Share

Chapter 2

Oras nang uwian, nasa labas na ako ng campus para hintayin ang sundo ko. Karaniwan ay alas-singko pa lang ay nasa campus na si Mang Dante, ngunit mag-aala sais na ay wala pa rin ito. 

Medyo madilim na ang paligid at mukhang uulan, kaya naisipan kong mag-commute na lang. Iti-next ko na lamang si Mang Dante na huwag na akong sunduin. Baka kasi nasiraan ito sa kung saan kaya hindi dumating sa takdang oras ng sundo ko. 

Pumara ako ng jeep at dali-daling sumakay. May mangilan-ngilang estudyante akong nakasabay sa loob. Ilang metro na lamang ang layo ko sa amin nang biglang bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong, kaya sa ayaw at sa gusto ko ay magsasayi na lamang ako sa ulanan. 

“Manong sa tabi lang po,” ang magalang kong sabi sa driver ng jeepney. Kahit nag-aalangang bumaba dahil sa lakas ng ulan, wala naman na akong pagpipilian. 

Dali-dali akong bumaba ng huminto ang jeep. Tatakbo na sana ako pagkababa ko nang biglang may narinig akong isang mahinang click, at biglang may bumukas na payong sa harapan ko. Nilingon ko ang kung sinumang nagmamay-ari ng payong na ito. Handa ang isang magandang ngiti sa aking mga labi, ngunit paglingon ko ay napansin ko ang isang binata na nakasalamin nang makapal. 

It’s Franco Saavedra. Kaklase ko sa SPC. May alon-alon itong buhok and an eagle-like eyes. He also has a prominent squared jaw. Matangos din ang ilong at kayumanggi ang kulay. Sa edad na sixteen years old, matangkad ito kaysa pangkaraniwan. Gwapo sana ito kung hindi nakasalamin. Pero ganoon pa man, patay na patay dito ang kaibigan kong si Nicole.

Anak ito nina Mr. Sandro Saavedra at Mrs. Nelia Saavedra. Kapitbahay namin ang mga ito, o mas tamang sabihin na kakompetensya namin sa negosyo. Sila ang may-ari ng kabilang resort na may four storey building, samantalang ang sa amin naman ay villas at cottages ang accommodation ng mga guests. 

Nawala ang ngiti ko at nahalinhinan iyon ng pagkakunot ng aking noo. Matagal kaming natigil sa gitna ng ulanan, habang magkahinang ang aming mga mata. Nakipagtitigan ako sa kanya at pilit kong binabasa ang nasa isip nito. Hindi ito ang tipo ng tao na basta-basta na lamang lumalapit kung kani-kanino. Tingin ko dito ay may pagka-aloof at iwas sa mga tao, at alam kong isa ako sa taong iniiwasan nito.

Hindi ko na nakayanan ang mga titig nito, kaya kusa na akong nagbaba ng tingin. Pakiramdam ko kasi nababasa nitong lahat ang iniisip ko. Uusal na ako ng pasasalamat nang biglang kunin nito ang kanang kamay ko, at inilagay doon ang hawakan ng payong sabay takbo sa kanila.

Hindi agad ako nakapag-react sa inasal ng binata. Pero, may tila maliliit na boltahe ng kuryente akong naramdaman sa saglit na pagdidikit ng aming mga kamay. Tulalang naglakad ako papunta sa aming bahay. 

Pagkapasok ko ay sinalubong agad ako ni Mommy. “Marga, hija. Bakit ngayon ka lang? Kanina pa ako nag-aalala sayo.” Ang bungad ni mommy sa akin. Nakaabang na pala ito sa may pintuan namin. 

“Sorry, Mommy. Hindi ko na kayo natawagan. Hindi ko kasi alam kung anong nangyari kay Mang Dante eh. Nag-decide na lamang akong mag-jeep,” mahabang paliwanag ko sa kanya, habang ipinapagpag ang payong na bigay ni Franco. 

“Hay, naku! Ano ba yang Daddy mo! I told him to call you because I asked Dante to go to Manila to get some things on your birthday. Nag-uulyanin na talaga.” Litanya nito.

