Share

Paglayo

Kinabukasan,

Nagmamadaling lumabas si Venus ng kanilang bahay dahil may usapan sila ng kaibigan niyang si Glo na magkikita sa palengke.

Bukas na kasi ang kaarawan ni Ralph at naisip nilang bumili ng bagong damit dahil alam nilang engrande ang party.

Natigilan si Venus matapos niyang makita na walang Diego na nag-aantay sa kaniya sa labas. Naisip niyang marahil ay galit ito sa kaniya dahil sa ginawa niyang pambabasted dito.

Aminin man niya o hindi ay nasaktan din siya sa kaniyang nagawa. Gusto niya rin kasi ang binata ngunit kailangan niyang iisang tabi ang kaniyang nararamdaman para rito.

Habang naglalakad patungong sakayan ay hindi niya mapigilan na ilibot ang kaniyang mata. Hinahanap niya ang binata at nagbabaka sakaling nasa likuran niya ito.

"Umaasa ka pa talagang susundan ka niya?" sermon niya sa kaniyang sarili.

Pakiramdam ni Venus ay parang lalagnatin siya dahil sa bigat ng pakiramdam niya. Halos hindi niya maihakbang ang kaniyang paa at hindi niya napapansin ang luhang dumadaloy sa kaniyang mukha.

"Kalma self! Kaya mo 'yan!" wika niya habang pinupunasan ang kaniyang pisngi gamit ang panyo.

Hanggang sa makarating siya sa palengke ay dala-dala niya pa rin ang lungkot ngunit pilit niyang ikinubli matapos niyang makita si Glo sa 'di kalayuan.

"Venus!" sigaw nito habang kumakaway.

"Kanina ka pa?" tanong ni Venus sa kaibigan sabay beso.

"Hindi naman masyado, kakarating ko lang din."

"So, tara na?" pilit niyang siniglahan ang kaniyang boses, kunwari ay excited siya na mamili.

Ang totoo, nawalan na siya ng gana.

"Venus, halika, tignan mo 'to." wika ni Glo habang hawak-hawak ang isang floral dress na sobrang igsi. "Sukat mo, bagay sa 'yo 'to for sure."

Alam na alam talaga ni Glo ang mga tipong damit ni Venus.

"Sige, kukunin ko na 'yan." walang gana niyang wika sa tindera habang dumudukot ng pera sa kaniyang bulsa.

Hindi naman nakalagpas kay Glo ang itsura ni Venus kaya naman diretsahan niya itong tinanong.

"May sakit ka ba?" hinipo ni Glo ang leeg ng kaibigan upang kumpirmahin ang hinala. "Hindi ka naman mainit eh,"

"Ano ka ba? Wala naman akong sinabi na may sakit ako."

"Mukha ka kasing matamlay. Tignan mo nga 'yang sarili mo, namumutla ka. Nagpuyat ka ba?"

"Hindi. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal kaya siguro matamlay ako." pagsisinungaling ni Venus sa kaibigan.

"Sus, kaya pala."

Mabilis niyang napaniwala ang kaibigan na gutom lang ang dahilan ng kaniyang pananamlay kaya naman agad siya nitong inakay papunta sa lugawan.

"Kainin mo na 'yan hanggang mainit pa ng mainitan 'yang sikmura mo." napansin kasi ni Glo na hindi ginagalaw ni Venus ang kaniyang pagkain.

"O-oo. Salamat!" isang pilit na ngiti ang iginawad niya kay Glo bago nag-umpisang kumain.

Laking gulat ni Venus nang mabilis lang inubos ng kaibigan ang isang mangkok ng mainit na lugaw.

"'Yung totoo, sino sa atin ang hindi nag-almusal?" biro niya kay Glo dahil nauna itong matapos kumain.

"Hay, bilisan mo na kasi r'yan, Marami pa tayong bibilhin." iritang sagot ni Glo sabay kamot ng kaniyang ulo.

"Ok na 'ko, bayaran mo na." utos ni Venus kay Glo habang tatawa-tawa. Tinitipid kasi niya ang pera niya dahil nasesante siya sa kaniyang ineextrahan matapos bugbugin ni Diego ang mga Photograper doon.

Matapos magbayad ni Glo ay kaagad silang tumungo sa bilihan ng mga sandals. Halos hindi sila magkandamayaw nang kakasukat ng mga sandals na may takong.

"Wow! Bagay sa dress mo 'yang isa na 'yan." puri ni Glo kay Venus. Kahit kasi hindi branded ang suot ng kaniyang kaibigan ay nagmukha itong mamahalin matapos nitong isukat.

"Sige, bil'hin ko na 'to."

Inabot ni Venus ang tatlong daang piso sa tindera at mabilis nilang nilisan ang nasabing tindahan.

Dahil tapos na siyang mamili ng damit ay sinamahan naman niya si Glo na mamili ng susuuotin.

Dahil pihikan itong si Glo ay inabot na sila ng alas-dos ng tanghali sa kakapamili.

"Girl, matagal ka pa ba? Nagugutom na kasi ako." panay na ang himas ni Venus sa kaniyang tiyan. Nalipasan na sila ng kain kaya naman napagpasyahan na nilang umuwi.

Sa bahay ni Venus nila napagkasunduan na mananghalian. Bumili na lamang sila ng lutong ulam para hindi na sila magluto.

Pagbaba nila sa kanto ay kaagad nilang nakita ang isang grupo ng mga kalalakihan na nag-iinuman.

"Hay, mga sunog-baga!" wika ni Glo gamit ang mahinang boses.

Habang papalapit sila sa mga ito, ay kaagad bumilis ang tibok ng puso ni Venus matapos mamukhaan ang isa sa mga umiinom.

