Share

Chapter 12: No Label

Ngali-ngali nang ihagis ni Jessica ang phone pagkatapos niyang makausap ang mga mgaulang. Insulto lang ang natanggap niya sa mga ito imbes na kumustahin siya. Tutol ang mga ito sa propesyong kaniyang tinahak pero wala siyang balak na basta na lang sumuko at sundin ang nais ng mga magulang niya. Hindi siya papayag.

Ang pagkainis na nadarama ay ibinuhos na lang niya sa paglilinis ng bahay at dinamay niya pati ang bakuran. Katatapos niya lang magwalis sa labas kaya bumalik na siya sa loob nang matanaw niya si Harry. Bihis na bihis ito. Itatanong niya sana kung saan ito pupunta pero natilihan siya. Baka isipin pa nito na mino-monitor niya ang bawat kilos nito.

Napakislot siya nang mag-ring ang cell phone sa kaniyang bulsa. Hindi niya ‘yon sinagot pero makulit ang caller kaya tiningnan niya ang kung sino ‘yon. Kasamahan niya pala sa trabaho ang tumatawag. “Hello, Lily.”

“Jess, sumama ka na,” pangungulit nito. “Isama mo si Sarah para maturuan ko kung paano mamingwit ng boys.”

Bago siya mag-rest day ay niyaya siya nitong pumunta sa bar na tinanggihan niya. “Naku, Lily, tigilan mo si Sarah. May jowa na ‘yon.”

“Jowa niya talaga ‘yong tisoy? Nakikita kong sinusungitan niya lang ‘yon, eh, pero sweet pa rin sa kaniya ‘yong lalaki. Hay! Nakakainggit naman siya.”

Binalewala niya ang tanong nito. “Sasama na ako sa ‘yo,” pag-iiba niya sa usapan. “Saang bar tayo pupunta?” Si Harry sana ang yayayain niyang lumabas pero umalis naman ito.

Sinabi ni Lily ang lugar kung saan sila magkikita bago niya pinutol ang tawag. Ipinagluto niya ng ulam si Sarah at pagkatapos ay gumayak na siya. Tamang-tama na paalis na siya nang magising ang kaibigan.

“Saan ka pupunta?” tanong nito habang kinukusot ang mga mata. “Ang sexy mo, a.”

She wore a bodycon dress with a pair of strappy stiletto and a dangling earrings. “Nagyaya si Lily na gumimik.”

Sarah rolled her eyes and frowned. She smirked at her. Naiinis ito kay Lily dahil bad influence raw ang babae pero hinahayaan lang naman siya nitong sumama rito. Malaki na raw siya at alam na kung anong tama sa mali.

“Ipinagluto na kita ng hapunan. Bye!”

Naabutan niyang naghihintay sa kaniya si Lily sa labas ng bar pagdating niya roon. Sabay na silang pumasok sa loob. Hindi pa umiinit ang puwet nito sa upuan ay tumayo na agad ito at umindak sa dance floor.

Nagpaiwan siya sa table nila at hinintay ang iba pa nilang kasama. Ilang minuto ang lumipas nang may lumapit sa kaniya at inalok siya ng drinks pero magalang siyang tumanggi. Mabuti’t mabait ito at hindi siya binastos. Guwapo pa naman sana ang lalaki at mabango pero wala siya sa mood makipaglandian. Isang tao na lang kasi ang laman ng kaniyang isip simula nang maging malapit sila sa isa’t isa.

Ang sinabi niya noong una ay crush niya lang ito pero parang hindi na simpleng paghanga ang nararamdamman niya para sa binata. At feeling niya, may gusto rin ito sa kaniya. Ilang linggo na rin silang nagpapalitan ng sweet messages at kung minsan ay patagong nagkikita sa labas. Hindi niya masabi kung nagde-date ba sila dahil wala naman itong sinasabi sa kaniya. Nagsimula ‘yon nang tinanong niya ang lalaki kung may girlfriend na ito.

