Share

Chapter 7.1: Disappointed

Abala si Elizabeth sa pagtuyo ng luha gamit ang mga palad nang matanaw niya sa di-kalayuan si Lester. Tinatahak nito ang direksyon na kinaroroonan niya. Dali-dali siyang tumalikod at naglakad pabalik sa pinanggalingan. Ayaw niyang makita ng lalaki ang pangit niyang mukha dahil sa pamumugto ng kaniyang mga mata.

“Queen!”

Awtomatikong tumigil ang kaniyang mga paa sa paghakbang nang tawagin siya ni Lester. Tila lumundag ang kaniyang puso sa paraan ng pagtawag nito sa kaniya. Pumihit siya paharap sa lalaki at tuluyan nang nakalimutan ang kaniyang itsura. Ano pang itatago niya kung nakita na nito ang kapangitan niya?

“Lester.” Malapad na ngiti ang iginawad niya sa lalaki at ganoon din ang isinukli nito sa kaniya. “Nag-umpisa na ba ang klase natin?”

“Hindi ko alam. Galing ako sa faculty room.”

“Ah…” Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit wala siyang maapuhap na salita kapag ito ang kausap samantalang napakadaldal naman niya. “Pasok na tayo.”

“Not yet.”

“Bakit?” puno ng pagtataka niyang tanong.

“Pinapatawag ka ni Ma’am Cabral,” tukoy nito sa kanilang principal.

“Ako?” Kabadong itinuro niya ang sarili. “Bakit daw?” Wala siyang matandaan na ginawang kasalanan para ipatawag ng ginang. “Dalawang beses pa lang naman akong na-late at isang beses na nagsuot ng uniform. Lagot na naman ako nito kay Tita Gina.” Mas nag-aalala siya sa galit ng tiyahin kumpara sa kaniyang ina dahil wala naman itong pakialam sa kaniya.

“Calm down.” Masuyo nitong pinisil ang kaniyang pisngi. “Walang masamang mangyayari sa ‘yo,” paniniyak nito sabay kuha sa backpack na nakasukbit sa kaniyang balikat. “Ako na ang magdadala nito.”

Bago pa siya makapag-react ay hinawakan na nito ang kaniyang kamay at iginiya siya patungo sa Principal’s Office. Maliban kay Thad, ito pa lang ang lalaking nakahawak sa kaniyang kamay. Hindi niya tuloy maintindihan ang nararamdaman.

“We’re here,” anunsyo nito. Kumatok ito sa pinto at pinagbuksan siya. “Pasok ka na.”

“Thank you.” Pinigilan niya ang sarili na kiligin sa harapan ni Lester. Dama niya ang pagbanat ng kaniyang labi na umabot yata sa kaniyang tainga. “Good morning, Ma’am Cabral,” masigla niyang bati sa ginang. Napalis ang kaba niya dahil sa presensya ni Lester. Hindi siya nito iniwan.

“Good morning! Have a seat.”

Umupo siya sa couch malapit sa table ng principal. Nag-isang linya ang kaniyang kilay nang umupo sa tabi niya si Lester, bitbit pa rin nito ang kaniyang bag. Ano pa kayang ginagawa nito roon? Puwede naman siya nitong iwan.

“Ipinatawag ko kayo upang ipaalam na may availabale na puwesto sa top section dahil sa pag-alis ni Sheena,” simula nito. “I believe, nabanggit ko na ‘to sa ‘yo last week, Lester. At nabalitaan kong kinausap mo ang adviser mo kanina upang humingi ng payo.”

“Yes, Ma’am.”

Naguguluhan siya. Bakit silang dalawa ang kinakausap nito? Anong payo ang hiningi ng lalaki sa adviser nito? Posible kayang…dalawa silang qualified na makapasok sa top section? Pero isa lang ang puwede.

“Nakapagdesisyon ka na ba?”

Umiling ang lalaki sabay tingin sa kaniya bago ibinalik ang tingin sa ginang. “I told my father about it. Okay lang sa kaniya kung ano man ang maging pasya ko pero hindi pa alam ni Mommy ang tungkol dito.”

“Ganoon ba? Gusto mo bang ako na ang kumausap sa mommy mo?” Umiling si Lester. “Alright. I’ll give you a week to decide. At kung sakaling hindi mo tanggapin ang offer, si Elizabeth ang ipapalit sa ‘yo.”

Did she hear it right? Si Lester ang qualified na makapasok sa top section at hindi siya? Paano ‘yon nangyari?

“Elizabeth, alam kong naninibago at nag-a-adjust ka pa lang sa bago mong environment. Alam ko ring gustong-gusto mong makabalik sa top section. Unfortunately, mas mataas nang kaunti ang general weighted average ni Lester kumpara sa ‘yo. Ipinatawag kita para malaman mo ang tungkol dito.”

Tila nabasa nito ang piping tanong na bumabagabag sa kaniyang isipan.  Hindi niya alam kung paano magre-react at kung ano ang sasabihin kaya tumango-tango na lang siya. Dismayado siya sa nangyari pero wala siyang karapatang magalit. Umasa siya nang sobra na +makakabalik pa siya sa top section pero hindi niya naisip na maaaring may iba pang qualified student bukod sa kaniya.

Lugmok na lugmok ang pakiramdam niya hanggang sa makarating sila sa classroom. Ilang subjects na rin ang natapos ituro pero talagang wala siya sa mood. Malungkot na nga siya sa pag-alis ni Sheena ‘tapos masamang balita pa ang natanggap niya

“Hey, Queen, cheer up!” Sinapo nito ang magkabila niyang pisngi at tinitigan siya nang diretso sa mga mata. “Hindi ako sanay na makitang nakasimangot ka.”

