Share

Chapter 3

IKATLONG

TAUHAN

“Selene”

TUNOG ng kampana.

Kagalakang bakas sa mukha ng kanyang mga kaklase.

Buntonghininga mula sa kanilang guro.

Katatapos pa lamang ng kanyang huling klase para sa umaga.

Nagmamadali niyang inayos ang kanyang mga gamit at isinilid ang mga iyon sa kanyang bag. Isinukbit niya ang sintas sa kanyang balikat bago tumayo.

Sinundan lamang ng kanyang mga mata ang paglisan ng pigura ng kanyang mga kaklase mula sa pintuan. Hinintay niya munang siya na lamang ang matira bago lumabas ng kanilang silid-aralan.

Dinalo niya ang hagdanan subalit siya’y napatigil nang sumilay sa bukana ng kanyang mga mata ang paligid.

Pinagmasdan niya iyon.

Marka ng nalalapit na selebrasyong gaganapin sa kanilang paaralan ang kaaya-aya at marikit na mga lasong nakasabit sa mga haligi.

Nagsasaliw sa kanyang mga mata ang iba’t ibang kulay: rosas, bughaw, kahel, berde, dilaw, at lila. Higit iyon na pinasigla ng liwayway na siyang nanganganinag mula sa salaming dingding ng gusaling kanyang kinabibilangan.

Subalit lubos na nakapupukaw ng atensyon ang kulay pula na siyang nakapalibot nang pabilog sa hawakan sa hagdan.

Wari’y rubi iyon sa kanyang mga mata: kikinang-kinang.

Katingkaran nito’y sadyang nakahuhumaling . . . subalit hindi para sa kanya.

Ramdam niya ang marahan hanggang sa parahas na nang parahas na pag-ikot ng kanyang paningin. Sumasakit din ang kanyang ulo na mistulang may maliliit na mga karayom na siyang sumusundot doon.

Ilang beses siyang napakurap at nasapo na lamang niya ang kanyang sentido gamit ang kanyang nanlalamig na mga palad.

Pinilit niyang ipalagay sa puwesto ang kanyang suwelas sa sahig at gamitin ang baranda upang masuportahan ang kanyang bigat.

Hindi niya malaman noong mga sandaling iyon kung bakit tila’y tinakasan siya ng lakas.

Napapaso siya roon. Tila’y may kung anong umuudyok sa kanya upang tanggalin ang pagkakalapat ng kanyang palad sa metal na hawakan . . . kahit pa man malamig iyon.

Tanging paghingi ng saklolo sa kanyang isipan ang kanyang nagagawa.

Hinihigop siya ng hangin pababa.

Mistulang madulas ang kanyang tinatapakan.

Batid niyang ’di nakikiayon sa kanyang utak ang kanyang katawan.

Nahihirapan na siya.

Pakiusap—kung may makaririnig man.

Bago pa man siya tuluyang magpagulong-gulong pababa sa mga baitang ng hagdan, humaplos nang marahas sa kanyang braso ang isang kamay. Napahiyaw na lamang siya nang hatakin siya nito.

Bumagsak ang kanyang pang-upo sa lapag. Sunod na lumamon sa kanya ang pakiramdam na wari’y dumapo sa parteng iyon ang daan-daang suntok.

Kinaladkad niya ang kanyang katawan. Mahigpit niyang niyapos ang nanginginig niyang mga binti’t binisang higit na ipinagsiksikan ang kanyang sarili sa sulok.

Nanatiling nakabuka ang talukap ng kanyang mga mata’t halos hindi na makahinga sa diwang kamuntik-muntikan na siyang nahulog.

Mistulang nawala sa kanyang pandamdam ang hapdi ng hangin na siyang sumasampal sa kanyang bolang mata: hindi na niya iyon napapansin pa.

Nakagigitla.

Natatalinghagaan siya sa nangyari kanina.

[ natatalinghagaan - puzzled ]

Tila’y hindi niya kilala ang kanyang sarili noong mga oras na iyon.

Sandali . . . siya ba talaga iyon?

Napaangat siya ng ulo nang maramdaman ang isang malambot na hawak na dumampi sa kanyang balikat.

Sumalubong sa kanyang bista ang taong ngayon ay nakayuko’t mataimtim na nakatitig sa kanya. Napakisap siya bago muling ipinokus ang kanyang tingin dito. “S-Salamat.”

Tuluyan nang nawala ang kunot sa noo nito’t umaliwalas ang mukha kalakip ng pag-usbong ng isang ngiti sa mukha nito.

Inalis na nito ang pagkakahawak sa kanya sa balikat bago nito inilahad sa kanya ang sariling palad.

Kahit na nag-aalinlangan ay tinanggap niya pa rin iyon: hinatak siya nito patayo.

“Salamat.” Yumuko siya sa harapan nito bilang muling pagkilala sa ginawa nitong pagligtas sa kanya.

