Share

Chapter 4

Adi's POV

Saktong 6pm nang matapos ako sa duty ko sa trabaho. Si Nikolai ay 30 minutes early bird at maaga niya akong sinusundo sa Supermarket na pinagtatrabauhan ko. Kanina pa siya pinagtitinginan ng mga kasamahan kong babae sa trabaho kabilang na si Iska na nagkandahaba-haba na ang leeg dahil kanina pa lumilingon sa kinaroroonan ni Nikolai.

Nakapwesto malapit sa ATM machine si Nikolai at nakasandal pa rito na parang model ng BDO ATM machine. Napapatingin halos ang mga taong napapadaan sa harapan niya. Head turner talaga ang mokong na 'to kaya masyadong bida-bida sa sarili kung minsan.

"Sure ka bang hindi mo jowa 'yan, Adi? Ang gwapo naman nyan! Mukhang koreano pero daks!" malanding bulong ni Iska kaya pinandilatan ko siya ng mata.

"Lalake rin ang hanap niyan kaya wala kang pag-asa dyan." sabi ko habang natatawa. Panigurado na kapag narinig ni Nikolai ang sinabi ko kay Iska ay baka mabatukan lang ako nito.

Biglang lumungkot ang mukha ni Iska at ngumiwi ito. "Gano'n ba? Sayang naman at etits rin pala ang hanap niyang kaibigan mo. Sayang talaga si Jose, kung hindi lang siya playboy at maloko ay baka nagka-crush na ako sa kanya." dismayado niyang sabi.

"Ayaw mo ba kay Jiro? Pogi naman siya, ah?" sabi ko at itinuro si Jiro na busy sa pakikipag-usap sa iilang babaeng katrabaho namin. Nakaupo sila sa isang table sa Cafeteria.

"Si Jiro? Huwag na, oy! Tignan mo nga, oh? Masyadong haliparot ang lalakeng 'yan at kung sinu-sino ang babae na nilalandi." nakaismid na sagot ni Iska habang inaayos ang bitbit na shoulder bag.

"Selos ka na niyan?" nakangising tanong ko habang naglalakad kami papunta sa kinaroroonan ni Nikolai.

"No way! Kilabutan ka nga sa pinagsasabi mo, Adi!" tila diring-diring sabi ni Iska kaya natawa na lang ako.

Nang makalapit kami kay Nikolai ay saglit ko siyang ipinakilala kay Iska. Parang natataeng ewan si Iska nang makaharap niya si Nikolai. Bibihira lang daw kasi siyang makakita ng gwapong lalake dahil sa squatters area na tinitirhan niya ay puro mga mukhang adik raw ang mga lalake doon. Laitera ang babaeng ito pero wala akong magagawa doon dahil talagang nakakaaliw siya.

Ilang saglit pa ay nagpaalam nang aalis si Iska dahil pupuntahan pa niya sa construction site ang kapatid niyang lalake para dalhan ito ng dinner. Nang kaming dalawa na lang ni Nikolai ang naiwan ay bigla siyang umakbay sa akin na nagpangiwi sa akin.

"Langya ka, Nikolai! Pakitanggal naman 'yang braso mo sa balikat ko. Ang bigat-bigat, e!" reklamo ko habang pilit na tinatanggal ang braso niya pero ayaw niya itong tanggalin at tinawanan lang ako.

"Ang arte naman nito! Pasalamat ka nga at inaakbayan ka ng isang gwapong katulad ko. Ang swerte mo kaya sa'kin dahil parang may kasama ka nang artista kapag kasama ako." nagmamayabang niyang sabi na ikinangiwi ko lalo.

Sinabi ko nang ayaw na ayaw ko sa mga lalakeng masyadong ipinagyayabang ang physical appearance nila kung may ibubuga naman sila at example na si Jose pero masyado na akong nasanay sa pagiging conceited nitong si Nikolai. Alam ko rin kasing ganito na talaga siya noon pa at kumbaga ay parang sinasabi niya lang ito upang asarin lang ako.

"Eww! Tumataas talaga ang balahibo ko sa pinagsasabi mo!" Umarte ako na parang may nakakahawang sakit si Nikolai at ang mokong ay mas lalo akong tinawanan.

"Anyway, sino ba 'yang lalakeng kanina pa masama ang tingin sa akin? May gusto ba 'yan sa'yo kaya ganyan kung makatingin?" Inginuso ni Nikolai si Jose na nakatingin nga sa aming dalawa habang kasama nito ang dalawang lalakeng katrabaho namin na busy sa pakikipag-usap sa isa't-isa.

"Hayaan mo na 'yan. Tara na nga!" sabi ko at hinila si Nikolai palabas ng Supermarket.

