Share

CHAPTER 06: The Ring

BUMISITA ULIT si Amanda sa ospital. Inalagaan niya ang kaniyang ama at sinubukang kalimutan ang lahat kahit na sa totoo lang ay naiinis na siya kay Theo. Siya lang naman ang puno't dulo ng mga inaalala niya ngayon at ang hindi nito pagpayag sa divorce.

Kasama niya ngayon ang stepmom niya. Magkatulong sila sa pag-aalaga sa padre de pamilya kahit anong awat nito sa kanila.

Makailang saglit lamang ay nakarinig sila ng katok mula sa pintuan. Bumukas iyon at iniluwa si Theo na siyang nagpakunot ng noo ni Amanda. Pasimple pa siyang kinalabit ni Sylvia na para bang nagtatanong kung bakit naparito si Theo nang hindi man lang nagsasabi.

Nakipagtitigan lang si Amanda kay Theo na para bang ang daming gustong sabihin. Siguro patungkol sa divorce agreement. Tila nakaramdam naman si Sylvia ng tensyon sa pagitan ng dalawa.

"Naku, Theo! Napadalaw ka, anak?" ani Sylvia bago tumikhim at tiningnan si Amanda. "Amanda, 'wag kang basta tumayo na lang diyan! Asikasuhin mo ang asawa mo. Baka gusto niya ng mansanas. Ipagbalat mo siya at nang makakain."

Kaagad umiling si Theo at naupo sa sofa. Mukhang pormal at gwapo pa rin itong tingnan sa suot nitong puting longsleeve na ang manggas ay nakatupi hanggang siko. "Ayos lang ako. Ang totoo niyan ay may mahalagang bagay sana akong sasabihin patungkol sa lagay ngayon ni Papa. At sana pumayag po kayo."

Pasimpleng tumaas ang kilay ni Amanda, nagtatakha kung ano na naman ba ang tumatakbo sa isip ng lalaki.

"Ano 'yon, hijo?" si Sylvia na ang nagtanong.

"Gusto ko sanang mailipat si Papa sa mas maayos na ospital. 'Yung mas maaasikaso siya at matututukan ng doktor para mabilis din ang paggaling niya."

Akmang magsasalita na si Amanda at tatanggi pero naunahan na siya ng sariling ama. Seryoso na dati pa ang padre de pamilya pero tila mas sumeryoso ito ngayon habang nakatitig kay Theo.

"Hindi na kailangan. Maayos naman ang kalagayan ko dito. At magaling na magaling din ang doktor ko," sagot nito.

"Gusto ko lang naman po kayong maging kumportable."

Napakunot ito ng noo. "Bakit? Kumportable naman ako dito, ah? Hindi na kailangan 'yang lipat lipat na 'yan. Gagastos pa ng malaki."

"Hindi niyo naman po kailangang alalahanin ang gastos. Ako na po ang bahala doon."

Matigas pa rinh umiling ang lalaki. "Kahit na! Pinal na ang desisyon ko. Dito lang ako sa ospital na ito."

Umigting lamang ang panga ni Theo pero hindi na nag-abalang sumagot pa. Ramdam naman ni Amanda ang tensyon sa pagitan ng ama at kay Theo kaya nagpasya siyang mabilis na lang binalatan ang mansanas. Inilahad niya ang mansanas sa lalaki.

"O-Oh. Kumain ka muna," alok ni Amanda kahit mariin lang nakatitig si Theo sa kaniya. Tila may marami pa siyang gustong sabihin pero hindi na niya nailabas pa dahil sa mariing tingin ng padre de pamilya.

Hindi tinanggap ni Theo ang mansanas. Napilitan lamang si Amanda sa pagbalik no'n sa lalagyan nang hawakan siya ni Theo sa kaniyang palapulsuhan.

"Pa, iuuwi ko na po muna si Amanda, kung ayos lang. Magpalakas at magpagaling po kayo," ani Theo sa mas pormal na tono.

Tumango lang ang matanda. Nang nakalabas na ang dalawa ay makahulugang tingin lamang ang ipinukol ng matandang lalaki kay Sylvia. Tumikhim ang ginang.

"Ano ka ba naman, honey? Bakit ka naman tumanggi sa alok ni Theo? Para rin naman sa 'yo iyon. Dapat tinanggap mo na lang!" tila nai-stress na winika ni Sylvia.

Bumuntong hininga ang matanda. "May napansin lang ako sa kanila," anito imbes na sagutin si Sylvia.

"Ano naman 'yon?"