Hindi na niya hinintay pang makapagsalita ito, kaagad na niyang tinakbo ang daan pababa. Pilit niyang inililihis ang kanyang tingin mula sa pulang laso sa baranda.

Dumadagundong sa kanyang pandinig ang ingay ng bawat pagtagpo ng takong ng kanyang sapatos sa sementadong mga baitang ng hagdan.

Mabilis ang kanyang naging paglakad. Mistulang hinahabol niya ang oras ngunit nang mahimasmasan ay naging normal n ang kanyang paglaktaw.

“I’ll join you.”

Napasulyap siya sa kanyang kanan nang marinig ang malumanay ngunit buo nitong boses.

Kanyang naaninag ang bulto ng sumagip sa kanya kani-kanina lamang. Nakapamulsa ito’t diretso ang tingin sa kanilang nilalakaran.

Hindi niya maiwasan ang mapaalsa ng kilay. Parang nakuha naman nito ang ibig niyang ipahiwatig kahit na hindi ito lumingon sa kanya. “Papunta rin ako sa cafeteria.”

Muli niya na lamang itinuon ang kanyang atensyon sa daanan. Alam niyang hindi niya dapat kuwestiyunin ang sinabi nito sapagkat tanghalian na’t normal na didiretso sa kantina ang mga estudyante.

“By the way,” panimula nito, “I’m Raziel. Raziel Hope Campbell.”

Tumigil siya sa paglalakad at bumaling ng tingin dito.

Nakahinto na rin ito’t kasalukuyang nakalahad ang kanang palad sa kanya. Hindi man labis na sigurado, unti-unti niyang inabot iyon at nakipagkamay rito.

“Selene,” sagot niya.

Binitiwan na siya nito. Lumantad sa pangalawang pagkakataon ang ngiti sa mukha nito’t ipinagpatuloy na muli ang paglalakad.

“Kaklase mo pala ako sa isa sa mga subjects. I’m a transferee. Psychology student ka rin, ’di ba?” muling dakdak nito.

Ramdam niya ang muling pag-angat ng kanyang kilay. Ganoon na ba siya kawalang pakialam sa mga ganap sa paligid niya kaya’t kahit ito’y ’di niya maalala?

Isang buwan na rin ang nakalilipas magmula noong unang araw ng pasukan. Talagang palaisipan sa kanya kung bakit hindi man lamang niya ito napansin sa loob ng napakahabang panahon na iyon.

Ilang metro na lamang ang layo nila mula sa entrada ng kantina’t natagpuan na ng kanyang mga tainga ang ingay na siyang galing sa loob.

“S-Sandali.”

Akma na niyang itatapak ang kanyang sapatos sa sahig ng kantina nang kanyang maulinigan iyon.

Muli niyang itong tiningnan. Napaubo naman ito at tinanggal ang pagkakaloob ng mga kamay nito sa bulsa.

Dinapit nito ang kanyang puwesto na bahagyang nalalayo mula sa kinalalagyan nito.

“Is it okay if I’ll join you pati sa table? This is the first time kasi na kinausap mo ako. And . . . you know,” wika nito. Ibinaba nito ang ulo't nilaro ang mga sapatos nito.

“Gusto kitang makilala,” pagpapatuloy nito.

Nagbuntonghininga siya.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataong may kinausap siya maliban sa kanyang mga kaibigan na sina Lickesia at Yvonne.

Ngunit ayaw niyang lumabas na maldita o ’di kaya’y masama sa paningin nito—bago pa naman silang magkakilala—kahit na batid niyang ganoon ang tingin ng karamihan sa kanya.

“Sige.” Kaagad naman itong napaangat ng ulo. Hindi na niya iyon pinansin pa’t kaagad na pumasok.

Dama niya naman ang presensiya nito na siyang sumusunod sa kanya.

Hindi na siya nag-abala pa na bumili ng pagkain at dumiretso na lamang sa isang bakanteng pang-apat na mesa’t mahahabang mga silya.

Una niyang inilapag ang kanyang bag sa gilid bago sumabay rito ng upo. Nagpadekwatro lamang siya ng upo’t muling napaayos nang sumunod sa kanyang tapat si Raziel.

Bago pa man niya maibigkas ang kanyang tanong dito, itinukod na nito ang mga siko sa puting lamesa’t tinugon na ang kanyang tanong. “I won’t eat,” saad nito bago muling ngumiti.

Napatikhim na lamang siya bago inilibot ang kanyang paningin sa kabuuan ng paligid: iniiwasang muling mapaisip sa ginawa ng binata.

Luminga-linga siya’t ginawaran ng simpleng tingin ang bawat sulok ng kantina.

Mistulang dambuhalang mangkok iyon na nakataob. Magagawa na niyang manalamin sa haligi nitong gawa rin sa salamin. Tanyag ang kanilang unibersidad sa ngalang, “School of Glass”, sapagkat gawa sa salamin ang dingding ng mga establisimiyento rito.

