Share

Chapter 4.1: Annoyed

“Thad!” tawag ni Elizabeth sa lalaki pero hindi man lang ito lumingon. Kasalukuyan silang nasa gym para sa P.E. class nila. Tapos na ang klase nila samantalang mag-uumpisa pa lang ang klase nito. Pero hindi pa niya namataan ang teacher ng lalaki. “Thaddeus!”

Hindi pa rin ito lumingon kaya sinundan niya ito imbes na umalis sa gym. Buong weekdays siyang hindi pinansin nito dahil sa lintik na panyo at upuan.

-FLASHBACK-

“Lumipat ka ng puwesto sa classroom ninyo,” utos ni Thad. Lunch break nila kaya sabay silang kumain sa pantry gaya nang kasanayan nila. “Huwag ka na ring manghiram ng kahit na anong gamit mula sa lalaking ‘yon.”

“Sige, ikaw na lang ang aabalahin ko sa classroom niyo,” kaswal niyang tugon. Sanay naman siyang kulitin ito, ‘yon nga lang, nasa kabilang room na ito.

“Elizabeth,” malamig nitong sambit sa kaniyang pangalan. Seryoso ito.

“Okay! Okay! Hindi ka naman mabiro.” Binawasan niya ang adobong sitaw na ulam nito. “Pero ‘yong tungkol sa sitting arrangement, malabong makalipat ako ng puwesto.” Hindi naman siya special student na puwedeng mag-request ng gusto niya lalo pa’t hindi naman siya welcome sa section na ‘yon.

“Bakit?” Nagsalubong ang kilay nito. “Mayroon bang nangyari na hindi maganda?”

“Wala naman,” pagkakaila niya. Ayaw niyang makisali pa ito sa gulo dahil baka lumala pa ‘yon. “Okay naman na katabi si Lester pati na ang mga kaibigan niya.” Totoo naman ‘yon dahil mababait ang mga ito sa kaniya.

Nabitiwan nito ang hawak na kubyertos na lumikha ng ingay nang bumagsak sa plato. Maang na napatingin siya rito.

“Hey! Don’t judge the book by its cover,” aniya sabay subo sa sitaw. Medyo makunat ‘yon at maasim, nasobrahan yata sa suka at mukhang magulang na ‘yon pero niluto pa rin. “Mabait naman si Lester at sa katunayan niyan, ipinagtanggol niya—”

“Busog na ako.” Tumayo ito at iniwan siyang mag-isa. Hindi man lang nito inubos ang pagkain.

-END OF FLASHBACK-

Simula nang araw na ‘yon, hindi na siya nito pinapansin. Maaga itong pumapasok sa school at late na kung uwuwi dahil nagbababad ito sa library kaya hindi na sila nagsasabay sa pag-uwi.

“Thaddeus Franco!” sigaw niya. Wala siyang pakialam kung pagtinginan sila ng mga tao. “Hindi mo ba talaga ako kakausapin?”

Napipikon na siya rito. Sobra ba itong nag-e-enjoy na kausap si Trixie habang naglalakad kaya ayaw siya nitong pansinin? O galit ito sa kaniya dahil hindi niya sinunod ang gusto nito na lumipat siya ng puwesto? Sa sobrang inis na nadarama, yumuko siya at hinubad ang suot na rubber shoes. Hindi siya nagdalawang-isip na ibato ‘yon sa binata.

“Aray!” d***g ng lalaki.

Magpapakawala na sana siya ng halakhak subalit natahimik siya at nanlaki ang mga mata nang mapagtantong ibang lalaki ang natamaan niya. “Hala!” Natutop niya ang bibig. Hindi niya malaman kung lalapitan ba ito o hindi.

“Masakit ba?” Nanaig ang pagiging maaalalahanin niya—este, pagiging chismosa niya. Hawak nito ang noo na natamaan ng kaniyang sapatos. Hindi niya naman kasi napansin na dumaan pala ito nang ibato niya ang sapatos. “Gusto mo bang dalhin kita sa clinic?”

Tinaggal nito ang kamay na nakahawak sa noo. “Malayo ‘to sa bituka.”

Napalis ang pag-aalala niya nang mapagtanto kung sino ang nadisgrasya niya. “Ikaw lang pala.”

“Elizabeth, tapos na ang P.E. class ninyo, ‘di ba? Bakit nandito ka pa?” sita ni Trixie. Nakalapit na pala ito sa kanila na hindi man lang niya namalayan. “Sinadya mo bang saktan si Bruce dahil hanggang ngayon, hindi mo pa rin matanggap na wala ka na sa top section?”

