Share

Chapter 7.2: Disappointed

“Alam mo ba ang tungkol doon?” Ipinilig nito ang ulo sa kabilang direksyon, indikasyon na tama siya. “Bakit hindi mo sinabi sa akin? Hindi sana ako aasa nang sobra,” sumbat niya.

Binalik nito ang tingin sa kaniya. Wala na ang bakas ng galit sa mukha nito nang harapin siya. “Makakabalik ka sa top section,” kumpiyansang turan nito.

“Paano? Alam nating dalawa na imposible ‘yon. Lahat ng estudyanteng nag-aaral dito ay ‘yon ang pangarap.” Maliban sa kaniya.

Si Thad ang dahilan kung bakit gusto niyang mapabilang doon. Ayaw niyang mawalay sa lalaki dahil nasanay siyang palagi itong kasama. Kahit noong elementary sila ay hindi na sila mapaghiwalay.

“Basta magtiwala ka lang sa akin,” mahihimigan ang inis sa tinig nito pero may halo ‘yong pag-aalala. “Naiintindihan mo ba?”

Napatango siya nang wala sa oras. Hindi niya maunawaan kung bakit ito nagagalit. Kapag ganoon ang mood nito, awtomatiko siyang sumasangayon dito.

“Gutom na ako,” reklamo nito. “Kumain na tayo.”

Kumakalam na rin ang sikmura niya. Tiyak na mapapalaban siya sa kainan dahil sa samu’t saring emosyong kaniyang nararamdaman. Sa pagkain niya ibubuhos ang lahat ng hindi magandang nangyari sa kaniya. “Tara na sa pantry.” Kumuyapit siya sa braso ng lalaki at tinangay ito.

ELIZABETH felt anxious. First time niyang magre-report sa harapan ng mga bagong kaklase kaya abot-abot ang kaniyang kaba kahit last subject pa nila ang Araling-Panlipunan. Wala siyang maayos na dulog nang nagdaang gabi dahil doon.

Inaral niyang mabuti ang topic na na-assign sa kaniya dahil ayaw niyang mapahiya sa buong klase, lalo na kay Lester na leader ng grupo nila. Ayaw niya ring bigyan ng pagkakataon si Lucy at Cara na kutyain siya sa oras na pumalpak siya sa pagre-report.

Nagparoo’t parito siya sa hallway ng fourth floor. Mas maaga siyang gumayak kay Thad kaya sobrang aga nilang nakarating sa school. Iilan pa lang ang estudyanteng nandoon.

Nahihilo na siya sa kakalakad kaya huminto muna siya. Pinagmasdan niya ang mga mag-aaral sa katapat na building, doon ang Elementary Department. May mangilan-ngilang estudyanteng may hawak na libro at nagbabasa. Ang iba naman ay notebook ang hawak, at mukhang nagbabatuhan ng tanong sa isa’t isa.

Napailing siya at nagpakawala ng buntong-hininga. Mabuti na lang talaga at sa public school siya nag-aral ng elementary dahil kung dito, baka hindi siya naka-survive. Sobrang competitive ang bata roon na kabaligtaran niya. Napakatamad niyang mag-aral. Ang gusto niya lang gawin noon ay ang kumain nang kumain at mag-drawing nang mag-drawing ng kung ano-ano sa likod ng kaniyang kuwaderno na hanggang ngayon ay ginagawa pa rin niya.

“Sh*t!” hiyaw niya. 

Nagambala ang kaniyang pagmumuni-muni nang biglang may bumangga sa kaniyang puwet. Pumihit siya paharap at inambahan ng suntok ang mapangahas na gumawa niyon sa kaniya. Ngunit natigilan siya nang mapagsino ‘yon. Pasalamat ito dahil hindi pa lumapat ang kamao niya sa mukha nito.

“Ikaw lang pala ‘yan, Carlo.” Classmate niya ito noon.

“Carla,” pagtatama nito. “Carla nga ang itawag mo sa akin kapag tayong dalawa lang ang magkasama.” Tumayo ito sa tabi niya.

“Tsk!” Inirapan niya ito. “May pa-Carla Carla ka pang nalalaman, e, takot ka naman sa papa mo.”

