Share

Chapter 3: New Friends

“I hate it!” Hinampas ng babae ang desk gamit ang libro. “Hindi na natin classmate si Bruce. Isa pa naman siya sa mga dahilan kung bakit araw-araw akong pumapasok.”

Iyon agad ang bumungad kay Elizabeth pagpasok niya sa classroom. Lahat ng mga mata ay nakatingin sa kaniya. Hindi niya tuloy alam kung saan babaling. Pakiwari niya, hindi siya welcome roon.

“Hindi ba, siya ‘yong parang aso na palaging nakabuntot kay Thad?” parinig ng isang babaeng kausap nang naunang nagpahayag ng pagkadisgusto sa kaniya.

“Tama ka riyan, Cara.”

Pinag-uusapan siya ng mga ito na parang wala siya roon samantalang nakatayo lang siya malapit sa pintuan. Umuwi na lang kaya siya? Tutal, ayaw naman talaga niyang pumasok at hindi niya gustong mapabilang sa section na ‘yon.

“Wala ka bang mauupuan?”

Napakislot siya nang biglang may nagsalita sa tabi niya. Nilingon niya ang may-ari ng boses na ‘yon. Napatanga siya rito. Halos kasing tangkad nito si Thad pero mas malaki nang kaunti ang katawan nito kumpara sa kaibigan niya. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang palaging nakakalaban ni Thad sa basketball; mapa-Intramurals o Foundation Day pa ‘yon.

“Bakante ang armchair na katabi ng sa akin. Doon ka na lang umupo.

“Ha?”

Balak niya sanang tumutol pero mabilis nitong nahawakan ang kaniyang kamay. Napasinghap ang mga babaeng classmate nila at nagtaas naman ng kilay ang iba. Sumipol naman at naghiyawan ang kalalakihin at may pumalakpak pa.

Iginiya siya nito patungo sa upuan. Nasa pinakadulo ang puwesto nito, malapit sa bintana.

“Simula sa araw na ‘to, seatmate na tayo,” deklara nito.

Nagkagulo sa classroom at samu’t saring reaksyon at opinyon ang naglabasan. Sunod-sunod na komento ang narinig niya partikular na nagmula sa kabaro niya. Dismayado ang mga ito at mukhang hindi natuwa sa nangyari.

“No way! Wala siyang karapatang tumabi sa ‘yo, Lester,” apila ng babaeng malaki yata ang galit sa kaniya. Kanina pa ito lantarang nagpahayag ng inis sa kaniya.

“Ano siya, sinusuwerte?” segunda ng kaibigan nitong si Cara.

Nagsalubong ang kilay ni Lester kasabay nang pagkibot ng labi nito. “Sino ba ang dapat na katabi ko, Lucy?”

“Kahit na sino basta hindi lang siya,” nakapamaywang na tugon nito.

“Sino ka ba para diktahan ako?”

“Lester, concern lang naman ako sa ‘yo,” paglalambing nito, sinamahan pa nang pagpungay ng mga mata.

Lumapit ito sa lalaki. Binangga siya nito nang madaanan siya kaya wala sa oras na napaupo siya sa armchair. Gusto niyang dumaing na masakit pero pinigilan niya ang sarili. Nagpanggap siya na balewala ang nangyari.

“Para siyang linta kung makalapit kay Thad.” Hinimas nito ang braso ng lalaki. “Baka ikaw naman ang sunod na biktimahin niya.”

She rolled her eyes. What a nerve! Kasalanan niya ba kung bakit close sila ni Thad? Kasalanan niya ba kung bakit nag-alok ng tulong si Lester? Kung makapagsalita si Lucy na linta siya, ano palang tawag dito? Ito nga ‘yong lumalapit sa lalaki at may pahimas-himas pang nalalaman.

“Ang dami mo namang satsat,” hindi niya mapigilang sabat. Pinagkrus niya ang braso sa ibabaw ng dibdib. “Bakit hindi mo na lang sabihin na gusto mong makatabi si Lester?”

“Wait lang, ang lakas naman ng loob mo na sabihin sa akin ‘yan. Sino ka ba sa tingin mo?”