“Its okay, Mom. No need to blame Dad. Busy lang siguro sa farm ngayon. Alam n’yo naman na anihan na,” pagtatanggol ko kay Daddy.

Tumirik ang mga mata nito. “O, sige na. Umakyat ka na sa kwarto mo para makapagpalit ka na. Bumaba ka rin kaagad pagkatapos mo para saluhan ako sa pagkain.” 

“Yes, Mommy.” At dali-daling akong umakyat sa aking kwarto. Bitbit ko pa rin ang payong sa aking isang kamay. Iniisip ko pa rin ang ginawa ni Franco kanina. Subalit bukod doon, may kakaibang kaba akong biglang naramdaman sa puso ko. 

Wala sa isip na nilingon ko ang direksyon ng kabilang resort. Kahit ‘di ko nakikita ang bahay ng mga Saavedra, dahil sa mga hilera ng punong niyog, parang nababanaag ko pa rin ang seryosong imahe ni Franco. 

Napapikit ako at ipinilig ang aking ulo. “Ano bang iniisip mo Marga?” bulong ko sa sarili. At para mawala sa aking isip ang binata, dali-dali akong nagpalit ng damit at bumaba sa kusina.

Naabutan ko si Mommy na nakaupo na sa hapag-kainan at naghihintay sa akin. 

“Hija, your birthday is coming. Anong gusto mong gift?” agad na bungad nito sa akin pagkaupong-pagkaupo ko. 

“No need to buy me anything Mommy. I already have a lot.” Sagot ko habang sumasandok ng kanin. 

“But, hija…” ang may pagtutol na wika ng aking ina. 

“Mommy, I know you already prepared a birthday party for me. Kahit na sa totoo lang ay ayoko muna sanang magpa-party sa ngayon. Pero dahil prepared na lahat, hindi ko na ‘yon tatanggihan pa. That’s enough for me, Mommy. Hindi mo na ako kailangan pang regaluhan,” mahabang paliwanag ko sa kanya. 

Tinitigan ako ni Mommy. “Fine… Fine…If that’s what you want. But please, invite your friends here on Sunday, okay? Maliit lang naman ang hinanda kong party sayo.” Pakiusap nito sa akin. Tumango na lamang ako para hindi na humaba pa ang usapan namin.

Nang makatapos kumain ay nagpaalam na ako kay Mommy na aakyat ng aking silid. Pagdating sa doon ay agad kong kinuha ang mga assignments ko, at sinimulan ko ng gawin ang mga ito. Hindi pa man ako nangangalahati dito ay tumunog na ang aking cellphone. 

Si Nicole. Mabilis ko iyong sinagot. 

“Guess what?” ang bungad ni Nicole sa kabilang linya. 

Napairap ako sa kawalan. “What?” ang nangingiti sa sariling tanong ko dito. Mukhang alam ko na ang susunod nitong sasabihin. 

“Kami na ni Dexter! Ahhhhh!” anito habang nagtitili sa kabilang linya. 

Halos mabingi ako sa tili nito, kaya dagling inilayo ko ang telepono sa aking tenga.Tama ang hinala ko, may bago na naman ito. Sa aming tatlo, ito ang pinaka-playgirl. Papalit-palit ng boyfriend. 

“Akala ko ba si Raffy ang gusto mo?” 

“Ano ka ba? Raffy is out of the picture na. Matagal na pati ‘yon. Si Dexter na ngayon ang gusto ko.” Mabilis na paliwanag nito.

“Who knows? Sa isang araw iba na naman ang type mo,” pang-aasar ko rito. 

“No na…” sabi nito, “but of course, I’m still waiting for Franco to court me.” At sinabayan pa nito iyon ng hagikhik na parang may kumikiliti dito. 

Ako naman ay biglang napasikdo ang dibdib pagkarinig sa pangalan ng binata. Hindi ko na talaga maintindihan ang aking sarili. Parang bigla-bigla na lang may nagbago sa akin. May mga oras na hindi ko maiwasang sulyapan ang payong na nakabukas sa gilid ng aking silid, kasabay ng pagkaalala sa ginawa nito kanina. At alam kong hindi na iyon mawawala pa sa aking isip. 

