Share

Chapter 8: Same Feather

Naghimala ang langit. Naunang gumayak si Elizabeth kaysa kay Thad. Excited siyang pumasok dahil official na siyang lilipat sa top section. Sa wakas, magkakasama na ulit sila ni Thad sa classroom. Ang saya-saya niya.

“Puwede bang tumigil ka na sa kakangiti?”

“Bakit ba?” angil niya. “Masama bang maging masaya?”

“Nakakangalay sa panga.”

“Ang maging masaya?” pang-aasar niya rito kahit alam niyang ang kaniyang pagngiti ang tinutukoy nito.

“Ang slow mo,” naiiling na wika nito.

“Ang sungit mo,” ganting pahayag niya.

Nilakihan niya ang bawat hakbang at dinoble niya ang bilis ng paglakad. Ang ganda-ganda ng mood niya kanina pero sinira lang nito. Dahil sa pagmamadali, natapilok siya at muntik nang masubsob sa daan. Mabuti na lang at may nakasalo sa kaniya.

Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin upang alamin kung sino ang nagmamay-ari ng matitipunong mga bisig na sumalo sa kaniya. Hindi niya malaman kung matutuwa o lalong masisira ang araw nang malamag kung sino ‘yon.

“Bruce Lee.” Bahagya niya itong itinulak palayo sa kaniya ta saka umayos ng tayo. “Ang aga mo yata,” puna niya na parang close sila.

“Maaga ka rin naman, a,” ganiting puna nito. “Ilang beses ko bang uulitin na Sarmiento ang apelyido ko?”

“Oo na, Bruce Willis,” pang-iinis niya. Paboritong panoorin ng Tito Benjie niya ang mga pelikula ni Bruce Lee at Bruce Willis kaya pamilyar siya sa mga action star na ‘yon. Hindi naman pang-action star ang hilatsa ng mukha ni Bruce, pero malakas ang dating nito. “O siya, mauna na ako sa ‘yo,” aniya nang makitang nilagpasan sila ni Thaddeus.

“Thad!” tawag niya sa lalaki habang hinahabol ito. Nakalimutan niyang itanong dito kung may assignment ba sila, quiz, o activity sa araw na ‘yon. Sobrang excited siyang makabalik sa top section kaya nawaglit ‘yon sa isip niya. “Thad,” kumuyapit siya sa braso nito, “may ipapasa ba tayo ngayon o gagawin na hindi ko alam?”

“Dumaan ang weekends pero ngayon mo lang naisipang magtanong,” masungit nitong tugon.

“Kasi…” Napakamot siya sa ulo. Ano bang ikakatuwiran niya rito kung tama naman ito? “Sabihin mo na lang sa akin kung mayroon o wala,” malamyos niyang wika kasabay nang pagpungay ng mga mata. Sana umubra ang pagpapa-cute niya rito. “Sige na.”

“Bahala ka sa buhay mo.”

“Thad naman!” ungot niya. Gusto yata nitong matadtad niya, eh. Kinulit niya ito hanggang sa makarating sila sa tapat ng kanilang classroom pero hindi talaga ito nagsalita. “Thaddeus Fra—”

“Queen.”

“Uy, Lester.” Nauna nang pumasok sa silid-aralan si Thad at nagpaiwan naman siya sa labas. “Simula sa raw na ‘to, tiyak na tahimik na ang buhay mo,” biro niya.

“Malungkot ‘ka mo.”

“Ows? Hindi nga?” Kinagat niya ang ibabang labi. Nagpipigil siya ng kilig dahil baka binobola lang siya nito. “Siya nga pala, salamat ulit. Kung hindi dahil sa ‘yo, hindi ako makakabalik sa top section.”

“Wala ‘yon,” nakangiti nitong turan. “By the way, I have something for you.” May dinukot ito mula sa bulsa ng pantalon. “Here.”

Clip ‘yon sa buhok namay design na malaking pulang laso. “Sure ka na para sa akin ‘yan?”

“Yes.” Ito na mismo ang nag-ipit niyon sa tuktok ng buhok niya na nakapusod. “Puwede mo ‘yang gamitin kahit na nakatali o nakalugay ang buhok mo. Bagay na bagay sa ‘yo.”

“Thank you,” kimi niyang tugon.

“Elizabeth, may assignment tayo,” mahinang wika ni Thad pero dinig na dinig niya ‘yon. “Gusto mo bang palabasin ka ni Ma’am Cabellero sa klase niya?”

Nalukot ang kaniyang mukha dahil sa sinabi nito. Kung kailan may kausap siya, saka naman nito sinabi ang tungkol sa assignment nila. Pambihira! Panira talaga ito ng mood.

