Share

Chapter 2: Leader

Natapos ang unang flag ceremony na hindi namamalayan ni Elizabeth dahil busy siya sa pag-iisip kung paano iinisin si Trixie. Dumagsa rin ang late comers, may namumukhaan siya pero ‘yong iba ay parang ngayon niya lang nakita. Naka-graduate na yata ang iba niyang kasamahan na palaging late o baka nagbagong buhay na ang mga ito.

“Ano pang hinihintay n’yo? Mag-umpisa na kayo,” nakasimangot na utos ni Trixie. Nagpresinta itong bantayan ang late comers kaya umalis na ang ibang officers.

Hindi maganda ang tingin nito sa kanila ng lalaking katabi niya. Kasalukuyan silang nasa gilid ng stage dahil gusto ni Trixie na sila ang mamuno roon. Malaki yata ang galit nito sa kaniya at mukhang pinag-iinitan siya. Pero hindi siya papayag sa gusto nitong mangyari.

“Hindi ako nagdarasal,” palusot ng lalaki. “Ikaw na ang bahala sa opening prayer,” anito.

“Wala rin akong alam diyan,” pagsisinuwaling niya. Patawarin nawa siya ni Lord. Hindi niya lang talaga gustong pagbigyan ang pagiging bossy ni Trixie. “Bakit hindi na lang natin sa kanila ipagawa?” bulong niya rito. Inginuso niya ang mga estudyante na nakapila sa ilalim ng sikat ng araw.

“Paano?”

“Ako na ang bahala,” nakangisi niyang tugon. Naglakad siya patungo sa gitna ng stage. Tumikhim siya upang makuha ang atensyon ng mga ito. “Late comers, handa na ba kayo?” tanong niya sa mababang boses pero sinigurado niyang maririnig siya ng lahat. Hindi siya puwedeng sumigaw o gumamit ng microphone dahil maririnig siya ng teachers.

Nagtatakang tingin ang ipinukol ng mga ito sa kaniya samantalang napangisi naman ang ibang nakakakilala sa kaniya. Tiyak na may ideya na ang mga ito na may kalokohan siyang gagawin. Narinig pa niyang sumigaw si Trixie ng, “Elizabeth, ano ang balak mong gawin?” Siyempre, hindi niya ito pinansin.

“Sinong nagsisimba tuwing Linggo?” May pitong estudyanteng nagtaas ng kamay. “Very good!” Pumalakpak siya. “May plus points kayo sa langit. Ikaw,” itinuro niya ‘yong may pinakamaamong mukha sa lahat nang nagtaas ng kamay, “samahan mo ako sa stage.” Bakas sa mukha ng babae ang pagtataka pero sumunod naman ito.

“Sino sa inyo ang may golden voice?” May dalawang nagtaas ng kamay. “Marunong kang kumumpas?” tanong niya sa mas maganda. Tumango ito. “Halika ka rito sa stage.”

“Sinong magaling mangako o manumpa? Iyong tipong gagawin ang lahat para sa crush?” Nagtawanan ang mga estudayante pero napansin niyang walang nagtaas ng kamay. Mukhang may kutob na ang mga ito kung anong binabalak niyang gawin.

“Well, dahil walang umaamin sa inyo, ako na mismo ang pipili.” Tinuro niya ang dalawang lalaki na pinakamalakas tumawa. Madalas niyang makasabay ang dalawang kumag na ‘yon sa flag ceremony tuwing nale-late siya. “Kayong dalawa ang magre-recite ng Panatang Makabayan at Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.” Umungol ang mga ito pero hindi naman nagreklamo.

“Sinong gustong mag-Zumba?” Nag-iwas ng tingin ang lahat. Walang may gustong mag-exercise. “O, ‘yong mga chubby riyan na katulad ko, huwag na kayong humiyak. Kitang-kita ko kayo. Huwag n’yong itago ‘yang bilbil n’yo, ipangalandakan n’yo ‘yan.”

Nagtawanan na naman ang lahat. Pumili siya ng apat na estudyante na malusog ang pangangatawan upang mag-lead ng exercise.

