Share

Chapter 6.2: Stefan's Plan.

"Galit na galit ang buong kabaryo namin nang dahil sa nangyari, Stefan. Sobrang pagsisisi ang naramdaman ko noon. Matalino ang batang iyon at malayo pa sana ang mararating niya sa buhay kung hindi ako nagtangkang tumakas. Kasalanan ko kung bakit siya namatay!" Habang umiiyak ay patuloy pa rin ang pagkekwento niya. Parang isang sirang plaka na paulit-ulit na nagpeplay sa utak niya ang lahat ng mga nangyari.

"Sss... Wala kang kasalanan, Lana. Lahat ng nilalang sa mundong ito ay nagnanais ng kalayaan. Kaya naman hindi kita masisisi kung gano'n ang ginawa mo noon. Hindi ikaw ang may kasalanan kundi sila, Lana. Malulupit sila at dahil doon, ikinahihiya ko ang lahing pinanggalingan ko!" Bumakas muli ang pagkamuhi sa mukha ni Stefan pero agad ding naging malumanay ang ekspresyon sa mukha nito nang muling mapatingin sa kanya para marahil paglubagin ang loob niya.

Pinahid nito ang luha sa mga mata niya. "Hindi ko alam kung uubra pero susubukan ko na kausapin si Wayne na kung pwede ay ibalik ka na lang sa Slavery District at kapag nangyari iyon ay sisiguraduhin ko na ako na ang susunod na makakabili sa 'yo," nakangiting sabi nito.

Bumakas ang guhit ng pagkabigla sa mukha niya. "Gagawin mo 'yon? Pero ang akala ko ba ay mahigpit na pinagbabawal sa batas ng mga bampira na makialam sa business ng kapwa nilang bampira?"

Ginulo nito ang buhok niya. "Masyado ka pang bata, Lana kaya sa tingin ko ay hindi maganda para sa 'yo na nakakaranas ka na agad ng ganyang klase ng karahasan. Para na kitang nakababatang kapatid kaya hindi ko kaya na hayaan ka na lang sa ganyang klase ng sitwasyon. Kung noon ay hindi ako nangialam sa ginagawa ni Wayne sa mga naging alipin niya ay iba na ngayon. Espesyal ka para sa akin kaya hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag napatay ka niya," sabi nito.

Masakit para sa kanya na 'kapatid' lang pala ang turing ni Stefan para sa kanya pero kahit papaano ay nakatanaw siya ng pag-asa na mukhang talagang tutulungan siya nito.

"Kung ikaw ang magiging master ko ay magiging masaya ako na pagsilbihan ka, Stefan!" Biglang napalitan ng ngiti ang lungkot na mababakas sa labi niya kanina.

"Kahit may mga pribiliheyo kaming mga mahaharlika na bumili ng kahit ilang alipin pa sa Slavery District ay hindi ko ginagamit iyon dahil ayoko na mang-alipin ng kahit na sinumang tao. Hindi ko naisip na maaari ko rin palang gamitin iyon para makatulong sa mga katulad ninyo. Kung paunti-unti lamang ang gagawin kong pagbili sa mga alipin ay hindi makakahalata ang hari na ginagawa ko lamang iyon para makalaya sila. Sayang at hindi ko agad naisip iyon, 'de sana ay baka ako pa ang nakabili sa 'yo noon," sabi pa nito. "Huwag kang mag-alala, Lana. Kung gagana ang plano ko ay hinding-hindi kita gagawing alipin. Ibabalik kita sa pamilya mo katulad ng matagal mo nang pinapangarap na mangyari," pangangako nito.

Siya naman ngayon ang sumugod ng yakap dito. Hindi na niya alintana kung nakakahiya man ang ginagawa niya pero gusto niyang ipakita rito na talagang naaappreciate niya ang ginagawa nito para sa kanya.

"Maraming-maraming salamat, Stefan. Hindi mo alam kung gaano akong kasaya na naging kaibigan kita," maluha-luhang sabi niya.

Hinagod naman nito ang likuran niya.

"Para sa 'yo, Lana ay handa ako gawin ang kahit ano..." malumanay na sabi nito.

"Sana lang ay pumayag si Wayne sa pakiusap mo sa kanya, Stefan." Nang magkahiwalay na sila ay sabi niya.

"Totoong mahirap kontrolin ang ugali ni Wayne pero kahit papaano, bilang nakakatandang kapatid niya ay may malaki siyang respeto sa akin. Kung isa ka lamang normal na alipin sa paningin niya ay siguradong papayag siya na isuko ka sa Slavery District. Kapag nangyari iyon ay ako ang kukuha sa 'yo. Kaunting tiis na lang, Lana. Magiging malaya ka rin..." positibong sabi ni Stefan.

Lihim siyang humiling na sana nga ay pumayag si Wayne. Kapag nagkataon ay matutupad na rin ang matagal na niyang pinagdadasal sa Diyos. Ang makabalik sa pamilya niya at mabuhay na nang malaya...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status