Share

Chapter 10

Chapter 10

Dream Adelone Cortes

SABAY-SABAY kaming lumabas nina Yannie at Kit sa hospital. Napahikab ako habang dinadama ang hangin sa labas. Sumasakit ang likod ko. Nang magkaemergency kasi kanina ay sunod-sunod na ang naging trabaho namin kaya sumasakit ang katawan ko.

“Gustong-gusto ko nang matulog!” humihikab kong sabi.

“Bruha, 'yong asawa mo palapit.” sabi ni Kit matapos akong sikuhin.

Asawa ko? Si Blaze? Tumingin ako sa paligid at napasinghap nang mamataan ko si Blaze na naglalakad nga palapit sa amin. Pinagtitinginan siya ng mga tao dahil sobrang gwapo niya lalo. Nakasuot lang siya ng itim na t-shirt at cargo shorts na brown. Magulo ang kaniyang buhok at may bitbit pa siyang coke na nasa lata.

Umawang ang labi ko nang ngumiti siya nang tuluyang makalapit. “Hey!”

Tiningnan ko sina Yannie at Kit. Parehong ngising-ngisi ang dalawa.

Nilingon ni Blaze ang dalawang kaibigan ko. “Hi, may lakad ba kayo?”

Mabilis na umiling si Yannie. “Naku, wala. Excited na ngang umuwi 'yan si Dream e. Gustong-gusto na raw niyang bumukaka este humilata.”

Naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko dahil sa pinagsasabi ni Yannie.

Humalakhak naman si Kita. “Iuwi mo na 'yang asawa mo, pogi.”

Ngumiti sa kanila si Blaze saka ako nilingon. “Let's go?”

Ngumiti ako at akmang tatango nang may tumawag sa pangalan ko.

“Nurse Dream!“

Tumili si Kit. “Oh my gosh, si okidaks!”

“Dream, mukhang type ka talaga niya.”

Hinampas ko ang dalawa. “Ewan ko sa inyong dalawa!” 

Nilingon ko si doc Reeve nang tuluyan siyang makalapit. Nakasuot pa siya ng lab gown at may stethoscope pang nakasabit sa leeg. Ngumiti siya sa 'kin saka iniabot ang cellphone ko. “Naiwan mo sa office.”

Natampal ko ang noo. “Hala, oo nga! Thanks, doc.”

Tumango ito at lumingon sa likuran ko kung saan nakatayo si Blaze. Sandaling nagtagal ang tingin niya kay Blaze saka ako muling nilingon. “Babalik na 'ko sa loob.”

Ngumiti ulit ako. “Sige, doc, salamat ulit.”

“Hmm... See you tomorrow.” lumayo ito na kumakaway sa akin.

Agad ko namang isinilid sa bag ko ang cellphone ko saka nilingon si Blaze na tipid akong nginitian. “Tayo na.”

Tumango ako at nilingon sina Yannie at Kit. Nagpaalam kami sa kanila saka ako inaalalayan ni Blaze patawid sa kalsada. Pinagbuksan niya rin ako ng pinto ng passenger seat at inalalayan ang ulo ko para h'wag mauntog.

Napangiti ako dahil sa pagiging maalaga ni Blaze. Hindi ko masasabing nagpapanggap lang siya dahil halata namang gusto niya ang ginagawa niya. O baka nakasanayan niya lang talagang mag-alaga ng babae dahil sa pagiging playboy niya noon.

Napakagat ako ng labi.

Habang nagmamaneho siya pauwi sa bahay ay tahimik lang kami hanggang sa bigla siyang nagsalita. “Kumuha ako ng katulong para may gagawa ng gawaing bahay para sa 'tin.”

Napalingon ako sa kaniya. “Naku, Blaze, kaya ko namang gawin 'yon. Responsibilidad ko ring pagsilbihan ka bilang asawa mo.”

Umiling siya at sumulyap sa 'kin. “Responsibilidad ko ring alagaan ka. Pagod na pagod ka na galing sa trabaho, ayokong pagdating mo ng bahay ay ikaw pa ang magluluto at maglilinis.”

Napangiti ako at tumango. Sabagay, tama siya. “Sige, hati nalang tayo sa pasweldo sa kaniya.”

“No need, ako nang bahala do'n.”

Ngumuso ako. “May trabaho rin naman ako e.”

Sumulyap siya sa akin. “Kaya kitang buhayin. Gusto ko nga tumigil ka na sa pagtatrabaho kaso nakikita kong mahal mo ang ginagawa mo. Ayokong ipagkait sa 'yo ang bagay na nakakapagpasaya sa 'yo, saka, wala ka namang gagawin sa bahay kaya mabobored ka lang.”