Gustong-gusto na niyang itanong sa lalaki kung ano ba talaga ang estado nila pero ayaw niya itong pangunahan. Baka dahil doon ay masira pa ang magandang samahan nila ng binata na ayaw niyang mangyari. Hindi rin kasi siya sigurado kung friendly lang ba talaga ito sa kaniya o may halo ng malisya. Mas napo-frustrate pa siya sa status nila kaysa sa problemang dulot ng sarili niyang pamilya sa kaniya.

“Himala, hindi mo pinansin ‘yong lalaki,” puna ni Drew, kasamahan nila ito sa trabaho at kararating lang nito. Kinawayan nito ang waiter na malapit sa puwesto nila. “Hindi ka pa nag-o-oder ng drinks. What do you want?”

“Wala,” matamlay niyang tugon. “Uminom ka lang diyan.”

“Whoa!” Namilog ang mga mata nito. Hindi makapaniwalang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. “Kailan ka pa tumanggi sa alak?”

“Shut up! Um-order ka na lang!” bulyaw niya. Wala namang makakapansin sa ginawa niyang pagsigaw dahil nagkakatuwaan ang mga tao at palakas na nang palakas ang ingay sa loob.

Dumating na ang lahat ng katrabaho nila, iyong iba nasa dance floor at ang iba naman ay nagpapakalanggo na sa alak. Siya? Ayon, nagmumukmok. Nakaisang shot lang siya ng tequila ‘tapos nanahimik na siya sa isang tabi.

Hindi niya namalayan na nag-ring ang phone na hawak niya samantalang kanina pa siya roon nakatitig. Kinuha ‘yon ni Drew mula sa kaniyang kamay dahil hindi siya kumilos upang sagutin ‘yon. Ito na ang sumagot ng tawag pero agad din nitong ibinalik ang phone sa kaniya.

“Fafa mo,” nanunuksong wika nito. Lumalabas ang totoo nitong kulay kapag nakakainom. “Ang yummy ng boses.”

Kunot-noong kinuha niya ang cell phone at tiningnan kung sino ang tumawag. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mabasa ang nakarehistrong pangalan sa screen.

“Harry,” sambit niya. Ewan niya kung narinig siya nito dahil sobrang ingay roon. “Bakit?” Ito ang lalaki na laman ng kaniyang isipan.

“Nasaan ka ba? Bakit maingay riyan? Hindi kita masyadong marinig.”

“Nasa bar,” maikli niyang tugon. “Bakit ka nga pala tumawag?” sigaw niya. At least may dahilan siya na sigaw-sigawan ito na hindi nito mahahalata na naiinis siya rito, sa sitwasyon niya, sa kung ano bang mayroon sila. Mayroon nga ba?

“Anong exact location mo? Pupuntahan kita riyan. Huwag kang magpapakalasing at makikipagsayaw sa kung sino-sinong lalaki,” paalala nito.

“Pero nasa bar ako—”

“Gawin mo na lang ang sinabi ko!”

Inilayo niya sandali ang phone sa kaniyang tainga dahil parang mababasag ang eardrum niya sa lakas ng boses nito. Sumangayon na lang siya dahil sa pagkabigla. Nag-text siya rito kung nasaan siya. Ilang minuto rin siyang naghintay bago ito dumating. Hindi maipinta ang mukha nito.

“Harry.”

“Let’s go home.”

Hinila siya nito palabas ng bar kaya hindi siya nakapagpaalam sa mga kasamahan niya. Paglabas nila ay agad itong pumara ng taxi. Magkatabi silang nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan ngunit hindi sila nagkikibuan. Naramdaman na lang niya na ipinatong nito ang panyo sa kaniyang hita upang takpan ‘yon. Bahagya kasing tumaas ang suot niya. Lihim siyang napangiti.

“Bakit hindi mo sinabing pupunta ka sa bar?” basag nito sa nakabibinging katahimikan sa pagitan nila. “Ang daming lalaki roon. Paano kung may bumastos sa ‘yo?”