Matagal na niyang alam na binabae ito dahil umamin ito sa kaniya pero hindi nito magawang ipangalandakan sa lahat ang totoo dahil sa ama nito. Kilalang siga ang tatay nito sa kanilang lugar, maging ang mga kapatid ni Carlo. Hindi nga mapaghahalataang may pusong babae ito dahil gaya ng ama, brusko ito.

“Sissy, pagbigyan mo na ako. Ikaw lang naman ang nakakaalam ng sekreto ko, eh.”

Muli niyang pinaikot ang mga mata. “Para namang may illicit affair tayo niyan, eh.”

Ngumisi lang ito. “Sissy, totoo ba ‘yong chika na nasagap ko?” pag-iiba nito sa usapan. “Si Lester daw ang mapapabilang sa top section? I-chika mo naman sa akin,” maarteng demand nito at nakatikwas pa ang kilay. Hinampas nito ang kaniyang braso.

“Umayos ka nga, Carlo,” saway niya rito. Marami-rami na rin ang dumaraan sa hallway. “Maliban na lang kung gusto mong malaman ng lahat ang sekreto mo.”

“Ayoko!” matigas nitong turan. Ipinatong nito ang braso sa balikat niya. “Okay na ba ‘to?” Bumalik na sa dati ang tinig at kilos nito.

“Ako naman ang mai-issue nito.” Pumalatak siya pero hinayaan na lang niya ito. Ikinuwento niya rito ang lahat ng gusto nitong malaman. “Huwag mong ipagkakalat ang tungkol doon dahil ipapaalam ko sa lahat na crush mo sina—”

Tinakpan nito ang bibig aniya gamit ang palad nito. “I’ll zip my mouth,” anito bago tinanggal ang kamay sa bibig niya.

Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan at naglabas siya ng hinaing sa lalaki. Disappointed talaga siya sa nangyari, lalo na sa kaniyang sarili. Naudlot ang kanilang pag-uusap nang magsimula ang flag ceremony. Pabalik na siya sa classroom nang masalubong niya si Ma’am Caballero, ang adviser ng fourth year top section. Binati niya ito.

“Good thing at nasalubong kita. Come with me to the Principal’s Office.”

Nagtaka man siya sa ginang pero hindi na siya nag-abalang magtanong dito. Tahimik niyang sinundan ang ginang. Naghihintay ang principal pagpasok nila sa office nito.

“Congratulation’s, Elizabeth! Makakabalik ka na sa top section,” anunsyo ng principal.

“Ho?” Parang may mali yata sa sinabi nito. “Si Lester po ang qualified, ‘di ba?”

“Well, nag-back out siya,” tugon ni Ma’am Caballero. “Ito na ‘yong chance mo na makabalik sa top section.”

“Pero…” Paano si Lester? Bakit nag-back out ito? “Puwede ko po bang kausapin si Lester?”

“Sure,” Principal Cabral agreed. “If that’s what you want but I need your answer today.”

Agad-agad? Samantalang binigyan nito ng mahabang panahon si Lester. “Sige po. Maraming salamat.” Nagtungo siya sa classroom at agad na nilapitan si Lester.

“Good morning, Queen,” bati nito nang makita siya.

Tinukso ito ng mga kaibigan pati na siya pero hindi niya na lang pinansin. Wala siyang oras para sa ganoong bagay. “Can we talk?” Wala pa naman ang kanilang adviser at may oras pang natitira bago mag-start ang klase.

Pumayag naman ito. Lumabas sila ng classroom upang doon mag-usap. “Hindi mo tinggap ang offer sa ‘yo,” bulong niya dahil baka may makarinig sa kanila. Hindi nila napag-usapan ang tungkol doon kaya nabigla siya sa naging desisyon nito. “Bakit?”

“Nalaman mo na pala,” nakangiting wika nito. “Congratulations, Queen!”

Paano siya magdiriwang kung alam niyang ito ang karapat-dapat na mapabilang sa top section. “Ikaw ang dapat na i-congratulate ko dahil para sa ‘yo ‘yon, hindi sa akin. Bakit mo tinanggihan ang magandang oportunidad?”

“Ayoko sa top section.”

