Share

The Borrowed Husband - Chapter 4

CHAPTER FOUR:

MAKALIPAS ang tatlong oras, nasa loob na ng isang kulay pulang cosmetics case na yari sa matigas na plastic/leather at may sariling kandado ang lahat ng ari-ariang naipon ni Natasha sa loob ng maraming taon. 

"We hope to serve you again, Miss Villanueva." Halos hindi maitago ng bank manager ang kuryosidad. 

At ang panghihinayang dahil nawala siya sa listahan ng masusugid na depositor. Mas mahalaga lang marahil ang trabaho kaya napairal pa din ang prupesyonalismo.

"Of course, Mr. Romano. I always prefer your services because your bank is known for its confidentiality," ang makahulugang pahayag ni Natasha.

"Inaasahan kong mananatiling confidential ang lahat ng serbisyong idinulot n'yo sa akin ngayon, sir," dagdag pa niya para maging klarung-klaro ang mensahe.

"Of course, Miss Villanueva," agap ng manedyer. "Walang problema tungkol sa bagay na 'yan. Hindi pa kami nasisira sa aming mga kliyente."

"Mabuti. Have a good day." Kinamayan ni Natasha ang kausap.

"Yes, ma'am. Hope to see you again soon. Have a good day yourself." Inihatid ng manedyer ang dalaga hanggang sa may parking lot. Para bang ayaw pa siyang pakawalan.

Mula sa bangko, nagtuloy si Natasha sa opisina. Nag-file siya ng indefinite leave of absence.

"Uy, mag-aasawa na si Ma'am!" panunukso ng ilang kasamahan nang malaman ang paghingi niya ng bakasyon.

"Hindi," agap ni Natasha, pero nagba-blush na agad. "Magbabakasyon lang ako."

"Saan po kayo pupunta, ma'am?"

"Sa Maynila lang."

"Naku, magsa-shopping siguro si Ma'am! Kakainggit!"

Ngumiti na lang si Natasha. Hindi na kinontra ang mga haka-haka ng mga ka-opisina. Nagpaalam na lang siya.

"Pasalubong namin, ha, ma'am?" pahabol ng mga ito.

"Okey!" ang masiglang tugon ni Natasha habang papalabas sa munisipyo. 

Bitbit pa rin nang mahigpit sa isang kamay ang pulang cosmetics case. Walang kamalay-malay na iyon na ang huling araw na mahahawakan niya ang munti ngunit napakahalagang bagahe.

******

NANINGKIT ang mga mata ni Engr. Jake Cruz nang masilaw sa liwanag ng araw matapos tumanaw sa matataas na buildings na sumalubong sa kanyang paglabas sa NAIA international airport.

Sa loob ng nagdaang sampung taon, limang beses lamang nakauwi sa sariling bayan si Jake.

 At sa tuwing uuwi siya, palaging may sorpresang naghihintay sa iba't ibang sulok ng Maynila.

 Mga nagtatayugang gusali, mga sopistikadong istruktura, at mga modernong arkitektura. 

Hindi nagpapahuli ang Pilipinas sa pagpapaunlad. Kali-kaliwa na ang mga shopping malls at condominiums. Sanga-sanga na ang mga pagbabago.

Tanging ang saloobin at misyon na lamang ni Jake sa buhay ang wala pa ring pagbabago.

Hinahanap pa rin niya si Celia, ang nawawalang kabiyak...

Gayunman, nitong mga huling taon, nagtatanong na si Jake sa sarili. 

Hindi na ba siya titigil sa kakahanap sa isang panaginip na naging bangungunot nang dahil sa materyalismo?

Sinira ng pagkaganid sa salapi ng mga magulang ni Celia ang kaligayahang sinimulan ng kanilang pag-ibig noon. 

At ang patuloy na pag-asam niyang madudugtungan pa ang naudlot na kahapon ay nagsisilbi namang sagabal upang makatagpo pa siya ng isang panibagong kinabukasan.

"Pare, naniniwala ka ba talagang 'kayo' pa rin ni Celia hanggang ngayon? E, sa pagkakakuwento mo tungkol sa mga magulang ng es-mi mo--tiyak na hindi titigil ang mga 'yon hanggang hindi nakakapag-asawa ng mayaman ang anak nila!" 

Ganito ang malimit na ikumento ng mga nagiging roommates ni Jake sa Dubai Construction Company, kapag naririnig na ang kuwento ng buhay niya.

"Ang mabuti pa, maghanap-hanap ka na lang dine sa Dubai. Marami kang makikitang mga babaeng available sa tabi-tabi. Tatanda ka lang na nakatunganga, pare ko. Hindi na uso ang mga sentimental at romantiko sa panahon ngayon. Tiyak na may sarili ng pamilya si Celia mo!"

"Nangako ako kay Celia na susundan at hahanapin ko siya. Hindi ako matatahimik hanggang hindi ko natutupad ang pangakong 'yon. Alam kong naghihintay pa rin siya sa akin," ang matatag na pagtatanggol naman ni Jake.

