Share

Sold To My Disguised Best Friend
Sold To My Disguised Best Friend
Author: AmiorGracia

CHAPTER ONE

ISLA’S POV

“Adam! Pumasok ka, anak! Sumabay ka na sa aming kumain. Si Isla natutulog pa, pakigising na nga rin! Hay naku talaga itong batang ito. Alam na may pasok pero ang late gumising sabagay at late na rin naman siyang umuwi kagabi. Pasok ka na lang, Adam!” Nagising ako sa ingay sa labas. Ang ingay talaga ni Mama lagi, inaraw-araw niya na ang pagiging maingay. Hays! Nagtakip ako ng unan sa mukha. Inaantok pa ako, ramdam ko ang sakit ng likod ko. 

Pagod ako kagabi, madami kasing tao sa restaurant na pinagta-trabahuan ko kaya pinag-over time kami. Pero okay lang basta may pera. 

Naramdaman kong may tumabi sa akin. 

“Hoy! Gisingin daw kita sabi ni Tita.” Tsk! Maaga pa naman. Alas-dyes pa ang unang klase ko, utang na loob patulugin niyo muna ako. Bago ako natulog kagabi ay itinuloy ko pa iyong plates ko. Hindi ko siya pinansin at nagtulog-tulugan. Nagkunwari pa akong humihilik para convincing. 

“Ah ayaw mo ha!” Hinila niya iyong unan sa mukha ko. Tinignan ko siya ng masama. Tumawa siya sa itsura ko. Binato ko siya ng isa pang unan kaya siya napatigil. 

“Lumayas ka rito! Hayop ka! Kita mong natutulog ako! Apat na nga iyang mga mata mo, hindi mo pa makita?!” Mas lumakas ang tawa niya sa sinabi ko. Nagtakip siya ng ilong niya. Napakawalang hiya ng lalaking ito!

Siya si Adam Marshall, best friend ko simula 12 years old ako. Siya na lang yata ang lalaking nakasuot ng malalaking salamin sa mata na natatakpan ang kanyang mga makakapal na kilay, magsuot ng mga baduy na damit iyong tipong mapupunit na iyong shorts niya. Iyan ang paborito niyang mga sinusuot, punit na shorts, laging nakasuot ng jacket na maluwag at may katabaan ng kaunti. 

“Huwag mo akong titigan baka ma-in love ka sa akin, sige ka,” sabi niya habang tumataas-taas pa ang kanyang makakapal na kilay. Napangiwi ako. Kadiri! 

“Ang kapal ng mukha mo, Marshall! Bakit ka na naman ba kasi nandito? Wala ba kayong bahay ha? Lumayas ka nga rito sa kwarto ko. Ang aga-aga ikaw ang una kong nakikita! Layas!” Binato niya pabalik ang unan at natamaan ako sa mukha. Sira ulo talaga! Ganito lang kami palagi, parang mga aso at pusa. Hindi ko ba alam bakit ko naging best friend ito? Sa akin lang siya ganito pero kapag kaharap na ng ibang tao ay sobrang mahiyain siya. Akala mo hindi bully. Tsk!

“Bangon ka na! Napakabaho ng hininga mo!” Pahabol niya bago siya lumabas sa kwarto ko. 

Paglabas ko ay nakita ko siyang kausap ang mga kapatid ko, sina Asher at Ashleigh. Kambal sila, obviously. Grade 8 na sila. Lumapit ako at binatukan bigla si Adam para makaganti sa mga pang-aasar niya kanina. 

“Aray ko! Tignan niyo itong ate niyo, huwag niyong gagayahin ha? Napakasama ng ugali,” bulong niya sa mga kapatid ko pero rinig na rinig ko naman. Pinandilatan ko siya ng mata. 