"Parang may mali sa dalawa. At ang unica hija ko... may iba sa kaniya ngayon habang tumititig sa asawa niya. Hindi na kagaya dati na may kislap. Parang nagdadamdam."

Tumawa si Sylvia. "Kung anu-ano ang iniisip mo. Maayos ang dalawa! 'Wag mo na lang pansinin iyon."

"Paanong hindi papansinin kung parang ang lungkot lungkot ng anak ko kanina?"

"Masaya si Amanda! Naku, ito na nga ba ang sinasabi ko. Ini-stress mo na naman ang sarili mo sa mga bagay-bagay. Magpahinga ka na lang nang mabuti."

"Nag-aalala lang ako. Ang panganay ko, hindi na maganda ang sitwasyon ngayon at nakulong. Ayokong pati ang pangalawa kong anak ay maging miserable rin ang buhay."

Napabuntong hininga na lang si Sylvia. Inalo na lang ang asawa sa pamamagitan ng paghaplos sa balikat. Naiintindihan niya naman kung bakit ito nagkakaganito.

NAGPUPUMIGLAS SI Amanda habang hila-hila siya ni Theo papuntang parking lot. Mahigpit ang hawak ng lalaki sa kaniyang palapulsuhan, ayaw siyang pakawalan at sigurado siyang magmamarka ang hawak niyang iyon sa kaniyang balat.

"Bakit ba sumusulpot na lang bigla, huh?!" ani Amanda habang pinupukulan ng masamang tingin si Theo.

Bumuntong hininga si Theo na para bang paraan niya iyon upang pakalmahin ang sarili. "Sinasagad mo talaga ang pasensya ko, Amanda," sabi nito na para bang nagpipigil ng galit.

Kumunot ang noo ni Amanda. "Ako pa talaga, huh? Kung sana nakipag-cooperate ka agad at pumirma ng divorce agreement, edi sana masaya tayong lahat ngayon!"

"Divorce na naman! Paulit-ulit na lang!"

"Talagang uulit-ulitin ko hangga't pumayag kang palayain na ako. Ayoko na nga, 'di ba? Pagod na akong maging mabuting asawa mo! Nasagad mo na rin ang lahat ng pasensya ko!"

Tumawa ng mapakla si Theo. "Wala akong pakialam kung pagod ka na. Alam mo ang mas mahalaga sa akin? Ang makita kang nagdurusa dahil tama lang sa 'yo 'yan! Kaya hindi! Hindi ka magiging malaya mula sa akin!"

Mas lalong sumama ang tingin ni Amanda. Bago pa siyang muling magsalita, hinila na siya ni Theo at sapilitang ipinasok sa kotse. Lalabas pa sana siya pero locked na ang pintuan. Mabilis ding pumasok si Theo sa loob na kotse at pinaharurot iyon papalayo.

Napakapit na lang nang mahigpit si Amanda sa seatbelt at tila malalagutan nang hininga. Masyadong mabilis ang pagpapatakbo ni Theo ng kotse at mahigpit ang hawak sa manibela na para bang doon lahat ibinubuhos ang prustrasyon. Nakaigting din ang panga nito at deretso lang ang tingin sa daan.

Ilang minuto lamang ay narating na nila ang tapat ng mansion nilang mag-asawa.

"Bakit tayo nandito? Ayoko nang bumalik dito, Theo! Ayoko nang makasama ka pa!"

Binalingan siya ni Theo nang mariing tingin habang kinakalas ang seatbelt. Walang lumabas na salita mula rito na siyang pinagtakha ni Amanda.

Huminga ng malalim si Theo bago kumuha ng isang stick ng sigarilyo at sinindihan iyon. Binuksan niya ang bintana ng kotse at bumuga ng usok. Nagpumilit muli si Amanda na buksan ang pintuan ng kotse pero wala talaga. Locked iyon at tanging si Theo lang ang makakabukas niyon.

"Palabasin mo na nga ako dito!" sigaw niya sa lalaki na para bang relax na relax na sa paninigarilyo.

Hindi sumagot si Theo ulit bago may kung anong hinugot mula sa kaniyang bulsa. Kumunot ang noo ni Amanda nang iabot iyon sa kaniya nang lalaki. Nang masilayan ang pamilyar na kislap ng diyamante ay hindi maiwasang magulat ni Amanda.

"B-Bakit na sa 'yo iyan? Naibenta ko na 'yan!"

"Isuot mo 'yan ngayon. Walang magdidivorce kailanman, Amanda," sagot nito sa seryosong tono.

Iyon ay ang singsing.

At mukhang nagawan ng paraan ni Theo para makuha muli iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status