Share

Pang-anim

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Lilim Sa Dapit-Hapon

 

 

DAHAN-DAHAN kong binuksan ang pinto, sumaglit ang katiting na liwanag mula sa labas at marahan ko itong inagapan at isinara habang tumitingin sa isang mahinang buhay na nakaratay sa kama ng karamdaman. Tahimik akong tumungo at nagmasid sa malungkot at madilim-dilim na silid, dinig ko ang panaka-nakang patak sa suwero at payapang hangin na kanyang inilalabas. Lanta na ang bulaklak sa mesa at ilang tuyot na prutas na nagmistulang altar at ilang piraso ng mga biskwit na nakahandusay sa paligid nito. Katabi nito ang ilang mga papel, resibo at mga kasulatang patungkol sa ahensiya ng gobyerno upang makangalap ng salaping pang-tustos sa kanyang kalagayan.

Sa wakas at napagmasdan ko siya nang malapitan, nakapikit ang mga lubog na matang lumalarawan ng mahaba at napakatagal na digmaan na kanyang hinarap. Bakat ang kanyang bungo at halos nakadikit na sa kanyang mga balat, nakalitaw ang ilang mga ngipin at mga buhok na nalalagas at mabibilang mo na at ilang mga balbas na naghahabulan ng haba. Pilit kong hinahanap ang isang matibay na nilalang, isang katauhang humulma at naging simbolo ng katuwiran mula sa aking mga matang-alaala. Mga makapangyarihang bilin at mala-lanseta kung bumaon na paalala sa aming  kamusmusan.

Isang hindi malilimutan na nakaraa'y pitong taong gulang pa lamang ako na minsang kumupit ako ng tinapay sa kapitbahay dahil sa gutom, naging kristo ang pagdurusa ko noon ng kanyang malaman at siya'y naging sundalong romanong walang awang nagbigay sakin ng matinding parusa na lumuhod sa butil ng mga munggo, at magsisilbing aral daw ito sakin na hindi ko malilimutan. Mabuti na daw ang magutom kesa sa magnakaw, kung nagugutom, magtrabaho at paghirapan. Sa isang nakakatawang  katotohanan ay naging magandang baon ito sa aking buhay at tumatak nang matindi sa aking kaluluwa.

Marahan kong hinawakan ang kanyang yayat na kamay, ng dumampi ay kumilos ito ng may maramdamang may banyagang anyo na gumambala sa kanyang pagkaka-himbing. Dumilat-dilat siya at pilit akong inaaninag, at ilang saglit pa'y ngumiti ng kaunti, bago pa man magsalita'y huminga muna ng malalim,

" Hindi ko...ito inaasahan...Rogelio, anak." –mahinang wika niya.

Hinigpitan ko pa nang kaunti ang pagkakadampi ko sa kanyang kamay at naging dahilan iyon upang magbigay ng kaunting kaligayahan ng mga sandaling iyon. Hindi ko rin maarok kung ano ba talaga ang ginagawa ko, kung bakit, sa lugar na yaon ay nakaharap ako sa taong nagbigay sa amin ng hirap at pagdurusa sa aming buhay, siyang ugat at dahilan ng lahat. Ang taong nagbigay samin ng kalbaryo at nagpakilala sa akin ng reyalidad ng buhay. Ang buhay na mahirap at puno ng kalam, walang kulay at kaligayahan kundi puro pagdurusa at dahilan ng paglisan sa mundo ng aking ina. Naging bahagi ako ng isang pamilyang itinakwil dahil sa isang pakiki-apid ni ama at mas pinili ito na siyang naging dahilan ng pagkawala ko ng paniniwala sa pag-ibig.

Sinalo lahat at hindi man lang nagtira ng kahit kaunting luha ang aking ina sa mga nangyari at hanggang sa huli ng isang gabi, nakita ko itong tila nakalutang sa loob ng aming tahanan habang unti-unting nagduduyan ang mga paang pantay at walang katinag-tinag. Dinig ko ang langitngit ng lubid na kumakaskas sa ibabaw ng kahoy ng aming kisame, sa kabila ng nakakatakot na larawan ay hindi ko nagawang umiyak, marahan siyang ibinaba ng aming mga kapitbahay at ipinikit ko ang kanyang mga matang dilat at walang naiisip kundi hinagpis at poot maging sa kanya. Pero eto ako, nakaharap sa minsan ko nang sinumpa sa lahat ng sulok ng lugar kung saan ako abutan ng nag-iisa at tangan ang galit at paninisi sa lahat ng kapangitan na nangyari sa buhay.