“Buti gising ka na, anak. Tulungan mo nga ako rito para makaalis na rin ang Papa mo. Late na siya sa trabaho niya.” Lumapit ako kay Mama. Maliit lang naman ang bahay namin. Actually, nirerentahan lang namin ito kasi wala kaming sariling lupa. Sakto lang para sa amin. Kwarto ng mga kambal, kwarto ko na masikip at sa sala naman natutulog sina Mama at Papa. 

Napansin ko ang maya’t mayang pagpikit ni Mama. 

“Ma? Ayos ka lang ba? Ako na po dyan. Nasaan po ba si Papa?” Kinuha ko ang sandok sa kamay niya at ako na ang nagpatuloy sa priniprito niyang talong at itlog.

“Nasa tindahan, Bumili ng bigas, naubos na naman eh. Hindi na kami nakabili kahapon kasi late ka na nakauwi pero ayos lang naman. Huwag kang mag-alala.” Araw-araw kasi akong nagbibigay kay Mama ng sahod ko, nagtitira naman ako para sa sarili ko at gastusin sa school. Umupo siya saglit pero tumayo na naman para ipaghanda si Papa ng baunan na plastic. 

Kakatapos kong magluto nang pumasok si Papa ng malungkot ang mukha. 

“Oh. Nasaan na ang bigas? Late ka na sa trabaho mo,” tanong ni Mama kay Papa. Napailing ako, alam ko na isasagot ni Papa. 

“Siningil iyong utang natin ng renta rito sa bahay. Hinarang ako ni Aling Maring. Hindi na ako nakapalag dahil baka palayasin na raw tayo. Ayon nga at galit na galit na naman.” Kahit alam ko na sasabihin ni Papa, nakaramdam pa rin ako ng awa at inis kay Aling Maring. 

“Ah. Tito, tita may extra po akong pera dito, pambili po niyo ng bigas. Gusto niyo ako na lang po ang bumili?” Napatingin ako sa sala ng magsalita si Adam. Tumango ako sa kanya at nag-iwas ng tingin. Naramdaman ko rin ang matinding hiya nila Mama. 

Kumakain na kami at buti bumalik na sa pagiging maingay ulit si Mama. Ganiyan naman iyan, ayaw niyang ipakita na nahihirapan na siya. Pagkatapos naming kumain ay naghugas ako ng plato habang ang kambal ay naligo na para sa pagpasok nila sa school.

Umalis na rin si Papa, isa siyang construction worker. Maaga lagi ang pasok niya tapos umuuwi na siya ng ala-una ng umaga. Parehas kaming kung kailangang mag-over time ay gagawin namin para lang may pangdagdag kita. Si Mama naman ay naglalabada, minsan tagalinis ng buong bahay ng mayayaman sa kabilang village. Kahit todo kayod kami sa pagta-trabaho ay kulang pa rin para sa pang-araw-araw naming renta ng bahay, tubig, kuryente at gamot ni Ashleigh, nahihirapan kasi siyang huminga minsan at umiiyak na lang basta dahil masakit daw ang puso niya. 

Hindi naman namin magawang ipa-check-up dahil walang sapat na pera para doon. Kaya nag-aaral ako ng mabuti para sa kanila, para mabigyan sila ng magandang buhay. Architecture ang kinuha kong kurso dahil mahilig akong gumuhit, pero kung alam ko lang na magastos at madaming kailangan sana hindi na lang ito ang kinuha ko. Pero nandito na eh, at saka isang taon na lang naman. 

Binibihisan ni Mama ang mga katapid ko nang matapos akong maghugas ng plato. Napansin ko naman na nandito pa rin itong mokong na ito. Sinamaan ko siya ng tingin pero napalitan ng ngiti nang makita kong lumapit sa akin si Ashleigh at inabot ang suklay. Ngumiti ako sa kanya at pinakandong sa mga hita ko. 

