Share

Chapter 2

Carter’s POV

"Sir Carter, okay na raw po ‘yong venue na gagamitin bukas para sa event," agaw ng assistant ko sa atensiyon ko, kaya pansamantala akong napatigil sa pagtatype sa computer ko.

            "Sige, thanks for the info Myra. Pakisabihan lahat ng contract authors natin na dapat mas maaga sila. Lahat ng marshals alerto, para hindi magkagulo ang mga pupunta."

            "Noted po."

            Napangiti ako. Sigurado akong kung nabubuhay lang ang yumao kong ina, matutuwa siya. Dahil napalago ko ng husto ang naiwan niyang negosiyo sa akin.

"Eh, Sir-"

Napatigil ito nang tumunog ang telephone ko sa lamesa. Sumenyas ako saglit sa kanya.

"Yes?" bungad ko.

"Sir Carter, may babae pong naghahanap dito sa inyo sa ibaba," sabi ni Doris. Isa rin sa assistant ko. Tatlong palapag ang building ng publishing company na pagmamay-ari ko.

Sa ibaba ang warehouse ng mga librong iniimprenta. Second floor ang receiving area at opisina ng mga tauhan ko, tulad ng editors, illustrators at iba pa. Dito sa third floor ang opisina ko.

"Babae? Sino’ng babae?" maang na tanong ko.

"Eh, ayaw pong magpakilala. Hindi naman po natin siya contract author."

"Can you describe her?"

"Maganda naman po. Kaso parang palaban. Kasi kung hindi raw po kayo makikipag-usap, magkakagulo daw po."

Napaisip ako sa sinabi niya. Mukhang may pagkaamasona pa pala itong misteryosang bisita ko.

"I’ll go downstairs. Paalis na rin naman ako."

Nang matapos akong makipag-usap ay lumabas na ako ng silid. May pagmamadaling bumaba ako.

Sa ibaba ay nabungaran ko ang babaeng pamilyar sa akin. Nakablack slacks ito, white polo shirt at flat shoes. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang nakabadhang pagkairita sa mukha niya, habang panay ang paypay sa sarili ng dala niyang abaniko.

Naramdaman niya yata ang presensiya ko kaya lumingon siya.

"Ikaw?" wala sa loob na namutawi sa labi ko nang mamasdan ko siya.

"Mr. Hyun?" paniniguro nito.

"Ano’ng kailangan mo?"

"Gusto mo ba talagang pag-usapan dito ang sasabihin ko?" tanong nito pabalik at gumala ang mga mata kina Doris at Myra na nakatingin sa amin.

"Follow me," utos ko at naglakad na palabas ng building.

Nagtungo ako sa parking lot at sumunod naman siya. Sumandal ako sa kotse ko at tinitigan siya. Napansin kong hindi siya makatingin ng diretso at umiwas ng tingin.

"Speak," nasabi ko.

"N-Natatandaan mo pa ba ko?" halatang hiyang-hiyang tanong niya.

"How could I forget you? Hailey? Hailey, right? You stole my wallet. At ngayon nahihirapan ako magparenew ng mga Id’s ko. Nasa’yo pa ba?"

"O-Oo."

"Ibalik mo sa’kin. Take the money. Hindi ko babawiin."

"T-Talaga! Pera lang ‘yon. Pero mas malaki ang kinuha mo sa’kin."

"Kinuha sa’yo?"

"Oo. Kinuha mo ang land of Bataan." sabi niya at may hinugot mula sa bag niya.

Iyong wallet ko. Inihagis niya iyon sa akin.

"Nagastos ko na ang laman niyan kaya wala na ang cash mo. Pero iyong ATM at iba mo pang cards di ko pinakialaman." sabi niya nang sinipat ko ang wallet para tingnan kung nandoon ang mga ID’s ko.

"Tulad ng sabi ko, walang kaso. Kabayaran ko iyon sa gabing nagserbisyo ka sa akin."

Napansin ko ang biglang pagkukulay nang magkabilang pisngi niya sa sinabi ko.

