Share

KABANATA 33 “CONFUSE”

“IBIG mong sabihin kayong dalawa na ni Mia? Ang akala ko ba naglalaba at naglilinis lang siya sa bahay mo?” ang hindi makapaniwalang tanong sa kanya ni William kinabukasan ng hapon at puntahan siya nito sa mesa niya sa opisina.

“No, not literally,” sagot niya. “Inalok ko siya ng kasal pero hindi niya tinanggap. Ilang beses na, pero ayaw parin talaga niya, hindi ko na nga alam kung ano ang pwede kong gawin para mapagbago ko ang isipan niya at makumbinsi ko siyang magpakasal sa akin,” ang mahaba at mababa ang tono ng pananalita niyang sabi saka parang wala sa sariling napatitig sa kawalan.

“Anong sinabi mo? Pakiulit nga, kasal? Bakit kayo magpapakasal?” ang magkakasunod na tanong sa kanya ni William sa tono na gulat na gulat.

“Pwede ba, hinaan mo ang boses mo,” saway niya kay William.

“Sorry,” anito saka napatuwid ng upo sa silyang nasa harapan ng kanyang mesa. “Ano ba talagang nangyayari? Naguguluhan ako sa’yo.”

Noon nagbuntong hininga si Erik saka tinitigan ang matalik ang kaibigan at kababata bago siya nagbuka ng bibig para magsalita. “Kailangan ko pa bang idetalye sa iyo ang nangyari para malaman mo ang totoong dahilan kung bakit gusto ko siyang pakasalan?” tanong-sagot niya kay William saka ito binigyan ng isang makahulugang tingin.

Sa sinabi niyang iyon ay mabilis na lumarawan sa mukha ng kaibigan niya ang kaliwanagan tungkol sa kanyang sinabi.

“Mahirap ang pinasok mong iyan, Erik,” anitong nagseryoso na ang tono.

“Alam ko,” iyon naman talaga ang totoo.

Sa simula pa lang alam na niyang hindi magiging madali ang lahat.

“Kailan ba naging madali para sa aming dalawa ni Mia ang lahat? High school pa lang naman tayo marami nang hadlang sa amin,” aniyang hindi tinitingnan si William kaya hindi niya nakita ang pagkagulat na gumuhit sa mukha.

“Sinasabi ko na nga ba,” ani William.

Noon siya parang nagulat na napalingon sa kausap. “Ano?” salubong ang mga kilay niyang tanong.

“Sinasabi ko na nga ba, ang lahat ng ginagawa mo noon para kay Mia may ibig sabihin, in denial ka lang,” ang naiiling na sabi ni William.

“In denial?”

“Iyon ang totoo, hindi ko maintindihan kung pakipot ka ba noon o wala ka talagang feelings sa kanya at totoo ang sinasabi mong magkaibigan lang kayo? Ang dami eh, ang dami mong alibi noon, pero ngayon, bakit hindi mo napigilan? Kasi naawa ka sa kanya?”

“Iyon din ang paniniwala niya, na naaawa lang ako sa kanya. Pero hindi eh, noong umpisa iyon talaga ang naramdaman ko para sa kanya. Lalo nang kumatok siya sa gate ng bahay ko at nakita ko ang ayos niya? Puro pasa ang mukha at katawan? Alam mo, kung makakaharap ko lang siguro si Bernie baka mapatay ko siyang walang hiya siya,” sa huli niyang sinabi ay matinding galit ang naramdaman ni Erik na yumakap sa dibdib niya.

“Nagkaroon ka naman na nang mga past relationship, dapat alam mo na kung saan papunta ang nararamdaman mo para sa kanya,” makahulugan ang sinabing iyon ni William.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Alam mo Erik, ngayon naniniwala na ako na ang lahat ng tao pagdating sa pag-ibig pantay-pantay, kasi lahat nagiging tanga, at ngayon ganoon ang nangyayari sa iyo,” ang prangkang saad ni William sa kanya.

“Naguguluhan nga ako eh, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Gusto ko siyang protektahan. At ang pakasalan siya ang nakikita kong tanging dahilan para maalisan ko na nang kahit anong pwedeng habulin sa kanya si Bernie,” sagot niya saka nagbuntong hininga.

“Hindi ka kaya in love sa kanya?”

Sa narinig na sinabing iyon ng kanyang kaibigan ay agad na napatitig si Erik kay William. “Ganoon kabilis?”

Narinig niyang nangalatak ang binata. “Erik matagal ka nang in love kay Mia, iyon ang totoo.”