Sa halos dalawang taong pamamalagi niya sa paaralang ito, ngayon niya lamang nabigyang-halaga ang napakaimportanteng detalyeng iyon.

Ganoon nga ba ang nagagawa ng ‘may iniiwasan’?

Sumulyap siya sa relos na nasa kanyang kaliwang braso’t nakitang dadapit na ang alas dose y medya.

Binalingan niya ng tingin ang kanyang mga hita; ilang beses siyang napatapik sa kulay puti na telang tumataklob sa kanyang balat. Nagawa niyang palipasin ang mga segundo sa pamamagitan niyon.

“Girl! We’re so sorry na na-late kami.” Napatingin siya sa kararating lamang na mga kaibigan niya. Binati niya ang mga ito ng ngiti.

Tumabi sa kanya si Yvonne at umupo naman sa kanyang tapat ang isa pa niyang kaibigan. Umangat ang kanyang kilay nang mapagtantong wala na roon ang kanyang kasama.

“Esia kasi visited her boyfriend pa,” reklamo ni Yvonne. Nagawa pa nitong paikutin ang mga mata. Ganoon na lamang din ang ginawa ni Lickesia.

Binuksan na nito ang dala-dala nitong sisidlan kasabay ng pagkuha nito sa tatlong lalagyan ng pagkain. Inilapag nito ang mga iyon sa harapan nilang tatlo.

Napapalakpak si Yvonne at hinanda na ang sariling kubyertos. “Yey! Finally! I’m gonna eat na rin!” Akma na nitong bubuksan ang takip nang pigilan ito ni Lickesia.

“What’s your problema ba? I’m going to eat na!” pagdadabog nito.

Inilingan lamang ito ni Lickesia at unti-unti nang hinahatak ang sisidlan palayo ngunit umalma rin naman si Yvonne.

Nagsimula sa paghilaan ang mga ito.

“Pagkatapos mong magreklamo?” kantiyaw ni Lickesia.

Napabitiw rin naman ito ’di kalaunan sa kanilang pinag-aagawan nang isang buwelong hinila iyon ni Yvonne.

Tuluyan na nitong sinagupa ang pagkain. “I’m sorry na if nag-complain ako. We’re bati na ulit, Esia, okay? Don’t be maarte na.” Pangangatuwiran nito nang punong-puno pa ang laman ng bibig.

Mahina lamang siyang napahagikhik at nagsimula na lamang ding kumain.

Siya’y napapapikit sa t’wing nalalasahan ng kanyang dila ang pinagsamang kulasim, tamis at anghang ng kanyang kinakaing steak.

[ kulasim - sourness ]

Nakadagdag pa sa pagkakomportable ng kanyang pagkain ang pagiging malambot nito na naging kalugod-lugod sa kanyang mga ngipin.

Talagang ’di maipagkakait ang likas na abilidad ni Lickesia sa pagluluto. Ang gawain din nitong araw-araw na pagluluto ng pagkain para sa kanilang magkakaibigan ay nagagawang libangan ang simpleng kakayahan.

’Di rin taliwas ang ginaganap nito sa kursong kinukuha nito na AB Cullinary Arts.

Makapito rin siyang nasagi ng siko ni Yvonne bunsod ng kulitan ng dalawa. Hindi na lamang siya nagreklamo sa mga ito’t hinayaan na lamang ang kanyang mga kaibigan.

Tahimik siyang nagpatuloy sa pagkain.

Napahinto na lamang siya sa pagnguya nang marinig at maramdaman ang mabigat na hampas sa kanilang kinakainang tabla.

Sinalubong niya ng tingin si Lickesia na ngayo’y nakatayo’t nanginginig at pulang-pula ang mukha.

Nasindak siya nang dinuro nito si Yvonne gamit ang tinidor. Hindi maiwawaglit ang sama rin ng pagtingin ni Yvonne dito.

Akma na siyang tatayo’t aawatin ang dalawa nang siya naman ang dinuruan nito ng hawak. Muli na lamang siyang napaupo.

Ibinalik nito ang tinidor sa pagkatutok kay Yvonne. “Wala kang karapatan para sabihing may sakit sa pag-iisip ang boyfriend ko!” sumbat nito.

Napatigalgal lamang siya nang marahas na ibinagsak nito ang hawak na patalim sa mesa.

Inabot nito ang hawak nitong bag at napapikit na lamang siya nang humampas sa balikat ni Yvonne iyon.

Nakahinga lamang siya nang maluwag nang tuluyan nang nawala ang anyo nito sa nasasakupan ng kanyang paningin.

Sinundan niya ng tingin ang papalayong Lickesia na pinagbabangga ang lahat ng nakasasalubong nito sa daan.

Binalingan niya ang isa pang kaibigan.

Pilit siyang nginitian nito bago muling naupo’t hinawakan ang sariling kubyertos.

“Let’s continue our pagkain.” Saad nito bago muling nagpatuloy—sa paraang tahimik na nga lang.

Napataas na lamang siya ng kilay.

Ano ang nangyari?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status