Share

Chapter 4

Callie’s POV

"Yaks. Kadiri itong mga babaitang ito!" dinig kong reklamo ng baklang kaworkmate at best friend ko habang nakatingin sa cellphone niya. Coffee break namin kaya nasa kantina kami ng kumpanyang pinapasukan ko at kumakain ng snacks.

"Ano na naman ‘yan Renato?" puna ko at nakisilip sa touch screen phone niya. Nanonood na naman ito ng mga nagtitiktok tapos mahahighblood.

"Makarenato ‘to! Irene!" imbiyernang sabi niya sa akin na may kasama pang pagtulak sa balikat ko. Sopistikadang bading ito. Makinis at maputi. Alagang kojic.

"Matapon ‘tong kape ko!" hampas ko sa kanya.

"Tingnan mo kasi, ang lalaswa nila. Eww lang!" tumirik pa ang mga matang sabi nito.

"Kadiri? Eh, parehas lang naman kayo, oh. Tumitirik din mga mata nila."

"Heh! May bagong challenge na naman kasing uso. Iyong banyo queen ni Andrew E. Tas patitirikin ng mga babaitang ‘to mga mata nila na akala mo ba inaano!"

"Sira ka talaga. Socmed ka nang socmed tapos feeling toxic naman ang feels mo."

"Ba’t kasi ganito mga babae ngayon? Parang mga wala ng respeto sa sarili? Tapos mga teeners pa. Hubad kung hubad, paalog kung paalog ng dyoga nila, tapos kapag nabastos, iiyak? Hihingi ng respeto? Eh, sila nga mismo wala sa sarili niyon. So tanga! Nabubuhay na lang for fame or gagawin lahat para sa fame. So ewww!"

Natawa ako at napailing.

"G na G ka talaga. Hayaan mo sila. Katawan nila ‘yan. Sino bang napapahiya? Eh, di ba sila?"

"Oo nga pero di ba kaya tumataas ang crime rate like ra.pe, eh, dahil may mga nagpapakita ng motibo tulad nila? Kucomment talaga ko dito! Ang lalandi nila. Gaganda pero mga mukhang cheap."

"Huwag ka ng mambash. Di naman nila tayo inaano. Saka alam mo bakla, ganito lang ‘yan, kung hindi nila kaya irespeto sarili nila tulad ng sinasabi mo, tayo na lang magbigay. Baka kasi di nila alam ‘yon or di pa nila alam kung ano’ng ibig sabihin. Saka alam mo kung nasa katinuan talaga ang tao o yung mga lalaki, kahit ano’ng panunukso diyan di ‘yan gagawa ng masama. Sample na lang, iyong mga batang naaabuso? Di ba wala pa namang mga sexy body mga ‘yon pero napapagsamantalahan pa rin? Kasi wala sa katinuan ang nanamantala," katwiran ko na ikinatahimik niya.

"Sabagay…" mayamaya’y nasabi nito.

"Di ba?" napapangiting aniya.

"Alam mo ikaw Callie, akala ko kadalasan wala kang pake sa paligid mo pero ang totoo pala you care…"

"Alam mo kasi beks as long as hindi naman tayo naaano o wala naman silang natatapakan, wag na natin silang problemahin. Saka loka bilisan mo na diyan 15 minutes lang break natin." natatawang sabi ko at nilagok na ang kape ko.

Pabalik na kami sa kanya-kanyang cubicle nang tumunog ang cellphone ko.

"Una ka na. Sagutin ko lang ‘to." tulak ko kay Irene.

"O bilisan mo. 3 minutes na lang time na," paalala nito kaya tumango ako.

"Hello?" bungad ko nang masagot ko ang tawag kahit unknown number iyon.

"Hailey?" tanong mula sa kabilang linya. Pamilyar sa akin ang buong-buong boses ng lalaking nasa kabilang linya.

"Sino ‘to?"

"It’s DC."

Bahagya akong natigilan. Si DC…

"Daddy Carpenter?"

"Who else? Unless may iba ka pang binigyan ng pet name na ‘yan?" 

"Wala ‘no. Ikaw lang naman Daddy ng baby, eh."

"Okay. Whatever you say. But it’s Carter," pagtatama na naman niya.

"Whatever din. Mukhang feel mo naman ‘yong DC, eh. O napatawag ka?"

"Just wanna make sure if your number really do exist."

"Tsk. Bakit naman ako magbibigay ng fake number, aber?"

"Kita tayo."

"H-Ha?"

"Halaman? Harmony? Hotdog?" pamimilosopo nito kaya naitirik niya ang mga mata.

"Ha? Usto mo hampasin kitang hammer?"

"Ano nga?" sumeryoso na ang boses nito.

"Ano’ng ano? Labo mo kausap."

"Magkita nga tayo."

"Bakit?"

"Pakipot ka pa. Malamang pag-usapan natin tungkol sa baby…"

"Naniniwala ka na?" pigil ang excitement na tanong ko.

"Hindi pa naman. Pero may nalaman ako."

"Ano ‘yon?" interesanteng tanong ko.