“Kasi…” Wala na naman siyang masabi. Mataman na lang niyang tinitigan ang guwapo nitong mukha.

“Iniisip mo ba ‘yong tungkol sa sinabi ni Ma’am Cabral?”

Balak niyang magsinuwaling pero hindi niya magawa dahil hindi nito inaalis ang tingin sa kaniyang mga mata at hawak pa rin nito ang magkabila niyang pisngi. Wala yata itong pakialam sa mga classmate nilang echusera na nakamasid sa kanila. Mabuti’t wala pa ang next subject teacher nila.

“Oo,” pag-amin niya. “Puwede bang alisin mo ‘yang kamay mo sa mukha ko?” mahina niyang pakiusap.

“Sorry.” Kinamot nito ang kilay. “By the way, galit ka ba sa akin dahil sa nangyari—”

“Hindi,” agap niya sa nais nitong sabihin. “Naiintindihan ko ang sitwasyon at malinaw na wala ka namang kasalanan.”

“Pero malungkot ka dahil sa nangyari.”

“Hindi natin kontrolado ang mangyayari, ‘yon ang natutunan ko kay Thad.” Ginawaran niya ito ng isang matamis na ngiti. “Kaya huwag mo nang masyadong isipin ‘yon. Lilipas din ang lungkot na nararamdaman ko.”

“Close talaga kayo ni Thad, ‘no?”

“Oo naman.” At dahil nabanggit nito ang pangalan ng lalaki ay bigla niyang naalala ang kasalanan nito sa kaniya. “Hala, ‘yong report ko! Lester, I’m sorry,” puno ng pangamba ang kaniyang tinig. “Sira ulo kasi ang lalaki na ‘yon. Inagaw niya ang cell phone ko noong tumawag ka.”

“It’s okay. Sa Friday pa naman tayo magre-report.”

“Ano bang ire-report ko?”

“Actually, nagawa ko na.”

“Ha? Bakit mo ginawa?” Matatanggap niya kung sit had ang gumawa ng kaniyang report pero si Lester ‘yon. Sanay na si Thad sa katamarang taglay niya kaya hindi niya kailangang magpanggap na huwaran siyang estudyante pero iba si Lester. Baka isipin pa nito na wala siyang alam gawin at isa lamang siyang malaking pabigat sa grupo nito. “Kaya ko namang gumawa ng report.”

“Maikli lang naman ang report kaya ako na ang gumawa ng presentation ng group natin. Aaralin niyo na lang ang topic na naka-assign sa inyo,” paliwanag nito. “Ang totoo niyan, gusto lang talaga kitang tawagan. Hindi ko na lang inulit dahil baka ayaw mo o kaya ay baka magalit si Thad.”

“Ganoon ba?” Ang akala niya ay siya lang ang ginawan nito ng report. Nakakahiya ang naging asal niya. “Sorry kung medyo tumaas ang boses ko. Akala ko kasi…”

“Ayos lang.” Natawa ito. “Ang cute mong tingnan kapag nagba-blush,” anito sabay pisil sa pisngi niya.

“Ha?” Wala sa loob na sinapo niya ang pisngi. Huli na nang mapagtanto niyang wrong move ‘yon. Lalo niya lang inilagay ang sarili sa kahihiyan. “H-hindi naman a-ako cute,” nauutal niyang wika.

“I agree.” Mataman siya nitong tinitigan dahilan upang mailang siya. “Because you’re beau—”

“Good morning, class!”

Napatayo ang lahat nang mga estudyante, kabilang na sila, nang pumasok sa classroom ang kanilang subject teacher. Naudlot tuloy ang usapan nila. Lumipad ang kaniyang isip habang nagtuturo ang kanilang guro kaya natapos ang klase nila na walang siyang natutunan.

“Queen, lunch break na,” pahayag ni Lester nang hindi siya kumilos sa kinauupuan. “Let’s go?”

“Oo nga pala.” Tumayo siya.

“Elizabeth, sasabay ka ulit sa amin mag-lunch?” tanong ni Kurt.

Sina Bryan, Robin, Lester, at Kurt ang kasama niyang mag-lunch noong nakaraang linggo dahil hindi siya pinapansin ni Thad. Hindi niya tuloy alam kung sasabay siya sa mga ito o kay—

“Thad,” banggit ni Robin sa pangalan ng lalaki.

Sinundan niya ng tingin ang direksyong tinititigan nina Robin at mga kaibigan nito. Nakatayo si Thad sa tapat ng pintuan ng room nila. Walang emosyong mababakas sa mukha nito.

“I guess she’s not coming with us,” komento ni Bryan. May similarity ito kay Thad; masyadong seryoso at madalang ngumiti.

“Sa palagay ko nga,” sangayon niya kay Bryan. “Boys, mauna na ako sa inyo,” paalam niya at tumango naman ang mga ito. “Thad…” Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba rito na kinausap siya ni Ma’am Cabral.

“What?”

Imbes na sumagot ay niyakap niya ito. “Pinaasa mo lang ba ako?” sa halip ay tanong niya nang walang halong panunumbat.

Inilayo ni Thad ang sarili mula sa kaniya. “What do you mean?”

Luminga siya sa paligad upang tiyaking walang makakarinig sa kaniyang sasabihin. Wala na sina Lester at ang grupo nito, maging ang iba niyang mga classmate. “Si Lester ang qualified na mapabilang sa top section, pangalawa lang ako.”

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Inaasahan niyang mabibigla ito sa narinig subalit hindi ‘yon nangyari. Nagtagis ang bagang nito at tumalim ang tingin na labis niyang ipinagtaka.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status