Kahit kasi nakatalikod ito ay alam na alam niya kung sino ang lalaking 'yon. Hindi siya p'wedeng magkamali.

"Uyy, Diego, 'di ba 'yun 'yung pinopormahan mo?" dinig niyang sabi ng isang lalaki sabay kalabit kay Diego dahilan para lingonin siya nito.

Malamig silang tinignan ni Diego na para bang hindi sila nito kilala. Maging si Glo ay hindi nito nagawang batiin.

"Hindi ako sanay na gan'yan siya sa atin." bulong ni Glo sabay siko kay Venus. "Pero, ba't ang guwapo pa rin niya!?"

"Hayaan mo siya, mabuti nang ganito na lang kami."

Hindi pinahalata ni Venus kay Glo na nasaktan siya sa ginawa ng binata. Tama nga si Glo, hindi siya sanay na hindi nangungulit ang binata. Ngayon lang din niya itong nakitang nakikipag-inuman.

Hanggang sa makarating sila sa bahay niya ay mukha pa rin ng guwapong si Diego ang naiisip niya. "Arrrggghhh!!" halos sabunutan niya ang kaniyang sarili dahil hindi siya makapag-concentrate sa paghahain ng pagkain.

"Ano bang ginagawa mo? Tara, kumain na tayo."

"Ok."

Ibinuhos na lang ni Venus sa pagkain ang inis niya sa binata. Para siyang patay-gutom sa paraan niya ng pagsubo sa kanin.

Napansin naman ni Glo na parang may mali sa ikinikilos ng kaibigan. Hindi kasi normal ang inaarte nito mula pa kanina sa palengke.

"Umamin ka nga! Gusto mo rin ba si Diego?"

Bigla namang natigilan si Venus at sandaling napaisip. Maya maya pa ay tumawa ito ng malakas.

"Ako? May gusto ro'n sa lalaki na 'yon? Nagpapatawa ka ba? Binasted ko na nga, 'di ba?" pagyayabang niya kay Glo pero deep inside ay totoo ngang nagkakagusto na siya rito.

"Talaga lang, ha?"

"Oo naman. May Ralph na nga, 'di ba?"

"Ayy, oo nga pala. Edi goodluck!" tila may laman ang sinabi ni Glo ngunit mas pinili na lamang niyang manahimik. Ayaw niyang pangunahan si Venus sa mga desisyon nito pero para sa kaniya ay hindi niya gusto ang hilatsa ng Ralph na 'yon. Bastos kasi ito at may pagkamayabang.

Nang matapos silang kumain ay kaagad ng nagpaalam si Glo. Naiwan naman si Venus na tulala habang nakapangalumbaba.

Hanggang sumapit na ang gabi ay hindi pa rin niya naalis si Diego sa kaniyang isipan.

Gustong-gusto niya itong tawagan ngunit hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon nito. Alam niya kasing nasaktan ito sa mga binitawan niyang salita kahapon.

Hanggang sumapit ang alas-onse ng gabi ay hindi pa rin siya dinadalaw ng antok kung kaya agad siyang bumangon.

"Tama! Kailangan naming mag-usap."

Dali-dali niyang isinuot ang kaniyang Jacket at mabilis na lumabas ng kaniyang bahay.

Dahil hindi niya alam kung saan nakatira ang binata ay minabuti niyang magtanong-tanong sa lahat ng kaniyang nadaanan.

"Kuya, alam mo po ba kung saan nakatira si Diego?"

"Wala akong kilalang Diego eh, subukan mo ro'n magtanong."

"Ahh, sige po. Salamat!"

Naglakad-lakad pa siya ng bahagya at sakto naman na nakasalubong niya ang lalaking kainuman ni Diego kanina.

"Kuya, 'di ba ikaw 'yung kainuman ni Diego kanina?"

"Oo. Bakit?"

"Tatanong ko lang sana kung saan dito 'yung tinutuluyan niya."

"Ahh, gano'n ba? Doon siya nakatira, do'n sa bahay na may bakod na yero."

"Sige po, salamat!"

Masayang masaya si Venus at sa wakas ay matutunton na niya ang tinutuluyan ni Diego. Para kasing hindi buo ang araw niya nang hindi niya ito nakakausap.

Bago siya kumatok ay inayos muna ang kaniyang sarili. Dahan-dahan niyang inilugay ang kaniyang buhok at bahagyang binasa ang labi.

Kakatok na sana siya nang may narinig siyang boses ng isang babae na sa tingin niya ay tiyahin ni Diego.

"Ang kapal ng mukha mong maglasing eh palamunin ka lang dito. Mahiya ka naman do'n sa tao, sila ang nagpapalamon sa atin dito."

Bahagyang napaatras si Venus matapos marinig ang masasakit na salita. Naisip niyang si Diego ang pinagsasabihan nito.

Biglang tuloy siyang nakaramdam ng awa sa binata. Alam ni Venus na kasalanan niya kung bakit ito naglasing.

Kung kanina ay sabik na sabik siya itong makita, ngayon ay hindi na.

Sapat na sa kaniya ang nakita at narinig. Buhat kasi ng makita niyang tagpi-tagpi ang bahay na tinutuluyan nito ay bigla na siyang tinabangan. Idagdag pa ang bungangera nitong tiyahin.

Parang babala na ito sa kaniya na huwag nang makipag-ayos pa sa binata kaya minabuti na lamang niyang umuwi sa kaniyang bahay.

"Kalimutan mo na siya, wala kang mararating kapag hinayaan mo pa siyang lumapit sa 'yo." paalala niya sa sarili.

Bigla niyang naalala ang mga bagay na pinapangarap niyang maabot at hindi mangyayari 'yon kung hahayaan niya lamang ang sarili niya na mahulog sa binata na walang kapanga-pangarap sa buhay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status