"Kung wala ka ng sasabihin mauuna na ko," sabi ko nang mapansing parang wala siyang balak magsalita. Akmang tatalikod na ako pero hinawakan niya ako sa braso.

Napatingin ako sa kamay niya. Parang napapasong binitiwan niya ko.

"Hindi ka nakikinig. Ang sabi ko mas higit pa sa perang ibinayad mo ang kinuha mo sa akin. Kinuha mo ang Land of Bataan," gagad niya.

"Kanina ka pa sa Land of Bataan na ‘yan. Diretsuhin mo na nga ako."

"Alam mo na ‘yon! Bataan. Iyong sagradong pusa ko."

Napakunot noo na ko.

"Ang gulo mo kausap. Kanina land of Bataan tapos ngayon sagradong pusa?"

"Nampeste! Iyong virginity ko! Iyong sedula ko! Pinunit mo! Gets mo na?"

Bahagya akong natigilan. Rumagasa ang mga kudlit na alaala nang gabing may mangyari sa amin. That was 3 months ago. Alam kong ako ang una…

"May kaso ba ‘yon sa’yo? Hindi ba trabaho mo naman ‘yon?" nanulas sa labi ko.

Wrong move. Sinapak niya ko sa nguso. Tapang naman yata masiyado nito? Ibang-iba noong gabing nakasama ko siya. Kimi at mahinhin siya noong gabing nakasama ko. Pero ngayon iba...

"Masakit ‘yon, ah! Bakit ka ba nananapak?" reklamo ko at napasapo pa sa bibig ko. Ang lakas nito. Dumugo kasi ng bahagya ang labi ko.

"Gusto mo ‘yong kabila naman para pantay?" umangat ang sulok ng makipot na labing tanong niya.

"Ano ba talagang problema mo? Totoo lang naman ang sinasabi ko. Hindi ba’t trabaho mo ‘yon?"

"M-Mali ka. Hindi ako mababang uri ng babae. Ginawa ko lang ‘yon dahil…kailangan." sagot niya at ipinaypay pa ulit ang abaniko sa sarili.

"Nagpunta ka lang ba dito para ipaliwanag ang side mo? Hindi naman kailangan. Wala naman tayong kaugnayan."

"Dati wala. Dapat nga wala…pero alam mo Carpenter hindi pwedeng wala, eh."

"It’s Carter. Not carpenter." pagtatama ko

"Carter or carpenter. Does it matter? Lalo na kung ikaw ang karpintero ng batang dinadala ko ngayon?" tumigas ang mukhang sabi niya.

Gulat ako sa sinabi niya. Nanlaki ang mga mata ko at napaatras.

"Woah! Woah! Teka! Hindi totoo yan!" napabuga pa ng hanging bulalas ko.

"Ano ba? Hindi ‘to joke time! Buntis ako! Kailangang makipagcooperate ka para mapalaki ko ng maayos tong…baby natin," sabi niya pa at akmang lalapit pero lumayo ako.

"Diyan ka lang. Don’t even take a single step."

"Ang bakla mo naman! Ano ba? Anak mo ‘to!" giit niya.

"Why would I believe you? Hindi porke virgin ka noong nakuha kita, nangangahulugang akin na ‘yang batang dinadala mo. Malay ko ba kung may iba pang lalaking sumunod sa akin after that night?"

"Sasapakin kita ulit diyan, eh! Sinabi ko na hindi ako ganoong uri ng babae! Napilitan lang ako dahil kailangan! Kung may choice ako di ko gagawin ‘yon!"

"Look, hindi ako ganyan kadaling mauto. Ni hindi tayo magkakilala ng personal. Malay ko ba sa pagkatao mo? Isipin mo na lang na aksidente ang nangyari."

"Aksidente? Wow! May kung ilang minuto nating ginawa ‘yon, tapos aksidente? Oo, maaring aksidente na napatid ako sa kama nang alalayan kita, pero aksidente pa ba nung nagkakatitigan tayo? Noong hinalikan mo na ko? Noong tinanggal mo damit ko tapos-"

"Ididetalye mo talaga lahat?" amused na putol ko.

