Share

Chapter 2: Mga Kalungkutan at Pagbabago

AFTER 3 YEARS

Kanina pa pinagmamasdan ni Diana ang mga puntod na nasa kanyang harapan. Dalawa roon ay bagong gawa, pag-aari nina Armando at Eileen Saavedra, ang kanyang ama at madrasta.

Isang buwan na ang nakararaan nang makatanggap siya ng tawag mula sa police station. Ibinalita ng pulis sa kanya na nasangkot sa isang aksidente sina Armando at Eilleen. Nawalan daw ng preno ang sasakyang minamaneho ng kanyang ama at nagdire-diretso sa bangin. Wala nang buhay ang kanyang madrasta nang maihaon ito ng mga rescuers sa bangin. Ang Daddy naman niya, nakipaglaban pa ng ilang araw bago ito tuluyang binawian ng buhay.

Dalawang linggo na mula nang mailibing niya ang mga ito. Bukod kay Enrico, ang sampung-taong gulang niyang half-brother, naiwan rin sa kanya ang lahat ng utang at problema ng Saavedra Electronics, ang kumpanyang kanilang pag-aari.

“Ma’am, hindi pa po ba tayo pupunta sa mansiyon ng mga Gutierrez?” pukaw ng driver niyang si Alonzo. “Nag-text po si Madam Sofia, tinatanong niyang kung papunta na daw po tayo sa kanila dahil malapit nang dumating si Sir Nick,” dugtong pa nito.

Kumurap si Diana, pinuno ng hangin ang dibdib. Kung siya ang papipiliin, ayaw na niyang bumalik sa bahay na iyon. Dahil para ano pa, sa papel lang sila kasal ni Nick. Maliban sa isang gabi ng pagkakamali na kanilang pinagsaluhan na siyang dahilan upang makasal sila sa isa’t-isa, hindi na sila muling nagkaroon ng anumang relasyon ni Nick. Lalo pa at isang linggo matapos ang kanilang kasal, nagpaalam ito kay Don Arturo na aalis at magko-concentrate sa Singapore branch ng isa sa mga negosyo ng pamilya. Ni hindi siya nito kinausap, basta na lang siya nito iniwan.  Doon na ito nanatili hanggang ngayon. Habang siya, naiwan sa Pilipinas at pilit na itinuloy ang buhay.

Sa katunayan, nitong nakalipas na tatlong taon, isang beses lang niya itong nakita at nakausap. ‘Yon ay dahil na rin sa utos ni Don Arturo. Ipinilit ng matanda na magkaroon ito ng isang magarang birthday party. Labag man sa loob ay napauwi ng Pilipinas si Nick nang wala sa oras. Napilitan din silang umaktong sweet sa isa’t-isa habang nasa party sila kahit na ang totoo’y alam niyang namumuhi pa rin si Nick sa kanya dahil sa mga nangyari. 

“You disgust me, Diana. Seducing me while I was drunk that night was one thing but seeing how you charm my grandfather just to make things go your way, is unforgiveable. For me, you do not exist.” ‘Yon ang sabi sa kanya ni Nick pagkatapos ng kanilang party.

Ilang linggo rin niyang iniyakan iyon. Matagal na niyang alam na hindi siya maaring mahalin ni Nick dahil may gusto itong iba subalit, ang makarinig ng insulto dito ay nagdulot ng sobra-sobrang sakit sa kanya na hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya.

Subalit wala na siyang panahon para isipin ‘yon ngayon. Ngayong wala na sina Armando at Eileen, lalo pang dumami ang mga bagay na mas dapat niyang isipin kaysa sa sugatan niyang puso.

“Uuwi na tayo bahay, Alonzo. Tatawag na lang ako kay Mama Sofia na may inaasikaso ako kaya hindi ako makakapunta sa kanila ngayon,” sabi niya sa driver.

“P-Pero, Ma’am—“

“Tara na, Alonzo. Malapit nang dumilim. Natitiyak kong hinahanap na ko ni Enrico.” aniya bago tuluyang sumakay sa naghihintay na sasakyan.

Ngayong uuwi na si Nick at mananatili na sa Pilipinas, maari na niyang gawin ang bagay na dapat ay noon pa niya inayos, ang kanilang annulment.

