Share

CHAPTER FOUR [PART 1]

THIRD POV

Hindi namalayan ni Isla ay nakatulog siya sa labas ng operation room ng hospital. Nagising lang siya noong ginising siya ng isang nurse. Tila kakatapos ang operasyon ng kanyang Papa dahil lumabas na ang ibang nurse at sumunod ang Doctor na nakausap niya noong nag-aagaw buhay ang kanyang Papa.

Pinuntahan at hinarang niya agad ang Doctor, hindi na alintana kung anong itsura niya ngayon. Nanginginig man ay nagawa pa rin niyang makapagsalita.

“Doc! Doc, ka-kamusta po ang Papa ko? Maayos po ba ang naging operasyon?” Napahinto ang Doctor at awang-awa niyang tinignan si Isla. Humuhugot ng lakas ng loob para sabihin sa kanya ang totoo. Kahit naman kasi sanay na siya sa propesyon ay hindi pa rin niya maiwasang maawa sa mga pasyente at pamilya ng pasyente, lalo na sa mga katulad nilang kapos sa pera. He cleared his throat bago siya tuluyang nakapagsalita.

Naramdaman naman agad ni Isla na may masamang balita pero isinawalang bahala niya dahil ayaw niya itong isipin. Hindi tama ang kanyang iniisip.

“The operation went well…” Para naman siyang nabunutan ng tinik sa sinabi ng Doctor sa kanya. Napahawak siya sa dibdib niya dahil sa matinding kaba. Ngingiti at magpapasalamat na sana siya pero napatulala siya nang nagsalita ulit ang Doctor.

“But I am sorry to say, Ms. Davina… your father is in coma right now. And we don’t know kung kailan siya magigising o… kung gigising pa siya but I can see that he’s fighting kaya huwag kayong mawalan ng pag-asa. We just need more observations pa sa kanya.”

Mabilis pa sa alas kwatro ang pagtulo ng mga luha niya. Tila bigla siyang nablangko at hindi na naproseso agad ang sinabi ng Doctor sa kanya. Tama ba ang mga narinig niya? Umiling siya ng paulit-ulit.

“Nilipat na namin siya sa mas maayos na kwarto. You can go there and see him. We did our best and I’m sorry. Excuse me,” wika ng Doctor at saka niya iniwan na tulala si Isla.

Nagtataka ang mga taong dumadaan sa kanya pero wala na siyang ibang maisip kung hindi ang sinabi ng Doctor. Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit ito sa isip niya. Napahawak siya sa pader, naghahanap ng mapagsasandalan o kahit anong makakapitan dahil baka mamaya ay bigla siyang matumba. Nanghihina at nanginginig ang kanyang mga tuhod. Hinugot lahat ng lakas niya sa huling sinabi ng Doctor.  

Pinakalma niya ang sarili at ilang sandali pa ay tumayo na rin siya nang maayos para puntahan ang kanyang Papa. Naghahanap sa kung saan ng lakas para makaya niya ang lagay ng Papa niya.

Nagtanong ulit siya sa counter kung nasaan inilipat ang Papa niya.

“Sa room 23-E po,” sabi ng admission clerk na pinagtanungan niya. May nag-alok sa kanya na nurse para samahan siya, marahil ay napansin nila na parang wala na siya sa sarili. Ramdam ng kung sino man ang anumang kabigatang dala-dala niya. Kahit sino ay maawa sa kalagayan niya. Tahimik lang si Isla na sumusunod sa nurse na kasama niya. Maya-maya ay napahinto ang nurse sa tapat ng isang pinto.

“Dito na po, Miss,” mahinang sabi ng nurse na kasama niya. Napalingon siya sa mukha ng nurse at saka yumuko at nagpasalamat.

Pagka-alis ng nurse ay matagal pa niyang tinitigan ang pintuan. Hindi niya magawang iangat ang kanyang mga braso para buksan ang pinto. Hinawakan niya ang kanan niyang kamay para alalayan sa pagbukas.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan, sobrang dahan na tipong ayaw niyang magising ang kung sino mang nasa loob ng silid. Pagbukas niya ng pinto ay napatakip siya sa bibig niya. Napahagulgol siya sa itsura ng papa niya. Nahihirapan siyang makita ang sitwayon nang iyon ng papa niya.

Pigil na pigil ang kanyang paghagulgol dahil ayaw niyang makagawa ng ingay. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa kama ng papa niya. Nanginginig ang kamay niyang iniabot ang malamig na kamay ng papa niya. Tumagal ang titig niya sa mukha ng papa niya, hindi pa rin siya makapaniwala sa nakikita na kalagayan ng papa niya. Parang noong isang araw lang ay maayos pa niyang kausap at katawanan. Malusog at malakas pa.

“P-papa,” utal niyang tawag sa papa niya na mahimbing na nakahiga. Puno ng galos ang mukha at katawan, may benda sa bandang ulo. Binitawan niya ang kamay ng papa niya dahil pakiramdam niya ay baka masaktan niya ito dahil sa panginginig niya.

Tumingala siya sa kisame para pigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha.

“Pa-papa, pagaling ka po. Pahinga ka lang po pero… w-wala pong sukuan, ha? Ka-kapit lang po, ‘pa.” Halos hindi na niya marinig ang boses dahil sa sobrang hina nito.

“Ga-gagawin ko po ang lahat nang makakaya ko para sa inyo kaya ‘Pa─” Humikbi siya kaya naputol ang sasabihin niya. Tinakpan niya ang kanyang mga mata gamit ang braso niya.

“Lumaban ka po,” tuloy niya sa sinasabi. Habang nagpupunas siya ng basang mukha at sipon ay tumunog ang kanyang cellphone.

