Share

Kabanata VII: Pag-uusap sa Balkonahe

Umagang-umaga sina Tiya Flora at Felicidad ay nagtungo sa simbahan upang magsimba.

Pagkatapos na pagkatapos ng misa, nagyaya na si Felicidad sa pag-uwi. Takang-taka si Tiya Flora kung bakit nagmamadali si Felicidad, galing ito sa kumbento kaya inaasahan ni Tiya Flora na dapat lamang matulad si Felicidad sa isang mongha.

Habang may kasabay na lumalakad palabas ng simbahan, sinabi ni Tiya Flora na tila nangangaral, "Katatapos lang ng misa ay nagyaya ka na. Bakit ka naiinip sa loob ng simbahan?"

Nasabi na lamang ni Felicidad sa sarili, "Patawarin ako ng Diyos, alam ng Diyos ang damdamin ng isang dalagang tulad ko. Anong malay ninyo sa niloloob ng isang dalagang tulad ko?"

Pagkatapos mag-agahan, wari'y naiinip si Felicidad na may hinihintay. Abala ang kanyang isap sa kung anong bagay. Iniisip niya ang tahimik na buhay sa kumbento. Parang ibig niyang magalit kung dumaraan ang alin mang sasakyan ay makalagpas iyon nang hindi humihinto.

Si Gobernador Gregorio ay parang abala sa pagsusuri ng kung anu-anong mga papeles. Napansin niya si Felicidad at nagwika, "Tama siguro ang sinabi sa iyo ng doktor, anak, mukha ka ngang maysakit. Namumutla ka. Dapat siguro'y magbakasyon ka muna."

Hindi nakasagot si Felicidad. Namula lang ang kanyang mukha.

Muling nagsalita si Gobernador Gregorio, "Huwag ka nang bumalik sa kumbento, anak, bumalik na lang kayo ng tiya mo roon upang kunin ang mga gamit mo at makapagpaalam sa iyong mga kaibigan."

Nang marinig ang sinabi ng ama, hindi nakasagot si Felicidad, hindi mawari ang kanyang nararamdaman.

Ipinagpatuloy ng ama ang pagsasalita, "Pagkaraan ng ilang araw, pagkatapos mong maihanda ang iyong mga damit ay dito ka na lamang sa bahay."

"Mas mabuti nga kung ganoon, maaari ka namang magburda o magpinta dito sa bahay."

Yayakapin sana ni Felicidad si Tiya Flora sa naging mungkahi nito, subalit napansin niya ang paghinto ng isang kalesa na sakay si Francisco.

"Si Don Francisco!" ang sigaw ni Gobernador Gregorio nang nakita ang dumating.

Nang pumapanhik na si Francisco pumasok sa silid si Felicidad at isinara ang pintuan. Idinikit niya ang taynga sa dahon ng pinto at sumilip sa butas ng susian. Naglambitin siya sa leeg ng tiyahin nang ito'y pumasok sa silid, upang ipakita ang labis na kaligayahan.

"Batang ito, anong nangyari sayo? Sige, labasin mo na siya," halos maiyak si Tiya Flora sa pakikigalak sa pamangkin.

"Mag-ayos ka na, huwag mo siyang paghintayin nang matagal."

Ganoon na lamang ang katuwaan sa mga mukha nina Felicidad at Francisco nang sila'y magkaharap. Matagal na panahon din silang hindi nagkita.

"Doon kayo pumuwesto sa lugar na nakikita ng mga kapitbahay," ang sigaw ni Tiya Flora.        

"Naalaala mo kaya ako? Sa dami ng mga lungsod at magagandang dalagang nakita mo sa iyong paglalakbay ay naalaala mo kaya ako?" nakasimangot na sinabi ni Felicidad.

"Imposible kitang malimot, Felicidad. Hindi ko maaaring malimutan ang gabing iyon. Nang gabing iyon nang ako'y iyong lapitan samantalang iniiyakan ko ang bangkay ng aking ina. Natatandaan mo ba, nang hawak ko ang iyong kamay? Hinawakan ko rin ang kamay ng aking ina. Sumumpa na ikaw ay aking mamahalin. Paliligayahin kita kahit na paanong paraan at ngayon ay inuulit ko ang sumpang iyon."

"Ang alaala mo ay hindi napawalay sa akin kahit sandali, kasama ko iyan sa lahat ng aking mga paglakad, Felicidad."

"Maging sa pagtulog ay kasama kita. Lagi na'y namamalas kita sa aking panaginip."