“Hindi ko kasalanan kung bakit siya humarang sa dapat na babatuhin ko,” mataray niyang tugon. Wala naman siyang pakialam sa kung anong iniisip nito tungkol sa kaniya. “Late comer, nasaktan ba kita?”

“Bruce ang pangalan ko,” pagbibigay impormasyon nito. “Hindi naman masakit at hindi naman nabawasan ang kaguwapuhan ko kaya ayos lang.”

Hindi niya mapigilang magtaas ng kilay dahil sa kayabangan nito pero hindi na lang niya sinira ang pag-iilusyon nito. “See?” Binalingan niya si Trixie. “Wala kang dapat na ipag-alala kay Bruce Lee. Guwapo naman daw siya.”

“Bruce Sarmiento ang pangalan ko, hindi Bruce Lee,” pagtatama ng lalaki na nakakunot ang noo. “At guwapo talaga ako, hindi guwapo raw.”

“Kailangan mo pa ring mag-sorry kay Bruce,” giit ni Trixie.

“Huwag mo nga akong pangunahan!” iritado niyang wika. “Okay naman si Bruce Willis kaya huwag ka nang magreklamo dahil hindi naman ikaw ang natamaan.”

“Bruce Sarmiento nga ang pangalan ko,” naiinis na sabat ng lalaki. Mukhang mas galit pa ito sa pagtawag niya rito sa maling pangalan kaysa sa pagbato niya ng sapatos.

“Elizabeth!” Napalingon silang lahat sa may-a*i ng tinig na tumawag sa kaniyang pangalan. “Baka ma-late ka sa History subject natin,” paalala ni Lester.

Gosh! Muntik na niyang makalimutan na may last subject pa pala sila. Nagmamadali siyang naglakad pero agad ding tumigil nang mapansing hindi pala niya suot ang kapares ng sapatos. Hahagilapin na sana niya ang sapatos nang biglang may lumuhod sa harapan niya.

“Thad…” anas niya. Inangat nito ang paa niya na walang suot na sapatos at ito na mismo ang nagsuot noon sa kaniya. “Uy, Thad!” Napahawak siya sa balikat nito upang makabalanse. Nanginig yata ang kalamnan niya dahil sa ginawa nito. Naiilang din siya dahil pinagtitinginan sila ng mga estudyante. “Ako na ang magsisintas niyan,” awat niya rito pero hindi ito nakinig.

“Sabay na tayong umuwi mamaya dahil may kailangan tayong pag-usapan,” anito nang matapos maisuot ang sapatos sa kaniya. “Huwag mo akong pagtaguan o iwan. Maliwanag ba?”

Napakurap siya at wala sa isip na napatanggo. Bakit ang bilis naman yatang mawala ng inis niya rito?

“ELIZABETH, nandito na ang sundo mo,” sabi ni Kurt. “Mauna ka nang umuwi.” Nag-meeting sila pagkatapos ng klase para sa group report sa History. Magkakagrupo silang lima na nakaupo sa iisang row. “Baka mainip si Thad.”

Napatingin siya sa labas ng classroom. Nandoon nga si Thad at madilim ang anyo ng mukha nito. “Hayaan mo siya.” Ibinalik niya ang atensyon sa kagrupo. “Ano bang ire-report ko?”

“I suggest that you should go now,” pagatataboy ni Lester sa kaniya.

“Pero hindi pa tayo tapos mag-meeting.”

“Don’t worry, pinakahuli naman tayong magre-report. Sasabihin ko na lang sa ‘yo kung anong ire-report mo,” nakangiting wika nito. Kinuha nito ang phone mula sa bulsa ng jogging pants at iniabot iyon sa kaniya. “Ibigay mo sa akin ang number mo.”

“S-sure.” Nanginig pa ang kaniyang kamay habang tinitipa niya ang numero sa phone nito. “Heto na.” Ibinalik niya ang cell phone sa lalaki. “Ikaw na ang mag-save ng number ko.” Gusto niya kasing ito mismo ang magpangalan sa kaniya sa phonebook nito.

“Queen,” sambit nito.

“Huh?”

“Puwebe bang Queen na lang ang ipangalan ko sa ‘yo?”

“Queen?” Napalunok siya. Nabasa ba nito ang nasa isip niya? “Elizabeth na lang siguro? Tunog maharlika kapag Queen, eh,” nahihiya niyang wika. Likas na makapal ang kaniyang mukha pero kapag si Lester ang kaniyang kaharap, tila numinipis iyon.

