaang kalipunan ng mga kalalakihan. 

"Mga ginoo," bati niya. "Ipagpatawad po ninyo kung gamitin ko ang isang kaugaliang natutunan ko mula sa ibang bansa ng ako ay umalis dito sa bayan ng San Lorenzo, hindi sa ibig kong dalhin ang kaugaliang iyon ngunit hinihingi ng pangyayari na kapag dumalo ang isang tao sa isang pagtitipon at wala siyang kakilala dito, siya na mismo ang magpapakilala sa kanyang sarili. Nakabati na ako sa mga kababaihan at ngayon naman kayo ang gusto kong batiin. Ako po si Francisco Alonzo."

Isa-isa ring nagpakilala ang mga lalaking nilapitan ni Francisco.

Nakabihis ng barong tagalog na may mga butones na brilyante ang ginoong nakangiting lumapit kay Francisco. "Ginoong Francisco," aniya. "Nais ko pang magpakilala sa inyo. Ako'y kaibigan ni Gobernador Gregorio at kakilala ng inyong ama, si Kapitan Tinong po, taga Sitio Tondo mula dito sa San Lorenzo. Nais ko po sana kayong makasalo sa isang pananghalian bukas kung inyong mamarapatin. 

"Salamat po, ngunit may lakad po ako bukas," magiliw na tugon ng binata. 

"Sayang! Siguro po sa ibang pagkakataon ako po ay hindi ninyo bibiguin."

Isa-isang dumulog sa maluhong hapag.ang mga panauhing lalaki pero ang mga binibini at mga senyora ay pinipilit pa ni Tiya Flora para dumulog. 

Nang mapalapit si Tenyente Angeles sa nakaluksang binata ito'y tinitigan niyang mabuti mula ulo hanggang paa. Pangkaraniwang taas, may malusog na pangangatawan, maaliwalas ang mukha na mukhang edukado. Kulay kayumanggi na may mamula-mulang pisngi. 

"A! Narito pala ang kura ng aming bayan, ang matalik na kaibigan ng aking ama si Padre Ignacio," ang masayang bati ng binata. 

Ang pansin ng lahat ay napatuon kay Padre Ignacio na hindi naka kibo at parang walang narinig. 

"Pagpaumanhin po ninyo, tila ako'y nagkamali," ang nasabi ni Francisco.

"Hindi ka nagkamali," agaw ng pari. "Pero ang hindi ko matanggap ay ang sinabi mo na ako ay isa sa matalik na kaibigan ng iyong ama."

Dahan-dahang iniurong ni Francisco ang kamay na iniaabot sa prayle habang nababakas sa kaniyang mukha ang malaking pagtataka. Sa kanyang pagtalikod napaharap siya kay Tenyente Angeles na ang mga mata ay nagmamasid. 

"Tunay nga bang kayo ang anak ni Don Alonzo Lorenzo?"

Yumuko si Francisco bilang tanda ng paggalang, habang titig na titig si Padre Ignacio kay Tenyente Angeles.

Krus na pasan-pasan ay makakayanan kung taglay mo ang katatagan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status