"Sa lahat ng lugar na nararating ko, ang iyong alaala ay hindi napawalay sa akin. Imposibleng hindi kita maalala. Sagisag ka ng dalawang bansang mahal sa akin, ang Pilipinas at ang Paris. Kung ano ang pagmamahal ko sa dalawang lupaing ito ay siyang pagmamahal ko sa'yo."

Magiliw na sumagot si Felicidad, "Ako'y hindi nakapgbiyaheng tulad mo. Wala akong kundi ang San Lorenzo pero mula noong tayo'y maghiwalay at pumasok ng kumbento, hindi kita nalimot. Hindi kita nalimot kahit na ipinag-utos ng aking padre kumpesor na limutin kita, hindi ko magawa. Naalala ko ang ating kamusmusan, ang ating paglalaro at pagkakagalit minsan."

"Naalala ko ng minsan tayo'y naglalakad pauwi, kainitan pa ng araw noon. Nanguha ako ng mga dahon ng sambong, ipinalagay ko sa iyong sombrero para hindi mainit ang iyong ulo at nang hindi iyon sumakit."

Napangiti si Francisco, binuksan ang dala niyang kalupi at may inilabas na nakabalot na papel na namumula na sa kalumaan.

"Ano ito?" Iniabot ni Francisco ang bilot ng papel matapos buksan at lumitaw doon ang ilang dahon ng kung ano na nangingitim sa kalumaan at pagkatuyo pero naroon pa ang bango.

"Iyon pa ang iyong mga dahon ng sambong!" Nakangiti si Francisco. "Iyon lang naman ang alaala mo sa akin, di ba?"

Si Felicidad naman ang may dinukot sa tapat ng kanyang dibdib.

"Heto, sulat mo nang ikaw ag paalis."

"At ano ang sinabi ko sa sulat na iyan?" ang tanong ni Francisco.

"Puro kasinungalingan! Kung gusto mo'y babasahin ko sa iyo."

Itinaas ni Felicidad ang papel na pormang hindi makikita ni Francisco at sinimulan ang pagbabasa sa parteng gusto niyang umpisahan.

"Nais ng aking ama na ako ay umalis. Ayaw niyang pansinin ang aking pagtutol. Ako raw ay lalaki at dapat kong isipin ang aking tungkulin at ang aking hinaharap. Dapat ko raw pag-aralan ang karunungan ng buhay upang mapakinabangan ko raw iyon balang araw."

"Sabi pa ng aking ama kung naiintindihan ko raw siya. Magbibinata na ako'y umiiyak pa. Dinamdaman ko iyon at ipinagtapat na iniibig kita. Hindi nakakibo ang aking ama at nagtanong, "Sa palagay mo ba'y ikaw lang ang marunong umibig? Mahal kita anak at magdaramdam ako kung mawalay ka sa akin. Di pa nagtatagal na tayo'y naulila sa iyong ina. Ako ngayo'y patungo na sa pagtanda kailangan ko ang tulong ng isang kabataang tulad mo. Hindi ko alam kung magkikita pa tayo, ngunit may importante kang dapat isipin. Ang bukas ay naghihintay sa'yo pero sa akin ay namamaalam na. Ang pag-ibig mo ay nagsisimula pa lamang, ang akin ay nagwawakas na. Pero umiiyak ka at hindi nakapagtiis gayong ang pupuntahan mo'y ang bukas na napakahalaga para sa'yong bayan." Malungkot ang aking ama at kasabay ang pagluha. Niyakap ko siya at humingi ng tawad at sinasabi kong nakahanda na akong bumiyahe."

Napahinto si Felicidad sa pagbabasa nang mapansin niyang pabalik-balik sa harap niya si Francisco, balisa at namumutla. 

"Bakit?" Nag-aalalang tanong ni Felicidad sa kanyang iniibig, "Ano ang nangyayari sayo?"

"Dahil sa iyo'y nalimutan ko ang lahat, Felicidad. May tungkulin nga pala akong dapat gampanan."

Sa sinabi ni Francisco ay hindi nakakibo si Felicidad.

"Sige na, umalis ka na't hindi kita pipigilan."

Inihatid ni Gobernador Gregorio si Francisco sa ibaba ng bahay samantalang si Felicidad ay pumasok sa silid dalanginan. 

Tinungo ni Gobernador Gregorio si Felicidad sa silid dalanginan at ipinag-utos, "Anak, magtulos ka ng dalawang kandilang tigbebente singko. Isa sa Poong San Roque at ang isa sa Poong San Rafael, ang pintaksi ng mga manlalakbay para sa kaligtasan ni Francisco."

-kay gandang gunitain mga nangakaraang puno ng paggiliw.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status