"Hindi ko alam...pero ramdam ko na lahat ng bagay na ito...ay nangyayari...dahil...ito ang…itinakda..." wika niya habang nakatingin sa kisame.

Tanaw ko sa bintana ng silid ang naka usling kurtina, lumalabas dito ang katiting na liwanag mula sa palubog nang araw at nagmimistula itong lampara sa bandang paanan ng higaan ni ama. Sa banda duon ay bakat na bakat ang hugis ng mga buto nito na nababalutan ng manipis na kumot, nakalikha ito ng isang hulma na mistulang estatwa na nakatirik at nakasisigurong walang kakayahang tumindig base sa iyong masaksihan.

"At eto...sa dugo...leukemia anak..." pagpapatuloy niya. "Hindi ko alam, halos dalawang taon na nang magsimula ito, marami na rin ang nangyari at nagbago, oh marahil ay marami narin akong natuklasan sa mga bagay-bagay, Oo mga kamalian at pag-udyok ko dito pero maniwala ka anak, hindi ko lahat iyon, hindi ko iyon" –Huminga siya nang malalim at ’di natapos ang kanyang sinasabi, at halatang hirap sa pagbigkas.

Binaling niya ang kanyang paningin sa may bandang bintanang nasusulyapan ng kaunting liwanag mula sa labas, marahan niyang itinaas ang kanyang yayat at mahinang kamay at itinuro ito at nakiusap na buksan ko ng tuluyan ang buong kurtina. Lumapit ako dito at sinimulang hawiin ang Lilim at isinabit ko ito magkabilaan. Tumambad ang nagtatalong liwanag ng pasukong araw at buwan, makikita din dito ang pagsabay ng ilang mga alikabok at nasulyapan ko si ama na medyo nasilaw at pinipilit masanayan ang sinag nito.

Mula r ito ay natanaw ko ang kagisigan ng buong lungsod, ang mga ilaw na buong tapang at gandang nagniningning sa mga abalang kalsada, tila isa akong musmos na namangha sa ganda nito at alam kong naging bahagi ako nito minsan man kahit kaunti sa aking buhay. Tanaw ang mala- kahel na kulay na sumasabog sa kalangitan at unti-unting paglaho ng liwanag at pagsakop ng dilim na sinasayawan ng mga bituin. Mula sa salamin ng bintana ay naaaninag ko siya rito, tulad pa rin ng kanina, imahe ng isang yayat at walang pag-asang nilalang na nakaratay sa isang higaang naging tagapaghatol ng lahat.

Isang ka awa-awang ama na iniwan ng lahat at pinaparusahan o di ko man marahil masabi ay namumuhay sa isang paniningil mula sa matinding pagkakautang. Muli bumalik sa isipan ko ang larawan ng alaala ng aking Inang nakalutang sa kamatayan, at dito ay napapikit ako dahil nananatili parin ang hinagpis na itinago ko ng maraming taon. Naging bahagi ng masalimuot na kasaysayan ng aking libro at ang katapusan ay tiyak naririto, dito sa loob at malungkot na kwartong ito.

Lumingon ako sa aking ama, hindi ko na naririnig ang huni ng kanyang paghinga, namuo sa aking dibdib ang isang pangamba. Marahan akong lumapit sa kanya, at unti unti ay nabuo sa akin ang isang hinala at pag-unawa, nakita kong bahagyang nakadilat ang kanyang mga mata at nakabuka ng tipid ang bibig.

Napasinghap ako at nakaramdam ng kurot sa aking dibdib, maingat kong isinara ang  kanyang mga mata at bibig, hinaplos ang kanyang noo, sa aking pagkakatindig ay diko namalayan na may namuo at lumabas sa aking mga manhid na mga mata, dumaloy ito pababa sa aking pisngi at naramdaman ang init ng patak sa aking kamay na nakahawak sa kanyang braso. Napayuko ako at tuluyan nang tumakas sa aking katauhan ang lahat ng lungkot at sakit na namahay ng mahabang panahon.

 

"Pinapatawad na kita Tay..." tanging sambit ko.

Namayani ang katahimikan ng mga sandaling iyon at ako, ang kanyang anak ang siyang naging lilim sa kanyang huling dapit hapon.

 

Wakas.

 

Dasmarinas City, Cavite.

2020.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status