"So, may gusto nga sa'yo 'yon? Para niya akong papatayin sa klase ng mga tingin niya, e. Mag-iingat ka do'n, ha?" Paalala ni Nikolai na tinanguan ko na lang.

Ayoko nang pag-usapan pa namin si Jose. Hindi ako kumportable sa araw-araw nitong paninitig sa akin sa tuwing nagtatrabaho kami sa Supermarket. Pasalamat na lang talaga ako at palagi kong kasama sina Iska at Jiro kaya hindi ako napapag-isa.

"Saan mo gustong magdate tayo, babae?" nakangiting tanong ni Nikolai habang naghihintay kami ng masasakyang jeep.

"Anong date ka dyan? Nakakasuka naman 'yang pinagsasabi mo pwe!" kunwaring nandidiri kong sabi na ikinangisi niya.

"Sus! Kunwari ka pa pero alam ko namang type mo ako. Pwede naman maging tayo pero kailangang hati tayo sa pag-aambag ng motor na balak kong hulugan. Gagamitin nating pandate 'yon kung sakali." sabi niya habang tinataas-baba ang kilay niya.

"Huwag na! Tumigil ka na nga, Nikolai kundi iiwan kita dito at uuwi na akong mag-isa." pagbabanta ko at doon ay umayos na si Nikolai at tumikhim.

Napangiti ako at niyaya siyang magpunta sa kabilang mall. Siya na ang nagbayad ng pamasahe namin sa jeep. Ililibre niya raw ako kaya kukunin ko na ang pagkakataong ito para ubusin ang pera niya char!

Nang makarating kami sa mall ay hinatak ko siya sa National Bookstore. Gusto kong bumili ng English book novels ng favorite American author ko na si Nora Roberts dahil wala pa akong hard copy nito at binabasa ko lang ang stories niya through online sa G****e books. Kinuha ko ang mga librong isinulat niya na may title na Northern Lights, The Obsession, at Jewels of the Sun.

Nang mabayaran ni Nikolai ang tatlong binili kong libro ay hinila ko siya papasok sa loob ng Jollibee. Gutom na rin kaming dalawa kaya nag-order kami ng one bucket of spicy fried chickenjoy, apat na extra rice, dalawang fries, dalawang sundae, dalawang jolly spaghetti, dalawang peach mango pie at dalawang regular coke. Matakaw kaming pareho kaya pagdating sa pagkain ay hindi namin tinitipid ang isa't-isa kapag nanlilibre siya o kung minsan ay ako.

"Ano 'yong huli mong sinabi sa'kin kagabi sa tawag? Hindi ko ma-gets e, pero mukhang nagdadrama ka no'n." nakataas-kilay kong tanong habang kumakain kami.

"Bawal ba akong magdrama kung minsan, 'te? Malay ko ba kung may ibang niyayakap o pinapansin kang lalake bukod sa'kin. Guilty ka kasi meron nga?" sabi ni Nikolai na hindi gaanong makatingin ng diretso sa akin.

Sa sinabi niya ay bigla kong naalala si Kyrie. Kagabi ay niyakap ako nito dahilan para mailang ako sa kanya. Niyakap lang naman siguro niya ako dahil sa pinagdaraanan niyang family problem at baka gusto niya lang ng may karamay. Nagrereply na rin ako sa texts ni Kyrie dahil ako nga ang unang nag-initiate ng friendship sa kanya tapos iiwasan ko lang dahil nailang ako sa pagyakap niya sa akin?

Alam ko namang hindi niya ako type dahil hindi kami pareho ng antas sa buhay. Halatang mayaman siya dahil may mamahalin siyang kotse at magandang brand ng mga isinusuot na damit samantalang kabaliktaran niya ako na walang kotse at sa ukay-ukay lang nabibili ang mga isinusuot na damit.

"Nikolai, ikaw lang ang best friend ko, okay? Hindi kita ipagpapalit sa kahit na sinong tao na gusto akong maging best friend. Ikaw pa rin ang matimbang sa friendship heart ko kaya 'wag ka ngang magtampururut dyan dahil 'di bagay sa'yo!" nakangiti kong sabi at mahinang pinisil ang pisngi ni Nikolai na ngumuso at hindi mapigilang mapangiti sa sinabi ko.

Kumain at nagkwentuhan kami ni Nikolai. Balak niyang kumuha ng motor at hulog-hulugan ito every month para raw may magamit siya sa pagpasok sa trabaho niya. Nakakapagod rin daw kasing magcommute sa araw-araw at kung minsan ay nale-late siya sa trabaho kaya napapagalitan siya ng Team leader nila. Pagkatapos naming kumain ay nag-order kami ng Jollibee kiddie meal para kay Blair at yumburger and regular cokes naman para sa pamilya ko. Syempre at libre rin iyon ng the only and only best friend ko na si Nikolai Mijares.