Lumabas siya sa silid bago sagutin ang tawag. Napakunot-noo siya nang unknown number ang nabasa niya sa screen ng cellphone niya. Nag-aalinlangan man ay sinagot niya rin naman ito.

“Hello?” sagot niya.

“Hello? Ito ba si Isla Davina? Anak ni Isabelle Davina?” Naging sunod-sunod ang pagtanong ng taong nasa kabilang linya. Napakunot-noo si Isla dahil parang pamilyar sa kanya ang senaryong ito. Pero sana naman ay hindi gano’n sa iniisip niya.

“Opo, sino po sila?” Naging matapang ang pagsagot niya dahil pilit niyang binabalewala ang masamang iniisip niya.

“May nangyari sa Mama mo at dinala na namin siya sa hospital.” Muntik na siyang matumba sa narinig. Napasabunot siya sa buhok niya.

“A-ano pong nangyari?”

“Bigla na lang siyang nagsisisigaw kanina habang hawak ang kaniyang ulo at biglang nawalan nang malay.” Malinaw ang pagkakasabi ng kausap niya pero hindi kayang tanggapin ng isip, lalo na ang puso niya. Sinabi ng pulis kung saang hospital nila ito dinala at parehas lang na hospital ng Papa niya.

Tumakbo siya agad pagkababa ng tawag upang tignan ang kalagayan ng Mama niya. Nagtanong ulit siya sa admission clerk pagkatapos ay dumiretso ulit siya sa kwarto ng Mama niya. Hingal na hingal siya nang makarating. Katulad ng Papa niya kanina ay wala na namang nag-aasikaso sa Mama niya pero biglang may dumating na nurse. Nakilala siya ng nurse at biglang yumuko.

“Hinihintay na lang po iyong result ng x-ray niya, Miss. Tinignan na siya ng Doctor kanina,” mabilis niyang sabi kahit na hindi pa naman siya nagsasalita. Natakot ko yata sila kanina. Hindi ko naman sinasadya, nag-init lang talaga ang ulo ko. Tumango na lang ako at saka lumapit kay Mama.

Naguguluhan na siya sa mga nangyayari. Pinaglalaruan ba siya? Bakit sunod-sunod? Hindi pa nga tapos iyong isa, mayro’n na naman?!

Iniisip at tahimik na pinagdadasal niya na lang na sana ay hindi malala ang lagay ng Mama niya.

Naalala niya na wala pa pala siyang kain pero hindi siya makaramdam ng kahit anumang gutom. Wala siyang ibang inaalala ngayon kung hindi ang lagay ng pamilya niya. Hindi pa niya naiisip kung saan siya kukuha ng pera pero may balak na siya kung sakaling wala na talagang pag-asa. Alam niya sa sarili na hindi nila magugustuhan iyon kung sakali pero iyon na lang ang tanging paraang alam niya.

Narinig niyang nagbukas ang pinto kaya napalingon siya dito. Pumasok ang doctor na may hawak na x-ray result sa kamay niya. Namukhaan niya ang Doctor na ito, siya iyong kausap ni Adam noong iniwan niya ito.

Inayos niya ang buhok niyang gulo-gulo at humarap sa Doctor.

Nag-iwas ng tingin ang Doctor ng mamukhaan niya rin si Isla. Iniisip niya kung paano niya sisimulan ang resulta ng x-ray ng Mama niya. Iniisip niya na siya rin iyong anak ng mamang kakatapos ang operasyon at ngayon ay na-coma.

Kinakabahan si Isla dahil mukhang seryoso ang mukha ng Doctor. Hinihintay niya itong magsalita habang matagal siyang tinititigan sa mukha.

Sabay silang humuhugot ng lakas ng loob kung sino unang magsasalita.

Matapos ang ilang sandali ay nagsalita ang Doctor.

“Ms. Davina, right?” tanong niya. Hindi naman inaasahan ni Isla na iyon ang ibubungad ng Doctor sa kanya. Tumango si Isla bilang pagsagot sa tanong ng Doctor. Inabot ng Doctor ang resulta ng x-ray sa kanya. Nagtataka man ay nanginginig niya naman itong kinuha.

Tinignan niya ito, sinusuri kung may maiintindihan siya sa black and white na piraso ng papel na iyon pero hindi niya talaga maintindihan. Napatingin siya sa Doctor, nagtatanong ang kanyang mga mata. Napakamot siya sa batok na tipong nahihiya dahil wala naman talaga siyang alam sa ganito.

“That’s the result of your Mom’s x-ray.”

“Pasensya na, Doc. Hi-hindi ko po alam magbasa ng ganiyan, eh. A-ano po ba ang ibig sabihin nito?” Nahihiyang tanong niya.

Ngumiti ang Doctor parang sinasabi niya na naiintindihan niya si Isla kung bakit hindi niya maintindihan ang x-ray. Kinuha ulit ng Doctor ang piraso ng papel.

“Your Mom needs a surgery,” mahina at nahihirapang wika ng Doctor. Nagtaka si Isla sa narinig niya.

“Surgery? Opera po ba? Bakit, Doc? Hi-hindi ko po maintindihan. Mukhang ayos naman po si Mama. Masakit lang po ulo niya,” umaasang sabi niya. Kinukumbinse ang sarili na hindi na iyon kailangan ng Mama niya.

“Madalas bang sumakit ang ulo ng Mama mo, Miss Davina?” random na tanong ng Doctor sa kanya. Tumango siya habang inaalala kung ilang beses at dalas na nararanasan ng Mama niya ang pananakit ng ulo. Kung gaano niya gustong ipahinga na lang dahil sa sobrang sakit.

Tumango rin ang Doctor sa kanya. Pinaharap ng Doctor ang hawak na resulta ng x-ray kay Isla at may tinuro na parte.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status