Hindi na ako nagsalita. Napangiti nalang ako dahil sa punto niya.

Nang makarating kami sa bahay ay agad kaming pinagbuksan ng gate ng katulong na binaggit ni Blaze. Babae siya na sa palagay ko ay nasa thirty na.

“Magandang gabi, ma'am, sir.” 

Nginitian ko ang babae. “Dream nalang po, ate. Mas matanda ka sa 'kin e.”

Ngumiti ito at tumango. “Nagluto na ako ng hapunan, maghahain ako para sa inyo.”

“Sige, ate Jel, nagugutom na rin ako e.” si Blaze na ang sumagot na agad tinanguan ni ate Jel daw.

Inakbayan ako ni Blaze habang papasok kami sa loob ng bahay. Dumiretso kami sa kusina at ipinaghugot ako ni Blaze ng upuan. Tinapos naman ni ate Jel ang paghahain.

“Kain ka na rin, ate Jel. Sabayan mo na po kami.” nakangiting pag-aaya ko.

Tumango si Blaze bilang pagsang-ayon. “Sabayaan mo nga kami, ate Jel.”

Tumango ang babae saka naupo sa harapan ko. Nasa gilid naman namin si Blaze na nag-uumpisa nang kumain.

“Uhm... Dream.”

Napalingon ako kay Blaze nang tawagin niya ang pangalan ko. Ngumiti ako at hinintay ang kasunod niyang sasabihin.

“Kailan ba ang kasunod mong day off? Nagrequest kasi ng outing si Ales, gusto niyang magbeach kasama tayo.”

Natigilan ako. Outing kasama si Ales? Ibig sabihin ay kasama rin ang ex niya na ina ni Ales? Napalunok ako. Gusto kong tumanggi pero wala akong karapatang ipagdamot siya sa anak niya.

Sa huli ay ngumiti ako at tumango sa kaniya. “Sige, sa next thursday ang day off ko.”

Masaya siyang tumango. “Great! Siguradong mag-eenjoy kang kasama si Ales.”

Ngumiti lamang ako sa kaniya at nagpatuloy sa pag kain. Nang matapos ay agad akong pumunta sa kwarto namin para maligo. Hindi ako nagtagal sa banyo dahil gustong-gusto ko na talagang magpahinga. Mabilis ang ginawa kong pagligo. Pagkatapos kong tuyuin ang buhok ko ay agad akong nahiga sa kama. Maya-maya ay pumasok rin sa kwarto si Blaze at dumiretso sa banyo. Hindi ko na alam kung natagalan siya sa banyo dahil mariin ko nang ipinikit ang mga mata ko.

Hay! Ngayon lang ako napagod ng husto.

Makakatulog na ako sa sobrang pagod nang maramdaman ko ang daliri at palad na marahang minamasahe ang binti ko. 

Mabilis akong nagmulat ng mata at tiningnan si Blaze. Ngumiti ito sa akin. “On your stomach, Dream. Imamasahe ko ang likod mo.”

Umiling ako. “H'wag na. Matulog ka na rin.”

“No.” sagot niya saka siya na mismo ang nagdapa sa akin. Hinawakan niya ang magkabila kong baywang saka ako idinapa na ikinagulat ko.

Nagwala ang puso ko dahil sa ginawa niya. Naalala ko ang mga kwento ni Yannie tungkol sa posisyon kaya matindi akong napalunok.

“Can I lift your shirt para mamasahe kita ng maayos?”

Napalunok akong muli. “S-Sige.”

Dahan-dahan niyang itinaas ang damit ko. Dilat na dilat ang mata ko habang nagwawala ang puso ko lalo na nang alisin niya ang hook ng bra ko.

“Relax, Dream. Imamasahe lang kita.” bulong niya sa tainga ko saka inayos ang pwesto ng katawan ko.

Nagsimula siyang masahiin ang likod ko at aaminin ko, unang masahe niya palang ay nakaramdam na ako ng ginhawa. Nawala ang kabang nararamdaman ko at nakaramdam ako ng pagkapanatag.

Dahan-dahan kong ipinikit ang mga mata ko dahil bumabalik ang antok ko hanggang sa hindi ko na namalayan ang mga nangyayari dahil tuluyan na akong nakatulog.

TO BE CONTINUED...

sinblue

THANK YOU FOR READING💕💕 STAY SAFE, EVERYONE!

| 2
Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jumaira Hadji Usop Salampao-sarip
pa unlock pls
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status