Share

Chapter 1

IKATLONG

TAUHAN

“Selene”

INGAY ng ambulansya.

Napatakip siya sa kanyang tainga sa labis na pagkairita: kailanma’y hindi niya magugustuhan ang alingawngaw niyon.

Halos lahat ng estudyanteng nasa paligid ay huminto . . . subalit nagpatuloy rin sa kanya-kanyang ginagawa.

Hindi na bago ang ingay na iyon sa kanilang lungsod. Apat na beses kada linggo? Araw-araw? May mga pagkakataon pa nga’y dala-dalawang aksidente bawat araw.

Nakababahala man, nasanay na lamang din ang kanilang mga pandinig sa t’wing may nababalitang aksidente.

Napatanaw siya sa kalangitan.

Sumalubong sa kanyang mga mata ang pangalan ng kanilang paaralan, ‘University of Xanadu’, na nakalilok sa itaas na bahagi ng tarangkahan ng eskuwelahan.

Sa kabila ng lumalamang na dilim sa pinaghalong kulay bughaw at kahel na kalangitan, matingkad pa rin ang kulay gintong ginamit sa mga letra niyon.

Tila’y walang kupas; makintab pa rin kahit na patak ng mga ulan ang madalas na humahalik doon.

Pasimple niyang nilapatan ng tingin ang suot na relos.

Dapit alas sais na’t malapit nang magtakipsilim. Hindi maiwawaglit mula sa kanya ang pagkabagot:  kasalukuyan niyang hinihintay ang kanyang ama na nahuli na naman ng dating.

Kaninang alas singko pa natapos ang kanyang huling klase sa kursong sikolohiya. Sa mga sandaling ito’y dapat ay naroroon na siya sa kanilang tahanan at nagpapahinga: mahigit-kumulang isang oras na siyang naghihintay rito.

Wala sa sarili siyang nagpakawala ng isang malalim na buntonghininga at umiling-iling na lamang.

Inabot niya ang libro sa kanyang sisidlan. Bago iyon binuklat ay ilang beses niya munang inamoy-amoy na mistulang gutom sa mga salita.

Napangiti siya.

Halimuyak ng sariwang mga pahina niyon ang bumubusog sa kanyang isipan at nagpapatanggal ng buryo sa kanyang sistema.

Ito ang nakagawian niyang gawin sa t’wing napapagabi ang pagsundo sa kanyang ng kanyang ama.

Ang mga libro . . . iyon ang laging kaagapay niya.

Nagsimula siyang magbasa at sumisid sa bawat letrang nakamarka roon.

Ingay ng ambulansya ang umalingawngaw sa paligid. Napatakip siya sa kanyang tainga. Halos lahat ng taong nasa paligid niya ay nagsimula nang magbulung-bulungan.

‘Para ba namang hindi na nasanay.’

Dumako ang kanyang tingin sa kanyang bag nang marinig ang taginting ng kanyang telepono; kaagad niya iyon na itinangan.

Kanyang sinagot ang hinihiling na tawag ng ama’t binigyang-tuldok ang pag-iingay ng hawak.

Pagsasaliw ng iba’t ibang tunog ang kanyang narinig mula sa kabilang linya, kalakip ang basag at wari’y ’di mapakaling tinig ng hindi niya nakikilalang boses.

Ilang sandali siyang napatahimik at hindi umimik: kasalukuyang ipinoproseso ang mga narinig.

Nabitiwan niya na lamang ang kanyang telepono. Nasundan ng kanyang paningin ang pagdaluhong niyon patungo sa lupa kasabay ng pagkakabasag ng screen.

Mistulang nagkakarera sa pagdaloy ang kanyang mga luha mula sa kanyang mga mata: ’di makapaniwala sa kanyang nabalitaan.

Kusa na lamang lumagpak ang kanyang katawan; yumakap ang butil ng mga lupa sa tuhod niya. Ramdam ang pagsikip ng kanyang dibdib kasabay ng pamamasa ng kanyang pisngi.

Ang ama niya ang tinugon ng ambulansya . . . patay na ito.

Napatayo siya mula sa pagkakaupo at nabitiwan pa ang hawak na libro. Hindi niya mawari kung bakit kaparehas ng nabasa niya ang nangyari kanina maliban sa tawag . . . at sa balitang iyon.

Napahawak na lamang siya sa kanyang ulo’t ilang beses na napamasahe sa kanyang sentido.

Bumalik siya sa pagkakaupo at akma pang dadakpin ang nabitiwang libro nang may pares ng kamay ang naunang nakahawak dito.

“Girl, ’di ka pa rin sinusundo?” Mahinhin siyang napatawa’t umiling. Inabot niya ang inilalahad sa kanyang libro ng dalagang nakatayo sa kanyang harapan.

Kaagad niyang isinilid iyon sa kanyang bag kasabay ng paghagikhik din ng kaibigan. Nahagilap niya ang pagtingin nito sa relos bago siya nito muling balingan.