"Ah basta hindi aksidente ‘yon kamote ka! Di ba dapat pag aksidente, real quick? Gano’n! Ano’ng akala mo sa atin? Mga sasakyan na nagbanggaan? Aba nakakatakot ka naman palang makasalubong ano? Nakakabuntis!" bulyaw niya saka luminga-linga.

"Miss!" hatak nito sa babaeng na lumabas ng building. Teenager. Malamang ay isa sa bagong contract author namin.

"Bakit po?" maang na tanong nito.

"Mag-iingat ka sa lalaking ito. Iwasan mong mabangga siya. Nakakabuntis!" warning ni Hailey sa teenager kaya nanlaki ang mga mata nito.

Pati ako nanlaki ang mga mata sa sinabi niya. Ganoon ba ako katulis?

"She’s just fooling around. You may go." sabi ko sa teenager nang makabawi ako sa pagkabigla.

"O-Okay po." anang teenager at umalis na. Inis na bumaling ako sa babae na panay na naman ang paypay sa sarili na parang tense na tense.

"Kung pwede umalis ka na. Wala akong balak patulan ang mga sinasabi mo. Hindi ko anak ‘yan." pirming sabi ko.

"Kita mo nga naman! Kayo talagang mga lalaki, mga wala kayong kwenta! Matapos mo akong jerjerin ganyanan na? Maniwala ka naman! Anak mo ‘to! Ikaw lang talaga ‘yong lalaking umano…basta wala ng iba! Ikaw lang! Kaya sa’yo talaga ‘to! Wala ng ibang pwedeng maging ama kundi ikaw. Nag-iisa kang pumanday ng batang ‘to!"

Napakamot na ako sa ulo. Tiningnan ko siya. Sa totoo lang mukha naman talaga siyang matino. Kahit simple lang gumayak ay maganda naman. Pero hindi pa rin ako dapat na magtiwala. Sa panahon ngayon nagkalat ang manloloko.

"B-Bakit ganyan ka makatingin?" nailang na tanong niya.

"Sa totoo lang mukha ka ngang matino." pag-amin ko.

"See?" nagchin up pa na sabi niya.

"And I admit…you’re good. Naenjoy ko rin naman ang gabing nakasama kita."

Muli na naman siyang namula kahit nakasimangot.

"Pero hanggang doon na lang iyon. There’s no other way that I would believe in you." pagtatapos ko kaya nalaglag ang balikat niya.

Sinamantala ko na ang pagkakataon at binuksan ang pintuan ng kotse ko para umalis na.

"Sandali lang!" pigil niya nang akmang sasakay na ko.

"Now what?"

"Maniwala ka naman, sa’yo talaga ‘to! Maaatim mo bang walang kilalaning ama ang inosenteng batang dinadala ko? Ano ba talagang gusto mong gawin ko para maniwala ka?" pakiusap na niya.

Napapikit ako. Mukhang desidido siya. Napahugot ako ng hininga. Paano nga kung nagsasabi siya ng totoo? Na ako talaga ang karpintero ng batang dinadala niya?

"Okay. Show me some proof, then."

"Proof? Paano?" maang na tanong niya.

"DNA."

"D-DNA?"

"Oo, alam mo naman siguro ‘yon?"

"O-Oo, napapanood ko sa mga teleserye, pero di ba mahal ‘yon? Wala akong pera."

"Bumalik ka sa akin pag nakapanganak ka na. Ako na ang bahala. Pero sa ngayon, hanggat wala akong hawak na solidong ebidensiya, wala akong pananagutan sa’yo." pinal na turan ko at sumakay na sa kotse.

"Hambog! Mabaog ka sana!" dinig kong sigaw niya bago ko pa man pinasibad palayo ang kotse.

Napailing ako at wala sa loob na napangiti. That girl…Parang mas napukaw niya ang atensiyon ko ngayon kaysa noong gabing nagkasama kami.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Leonida Guibao
Mabaog nakabuo na nga ............
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
natawa ako saiyo callie nagpanggap kang si hailey pero gusto ko ugali mo palaban
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status