Nagpaaalam siya kay Lester at saka nilapitan si Thad. Naupo siya sa tabi nito. Tahimik na kinopya niya ang assignment nito kahit hindi niya ‘yon maintindihan. Natatakot siyang magtanong dito dahil baka magbago ang isip nito at hindi siya pakopyahin. Mamaya na lang siya mangungulit kapag tapos na siya sa ginagawa.

Tamang-tama na tumunog ang bell nang matapos niyang kopyahin ang assignment nito sa Mathematics. Pinakaayaw niyang subject ‘yon. At ang isa pa niyang inaayawan ay ang flag ceremony dahil tamad na tamad siyang mag-exercise sa umaga. Bakit kasi kailangan pang mag-exercise?

Nauna nang lumabas ng classroom si Thad. Bago siya sumunod sa lalaki, napansin niyang nakayukyok sa ibabaw ng desk si Bruce. Humihilik pa ito. Napangisi siya. Umadar ang kaniyang kapilyahan. Hinawakan niya ang dulo ng kaniyang buhok at bahagyang yumuko upang maabot niya ang tainga ng lalaki.

Kiniliti niya ito gamit ang kaniyang buhok. Kumaripas siya ng takbo nang gumalaw ito.

MASAYANG sinalubong si Elizabeth ng kaniyang mga kaklase pagkatapos ng flag ceremony. Akala pa naman niya ay hindi natutuwa ang mga ito sa kaniyang pagbabalik dahil walang pumapansin sa kaniya kanina. Nagdiwang ang lahat maliban kay Trixie. Alam niyang napipilitan lang ito na makisabay sa pagbati ng mga classmate nila. Wala naman siyang paki.

Natahimik ang buong klase nila nang pumasok si Mrs. Caballero, and adviser nila at Mathematics teacher. Sa tingin niya ay istrikta ito pagdating sa klase base sa reaksyon ng mga classmate niya. Wala nang nagtangkang kumibo nang tumapak ang paa nito sa silid-aralan.

“Pass your assignment,” seryoso nitong wika. Binilang nito ang nakolektang papel at inisa-isa ang pangalan ng nagpasa ng takdang-aralin. Nagsalubong ang kilay nito nang mapagtantong kulang ‘yon ng isa. “Bruce, where’s your assignment?”

“Nakalimutan ko pong gawin,” sagot nito na hindi man lang mahihimigan ng takot. Iyon ang dahilal kung bakit lalong lumala ang pagkalukot ng mukha ng ginang.

“Get out of this room!”

Walang imik na sinunod nito ang sinabi ng babae na ikinamangha ni Elizabeth. “Uy, mukhang may tatalo na sa pagiging pasaway ko, a,” bulong niya kay Thad. “Mukhang masaya ‘to.”

“Tuwang-tuwa ka pa talaga.”

“At killjoy ka naman!”

“Elizabeth Marie!” Napatuwid siya ng upo nang banggitin ng ginang ang pangalan niya. Napalakas yata ang boses niya kaya narinig siya nito. “Yes, Ma’am?” (Nananawagan ako sa lahat ng mga santo na huwag akong pasagutin ni Mrs. Caballero sa pisara.)

“You’re so loud! Bawal ang maingay sa klase ko. Baka gusto mong sumunod kay Bruce sa labas?”

Nakahinga siya nang maluwag nang hindi tungkol sa assignment and concern nito sa kaniya. (Thank you po, Lord! Simula ngayon, susubukan kang tandaan lahat ng santo sa buong mundo. Promise!)

“Nandito na naman ang pinakamaingat at pinakamagulo sa klase,” komento ni Trixie na hindi nakalagpas kanying pandinig.

“No, Ma’am,” tugon niya sa guro subalit sa likod ni Trixie siya nakatingin. Nasa bandang harapan niya ito nakaupo, sa tapat ng upaan ni Thad na katabi niya. “I’m sorry.”

Bored na bored siya sa klase. Pakiwari niya’y kay tagal tumakbo ng kamay ng orasan. Hindi naman niya makausap si Thad dahil seryoso itong nakikinig sa kanilang teacher. Masyado namang tahimik ang katabi niya sa kabilang side na si Luna kaya naiilang siyang daldalin ito.

Sa likod na pahina ng kaniyang kuwaderno, nag-drawing siya ng babaeng nakasuot ng gown. Imbes na mapangiti sa kaniyang obra ay napasimangot siya. Walang kakorte-korte ang katawan ng babae, parang siya.

“Ang pangit!” Siniko siya ni Thad kaya napalingon siya rito. “Ano ba?” inginuso nito ang direksyon ng blackboard pero hindi niya ito pinansin. Ibinalik niya ang tingin sa notebook at inumpisahang burahin ang parte na hindi niya nagustuhan.