“Mauuna na ako, ah? Hinihintay na rin ako ni Yvonne. Bye!” paalam nito. Gumanti na lamang din siya ng kaway nang nagsimula na itong maglakad paalis.

“Sige, Lickesia,” pahabol niya pa. Hindi na ito lumingon pa’t sigurado siyang ’di nito narinig ang kanyang ibinigkas.

Sinundan niya lamang ng tingin ang likuran ng kanyang kaibigan bago tuluyang naglaho ang anyo nito sa kasagsagan ng paligid na abala.

Ibinaba niya ang kanyang bista at napunta sa kanyang mga sapatos ang atensyon niyon.

Kanyang natanaw ang maliliit na mga bato sa kanyang paanan; pinalipas na lamang ang mga minuto sa pamamagitan ng pagsipa sa mga iyon.

Malamlam na ang paligid: malabong anino na lamang ng kanyang sarili ang kanyang natatanaw sa lupa’t nababawasan na rin ang mga estudyanteng pagala-gala. Nagsibukas na rin ang mga ilaw sa ilang mga silid-aralan sa lahat ng gusali.

Talagang naiinip na siya. Nasaan na ba ang kanyang ama?

Ilang sandali pa’y may naaninag siyang anino sa kanyang harapan. Mabagal siyang napaangat ng ulo at sinalubong ng tingin ang nagmamay-ari niyon.

Isang pilit na ngiti ang sa kanya’y bumungad. “Anak, pasensya na kung nahuli na naman ako. Halika na, umuwi na tayo,” saad ng kanyang ama. Napatango na lamang siya.

Malalaki na ang itim sa ibaba ng mga mata nito. Gulong-gulo ang itim na buhok nitong nagkakapilak na rin tanda ng pagkakaroon ng edad.

Hindi taliwas sa kanyang kaalaman na pagod ito sa trabaho, kung kaya’t lubos niyang ikinagagalak na naghahanap pa rin ito ng paraan upang ibalanse ang oras nito’t nagagawa pa siyang sunduin.

Mapait siyang napangiti . . . sana ganito rin ang kanyang ina.

Akmang isusukbit na niya ang tali ng kanyang bag nang hatakin ito mula sa kanya ng kanyang ama. Iginiit nito na ito na ang magdadala.

Tumalima na lamang siya rito at sabay silang yumaon palabas ng entrada. Nagawa pang saluduhan ng kanyang ama ang kasalukuyang nakaupo’t nagbabantay na guwardiya sa tarangkahan.

[ tumalima - obey ]

Isang pedestrian lane at malawak na kalsada ang sumalubong sa kanyang paningin. Iyon ang naghihiwalay sa sakop ng eskuwelahan sa paradahan ng mga kotse’t motorsiklo.

Walang masyadong nagdaraanang mga behikulo, subalit kaliwa’t kanan pa ring luminga ang kanyang ama upang makasiguro. Nang walang mamataang paparating na sasakyan, tuluyan na siyang inaya nito at inantabayan pang makatawid.

Nang nasa gitna na sila, roon siya napahinto’t napatigalgal, nananatiling nakatanod ang paningin sa likuran ng kanyang ama.

Parang inagawan siya ng hangin . . . ito nga ba ang kanyang ama?

Hindi ba’t tinugon ito ng ambulansya?

Napabalita pang patay ito kaya’t paano?

Papaanong nandito ito ngayon?

Agaran niyang hinablot mula sa pagkakahawak nito ang kanyang bag.

Naging sapat ang ginawa niya upang ito’y mapalingon sa kanyang dakong gawi. Nababakas niya ang pagtataka’t pagod sa kunot nasa noo nito.

“Anak, ano’ng problema?” tanong nito.

Hindi niya itinuon sa ibang bagay ang atensyon niya.

Hindi niya nilubayan ng tingin ang taong nasa harapan niya.

Ang ama niya nga ba ito?

Kung hindi . . . bakit kamukhang-kamukha ito ng kanyang ama?

Subalit hindi.

Umiling lamang siya nang umiling.

Hindi siya magpapaloko rito!

Patay na ang kanyang ama.

Nakatanggap siya ng tawag.

Nakatanggap siya ng tawag, hindi ba?

Kaya’t imposible.

Napakaimposible.

Nakasisiguro siyang hindi ito ang kanyang ama!

Nanlalamig ang kanyang mga kamay; ilang beses na nanginig ang mga ito na nagiging pagtapik sa kanyang hita.

Inilibot niya ang kanyang mga mata sa kinalalagyan nito’t nahagilap ang isang paparating na rumaragasang sasakyan.

Isang ambulansya.

Sirena. Alingawngaw. Ingay. Wari’y binabalatan ang kanyang tainga.

Subalit ang mga kumikislap na kulay: bughaw, at pula.

Nagawa nitong hatakin ang kanyang atensiyon . . . na para bang ipinako ang kanyang mga mata roon.

Pula.

Pula.

Kikinang-kinang ang mga iyon sa kanyang paningin.

Wari’y dugo iyon.

Nahihilo siya. Pipikit, pipikit . . . mistulang kulang na lamang ay siya’y matulog.

