Share

Kabanata III: Sa Hapunan

Ang mga panauhin ay nagsidulog nasa hapag-kainan. Walang tigil sa pagpuri sa handa samantalang hindi pa naman nila natitikman ang mga iyon. 

Parang nag-uunahang tinungo nina Padre Ignacio at Padre Martin ang kabisera ng hapag-kainan. Pero nang halos sabay na makarating doon ay parehong tumigil na para bang handang magbigay sa isa't-isa. Nagkaraoon ng bahagyang pagtatalo kung sino ang uupo sa kabisera. 

"Sige, maupo na kayo, Padre Ignacio," itinuro ni Padre Martin ang upuang panguluhan sa hapag.

Sa himig na nagbibigay, isinagot ni Padre Ignacio, "Kayo na, Padre Martin."

Ngumiti ng alanganin si Padre Martin.

"Mas kilala kayo sa bahay na ito. Kayo pa yata ang kumpesor ng nasirang misis ni Gobernador Gregorio. At alang-alang na rin na kayo ay higit na nakakatanda."

"Bakit natin dadaanin sa patandaan?" tanong ni Padre Ignacio.

"Kayo ang pari sa pook na ito, kaya kayo ang dapat na maupo sa kabisera."

"Sa utos ninyo, ako'y handang sumunod," sagot ni Padre Martin at umasta nang uupo. 

"Aba, hindi ko kayo inuutusan! Bakit ko kayo uutusan?" hawak pa rin ni Padre Ignacio ang sandalan ng upuan.

Maging si Tenyente Angeles ay inalok din ni Padre Martin ngunit tumanggi ang tenyente, sapagkat halata ang pagkukunwari ng prayle. Para palabasin ang kanyang pagkamapagbigay, sinabi niya sa Tenyente, "Dahil nasa lipunan tayo at wala sa simbahan, dine na kayo maupo." Isa pang dahilan sa pagtanggi ay ayaw niyang mapagitna ng upo sa dalawang pari. 

Sino man sa dalawang pari ay di nakaalalang alukin si Gobernador Gregorio, tanging si Francisco lamang, ngunit may tao na ang lahat ng upuan. Kaya nang anyong ibibigay ng binata ang kanyang upuan, "Aba huwag kayong titindig," ang wika ni Gobernador Gregorio kay Francisco. "Ang hapunang ito'y pasasalamat sa Mahal na Panginoon dahil sa iyong pagdating."

"Oy dalhin na rito ang tinola!" Bumaling kay Francisco at sinabing, "Nagpaluto ako ng tinola para sa inyo G. Francisco. Kasi'y alam kong matagal na ninyong ito'y hindi natitikman."

Ipanasok ng utusan ang tinola at sinimulang ipamahagi. Sa sinasadya man o hindi maraming upo at sabaw, kapirasong leeg at maganit na pakpak ang napunta kay Padre Ignacio samantalang kay Francisco ay puro pitso, hita at mga lamang-loob. Ibinagsak ni Padre Ignacio ang kutsara at itinulak sa harapan ang pinggan dahil sa sama ng loob. Kinusa marahil na hindi pansinin ang ginawa ng pari.

Habang kumakain, kwentuhan, balitaan at tanungan ang naganap. Tinanong si Francisco ng ibang panauhin tungkol sa kanyang paglalakbay sa Paris. 

"Ilang taon kayo nawala sa inyong bayan?" ang tanong ni Carlito kay Francisco.

"Humigit-kumulang po sa sampung taon," sagot ni Francisco.

"Kung gayo'y maaaring limot na ninyo ang bayan ng San Lorenzo?"

"Malayong makalimutan ko ang bayan ng San Lorenzo. Kung ako man ay sakaling nalimot na nga ng aking bayan, ako nama'y laging alaala sa kanya."

"Ano ang ibig ninyong sabihin?" ang tanong ng lalaking may madilaw na buhok. 

"Isang taon na akong hindi nakakatanggap ng mga balita buhat sa aking bayan. Para akong isang dayuhan na di nakababatid kung kailan at papaanong namatay ang aking ama."

"A, ganoon pala ang nangyayari sa inyo," ang wika ng nakikinig na tenyente.

"Saan kayo naroon at hindi kayo tumelegrema?" ang tanong ni Doña Beatrice na humalo sa usapan, "Nang ikasal kami, nagpadala kami ng telegrama sa España."