“Ako si Elizabeth Marie Lopez, na naligwak mula sa top section,” proud niyang pakilala sa sarili. Hindi niya ‘yon ikinahihiya dahil kasalanan naman niya kung bakit nangyari ‘yon. Masyado siyang naging kampante at nagpabaya sa pag-aaral. “But don’t expect na itatanong ko sa ‘yo ang pangalan mo dahil hindi naman ako interesadong malaman ‘yon.”

“Hoy!” Pinanlisikan siya nito ng mga mata. “Kilala na kita at wala akong paki—”

“Eh, ‘di good!” putol niya sa sasabihin nito. “Wala rin naman akong pakialam sa ‘yo. Kung gusto mo rito sa puwesto ko, sa ‘yong sa ‘yo na!” akamang tatayo siya ngunit maagap siyang napigilan ni Lester.

Tiningala niya ang lalaki. Nanatili kasi itong nakatayo sa tapat ng upuan nito. Nakabalandra naman sa kaniyang harapan ang impaktang si Lucy.

“Ayoko,” mariing tutol nito. “Dito ka lang sa tabi ko.”

“Sandali lang!” Napakamot siya sa ulo. “Hindi ba puwedeng ako ‘yong mag-decide kung saan ako uupo?”

Ginala niya ang tingin sa buong classroom pero wala siyang nakitang vacant na upuan. Masisiraan na yata siya ulo nito. Unang araw pa lang ng klase pero puro gulo na agad ang nangyari. Ipinanganak yata siyang lapitin ng gulo.

“As you can see, walang kang choice kundi ang tumabi sa akin,” bulong ni Lester sa kaniyang tainga. Hindi niya namalayang yumuko pala ito. Halos magkadikit na ang kanila mukha kaya langhap na langhap niya ang bango nito, lalaking-lalaki. “Baka kung ano pa ang gawin ni Lucy kapag iba ang katabi mo. Mabuti na ‘yong mabantayan kita.”

Ngayon pa nga lang ay pinag-iinitan na siya ng babae dahil kay Bruce. Ano na lang kaya ang posibleng mangyari kapag naging seatmate niya si Lester? Tiyak na lalo itong magngingitngit sa galit. Pansin niya na lahat ng lalaki ay gustong bakuran ni Lucy.

“Bahala ka na,” wala sa loob niyang saad. Gusto lang niya na lumayo ito sa kaniya dahil parang hindi siya makahinga sa sobrang lapit ng mukha nito sa kaniya. “Mukhang susundin naman niya ang sasabihin mo,” nanghihina niyang wika.

Matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito bago umayos ng tayo at saka binalingan si Lucy. Aatakihin pa yata siya sa puso dahil sa ngiti nito. Hindi niya inaasahan ‘yon.

“Ayokong makarinig ng masasamang bagay tungkol kay Elizabeth. Mananagot sa akin ang sinomang mang-aaway sa bago nating classmate,” seryoso nitong pahayag. Sumangayon ang karamihan at ang iba naman ay walang kibo.

“I can’t believe this!” bulyaw ni Lucy. “Siya pa talaga ang kinampihan mo samantalang kaibigan ‘yan ng kalaban mo. Ako ang kakampi mo, Lester!”

“Be matured enough, Lucy. Magkalaban kami ni Thad sa basketball pero hindi sa totoong buhay. Walang personalan.”

Naumid ang dila ni Lucy. Tinalikuran sila nito at nagmartsa pabalik sa sariling upuan. Wala sa hinagap niya na may ibang magtatanggol sa kaniya bukod kay Thad.

“What a spoiled brat!” komento nito sabay upo. “Okay ka lang ba?” nag-aalang tanong nito.

Tumango siya sabay ngiti. “Salamat.”

“You’re welcome. Isumbong mo sa akin kapag may manggugulo sa ‘yo. Puwede ka ring magsumbong sa mga kaibigan ko.”

Isa-isa nitong ipinakilala sa kaniya sina Bryan, Kurt, at Robin. Si Bryan ay may pagka-chinito. Si Kurt naman ay kulot ang buhok pero maputi. At si Robin ang may pinakamaangas na mukha sa magkakaibigan.

“Hi! Welcome sa section 2,” sabay-sabay na bati ng mga ito sa kaniya.