“O, kompleto na!” Nag-round of applause siya. “Humayo kayo at magparami!” Naghalakhakan ang mga ito. “Char lang!” Nag-peace sign siya. “Let’s start the ceremony. Mainit na, eh!”

“Hoy, Elizabeth, ano bang ginagawa mo? Nagsasayang ka lang ng oras,” sita ni Trixie. Lumapit pa talaga ito sa kaniya.

“Ginawa ko lang ang dapat na ginagawa ng isang leader,” pang-iinis niya rito.

“Leader?” nang-uuyam ang tinig nito at pinagtaasan pa siya ng kilay. “Ang sinabi ko, ikaw ang mag-lead sa flag ceremony. Hindi ko sinabing mag-lead ka sa kalokohan.”

“Leader nga ang tawag do’n,” giit niya. “At ang leader, nag-a-assign ng tasks. Ibig sabihin, ako ang magbibigay ng utos. Ako ang masusunod,” pagdidiin niya. “Ngayon, kung hindi ka pabor sa ginawa ko, ikaw na ang mag-lead sa kanila. Ako naman, pupunta na sa classroom.”

Hindi makapaniwalang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. “Ibang klase ka talaga!”

“Iba talaga!” proud niyang sangayon dito at saka ibinalik ang tingin sa mga estudyante. “Ladies and gentlemen, mayroon ba kayong reklamo sa ginawa ko?”

“Wala!” sabay-sabay natugon ng mga ito. Umiling pa ang iba.

“Let’s start,” maarteng sabi ng babaeng mukhang may rainbow ang ulo. Makulay kasi ang hairband nito kaya niya nasabi ‘yon. “It’s so hot na!” maktol nito.

“Oo nga,” segunda ng lalaking malaki ang katawan. “Nixie, pabayaan mo na kami.” Mali pa ito sa pagbanggit ng pangalan ni Trixie kaya nagtawanan ang lahat.

“See?” She raised her eyebrow. “Ikaw ang nagpapatagal dito. Kung kontra ka pa rin sa ginawa ko, aba, dapat na isumbong na kita sa principal.”

Trixie kept her mouth shut but gave Elizabeth a sharp glare.

“Bakit ang tagal ninyong magsimula? Malapit nang mag-start ang first class,” sita ni Rico, ang SSG President ng TOP Academy.

“Mag-uumpisa na kami,” sabad ni Bruce.

Aba, buhay pa pala ito? Ang akala niya ay nabaon na ito sa hukay. Hindi niya kasi narinig ang boses nito at wala man lang itong karea-reaksyon.

“Bilisan n’yo.”

Tumalima ang mga naatasan niyang mamuno sa flag ceremony. Mabilis lang ‘yong natapos pero wala ng oras para mamulot pa sila ng kalat kaya pinapasok na sila ni Rico sa kani-kanilang classroom.

“Masaya ka ba dahil nanalo ka?” may halong gigil sa tinig ni Trixie. “Sinadya mo akong ipahiya, ‘no?”

Magkasabay silang naglakad patungo sa kani-kanilang classroom.

“Mayroon bang competition? Hindi ako na-inform,” pang-aasar niya rito. Ang pikon, talo. “Sa pagkakatanda ko, ikaw ang nagpahiya sa sarili mo.” Inumpisahan siya nito kaya tinapos niya lang.

Hinablot ni Trixie ang kaniyang braso kaya napalingon siya rito at napilitang huminto sa paglalakad. “Bitiwan mo nga ako!”

“Mag-sorry ka sa akin!”

“What?” bulalas niya sabay tawa nang pagak. “Ano ka sinusuwerte?” Wala naman siyang kasalanan dito kaya bakit siya hihingi ng tawad?

“Pinahiya mo ako—” Natigilan ito sa pagsasalita nang may bumangga rito. Si Bruce. “Ano ba?”

“Oops… Sorry?” Parang hindi ito sigurado sa paghingi ng paumanhin o baka nang-aasar lang ito? “Nakaharang ka kasi sa gitna ng daan.”