Kung gaano katagal na pinagmasdan ng binata ang mukha ng kababata niya para lang tiyakin na dito nagmula ang mga salitang narinig niya, hindi alam ni Erik.

“Ayaw mo parin bang maniwala? Alam mo mga high school pa lang tayo napapansin ko na sa iyo iyan. Gusto mo siyang protektahan. Palagi mong sinasabi na mabait kasi siya at ayaw mong mahulog ang loob niya sa kahit sinong lalaki na alam mong pwede siyang saktan at lokohin, hindi ba pati nga ako pinagbawalan mong lapitan siya? Pero ang totoo, hindi mo nakikita ang totoo, ang totoong dahilan kung bakit gusto mong gawin iyon, kaya lang wala kang karapatan. Kasi in love ka sa kanya, siguro nga hindi madaling intindihin, pero alam mo sa sarili mo na totoo ang sinasabi ko, hindi ba?”

Matagal na nag-isip si Erik sa sinabing iyon ng kaibigan niya.

Oo nga, posible iyon, posibleng in love na siya kay Mia noon pa man. Hindi lang niya iyon nabigyan ng pansin kasi mas tiningnan niya ang mga bagay na pwedeng maging problema at maaaring humadlang sa kanilang dalawa.

“At ngayon nagkita na ulit kayo, anong plano mo? Hahayaan mo nalang ba na ganoon iyon? May nangyayari sa inyo, inalok mo siya ng kasal pero ayaw niya, kailangang alamin mo kung bakit? Pero bago mo gawin iyon, alamin mo muna at tiyakin mo kung ano ba ang talagang nararamdaman mo para sa kanya. Dahil kung ako ang tatanungin mo, sigurado ako, matagal na ang pagmamahal na iyan sa puso mo, hindi mo lang nakita, hindi mo hinanap kasi nga hindi mo binigyan ng pansin,” ang muling pagpapatuloy ni William nang manatili siyang tahimik.

*****

MATAPOS sulyapan ang antique na orasan na nakasabit sa dingding ng sala ay noon na nga tumayo si Mia. Kailangan na niyang pumunta sa bahay ni Erik dahil tiyak niyang pauwi na ito ngayon. Gusto niya pagdating ng binata ay ready na ang hapunan nito.

Palabas na siya ng kanyang kwarto at dala ang kanyang purse nang makarinig siya ng magkakasunod na katok sa malaking pinto. Nagsalubong ang mga kilay niya saka nagmamadali iyong tinungo para pagbuksan ang kumakatok pero mabilis siyang nilamon ng takot nang mapag-alaman kung sino iyon.

“Sinasabi ko na nga ba at dito lang kita makikita!” iyon ang galit na bungad sa kanya ni Bernie na agad ay hinawakan ng mahigpit ang kanyang braso. “Magbihis ka, ngayon din isasama na kita pauwi!” ang awtorisado nitong utos sa kanya saka siya kinaladkad papasok ng kwarto pero nasa sala pa lang silang dalawa ay pilit na niyang binawi ang kanyang braso mula sa mahigpit na pagkakahawak nito.

“Ayoko!” ang galit na galit niyang sigaw.

“Mia!” si Bernie na halatang nagulat sa nakitang naging reaksyon niya.

“Hindi ako sasama sa iyo kahit na anong gawin mo! Naiintindihan mo? Tapos na tayo at ikaw mismo ang sumira ng lahat ng mayroon tayong dalawa kaya makakaalis ka na!” aniyang galit na galit parin at sumisigaw na itinuro ang pinto.

“Asawa mo ako! Ano ka ba!?” giit ng lalaki sa mariin pero ngayon ay mas mababa ng tono ng pananalita.

Nakita rin niyang lumambot ang aura ng mukha nito pero para kay Mia, hindi na uubra sa kanya ang mga ganoong drama ng lalaki. Malinaw na sa kanya ang lahat ngayon, masaya na siya sa ganito. Hindi na niya mahal si Bernie dahil kahit kailan hindi nawala si Erik sa puso niya, dahil ang totoo, si Erik lang ang nag-iisang lalaking minahal niya at hanggang ngayon ay minamahal parin niya.

“Hindi tayo kasal! Binuntis mo lang ako pero kahit kailan hindi mo ako inalok ng kasal! Tapos nung nakunan ako, anong ginawa mo? Matagal na panahon akong nagtiis sa lahat ng pananakit mo, ayoko na kaya iwanan mo na ako!” sa puntong iyon ay mas mababa na ang tono ng pananalita niya pero hindi parin nawawala ang tigas doon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status