"Advanced DNA test. I can get a paternity test even you are pregnant. Hindi ko na kailangang maghintay na manganak ka para malaman ko kung sa akin ba talaga ‘yan o hindi."

"Paano?"

"Pupunta tayong DNA Diagnostic Center."

"Tapos?"

"Kukunan tayo ng sample."

"Ano’ng sample ang kukunin sa akin?"

"For the mother it requires only a blood sample. At dahil ako ang possible father, simple cheek swab ang kukunin sa akin. Gano’n lang," malumanay na paliwanag niya.

"H-Hindi ba delikado?" nakaramdam ng kabang tanong ko.

Yari. Hindi ko na pwedeng patagalin itong pagpapanggap ko. Dapat talaga pagharapin ko na sila ni Hailey. Kailangang masabi ko na kaagad kay Hailey.

"The test is completely non-invasive, only a blood sample is required from you. There is no risk to your pregnancy. I assure that."

"Teka nga, paanong dugo lang kailangan ang sa akin? Wala ng iba? Hindi na talaga kailangan na ilabas ang baby?"

"Hailey, DNA from the baby is contained in the mother’s blood stream. Kaya nga dugo lang ang kailangan sa’yo."

"Okay…"

"Teka dami mong tanong? Parang ayaw mo? Siguro hindi talaga sa akin ‘yan?" pagdududa nito.

"Ay hadoy! Sa’yo ‘to. Sinisiguro ko lang na hindi papalpak ‘yang DNA mo na ‘yan. Tingnan natin kung sino mapapahiya! Ano tara na? Now na!" hamon ko.

"Woah! Chill ka lang."

"O kailan nga?"

"Maybe next week. May out of town event akong pupuntahan."

"Okay. Tati."

"Tati?" maang na tanong niya.

"Thank you." paglilinaw ko.

"I see…save mo na ‘tong number ko. Just keep your line open so we could keep in touch."

"Oo na. Babu!"

At pinatay ko na ang tawag. Hindi ko mapigilang mapangiti. Mukhang nagbago na nga ang ihip ng hangin. Masaya ko, masaya ko para kay Hailey. Mukhang nagbunga ang pangungulit ko at medyo nakukumbinsi ko na ang Carter na iyon. Kapag nagkataon magiging masaya si Hailey.

Nang makauwi ako ay magaan ang pakiramdam ko, ngiting-ngiti pa nga ako nang pumasok, eh.

"Hailey?" tawag ko sa kakambal ko pero walang sumasagot.

"Kambal? Yuhoo…" tawag ko ulit habang nagtatanggal ng sapatos.

Nagtungo ako sa kusina dahil nauuhaw ako.

"Hailey?" tarantang nilapitan ko siya nang makitang nakadukmo siya sa lamesa. Hawak ang dibdib.

Itinunghay ko siya at napansin kong parang hinahabol niya ang paghinga. Inalis ko ang mga buhok na nakatabing sa mukha niya. Namumutla din siya.

"A-Ano’ng nangyari? May masakit ba sa’yo?" kumakabog ang dibdib na tanong ko.

Baka sinusumpong na naman ito ng sakit nito sa puso. May coronary heart disease si Hailey. Makikipot ang daluyan ng dugo nito sa baga kaya nahihirapan ang puso nito sa pagfunction.

"W-Wala. Mainit lang. Medyo napagod din ako sa paglilinis ng bahay."

"Eh, bakit kasi kilos ka nang kilos? Uminom ka na ba ng gamot?"

"U-Ubos na, eh…"

"Ha?! Di ba sabi ko 'wag kang magpapaubos? Teka bibili lang ako sa drugstore baka bukas pa."

"H-Huwag na, hindi ko pa kasi alam kung pwede pa akong uminom. Baka makaapekto sa baby ko."

Natigilan ako at napahilamos sa mukha. Natatakot ako para kay Hailey. Hindi ko kaya kapag may nangyaring masama sa kanya.

"Magpapacheck up tayo. Maglileave ako bukas."

"Okay lang ako Callie."

"Okay? Eh, halos mamilipit ka na diyan."

"Gastos lang ‘yan, eh."

"Kaya nga ako nagtatrabaho para mabuhay tayo, tapos iintindihin mo ang gastos? Final na. Papacheck up tayo bukas."

"Sige na. Wala na kong sinabi," ngumiti ng sabi nito.

"Magpahinga ka na. Ako na ang magluluto," inalalayan ko na siya papasok ng kwarto namin.

Binuhay ko ang electric fan at itinutok sa kanya. Nakatulog kaagad siya. Napabuntong hininga ako. Kung bakit naman kasi, siya pa ang tinamaan ng sakit na iyon?

Nagtungo na ako sa kusina. Wala namang ibang laman ref namin kundi talong, itlog, paano ba naman kami magiging healthy nito? Lalo pa si Hailey. Kung marami lang talaga kaming pera walang problema.

Tortang talong para sa buhay naming hilong talilong!

Patapos na ko magsaing nang maramdaman kong may tao sa likuran ko.

"O bakit bumangon ka na?" usisa ko kay Hailey nang makitang nakatayo na siya.