“Thank you!” Sa palagay niya, hindi na siya mag-iisa. “Excuse me boys, pupunta lang ako sa comfort room,” paalam niya.

“Sure.”

Wala pa naman ang adviser nila kaya lalabas muna siya para magsuklay. Dati-rati, sa loob ng classroom lang siya nagsusuklay pero naiilang na siya ngayon. Puro kasi lalaki ang katabi niya at hindi pa niya gaanong kilala ang mga ito.

“Sure.”

NAYAYAMOT siya. Sabay dapat silang mag-recess ni Thad pero hindi ‘yon nangyari. Sinilip niya ito sa classroom nito pero busy ito sa pakikipag-usap kay Trixie kaya mag-isa siyang pumunta sa pantry. Wala siyang kasabay na kumain doon kaya ang binili niyang pagkain ay dinala niya sa classroom nila.

“Nandito ka lang pala.”

Nabitin ang pagsubo niya ng waffle dahil biglang sumulpot si Thad. Nag-angat siya ng tingin at tinitigan ito nang masama.

“Wala ka rito nang dumaan ako,” anito.

“Malamang, dahil nasa pantry ako,” masungit niyang sagot. “Alangan namang hintayin kong matapos ang usapan ninyo ni Trixie. Ayokong malipasan ng gutom.”

“Okay.”

Okay? Okay lang ang sasabihin nito sa kaniya? “Bumalik ka na nga sa classroom ninyo,” pagtataboy niya rito.

“Wala akong pagkain.”

“Problema ko ba ‘yon? Bumili ka—” Natigilan siya nang bigla nitong kinagatanan ang waffle na hawak niya. “Thad!”

“Masarap pala ‘yong waffle,” anito sa pagkatapos nguyain at lunukin ang waffle niya. “By the way, ibabalik ko na ‘yong tali mo sa buhok.”

Hinugot nito mula sa bulsa ng pantalon ang tali niya. Nang kukinin niya ‘yon mula sa kamay nito ay hindi nito ibinigay sa kaniya. “Ano ba?”

“Kaninong panyo ‘yang nakatali sa buhok mo?” kunot-noong tanong nito.

“Ito ba?” Awtomatikong napahawak siya sa panyo. “Kay Lester ‘to.”

Si Lester pa mismo ang nagtali ng buhok niya dahil naiinitan siya kanina. Eh, wala naman siyang panali sa buhok kaya nagpresinta itong gamitin ang panyo nito.

Bigla nitong tinanggal ang panyo sa buhok niya. “Uy, akin na ‘yan!” Pinihit nito ang katawan niya kaya napatalikod siya rito. “Ano bang ginagawa mo?”

Hindi ito sumagot. Naramdaman na lang niya ang banayad na pagsuklay nito sa kaniyang buhok gamit ang daliri nito. Maya-maya’y pinagsama-sama nito ang kaniyang buhok at pinusod ‘yon.

“Better,” anito at muli siyang pinihit paharap dito. “Huwag mo nang gagamitin ang panyo na ‘to.”

Napaawang ang kaniyang bibig. Hindi niya lubos maisip na aasta nang ganoon si Thad.

“Thaddeus.”

Sabay silang napalingon ni Thad sa bagong dating na si Lester. Kasama nito ang mga kaibigan.

Tumango lang si Thad at hindi man lang binati ang lalaki. “Itabi mo ‘yan.” Ibinalik nito kay Lester ang panyo. “Hindi ‘yan kailangan ni Elizabeth.”

“Okay.” Kinuha nito ang panyo kay Thad. “Tatandaan ko.”

“Mabuti naman kung ganoon,” malamig nitong turan. “Ayokong lumalapit—”

“Thad!” Napatayo siya at sinubo rito ang natirang waffle. “Gutom lang ‘yan.”

Hindi ito nakapagsalita dahil napuno ang bibig nito ng waffle. Ginamit niya ang pagkakataon na ‘yon upang hilain ito palabas ng classroom. Baka magpang-abot ang dalawa. Ayaw niya ng gulo.

Nilingon niya si Lester bago sila tuluyang makalabas ng classroom. She mouthed ‘sorry’ and walked away.

 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status