“Pa,” tugon niya. Sumawsaw ang kati na nararamdaman niya sa kanyang mga palad. Hindi niya mawari kung ano ang nangyayari sa kanya!

Makati.

Masakit.

Malamig.

Muli niyang binalingan ng tingin ang kanyang ama:  nagtataka, nagmamadali, hanggang sa nap

Kasabay ng pag-alingawngaw ng sirena nito sa kanyang pandinig, ang wala sa diwa niyang malakas na pagtulak sa kanyang ama.

Mistulang naging mabagal ang usad ng bawat pangyayari.

Kita niya ang panlalaki ng mga mata nito.

Mabilis . . . ngunit wari’y mabagal.

Ipinikit niya nang mariin ang mga mata.

Napasinghap siya.

Isang malakas na salpok kasabay ng marahas na paghinto ng behikulo ang kanyang naulinigan.

Paunti-unti, binuksan niga ang talukap ng kanyang mga mata. Binalot ng katahimikan ang paligid nang makasalubong ng kanyang paningin ang naganap.

Wala sa sarili niyang nabitiwan ang kanyang bag. Ni hindi niya maalis ang kanyang tingin sa kasalukuyang nakahigang pigura ng kanyang ama sa malamig na latag ng bato sa daan.

Sa tiyak na pagkakataong iyon, tila’y nagyelo ang kanyang buong katawan.

Humumpay.

Binalot ng lamig.

Kitang-kita niya ang yupi sa ambulansya. Pati na rin ang dugo . . . ang dugo na nakaratay sa kalsada.

Unti-unti niyang inangat ang mga palad, itinapat sa kanya. Sinusuri: natapos, hindi makuntento.

Sa kanya ang mga kamay na iyon, ang mga daliri, ang mga guhit, subalit hindi siya. Nakatitiyak siyang hindi siya ang may gawa no’n.

Hindi niya makakayang patayin ang kanyang ama.

Hindi niya kaya!

Unti-unting lumabo ang kanyang paningin; binalot ng mga butil ng luhang nabubuo roon.

Hakbang.

Nakatatatlong hakbang pa lamang palapit subalit ay isang kamay ang sa kanya’y pumigil.

Tiningnan niya ang nagmamay-ari niyon at natagpuan ang guwardiya.

Namumuslak niya ang init na sumirkulo sa kanyang sistema’t panginginig ng kanyang mga kamay sa matinding galit. Buong lakas niyang itong pinalo sa kamay na naging dahilan ng pagkabitiw nito sa kanya.

Kaagad niyang dinalo ang kanyang ama.

Subalit sa bawat paghakbang niya’y ramdam niya ang pangangatal ng kanyang mga tuhod. Tila’y lahat ng timbang niya’y napunta sa kanyang mga paa, kinakaladkad na lamang ng kanyang utak ang kanyang katawan palapit dito.

Hinding-hindi siya nagkakamaling ganito rin ang naramdaman niya noong huling pagkikita nila ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki.

Nag-iinit ang kanyang mga talukap.

Ano ang ginawa niya?

Siya ba talaga ang may gawa niyon?

Lahat ng luhang pilit na itinatago kanina’y sa isang saglit ay nagsimulang umagos mula sa kanyang mga mata.

Napahagulgol siya. Sumigaw. Nang sumigaw.

Nakatagilid ang ulo nito, mababakas na nabalian ng kasukasuan. Walang tigil sa pagdaloy nang masagana ang dugo mula sa sugat nito sa noo: ’gaya ng kanyang mga luhang ’di matigil-tigil sa pagbagsak.

[ kasukasuan - joint ]

Hindi na niya napigilan pa ang mapaluhod. Tanging malakas na pintig ng kanyang puso’t pagtakas ng kanyang mga hikbi ang maririnig.

Hindi niya lubos na mawari kung paano dakpin ang kanyang gumuguhong damdamin.

Mistulang inagaw mula sa kanya ang kanyang hininga; at ito siya, pilit na hinahabol iyon.

Unti-unti niyang inabot ang ulo ng kanyang ama bago ito hinilig sa kanyang binti.

“Pa.” Pagtawag niya rito kasabay ng mahinang pagtapik sa pisngi.

Umaasa . . . umaasang sana ay nagkakamali siya.

“Pa,” muli niyang sambit.

Nanatili itong nakapikit.

’Di gumagalaw.

Wari’y isang bangkay.

Ilang ulit siyang umiling.

Hindi maaari.

Kahit labag sa kanyang kalooban, unti-unti niyang inilapat ang kanyang hintuturo at gitnang daliri sa leeg nito upang damhin kung may pulso pa ito.

Subalit mali, pinagsisisihan niyang ginawa niya iyon.

Malalakas niyang mga hiyaw ang dumagundong sa buong paligid: hinihiyaw ang pangalan ng kanyang ama.

Pilit na iniyuyugyog ang magkabilang balikat nito.

Muling umaasa.

Hinihiling na mali siya.

Ngunit . . . tuluyan na itong binawian ng buhay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status