“Huwag ka masiyadong magpapagod sa school ha? Kapag may P.E kayo sabihan mo teacher niyo na hindi ka pwede, naiintindihan mo ba?” Kahit grade 8 na sila ay feeling ko baby ko pa rin sila, ganoon ko sila kamahal. Lahat ng ginagawa ko ay para sa kanila. 

“Opo ate.” Tumango siya at ngumiti sa akin. Maputi ang kutis nina Ashleigh at Asher, nagmana sila kay Mama habang ako ay kutis morena, nagmana naman ako kay Papa. 

Nakita ko naman na inaayos ni Adam ang sintas ni Asher. Close na si Adam sa buong pamilya ko, sa tagal ba naming magkaibigan. Tsk. Napasulyap siya sa akin at kumindat. Sinabihan ko naman siya ng ‘yak’ pero mahina lang. 

Aalis na sana sila Mama nang may marinig kaming sumisigaw sa labas ng bahay. Boses ni Ms. Meiji, Nagkatinginan kami ni Mama. Napasapo na naman ako sa aking noo. Utang na loob! 

“Hoy Isabelle! Lumabas ka diyan! Sabi mo kahapon ka magbabayad pero hindi ka dumating! Lumabas ka dyan!” Rinig pa naming sigaw niya. Oo, baon na baon na kami sa utang. Kasi minsan mga pinangbabayad namin sa mga tao ay galing rin sa utang kaya walang asenso. 

“Asher, punta muna kayo sa loob ng kwarto. Ihahatid ko kayo mamaya. Kakausapin lang namin ni Mama si Ms. Meiji, okay?“ Tumango naman siya at inaya ang kambal niya sa loob. Bawal kasi makarinig si Ashleigh ng mga ganito, kasi last time ay muntik na namin siyang itakbo sa hospital. 

Pagkalabas namin ni Mama ay kasama na naman siyang mga tanod. Ipapa-barangay niya na naman si Mama. Tsk. Oo, na naman.

Tinignan ako ni Mama at nagkibit balikat siya sa akin. Parang sinasabi niya na ano pa nga ba? Nag-iwas ako ng tingin kay Mama. Naawa ako. 

“Kayo na maghatid muna sa mga kapatid mo ha? Huwag ka mag-alala uuwi rin naman ako mamaya, papipirmahin lang naman ako doon.” Nagawa pa niyang ngumiti para hindi na ako mag-alala. Tumango ako at sumama na siya sa mga tanod. 

Buti na lang ay malapit lang ang school ng mga kapatid ko sa amin. Hindi rin napapagod si Ashleigh sa paglalakad o humihinto kami kapag feeling naming ay pagod na siya. Hindi kasi siya nagsasabi minsan. Pagkahatid namin sa kanila ay tumigil muna kami sa park malapit sa school nila. Maaga pa para sa unang klase ko. 

Umupo ako sa seesaw at umupo rin siya sa kabila. Dito kami unang nagkakilala ni Adam. 

“Naalala mo dito? Naalala ko pa kulay ng─” Tinignan ko siya ng masama. Ituloy mo nang dugo-dugo kang uuwing hayop ka! Tumawa siya.

“Biro lang, pinapatawa lang kita,” sabi niya. Noong araw kasi na nagkita kami rito, naglalaro ako sa seesaw ng mag-isa, dito kasi ako nagpapalipas kapag malungkot ako. Tapos nakita ko siyang umiiyak pero tahimik lang, buti at walang masiyadong tao noon. Wala pa ngang siyang salamin noon eh. Tapos tinawag ko siya, pupuntahan ko na sana siya ng bigla akong nadulas tapos pagtayo ko nakita niya iyong panty ko. Nakalimutan kong nakapalda pala ako noon kaya ayon sinabihan ko siya ng manyak. 

Napatigil siya sa pag-iyak at napalitan ng malakas na tawa. Kaya imbes na lapitan siya ay tinakbuhan ko na lang siya. Narinig ko pa huling sigaw niya. 

“Thank you, Ms. Monday! I am better na!” 