“Bagay naman sa ‘yo, Queen.”

Naghiyawan ang barkada nito at kinantiyawan ang lalaki. She felt uncomfortable. Hindi siya sanay na tinutukso sa lalaki. Mas sanay siyang makipagsabayan ng biruan sa kalahi ni Adan dahil ‘one of the boys’ siya.

“Ba-bahala k-ka n-na,” nauutal niyang wika. Dinampot niya ang bag at isinukbit ‘yon sa kaniyang likod. “Uuwi na ako. ‘Bye sa inyong lahat!”

Mabilis siyang lumabas ng silid-aralan at hindi na niya hinintay na sumgaot ang mga ito. “Tara!” Hinila niya ang kamay ni Thad nang madaanan niya ito sa hallway.

“Bakit mo ‘yon ginawa?”

Narinig niyang tanong nito habang binabaybay nila ang daan pababa ng fourth floor. Mayroon namang elevator pero hindi siya puwedeng gumamit niyon. Isa sa mga privileges ng nasa top section ay ang paggamit ng elevator. Wala na siyang karapatan na gumamit niyon dahil hindi na siya kabilang sa top section.

“Ang alin? Iyon bang pagbato ko sa ‘yo ng sapatos?” Tumigil siya sa paglalakad kaya tumigil din ito. “Naiinis kasi ako sa ‘yo. Halos isang linggo mo na akong hindi pinapansin. May gusto lang naman akong itanong sa ‘yo—”

“Bakit ibinigay mo ‘yong number mo kay Lester?” walang emosyong tanong nito.

“Ah, ‘yon ba? May group report kasi kami. Hindi pa tapos ‘yong meeting namin pero pinauna na nila akong pauwiin kaya kinuha niya ang number ko,” paliwanag niya rito.

“Dapat hindi mo ibinigay.”

“Naghihintay ka kasi—”

“Kahit na!” Nagulat siya nang bigla itong nagtaas ng boses. “Kaya ko namang maghintay kung kailan matatapos ang meeting ninyo.”

“Naibigay ko na, eh! Ano bang ikinaiinis mo?” Hindi niya maintindihan kung bakit mainit ang ulo nito pagdating kay Lester samantalang ito naman ang palaging nananalo sa basketball.

“Wala akong tiwala sa lalaki na ‘yon.”

Pinaikot niya ang mga mata. “Wala namang ginagawang masama si Lester.”

“Wala pa sa ngayon. Paano kung may binabalak siyang hindi maganda sa future?”

“Thad, ipinagtanggol niya ako kay Lucy at Cara. Kung hindi dahil sa kaniya, baka hindi ako maka-surive sa section na ‘yon.” At baka maisipan pa niyang lumipat sa ibang eskuwelahan. Nape-pressure pa siya dahil expected ng teachers at classmates niya na matalino at magaling siya dahil galing siya sa top section. “Alam mo naman na sanay akong palagi kang nandiyan sa tabi ko pagkatapos bigla na lang nagbago.”

Sabay silang lumaki at nag-aral ni Thad. Ito ang pinakauna niyang naging kaibigan at nagsilbing tagapagtanggol niya kapag may nanunukso o nang-aaway sa kaniya. Kahit gaano pa siya kakulit at pasaway ay nanatili pa rin ito sa tabi niya at pinagtiyagaan siya.

“Hindi ko naman gustong malalag mula sa top section, pero ano ang magagawa ko?”

Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. “Umuwi na tayo,” anito sabay hila sa kaniyang kamay. Dinala siya nito sa elevator, sa third floor.

“Teka, hindi ako puwedeng sumakay riyan,” awat niya rito pagtapat nila sa bukana ng elevator.

“Ako na ang bahala sa ‘yo.”

“Mapapagalitan ka,” nag-aalala niyang turan. Okay sana kung siya lang ang mapapagalitan, eh. Ayaw naman niyang magka-bad record ito dahil sa kaniya. “Maglakad na lang tayo, tutal, ilang araw din tayong hindi magkasabay na pumasok at umuwi.”

Tila pinag-isapan nitong mabuti ang sinabi niya at pagkadaka’y sumang-ayon ito. “Sure.”

J.R. McKay

Hello! Salamat sa pagbabasa. Sisikapin kong mag-update tuwing Friday at Monday. Salamat sa suporta.

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status