---

“Kumusta ang biyahe mo, hijo?” ani Sofia kay Nick habang sila ay naghahapunan. Kararating lang ng anak galing sa Singapore. At labis ang kaniyang tuwa dahil sa wakas, makalipas ang higit dalawang taon, naisipan din nitong manatili na sa Pilipinas.

“Maayos naman, Mama. Mabuti na lang at efficient si Vincent pagdating sa logistics. Nakaayos na penthouse ko na ang mga mahahalagang gamit ko bago pa man ako bumalik dito,” anang binata, masayang sumubo ng paborito niyang ulam na siyang nakahanda sa hapag.

Ngumiti ang matandang babae, sumimsim ng wine. “Talagang maayos na bata ‘yang si Vincent. Kagaya rin siya ng tiyuhin niyang si Ricky noon sa Papa mo. Maasahang tunay,” anito. Ang Ricky na tinutukoy nito ay ang personal assistant din ng namayapang ama ni Nick. Ito rin ang nagrekomenda kay Vincent upang magtrabaho kay Nick.

“Maiba ako, Mama. Kumusta ang lolo? Anong sabi ng doktor?” tanong ng binata sa ina, maya-maya.

Agad na bumadha ang takot at pangamba sa mukha ng ginang. Hindi nito alam kung dapat ba niyang sabihin ang totoong kalagayan ng matandang Gutierrez sa anak na kadarating lang.

“H-he is comfortable. ‘Yon na lang daw ang magagawa natin sa lolo mo, Nick,” ani Sofia sa garalgal na tinig, mabilis pang uminom ng wine sa pagtatangkang malulunod niyon ang lungkot na biglag lumukob sa kanyang dibdib.

Kumurap-kurap si Nick, pilit na pinatatatag ang sarili. May lung cancer ang kanyang abuelo. Nalaman lang nila eight months ago. He has been deteriorating since.

“Aayain ko siyang mag-fishing bukas. Kaya pa naman niyang bumiyahe ‘di ba?” tanong niya sa ina.

Ngumiti ang ina. “Tiyak kong matutuwa siya, anak.”

Gumanti siya ng ngiti at itinuloy ang pagkain. Matapos ang hapunan ay pumanhik siya sa kwarto ng abuelo. Mabuti at naabutan pa niya itong gising habang pinabantayan ng private nurse nito.

“Niccolo, natutuwa akong narito ka na,” anang matanda, bakas ang pagod sa tinig nito.

“How are you feeling, lolo?” ani Nick, umupo sa gilid ng kama.

“I’m getting weaker by the day,” malungkot na sagot ng abuelo.

“You promised me you’d live until a hundred.”

“Hindi ko na ‘ata ‘yan magagawa, Nick,” anito marahan pang tinapik ang kanyang balikat. Kapag kuwan ay, “Do you trust me, Nick?”

“Of course, lolo. I trust you with all my heart,” sagot niya, seryoso.

Ngumiti ang matanda subalit may bahid pa rin ng lungkot. “Bukas, puntahan mo si Atty. Sta. Ana. May sasabihin siya sa ‘yo.”

Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “Tungkol po saan?”

Subalit imbes na sumagot, umiwas na ito ng tingin. “I’m tired, Nick. Gusto ko nang matulog.”

Hindi na nagpumilit pa si Nick. Nagpaalam na ito sa abuelo at dumiretso sa sariling kwarto. Dahil na rin sa pagod, agad siyang nakatulog.

Kinabukasan, maagang nagising ang binata.  Nasa opisina siya ni Atty. Sta. Ana first hour in the morning. Siya ang unang kliyente nito.

“Tatapatin na kita, Nick. May mga ipinabago ang lolo mo sa kanyang last will and testament.”

“Changes? What changes?”

“Nagdagdag siya ng dalawang proviso. Ibinilin niya sa ‘kin na kapag nagtanong ka, ipakita ko sa ‘yo. Heto,” anang abogado, inabot sa kanya ang dokumento.

Agad na nagdilim ang kanyang mukha sa nakitang pagbabago.

Nagmumura siyang umuwi. Gusto niyang kausapin ang abuelo. Subalit pagdating niya ng bahay, hagulgol ng kanyang ina ang sumalubong sa kanya bago nito sinabi ang masamang balita, wala na ang kanyang lolo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status