“Bakit?” Pangarap ‘yon ng karamihan pero tinanggihan nito. “Last year na natin sa school at last chance mo na rin na makapasok sa top section.”

“Hindi ako interesado.” Ngumiti ito, iyong tipo ng ngiting makakapagpalusaw ng alalahanin niya. “Kapag lumipat ako ng section, hindi ko na magiging classmate ang mga kaibigan ko.  Limitado na rin ang magiging oras ko sa basketball dahil mas magpo-focus ako sa academics. Ayoko namang mapabayaan ang team ko. Responsibilidad ko sila as a team captain. At saka, masaya at kuntento na ako kung nasaan man ako ngayon.”

She didn’t expect that Lester would say that. Maganda ang kalooban nito at may sense ang pagkatao. Hindi niya tuloy maunawaan kung bakit hindi ito makasundo ni Thad.

“Ayokong ma-pressure nang sobra. Alam ko na competitive ang mga nasa top section. Hindi ako bagay roon. Mas gusto kong i-enjoy ang huling taon na ilalagi ko rito sa TOP Academy.”

Napangiti siya. “Naiintindihan ko na.”

“Mayroon pang isang dahilan,” habol nito.

“Ano ‘yon?”

“Gusto kong bumalik ‘yong Elizabeth na masiyahin. Hindi pa tayo ganoon katagal na magkakilala pero nasanay akong palagi kang nakangiti.”

“Lester…” Kumabog nang malakas ang kaniyang d****b. Ilang beses siyang kumurap dahil baka panaginip lang ‘yon pero hindi naman ito naglaho sa kaniyang paningin.

Pinisil nito ang kaniyang pisngi. “Pero mami-miss kita.”

Teka, tama ba ‘yong narinig niya? Trumiple ang tibok ng kaniyang puso at baka atakihin siya kahit wala naman siyang sakit. “Nasa kabilang classroom lang naman ako,” kalmado niyang turan kahit na kumakabog-kabog ang kaniyang d****b. “Araw-araw pa rin naman tayong magkikita.”

“Iba pa rin kapag classmate at seatmate kita, Queen.”

Tuluyan nang nagwala ang kaniyang puso. Tila gusto niyong kumawala mula sa katawan niya at lumundag patungo sa lalaki.

“Puwede bang humingi ng favour bago ka bumalik sa top section?”

“A-ano i-iyon?” nagkandautal-utal niyang tanong.

“Next week ka na lumipat ng section. Gusto kong makasama ka bilang classmate ko sa huling pagkakataon.”

“Ah…oo, oo naman!” Akala niya kung ano na ang favour na hihingiin nito. “May report din tayo sa Araling-Panlipunan. Gusto kong tapusin ‘yon bago ako lumipat.” 

Mabilis na natapos ang araw na ‘yon. Nakapag-report sila nang maayos at nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong klase. Excited siyang lumabas ng classroom upang ibalita kay Thad ang magandang nangyari sa kaniya. Atat na atat na siyang ibahagi ‘yon sa kaibigan noong nag-lunch sila pero pinigilan lang niya ang sarili.

“Thad!” sigaw niya sa pangalan nito. Nasa loob pa ito ng classroom kaya siya na mismo ang pumasok doon. “Thad, tama nga ang sinabi mo,” masaya niyang wika sabay yakap nang mahigpit sa kaibigan, “makakabalik na ako. Makakasama na ulit kita!”

Tumingala siya upang makita ang reaksyon nito. Hindi ito nakangiti pero kumikislap ang mga mata nito. “Matutuwa nito sina Tita Gina, Tito Benjie, pati na si Ninang Carmie.”

“At ang mama mo,” dugtong nito. “Sigurado akong babalik na sa dati ang allowance mo.”

Ngumisi siya dahil tama ito. Binawasan kasi ng kaniyang ina ang kaniyang allowance nang malaman nitong napatalsik siya sa top section. “Umuwi na tayo para malaman na nila. Maniningil pa ako kay Ninang ng maagang pamasko,” nasisiyahan niyang wika.

Dinutdot nito ang kaniyang noo. “Abusada ka!”

Tinawanan niya lang ito. Kumalas siya sa pagkakayakap sa lalaki para kumapit sa braso nito. “Tara na, umuwi na tayo.”   

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status