"Hay, bahala ka na nga, pare ko. Buhay mo 'yan. Sayangin mo hanggang gusto mo.”

Sinasayang nga ba niya ang kanyang buhay? tanong ni Jake sa sarili habang kumakaway sa isang nakapilang taksi sa di-kalayuan.

Pero hindi rin naman nasayang ang sampung taon na ginugol ni Jake sa pagtatrabaho bilang OFW. 

Dahil sa ipinakikitang kasipagan, taun-taon ay napo-promote siya. Tumataas ang sinasahod at dumarami ang mga benepisyo. 

Ngayon nga ay senior foreman na siya bago kumuha ng bakasyon. Iyon ang paraan ng mga among Arabo para masigurong babalik si Jake mula sa pagbabakasyon ng dalawang buwan.

Ulilang lubos at walang pamilyang tinutustusan, ang ipon ni Jake sa bangko ay umaabot na sa kung ilang milyon. 

Puweding-puwede nang huminto sa pagpapakakuba sa ilalim ng nagbabagang araw ng Dubai. 

Ngunit hindi niya magawang iwanan ang nakakasunog na propesyon dahil wala pang Celiang natatagpuan.

A, sana'y suwertihin na siya ngayon! hiling ni Jake habang nakatanaw sa maaliwalas na kalangitan. 

Gusto na niyang makabuo ng sariling pamilya. Treinta'y singko na siya. Dapat ay may tatlong anak nang pinaglalaanan ng lahat ng mga bunga ng kanyang pagsisikap at pagtitiyaga.

'Celia, Celia, nasaan ka ba?' bulong ni Jake sa hangin habang pumipikit nang mariin.

Kailangan pa niyang ibuhos ang konsentrasyon upang mabuo sa loob ng isipan ang kumpletong larawan ni Celia.

Nitong mga huling taon kasi, nagiging malabung-malabo na ang mga alaalang kaytagal nang nakaimbak sa kanyang memorya.

Halos wala na ngang mawawaan kung minsan.

Nakakatakot isiping nalilimutan na nga niya ang tanging babaeng mahalaga sa buhay niya.

'Asawa ko si Celia! Hindi ko siya dapat makalimutan!' ang paulit-ulit na wika ni Jake sa loob ng utak.

"Bosing, saan ba tayo pupunta?" biglang nagsalita ang drayber.

Dali-daling dumilat si Jake. Dagling bumalik sa kasalukuyan ang kanyang isipan. 

"Sa--piyer. Ihatid mo ako sa piyer, manong," tugon niya, matapos ang mabilisang pag-iisip.

"Okey, bosing." maliksing tumalima ang drayber sa iniutos ni Jake. Ilang sandali lang, tinutugpa na ng puting taksi ang direksiyon patungo sa piyer.

"Alam mo ba ang Maniog Island?" inumpisahan na ni Jake ang pag-uusisa nang makitang maalwan ang trapiko.

Kapag napapatapat na masikip at buhul-buhol ang mga kalsada, inaaya niyang magkape muna ang tsuper upang makapagtanong.

"Maniog Island?" ulit ng tinanong habang matamang nag-iisip nang husto. "Parang ngayon ko lang narinig 'yan, bosing. Saan daw ba parte ng Pilipinas 'yang lugar na 'yan?"

"Hindi ko alam, pero ang barkong sinakyan ng mga kaibigan ko ay papuntang Zamboanga."

"Malamang na malapit lang doon ang Maniog Island. Sinubukan n'yo na bang maghanap sa gawing 'yon?"

"Oo, pero wala akong natagpuang Maniog Island," pag-amin ni Jake.

"Sinubukan n'yo na rin bang tumingin sa mapa?"

"Maraming klaseng mapa na ang natingnan ko."

"Baka naman wala hong lugar na ang tawag kay Maniog Island?"

"Meron," giit ni Jake. Ayaw niyang isiping niloko siya ni Celia. 

Ayaw din niyang isiping nagkamali ng pandinig ang mga teynga.

Nagkibit ng mga balikat ang tsuper. "Magtanung-tanong na lang siguro kayo sa iba pang taga-Zamboanga, bosing. Bakasakaling matagpuan n'yo ang Maniog Island," pagtatapos nito.

"'Yon nga ang gagawin ko," sang-ayon ni Jake. "Salamat na lang, manong."

"Walang anuman. Wala rin naman akong naitulong sa 'yo, bosing."

"Ayos lang. Pakihatid mo na lang ako sa barkong patungong Zamboanga."

Sumandal si Jake sa likuran ng taksi. Hinayaang mapahinga ang likod at mga mata, habang bumibiyahe mula airport hanggang piyer.

Saka na makukumpleto ang tulog niya kapag nakasakay na sa barko.

'Celia, ituro mo sa akin ang daan patungo sa kinaroroonan mo,' usal niya. Taimtim na taimtim. 'Hirap na hirap na ako...!'

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status