"Ang kulit kasi nitong cellphone mo, may tumatawag. DC ang name?" pakita niya sa akin ng cellphone. Nanlaki ang mga mata ko nang makita nga ang word na DC calling…

Kinuha ko kaagad sa kanya iyon. Iyon ang inilagay kong pangalan ni Carter. DC. Akmang pipindutin ko na ang answer key pero namatay naman. Nainip siguro. Kaya nagcallback ako.

"Sino’ng DC ‘yan Callie?" usisa niya.

"Ah, eh…si Do…Dodong Charing," muntik nang mapangiwing sagot ko habang pinapakinggan na nagriring sa kabilang linya.

"Dodong charing?" maang na tanong niya.

"Oo. New workmate. Dodong charing. Bading ‘to, eh. Haha."

"Hello?" bungad sa kabilang linya. Sumagot na ang magandang boses ni Carter.

"Hello Dodong Charing. Natawag ka?"

"Anong dodong charing?" takang tanong ni Carter.

"Saglit lang Dong, choppy ka bakla. Labas lang ako. Hina signal dito."

Sumenyas ako kay Hailey na pakipatay ang sinaing at tumango naman siya. May pagmamadaling lumabas ako ng bahay.

"Hello? Carpenter?" untag ko.

"Ano’ng tawag mo sa akin kanina? Dodong Charing?"

"Charot lang ‘yon."

"Eh, yong bakla?"

"Ewan ko," maang-maangan ko.

"Of all people ikaw dapat nakakaalam na hindi ako bakla, tatawagin mo ba kong DC kung wala akong kinarpintero diyan sa tiyan mo?"

"Heh! Ano bakit ka tumawag?"

"About sa DNA. Kung sakaling di matuloy ang out of town event na pupuntahan ko, baka pwedeng bukas na natin gawin?"

"Real quick?"

"Ayaw mo?"

"Hindi ‘no."

"Eh, kung sakali lang naman hindi matuloy. Para matapos na rin ‘to."

"Alam mo 100 percent sure akong sa’yo ‘to. Para sakin formality na nga lang ang DNA na ‘yan. Ngayon, kapag napatunayan ko na ng harap-harapan sa’yo na iyo ‘to, ano balak mo?"

"Pakasal tayo…"

"Speedy. Real quick. May lakad? Agad?" muntik ko nang mabitawan cellphone ko sa sinabi niya.

Narinig kong napahalakhak siya sa sinabi ko.

"Biro lang. We barely know each other. Pero sa ngayon isa lang ang nasisiguro ko. Kapag napatunayan kong sa akin talaga ang bata, ibibigay ko ang pangalan ko sa kanya. Pananagutan ko," seryosong sabi niya kaya napangiti ako nang maluwang. Kinilig ako para kakambal ko.

Mission accomplished! Magiging masaya na si Hailey!

"Cal! Tara kakain na, lalamig ang talong." tawag ni Hailey mula sa loob.

"Oo! Susunod na! Wait," sabi ko habang nakatakip ang kamay sa cellphone.

"Andiyan ka pa?" untag ni Carter.

"Oo. Sige salamat…long live talong," nasabi ko.

"Ano’ng long live talong?"

"L-Long live, mabuhay ka! ‘Yon!" paliwanag ko. Jusko naman mali-mali talaga ko.

"Eh, yong talong?" parang aliw na tanong pa niya. Parang nakikita ko ang malokong ngisi sa mukha niya.

"Ulam ko ‘yon. Ge na babye! Salamat uli!"

Nang matapos ang tawag ay halos patakbo akong bumalik sa kusina. Naghahain na si Hailey. Hindi ko napigilang yakapin siya at pisilin ang pisngi sa sobrang tuwa!

"Oi bakit?" maang na tanong niya.

"Woo! Mission accomplished ako!"

"Ano’ng mission accomplished ka?"

"Basta! Kung sakaling matutuloy bukas, aayusan kita. Ipapakilala kita kay DC!"

"Sino’ng DC? Si Dodong charing na workmate mo?"

"Oo!"

"Eh, bakit aayusan mo pa ko? Wag mong sabihing irereto mo ko, eh, di ba sabi mo nga bading ‘yon?"

"Basta! Kapag nakita mo siya matutuwa ka."

"Bakit naman?"

"Secret! Surprise!" halos mapatalon ng bulalas ko.

"Naguguluhan ako sa’yo."

"Basta magiging masaya ka. Iyon ang importante…" ngiting-ngiting tapik ko pa sa ulo niya.

"Ikaw talaga. Palagi mo na lang akong iniisip…" may sumungaw na luha sa mga mata niya.

"Oi wag kang iiyak diyan. Tara na lang kumain ng walang kamatayang talong." hatak ko sa kanya sa mesa.

"Ang walang kamatayang talong!" sabi pa niya at itinaas ang tortang talong.

"Long live talong!" sakay ko kaya nagkatawanan kami.

Masaya kaming kumain. Makita ko palang masaya si Hailey, masayang-masaya na rin ako.

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Babylyn Porcioncula Borlado
ang ganda...
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
nakaka excite naman ang mga next chapter ang ganda ng story
goodnovel comment avatar
Ester Isalos
subrang ganda ng story.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status