Share

CHAPTER FOUR [PART 2]

THIRD POV

“Dito sa parte na ito ng ulo niya, may namuong bukol, iyon ang nagiging dahilan kung bakit lagi siyang nakakaranas ng pananakit ng ulo at minsan ay pagkahilo.”

Bukol? Bukol sa ulo? Tumingin siya sa tinuturo ng Doctor, hinahanap niya kung saan iyong bukol na sinasabi ng Doctor pero wala siyang makita bukod sa itim.

“I’m sorry… may tumor ang Mama mo, kailangan niya ng agarang gamutan at operasyon bago pa mas lumaki at lumala ang bukol sa ulo niya.”

Tumor. Tumor. Tumor.

Nagpaulit-ulit ito sa isip niya, parang sirang plaka. Napailing siya ng ilang beses dahil sa narinig. Gusto pa nga niya sanang tumawa.

“Do-doc, baka naman nagkakamali lang po kayo ka-kasi malakas naman po si Ma─”

“Miss, kung gusto mo magpa-second opinion ay pwede kitang i-refer sa kaibigan ko ring Doctor. Hindi ako pwedeng magkamali.” Nag-iwas siya ng tingin sa Doctor at tila nakaramdam siya ng hiya sa tinuran. Hindi niya na alam kung saan ibabaling ang mga mata.

Lingid sa kaalaman nila ay gising ang Mama ni Isla at nakikinig. Narinig niya lahat nang pinag-usapan ng Doctor at ng kanyang anak simula umpisa.

“Sabihan niyo na lang ako kung nakapagdesisyon na kayo, Miss. Pero kung ako ang tatanungin mas mabuti iyong maaga,” sabi ulit ng Doctor at saka na siya nagpaalam.

Napasapo si Isla sa noo niya at napako ang tingin sa pintong kakasara.

Pagharap niya sa kama ng Mama niya ay nagulat siya dahil gising at nakaupo na sa gilid ng kama ang Mama niya. Seryoso ang mukha.

“Ma! Gi-gising na pala kayo. Masakit pa ba ulo niyo? Ano kailangan niyo, tubig?” sunod-sunod niyang tanong at saka kabadong lumapit.

Kahit masakit pa rin ang ulo ng Mama niya ay taliwas ang naging sagot nito sa anak. “Ayos na ako. Hindi na masakit ulo ko,” nakangiting sabi niya. Binasa niya ang naging expression ng anak sa tinuran niya. Kailangan niyang maging malakas para sa anak niya. Naiiyak at naaawa siya sa itsura ng anak niya. Mugtong mga mata at magulong buhok, halatang walang sapat na tulog at kain.

Napaiwas siya ng tingin, nasasaktan siya at nakokonsensiya. Hindi dapat ito nararanasan ng anak niya. Hindi dapat siya ang nahihirapan.

Tumingala si Isla sa kisame dahil alam niyang nagsisinungaling na naman ang Mama niya. Kilala niya na ito, bawat sulok ng kanyang mga mata at kung kailan siya nagsisinungaling. Naiinis siya dahil hanggang sa ganitong sitwasyon ay nagagawa pa rin niyang magsinungaling. Pinipigilan niya ang sarili na umiyak sa harap ng Mama niya. Gusto niyang magsumbong na mababaliw na siya dahil hindi niya na alam ang gagawin o iisipin niya.

Pero mas nagtagumpay ang kanyang mga luha at bigla na lamang tumulo ito.

“Ma-mama, hi-hindi ka okay,” nahihirapan niyang sabi dahil na rin sa hikbi niya. Nakayuko na siya ngayon, ayaw niyang ipakita na umiiyak siya at na nahihirapan na siya.

“Ako na magbabantay sa Papa mo. Puntahan mo na mga kapatid mo, ikaw na bahalang magpaliwanag sa kanila.” Naramdaman ni Isla ang pagtayo ng Mama niya kaya napaangat siya ng tingin. Gusto niyang ipadyak ang paa niya sa inis na nararamdaman.

“Ma! Hindi nga po kayo okay, may ano kayo… may bu─”

“Alam ko. Narinig ko lahat nang sinabi ng Doctor.” Hindi na nagulat si Isla dahil ramdam niya naman na ito kanina. “Pero hindi na iyon kailangan, anak. Ayos lang ako,” madiing sabi ng Mama niya at saka lumapit sa pintuan.

“Naririnig niyo po ba iyang sinasabi niyo?” Hindi makapaniwalang tanong ni Isla.

Lumingon ang Mama niya sa kaniya at ngumiti pero hindi umabot sa kanyang mga mata. “Huwag ka nang mag-alala, ‘nak. Ayos na ako.”

Napatakip ng mukha si Isla dahil sa matinding pagbuhos ng kaniyang mga luha. Hindi niya na kayang pigilan kaya hinahayaan niya na lang.

“Ka-kailangan niyo magpagamot, ‘Ma! Makinig naman po kayo sa akin… kahit ngayon lang,” humihikbing sabi ni Isla sa Mama.