Isa ‘yon sa mga dahilan kung bakit pakiwari niya ay may gusto ito sa kaniya. Kapakanan niya ang iniisip nito kahit na wala namang namamagitan sa kanila. Napapansin niya ring gentleman at overprotective ito pagdating sa kaniya. Paano siyang hindi mahuhulog sa binata?

“Hindi mo rin naman sinabi sa akin noong umalis ka,” sumbat niya sa mahinahong tinig.

“That was urgent,” he said in a gentle tone. His expression softened. “May importante lang akong inasikaso.”

“Okay.”

Marahan nitong pinisil ang kaniyang kamay. “Are you mad?”

Napatingin siya rito sabay iling, pero ang totoo, nangangati ang kaniyang bibig. Kapag hindi siya nakapapigil ay baka maitanong niya rito ang bumabagabag sa kaniyang isipan. Mas mainam na manahimik na lang siya kaysa may masabi siyang ikasisira ng magandang samahan sa pagitan nila.

“Sorry,” usal nito sabay halik sa kaniyang noo.

Mag-uusisa sana siya kung para saan ang halik na ‘yon subalit naudlot dahil pumara ang binata. Inabot nito ang bayad sa driver bago siya pinagbuksan ng pinto at inalalayan palabas ng sasakyan. Nagtaka siya nang mapansing ilang metro pa ang lalakarin nila mula roon hanggang sa apartment.

“Bakit dito tayo bumaba?”

“Para makasama kita nang mas matagal,” nakangiting wika nito.

Suntok sa buwan ang pagngiti nito kaya naman tinitigan niyang mabuti ang mukha ng lalaki. Gustong niyang tumatak sa kaniyang memorya ang maganda nitong ngiti. “Sana makita ko palagi ang ngiti mo.”

Nagkibit-balikat ito at pinagsalikop ang kanilang mga kamay. “Ang init ng palad mo. Tamang-tama, nilalamig ako,” anito. “By the way, next time, ayaw na kitang makita na magsuot ng ganyan kaikling damit. At kung gusto mong gumimik, isama mo ako.”

Tumango siya at ginawaran ito ng matamis na ngiti. Kung sa ibang pagkakataon, baka tumalon-talon na siya at gumulong-gulong sa sahig dahil sa kilig. Pero ngayon, mas gusto niyang maging mahinhin sa harapan ng binata.

Ilang hakbang na lang ang layo nila sa apartment nang biglang namatay ang ilaw sa mga poste at kabahayan, maliban sa buildings na may generator. Napahigpit tuloy ang kapit niya sa binata.

“It’s alright. I’m here.”

Ginamit nito ang phone upang magsilbing liwanag sa daraanan nila. Inalalayan siya nito sa paglalakad. “Thank you.”

Naka-lock na ang gate nang makarating sila sa apartment. Hindi niya puwedeng tawagan si Sarah dahil mahuhuli nitong magkasama sila ni Harry. “Paano ‘yan, sarado na ang gate?”

“Tatawagan ko si Erhart.”

“Huwag!” pigil niya rito. “Umakyat ka na lang sa gate. Huwag na natin siyang istorbohin,” palusot niya.

“Sige.”

Inilawan niya ito gamit ang cell phone. Mabilis itong nakaakyat sa gate at pinagbuksan siya. “Salamat.”

“Salamat lang?”

Hindi niya masyadong maaninag ang eskspresyon ng mukha nito dahil pinatay na niya ang phone. Hindi niya tuloy alam kung seryoso ba ito o nagbibiro lang. Ang liwanag na nanggagaling sa buwan ang tanging ilaw nila ngayon. “Ano palang gusto mo?”

“I’m dying to do this to you,” he whispered huskily and pulled her closer.

Bago pa siya nakapagtanong kung naong tinutukoy nito ay lumapat na ang labi nito sa kaniya. Ang traidor niyang mga kamay ay kusang pumulupot sa leeg nito. Napakarupok niya talaga!

J.R. McKay

Thank you for reading! F^ceb00k ^cc0unt: Carmie Lopez

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status