“Marga, are you listening?” tanong ni Nicole sa akin. 

“Yes. Medyo pagod at antok lang siguro. Hindi ko pa tapos ang assignments natin ng tumawag ka,” palusot ko sa kanya. 

“Ano ba yan? Pwede ba, kahit minsan lang lumayo ka rin sa mga libro. Napaghahalata ka tuloy na walang alam pagdating sa pag-ibig. Kasi dimo pa nararanasang ma-inlove. ‘Di ka tuloy maka-relate sa sinasabi ko.” 

“Ganon?” nakataas ang kilay na sagot ko. 

“Oo. Ang tawag d’yan loveless. Mag-boyfriend ka na rin kasi, para naman magkaroon ng kakaibang kulay ang buhay mo. Alam ko namang hindi ka pipigilan nina Tito. Ikaw lang itong aayaw,” mahabang litanya nito. 

Tama naman ito, pero wala pa talaga akong napupusuan sa kahit na sino na nanliligaw sa akin. Pero wala sa loob na napatingin ako sa kanang kamay ko. Parang nararamdaman ko pa rin doon ang init ng palad ni Franco. Ipinilig ko ang aking ulo upang iwaksi ang anumang naiisip, at nag-concentrate na lang ako sa sinasabi ni Nicole hanggang sa magpaalam na ito.

**

Byernes ng umaga ng iabot sa akin ni Mommy ang mga invitations. Kitang-kita ang excitement sa mukha nito indikasyon kung gaano nito pinanabikan ang inihahandang party para sa akin.

“By the way, hija. Ikaw na rin ang magbigay ng invitation sa mga Saavedra ha. Tutal naman classmate kayo ni Franco, di ba?” wika ni Mommy  habang masusi nitong inisa-isa ulit ang mga invitations sa palad ko. May hinugot ito at inilagay sa kabilang kamay ko. “Here,” maiksing sabi nito sabay halik sa pisngi ko. Dumating na kasi si Mang Dante para ihatid ako sa school. “Bye, hija. Mang Dante ingat sa pagmamaneho,” bilin nito habang isinasara ang pintuan ng kotse pagkasakay ko sa loob.

Hindi ko na nakuha pang magpaalam, dahil mabilis ding pumasok sa loob ng bahay namin ang mommy ko. Pinagmasdan ko ang invitation na inilagay ng mommy sa kabilang palad ko. 

“Saavedra Family,” usal ko sa aking sarili. 

Napalingon akong bigla sa lupain ng mga Saavedra na ngayon ay nilalampasan na namin. At kasabay noon ay ang pamilyar na pagsikdo ng aking dibdib. Nagiging normal na ito sa akin sa tuwing maalala ko si Franco, pero mas matindi ang nagiging reaction ng puso ko sa tuwing nakikita ko ang binata sa school. Nang dahil sa nangyari noong isang araw, hindi na ito mawala-wala sa sistema ko. At natatakot na ako sa anumang kahahantungan ng nararamdaman kong ito.

Pagdating ko sa school, saktong bababa rin sa kanilang sasakyan si Franco. Mataman akong tinitigan ng binata na nagdulot ng matinding pagwawala ng aking puso. Hindi ko malaman kung ngingitian o babatiin ko ba ito. Mas pinili kong lapitan ito para na rin maiabot ang invitation, pero mabilis itong humakbang palayo sa akin na parang nakakita ng multo. Akma ko itong hahabulin nang biglang may humablot sa kamay ko.

Madilim ang mukhang hinarap ko ang kung sinumang herodes na ito. Pero, dagli din iyong nawala ng makilala ang taong nasa likuran ko. “Kuya!” ang gulat na gulat na sabi ko.

“Surprise!” malakas na sabi ni Benedict sabay yakap sa akin. Gumanti naman ako ng yakap dito at ginawaran ito ng halik sa pisngi.