"Pasensya na po Doña Beatrice ngunit hindi po ako pumupunta sa España dahil nasa Paris po ako" sagot ni Francisco.

Nakaramdam ng kaunting pagkapahiya si Doña Beatrice ngunit isinawalang bahal na lamang ito ng mga naroroon. 

"Anong wika ang inyong ginagamit kung kayo ay nasa ibang bansa?" usisa kay Francisco.

"Ginagamit ko po ang wika ng bayang kinaroroonan ko."

"At alin sa mga bansa sa Paris ang lalong naibigan ninyo?" ang tanong ng lalaking may madilaw na buhok. 

"Higit ko pong gusto ang Paris na siya kong ikalawang bayan. Pero naibigan ko rin po ang lahat ng ibang lugar na pinuntahan ko."

"Aling bansa sa mga narating ninyo ang nakatawag sa inyong pansin na may kinalaman sa pamumuhay ng bayan, sa lipunan, sa pulitika, sa relihiyo, sa kalahatan, sa diwa, sa kabuuan?" ang usisa naman ni Carlito.

"Bago po ako pumunta sa isang bayan, pinag-aaralan ko muna ang kasaysayan ng bayang ito. Pinag-aaralan ko kung paano iyon umuunlad at sumulong ang kabuhayan. At natuklasan ko ang paghihirap o pag-unlad ng isang bayan ay laging may kaugnayan sa kalayaan o kagipitan ng naturang bayan. Pag malaya ang kaisipan ng mga mamamayan, mas malamang na umunlad din ang kanilang kabuhayan."

"Wala ka bang nakita kundi iyan?" tatawa-tawa, nanunuyang sagot ni Padre Ignacio na noon lamang sumagot. "Hindi mo dapat inaksaya ang iyong salapi upang matutuhan ang maliit na kaalamang iyan. Ang sino mang batang eskwela ay nakaaalam niyan. 

Natakot ang lahat na humantong sa gulo ang usapan. Si Francisco ay napatingin sa madla nang di malaman ang sasabihin. Nakuha pa rin niya ang magtimpi. 

"Mga ginoo, huwag po kayong magtaka at palagay lang ang loob sa akin ng dati naming kura. Bata pa kasi ako'y palagay na ang loob ss akin ni Padre Ignacio. Ngunit pinasasalamatan ko pa rin ang aming kura pagkat sinasariwa nila sa aking gunita ang mga araw na yaong madalas silang dumalaw sa aming tahanan at magpaunlak sa pakikisalo sa hapag ng aking ama."

Napatingin si Padre Martin kay Padre Ignacio. Nahalata ng una na parang nanginginig si Padre Ignacio. Kung anong dahilan, hindi alam ni Padre Martin.

Si Francisco ay nagpatuloy sa pagsasalita na sinabayan ng tindig. "Paalam na po sa inyo, mga Ginoo, kararating ko lamang at dapat ding umalis ako bukas. Marami pa po akong mga bagay na dapat asikasuhin. Ang pinakamahalagang bahagi ng hapunan ay natapos na. Ako naman po ay hindi umiinom ng alak. Hindi ko nakagawiang uminom ng inuming nakakalasing." Dinampot ni Francisco ang nasa harap niyang kopita ng alak na wala pang bawas at tinungga iyon hanggang sa masaid. Ang matandang tenyente ay nakigayang tumungga nang walang kaimik-imik. 

Noo'y nakalapit si Francisco kay Gobernador Gregorio, "Huwag ka munang umalis. Darating si Felicidad, sinundo ni Flora. Darating din ang bagong kura sa ating bayan, banal ang kurang iyon!"

"Babalik po ako bukas bago umalis. Mayroon lamang po akong dadalawin na di dapat ipagpaliban."

Tuluyan nang umalis si Francisco, samantalang si Padre Ignacio ay mayroon pang sinasabi, hinarap ang lalaking may dilaw na buhok, "Nakita na ninyo! Kay yabang! Hindi matanggap na mapagsalitaan sila ng kura. Ang tingin sa sarili'y akala mk kung sinong nakapag-aral. Iyan ang masamang bunga ng pagpapaaral ng mga taga-rito sa ibang bansa. Kung ako lang ang masusunod, ipagbabawal ko ang pagpapadala ng mga mamamayan dito patungo sa ibang bansa."

Kilalanin muna ang kapwa bago maghusga.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status