Tapos sumunod na araw nakita ko ulit siya, kinulit-kulit ako hanggang sa naging mag-best friend na kami. 

“Okay ka lang?” tanong niya. Tumingin ako sa makulimlim na kalangitan.

“Hindi… pero ayos lang. Sanay na ako,” sabi ko. Hindi naman na bago ito. In my 21 years of living, ganito na ang buhay na kinamulatan ko. Pero minsan ay naawa lang talaga ako sa mga magulang ko at mga kapatid ko. Ayaw kong lumaki sila sa kahirapan, sa kung paano ako lumaki. Ayaw ko na rin na nakikitang nahihirapan sina Mama at Papa. 

Tumayo ako at nagpaalam nang aalis. Hindi kasi siya nag-aaral, lumalabas lang siya kapag pupunta sa bahay. Wala naman na kasi akong nakikitang ibang kaibigan niya bukod sa akin. Ang sabi niya sa akin ay hindi siya sanay sa madaming taong nakikita kaya ayaw niyang mag-aral. Ewan ko ba diyan! May katandaan na rin kasi si Nanay niya, si Tita Amy. Sabi niya ay mas gusto niya raw manatili sa loob ng bahay nila para may kasama daw si Tita palagi. 

Sumakay ako ng jeep papunta sa school. Nakatanggap ako ng text mula kay Sasa, kaibigan kong babae. Nag-iisang kaibigan ko sa school. Sabi sa text nasa canteen daw siya naga-almusal. Pagbaba ko sa jeep ay dumiretso muna ako sa canteen. 

Nakita ko naman siya agad dahil litaw na litaw ang kanyang mapulang buhok. Hindi naman kasi bawal ang mga ganiyan sa school kaya ayos lang. Latang-lata akong lumapit sa kanya. 

“Kumain ka na? May 30 minutes pa naman eh.” Pinatong ko ang ulo ko sa lamesa. Umaga pa lang ay feeling ko pagod na pagod na ako. 

“Sasa?”

“Hmm?”

“Kung ibenta ko na lang kaya itong kidney ko… o itong katawan ko, ‘no? Para mabilis ang pera.” Hinintay ko ang sasabihin niya. 

“Gaga! Bakit mo ibebenta iyang kidney mo? Iyang katawan mo na lang para sasama ako. Ay, bet na bet ko iyan,” sabi niya na ikinapikit ng mata ko. Sabi ko na wala akong mapapala sa kanya eh. Alam niyo ba naging kaibigan ko siya kasi noong nagkaroon siya ng viral scandal dito sa school ako lang iyong walang pakialam at hindi nanghusga sa kanya, kaya sabi niya magkaibigan na raw kami dahil doon. Akala ko nga ay nagbibiro lang siya pero inaraw-araw niya talaga ang pagsama sa aking kumain, umuwi at pati na sa mga kalokohan ko. 

Sira ulo, hindi ba? Niloko kasi siya ng gago niyang ex at ipinagkalat ang video scandal nila. Noong nakita ko kasi siyang inaaway niya ex niya sa likod ng gymnasium at magmakaawa na burahin ang pinagkalat niyang video nila ay naintindihan ko siya. Hindi niya kasalanan na gago iyong taong minahal niya. Hindi niya kasalanan na ibinigay niya, wala eh, gano’n siguro talaga kapag nagmamahal ka. 

Noong iniwan siya habang umiiyak ay sinamahan ko siya. Hindi ako nagsalita kasi hindi ko naman siya kilala, pinaramdam ko lang na hindi siya mag-isa at may nakakaintindi pa sa kanya. 

Pagkatapos ng klase ko sa buong araw ay dumidiretso na ako sa trabaho ko. Gabi ang shift ko rito mas madaming tao. Isang gabi ay 800 pesos ang sahod na ibinibigay. Ayos na iyon kaysa wala. 

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Tabitha Williams
Wish this was in English
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status