Binitiwan ni Trixie ang kaniyang kamay at hinirap ang lalaki. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataon na umiwas sa gulo. Mabilis siyang naglakad palayo sa mga ito. Bahala na si Bruce sa malditang Trixie na ‘yon.

Hindi pa siya nakakarating sa classroom ay natanaw na niya si Thad. Nasa labas ito ng classroom, nakapangalumbaba sa railings at malayo ang tingin. Hindi nito namalayan ang paglapit niya kaya kinalabit niya ito. Agad naman itong lumingon sa kaniya na salubong ang mga kilay.

“Iniwan mo ako!” sumbat niya.

“Ayokong ma-late,” tipid nitong sagot na obvious namang dahilan kung bakit siya nito iniwan kaya lalo siyang nainis dito.

Sana nilambing na lang siya nito para mawala ang inis niya. “Diyan ka na nga!”

“Sandali!” Pigil nito sa kaniya at nagpapigil naman siya. Marupok. “Basa pa ‘yang buhok mo pero pinusod mo na.” Tinanggal nito ang tali sa kaniyang buhok bago pa siya makapag-react. “Mayroon ka bang suklay?”

“Ewan.” Hindi siya sigurado kung may suklay ba sa loob ng kaniyang bag. “Bakit, susuklayan mo ako?”

“Hindi.”

Sinabi niya nga, hindi. Aasa pa ba siya rito? “Sige, papasok na ako sa classroom namin.”

“Umaayos ka roon,” seryoso nitong turan. Dinutdot pa nito ang kaniyang noo. “Hindi ko na mababantayan ang bawat kilos mo kaya magpakabait ka.”

“Yes, Sir!” Sumaludo pa siya rito para iparating na naiintindihan niya ito. “Para namang ang layo ko sa ‘yo.” Magkatabi lang naman ang classroom nila.

“Kahit na.”

“Oo na. Oo na,” napipilitan niyang saad. “Papasok na ako.”

“Teka!”

Pumalatak siya. “Ano na naman ba ‘yon? Sabihin mo na nga lahat nang gusto mong sabihin.”

“Magsuklay ka.”

Iyon na ‘yon? “Ibalik mo sa akin ‘yong tali ko.” Hawak pa rin nito ang panali niya sa buhok.

“Mamayang recess ko na ibibigay sa ‘yo para sigurado akong magsusuklay ka at hindi mo tatalian ‘yang basang buhok mo.”

“Fine! Fine!” Napapadyak siya. Sigurista talaga ito. “Wala ka na bang ibang sasabihin?”

“Mayroon pa.” May dinukot ito mula sa bulsa ng pantalon at ibinigay ‘yon sa kaniya. “Kainin mo ‘yan bago mag-start ang klase.”

Biscuit ‘yon. Alam siguro nito na hindi siya nag-agahan. Awtomatakong sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Magpapasalamat na sana siya rito pero mabilis itong naglaho sa paningin niya. Pumasok na ito sa silid-aralan.

Balak niya itong sundan pero pinigilan niya ang sarili. Naalala niyang hindi na pala sila magkaklase. Maiinggit at malulungkot lang siya kapag nakita niyang magkakasama ang lahat ng classmate niya noon.

Napagpasyahan niyang pumasok na sa classroom pero naudlot ‘yon nang makita niya si Bruce. Dinaanan lang siya nito at dere-deretsong pumasok sa classroom nila Thad. Napatda siya at ilang segundo bago nag-sink in sa kaniyang utak ang lahat.

Si Bruce ang dahilan kung bakit naligwak siya sa top section. Ito ang dahilan kung bakit magkakahiwalay sila ni Thad at ng iba pa niyang kaibigan.

Bakit hindi niya agad ito nakilala? Ganoon ba talaga kahina ang utak niya pagdating sa pagtanda ng mga pangalan at pagkilala ng mga tao? O sadyang wala lang talaga siyang pakialam sa paligid niya? 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status