“Kararating mo lang?” ang tanong ko dito.

“Oo. Dito agad ako pumunta para makita ka,” sabi nito habang palingon-lingon sa paligid.

“Hmmmpp! As if naman ako talaga ang ipinunta mo dito,” ang kunwaring nagtatampong sabi ko. 

Alam ko namang ang totoong ipinunta nya dito sa St. Paul College ay ang girlfriend niya na si Daisy. Dating magkaklase ang dalawa sa SPC noong high school pa sila. Pero ng sa U.P. na mag-aaral si Kuya, madalas na dito agad ito pumupunta sa tuwing uuwi ng San Bartolome.

“Ikaw naman, syempre kasama na rin ‘yun,” kakamot-kamot sa ulong wika nito.

“Wala ka bang pasok ngayon? Akala ko bukas ka pa?” nagtatakang tanong ko dito. 

“Wala. Kaya nga nakauwi ako ng maaga,” nakangiting sabi nito na ang mga mata ay nakatingin sa malayo. Sinundan ko ang tinitingnan nito at nakita ko si Daisy na papalapit sa amin. Sinalubong ito ng yakap ng aking kapatid. 

Napairap na lang ako sa hangin, habang iiling-iling. “Sige na Kuya, mauna na ako. May klase pa ako eh. Hi Daisy!” ang nagmamadaling sabi ko.

“Hi Marga!” bahagya ko na lang narinig ang sinabing iyon ni Daisy.

Pagdating sa aming classroom, hinanap agad ng mga mata ko si Franco. Nakita kong seryosong-seryoso ito sa pagbabasa ng libro. Nahihiya naman akong abalahin ito, kaya naupo na muna ako. Itinatabi ko na sana ang invitation nito ng dumating ang aking mga kaibigan.

“Wow! Ito na ba ang mga invitations?” Gina excitedly asked.

Ngumiti ako sa mga ito. “Yes.” At ibinigay ko ang invitations ng mga ito. Nakangiti namang tinanggap iyon ng dalawa.

“Who owns that?” kunot-noong tanong ni Nicole. Itinuturo nito ang hawak kong invitation sa kabilang kamay.

“Huh?” pakunwang ‘di ko narinig ang tanong nito. 

Deretso ko na sanang ilalagay sa aking bag ang invitation nila Franco nang biglang hablutin ito ni Nicole. 

“Saavedra Family?” ang basa nito sabay lingon sa akin. 

“’Di ba kay Franco ‘to?” agad na dugsong nito.

“Yes,” maikling tugon ko na kunwari ay busy sa pagsasalansan ng iba pang invitation.

“Why didn’t you give it to him?” tanong naman ni Gina.

“Later. Can’t you see, he’s reading.” Mabilis kong sagot. 

Pailalim kong tiningnan ang dalawa. Baka mahalata na ng mga ito ang ikinikilos ko.

“Sabagay,” sang-ayon ni Nicole. “Huwag mo na munang ibigay, maiistorbo mo pa ang crush ko.” At paimpit itong tumili.

Sabay naming inirapan ni Gina si Nicole. Alam naming dalawa na pagkalipas lang ng ilang araw ibang lalaki na naman ang ikukwento nito and they will be part of her history, ika nga nito.

Magsasalita pa sana si Nicole ng dumating ang teacher nila, kaya mabilis na bumalik sa kanilang mga upuan ang dalawa.

Naging abala kami buong araw dahil sa dami ng mga activities. Nang nagliligpit na ako ng mga librong iuuwi ko para sa exam namin sa Lunes, nakita ko ang payong ni Franco. Napasulyap ako sa kinauupuan nito. Wala doon ang binata. 

Dali-dali kong hinugot ang sticky notes ko at nagsulat. Idinikit ko ito sa payong kasama ng invitation na ipinabibigay ng mommy ko. Mabilis ang aking mga kilos at inilagay ko ang mga iyon sa upuan ni Franco. 