“Elizebeth, stop what you’re doing!” saway ni Thad sa mahinag tinig.

“Huwag mo akong pakialaman. Mag-concentrate ka na lang sa pakikinig ng lesson. Magpapaturo na lang ako sa ‘yo mamaya.”

“Eli—”

“Elizabeth Marie Lopez, ano ang pinagkakaabalahan mo? Mas importante ba ‘yan kaysa sa itinuturo ko?”

Namilog ang kaniyang mga mata. Base sa lakas ng boses nito at pagtayo ng balahibo sa kaniyang katawan, natitiyak niyang malapit lang ang nagsasalita. Napangiwi siya.

“Maam…” Nag-angat siya ng tingin at hinagilap ng kaniyang mga mata ang babae. Nakatayo ito sa aisle, sa dulo ng row ng upuan nila. Nakatikwas ang kilay ng ginang, tiyak na nasilayan na nito ang kaniyang obra maestra. “Sorry po,” labas sa ilong niyang saad.

“Bumubula na ang bibig ko sa kaka-explain ng lesson pero nagdo-drawing ka lang!”

“Sorry,” ulit niya. Ewan niya kung narinig nito dahil parang siya lang ang nakarinig no’n.

“Get out! Now!”

(Okay, fine! Whatever! Hindi na bale, may kasama naman akong tumambay sa labas.)

Lumabas siya na walang halong pag-aalinlangan. Tinabihan niya si Bruce na nakatanghod sa bintana mula sa labas ng kanilang classroom. Hindi niya alam kung nagbubunyi ba ito sa naging kapalaran niya. “ANo ang tinitingin-tingin mo?”

“Naiinggit ka ba sa kalayaan ko sa labas kaya naisipan mong magpasaway o baka gusto mo lang akong samahan dito?”

“Uy, ang kapal ng mukha mo!” Pinagkrus niya ang mga braso sa ibabaw ng d****b. “None of the above ang sagot ko. Nakakantok doon sa loob. Mas masayang tumayo rito sa labas,” nakangisi niyang turan.

Ngumisi rin ito. “Ang boring ng subject ‘no?”

“Sinabi mo pa,” segunda niya. Naghikab siya at nag-unat ng katawan. “Kung alam ko lang na mapapalabas ako sa classroom, sana hindi ko na lang kinopya ang assignment ni Thad.”

“Nagsisi ka pa.”

“Medyo.” Lumayo siya sa binta at naglakad patungo sa railings. Sumadal siya roon kaya kitang-kita niya ang mga nagaganap sa silid-aralan. Kaniya-kaniya ng hikab ang mga estudyante, para ‘yong domino effect nakapag nagsimula ang isa, susunod ang iba. Mabuti na lang talaga at napalabas siya. “Mabuti ka pa’t nakatulog kanina,” aniya.

Nagtataka nga siya kung bakit hindi ito gumawa ng assignment samantalang ang haba-haba pa ng oras nito. Ginusto pa nitong matulog.

“Salamat nga pala sa paggising mo sa akin, sobrang na-appreciate ko ‘yon,” sarkastiko nitong wika.

“Tse! Pasalamat ka nga at ginising kita. Dapat pala hinayaan na lang kitang mahuli ng mga officer na natutulog habng nagpa-flag ceremony. Ungrateful!”

“Pero sinira mo ang tulog ko!”

“Eh di, matulog ka ngayon!”

“Sarmiento, Lopez!” Umalingawngaw ang tinig nito sa silid at nakarating pa ‘yon sa labas. 

Automatikong napahawak siya sa kaniyang tainga nang sumigaw si Mrs. Caballero. Kinakabahang tumingin siya kay Bruce. Anak ng teteng! Chill lang ang damuho. Naglakad ang ginang patungo sa kinaroroonan nilang dalawa pero wala pa ring reaksyon ang lalaki.

“Gusto n’yo bang ipatawag ko ang mga magulang ninyo? Kahit nasa labas na kayong dalawa ay nakakaabala pa rin kayo.”

Wala naman siyang magulang. Ipatawag nito kung gusto nito. 

“Sige po,” tugon ni Bruce na ikinagulat niya. “Wala naman silang oras para sa akin.”

Ang pagkagulat niya ay napalitan ng awa. Naiintindihan na niya kung bakit parang wala itong pakialam. Gets niya ang nararamdaman nito. Mukhang magkakasundo silang dalawa.

J.R. McKay

Merry Christmas! Salamat po sa pagbabasa. Please vote, comment, and add this story to your library. Thank you!

| Like

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status