“Oh, sige! Gawin natin iyan, magpapagamot ako! Tapos ano? Saan tayo kukuha ng pera?! Saan ka kukuha, ha?! Ikaw ang makinig sa akin, Isla. Baon na baon na tayo sa utang, anak. Ang Papa mo ang mas importante ngayon, naiintindihan mo?” Mas lumakas ang iyak ni Isla sa narinig lalo na kung paano mabasag ang boses ng Mama niya.

Napapamura na lang si Isla sa isip niya dahil lagi na lang silang sinasampal ng kahirapan. T*ng*na lang talaga!

“Ako na bahala doon, ‘Ma! Ang gusto ko magpagamot kayo, utang na loob!” wala na sa sariling sabi niya. Hindi niya na alam kung paano niya kukumbinsihin ang Mama niya. Umiling lang ang Mama niya at binalewala ang sinabi ng kaniyang anak.

“Tapos na ang usapang ito. Ihatid mo na ako sa Papa mo,” madiin at malamig na sabi ng Mama niya at saka niya pinihit ang seradura at lumabas.

Paglabas ni Isabelle ay napahawak siya sa ulo niya at sinuntok-suntok ito. Sinisisi niya ang sarili dahil dumagdag pa siya sa iisipin ng anak niya.

Inayos niya ang nagulong buhok nang marinig niya ang pagsunod ni Isla. Mas lalo siyang nasasaktan nang marinig at makita niya na mismo kung paanong nahihirapan ang anak niya dahil sa kanila. Na dapat ay siya ang gumagawa ng mga ito. Na dapat ay siya ang sumasalo sa problemang ito ng pamilya nila.

Naglakad siya na parang walang nangyari kahit pa kumikirot-kirot na naman ang ulo niya. Lalabanan niya ang sakit na ito nang hindi niya kailangang magpagamot at gumastos.

Hindi alam ni Isla ang mararamdaman sa mga sinabi ng Mama niya, kilalang-kilala niya na ito. Alam niya na ayaw talaga ng Mama niya kahit anong pilit pa niya dahil gano’n din siya, namana niya yata ang katigasan ng ulo ng mama niya.

Habang naglalakad ay pinag-iisipan niya iyong balak niya para makapagbayad ng bills dito sa hospital. Iniisip niya rin kung may kamag-anak ba silang pwedeng mahingian ng tulong kaso ang mga kapatid ng Papa niya ay sa probinsiya pa nakatira at katulad din nilang kapos na kapos sa pera. Sa side naman ng Mama niya ay wala siyang kilala na kamag-anak nila, ang kwento lang ng Mama niya noon ay wala na ang mga magulang niya at wala rin daw siyang kapatid. Katulad din ng Papa niya na nasa malayong probinsiya rin daw sila.

Nang makarating sila sa tapat ng pinto ay tahimik lang silang mag-ina.

“Dito na ‘ma, alis lang po muna ako. Bibili ng pagkain natin,” paalam ni Isla sa ina. Tumango ang kaniyang Mama habang ang mga mata ay tutok sa pinto sa harap nila.

Naglakad paalis si Isla at hinugot ang pera na nasa bulsa niya. Sampung benteng lukot-lukot ang nahugot niya mula sa bulsa. Naaawa na lang talaga siya sa sarili habang nagba-budget sa isip niya. Madilim na labas at naalala niyang may trabaho pa pala siyang papasukan mamaya. Hindi siya pwedeng lumiban dahil kailangan niya ng pang-allowance nilang magkakapatid.

Habang naglalakad sa madilim na kalsada ay tumawag muna siya sa kapatid niyang lalaki. Agad naming sinagot ito ng kapatid niya.

“Ate!” Nagulat siya nang ang kapatid niyang babae ang sumagot.

“Leigh! Kumain na ba kayo? Nasaan ang kambal mo?” magaan niyang tanong. Ayaw niyang mag-alala ang mga kapatid niya lalo na si Ashleigh na may sakit sa puso.

“Nan-nandito po. Ate, nasaan po si Mama at Papa? Sabi po ng mga kapitbahay ay may… nangyari po kay Papa. Totoo po ba iyon, ate?” Napahinto siya sa paglalakad sa mga sinabi ng kaniyang kapatid. Huminga siya nang malalim.

“Huwag na kayong mag-alala. Magkakasama kaming tatlo at okay na si Papa, okay? Hintayin niyo ako diyan mamaya, ha. Magpahinga na kayo… huwag kayong magpupuyat.” Umupo si Isla nang makakita siya ng bench sa gild ng kalsada. Sinandal niya ang likod at tumingin sa madilim na kalangitan.

“Pwede ko bang kausapin si Asher?” tanong niya sa mababang tono. Ilang segundo lang ay si Asher na ang may hawak ng telepono.

“Kuya Asher! Ikaw na bahala dyan, ha? Huwag kayong masiyadong mag-isip… ayos lang kami. At saka huwag niyo kalimutang mag-lock ng pinto.” Napapikit si Isla nang maramdaman ang pagtulo ng tubig mula sa itaas. Mukhang uulan pa yata.

“Opo, ate. Ako na po ang bahala dito. Ingat po kayo,” sagot ng kapatid niyang lalaki. Nagpaalam na siya dahil nararamdaman niyang pakapal na nang pakapal ang tulo ng tubig. Laking pasasalamat niya na lang na maunawain at matured na mag-isip ang kapatid niyang lalaki.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status