Pagkatapos ay walang lingong-likod na lumabas ako ng classroom namin. Halos takbuhin ko ang gate ng school. Pakiwari ko, hindi mawawala ang sunod-sunod na pagkabog ng aking dibdib hangga’t hindi ako nakakayo sa lugar na iyon. Laking pasasalamat ko ng pagdating sa gate ay naroon na si Mang Dante na naghihintay sa akin.

***

Gabi ng aking kaarawan.

Ala-sais pa lamang ng hapon ay marami ng nagdadatingang mga bisita. Ako naman ay tapos ng mag-ayos at kaagad na nagbihis. Kanina pa kasi pabalik-balik sa kwarto ko si mommy. Marami na raw naghihintay na bisita sa ibaba. 

Isinuot ko ang isang kulay rosas na gown. Napakasimple lamang ng disenyo nito na hanggang makalagpas lang ng konte ng tuhod ko ang haba. Subalit, kamangha-mangha naman ang maliliit na detalye nito na animo’y mga dyamanteng nagkikislapan kapag natatamaan ng sinag ng ilaw. Ipinasadya pa talaga ito ng mommy sa isang sikat na boutique sa Manila. 

Nang humarap ako sa salamin ay di ko agad nakilala ang aking sarili. Ang aking mahabang buhok na alon-alon ay hinayaan lamang na nakalugay, at tenernuhan lamang ito ng isang maliit na tiara na may nagkikislapang mga mamahaling bato. Regalo ito ng Daddy ko sa akin. Ang tanging mamahaling alahas na suot ko ngayong gabi. Light lang din ang make-up ko. Nababagay lamang sa edad ko na labing-anim na taon. Kung susumahin, para akong isang disney princess na lumabas mula sa telebisyon.

Simple yet elegant.

“Wow…wow…wow!” palatak ni kuya at sinabayan pa nito iyon ng pagpalakpak. Kapapasok lamang nito upang sunduin ako. “Are you really my sister?” ang tanong nito habang hinahagod ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

“Definitely, yes!” sagot naman ko sa nangingislap na mga mata. Umikot pa ako sa harapan nito to flaunt myself. I was smiling from ear to ear showing my deep set of dimples.

“Well, goodluck to those men downstairs… Dahil nasisiguro kong hindi ka makakawala sa paningin namin ni Daddy,” ang nagbabantang wika nito. 

Natawa na lang ako sa inasta nito. Alam ko naman iyon. Mula pagkabata protective na talaga ito sa akin, lalo na ang daddy namin. And he was always on my side even at the school, kaya wala ding lalaking magtangka lumapit sa akin noon pa man. Ngayon lang ako nakalaya sa proteksyon nito now that he was studying in Manila.

“Let’s go,” untag nito sa akin. “Naghihintay na ang mga bisita sa ibaba,” anito at inilahad ang sariling siko upang alalayan ako. Magkasabay kaming bumaba ng hagdanan. At bawat taong mapalingon sa amin ay malalarawan ang paghanga sa mga mata, lalo na sa akin. 

“Oh my, hija! You looked so lovely tonight!” ani Mommy ng lumapit sa amin pagkatungtong na pagkatungtong namin sa puno ng hagdanan. Nangingislap ang mga mata nito habang nakatitig sa akin. 

Well… I got her beauty while my dimples were from my Dad na kasalukuyan ng papalapit sa amin.

“She really looks like you, Sweetheart.” Magiliw na saad nito sabay akbay kay Mommy.

“Of course! Kanino pa ba magmamana ang anak ko?” ang sagot naman ni Mommy, sabay pakunwang umingos kay daddy. 

Natawa na lang kaming tatlo habang inaakay ako ng mga ito sa mga bisitang naroroon. Halos lahat ay gustong batiin at kamayan ako. Kabi-kabila ang naririnig kong papuri mula sa mga bisita na halos ikalunod ko na. 

Nang matapos kaming mag-ikot ay napuna kong wala roon si Franco. Hindi ito dumating kahit na ang mga magulang nito. At sa kaibuturan ng aking puso ay nakadama ako ng pagkalungkot at panghihinayang. Admit it or not, but I was really hoping he was here. Because somehow, he already occupied a space in my heart.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status