Sumama sa akin si Nikolai pauwi ng bahay at tatambay raw muna siya doon para makita ang inaanak niyang si Blair. Malapit si Blair kay Nikolai at tinatawag niya itong Papa dahil sa pangungulila nito sa isang ama.

Wala akong magawa dahil wala namang kwenta ang totoo niyang ama at ang kapal pa ng mukha na bigla na lang magparamdam sa akin para kamustahin kami ni Blair at sabihing namimiss niya ako at mahal niya ako. Nagsawa na ba siya sa buhay niya sa Germany at wala siyang ibang magawa kaya nagpaparamdam siya ngayon?

Nang makarating na kami ni Nikolai sa bahay ay napansin kaagad namin ang nakaparadang kulay pulang kotse sa labas ng bahay. Bigla akong kinabahan na napansin ni Nikolai. Tumiim-bagang siya at siya na ang humila sa akin papasok sa loob. Nang nasa may bandang sala na kami ay pinigilan kong huwag kumulo ang dugo ko sa inis at galit na nararamdaman ko.

Nakita ko na nakaupo sa luma naming sofa ang walanghiya kong ex-boyfriend at kasama nito ang m*****a niyang nakababatang kapatid na babae..

Nang mapansin ako ni Leigh ay ngumiti siya sa akin. Ang kapatid niyang si Laarni ay nginitian rin ako na para bang walang sabunutang nangyari sa pagitan namin noong high school kami.

Sa nakalipas na limang taon ay malaki ang pagbabago ng itsura ni Leigh. Mas lalo itong gumwapo, tumangkad, at lumaki ang pangangatawan. Kung titignan ay mukha siyang model sa isang magazine pero kahit gaano pa nakakahumaling ang physical appearance niya ay hindi pa rin matatabunan no'n na isa itong iresponsibleng lalake na ama ni Blair.

"Hi!" nakangiting bati ni Leigh na para bang ako lang ang nakikita niya. Hindi niya pinapansin si Nikolai sa tabi ko na tahimik lang habang nakatingin ng mariin.

Hindi ko pinansin si Leigh at kaagad kong hinagilap sila Mama, Lola, Haru at ang anak ko. Alam ko na mamaya pa makakauwi si Kuya Hideyo galing sa trabaho nito. Sinundan naman ako ni Nikolai. Nakita ko na nagtatago sila sa kusina kaya pumunta ako doon at kinausap ko sila.

"Ma, Lola, bakit n'yo naman po pinapasok 'yong mga 'yon dito sa loob ng bahay?" naiinis kong tanong kina Mama at Lola na napayuko sa sinabi ko.

"Papa! Jollibee!" masayang sabi ni Blair at inagaw ang Jollibee kiddie meal na hawak ni Nikolai. Kinarga ni Nikolai si Blair at hinalikan ito sa pisngi.

"Kasi anak, kanina ay nag-eskandalo si Leigh sa labas ng bahay dahil hindi namin sila pinapapasok dito ni Laarni. Nagbanta pa siyang kukunin nila si Blair kapag hindi namin sila pinapasok kaya wala kaming magawa ng lola mo kundi ang papasukin nalang sila dito." sabi ni Mama at hindi na nito napigilang umiyak.

"Mayaman ang pamilya nila, apo. Kayang-kaya nilang kunin sa'tin si Blair sa pamamagitan ng pera nila at natatakot kaming mangyari 'yon ng Mama mo." nahihirapang sabi ni Lola.

Kumuyom ang mga kamao ko. Hinding-hindi ko ibibigay si Blair sa ama niyang iresponsable.

Pagkatapos ng lahat ng ginawa niya sa akin ay bigla na lang siyang susulpot sa bahay namin at kakausapin ako na parang wala siyang naging atraso?

"Nikolai, dito lang kayo. Kakausapin ko ang lalakeng 'yon." sabi ko kay Nikolai.

"Pero, Adi-"

Kaagad akong lumabas sa kusina at muling nagtungo sa sala. Ngumiti ulit sa akin si Leigh nang makita ako.

Nakakaasar! Gustong-gusto kong sampalin ang pagmumukha niya pero pinigilan ko lang ang sarili kong huwag mag-eskandalo.

"Anong ginagawa mo dito?" madiin kong tanong kay Leigh.

"I came here to see you and our baby girl. May mga binili rin akong pasalubong para sa inyo. It's all from Germany." nakangiti niyang sabi at itinuro ang mga paperbag ng iba't-ibang mamahaling brands na nakalapag sa gilid ng inuupuan nilang sofa ni Laarni.

"Hindi namin kailangan 'yan ng anak ko. Umalis na kayo dito," sagot ko kay Leigh.

"And why, Adi? Baka nakakalimutan mong anak ni Kuya Leigh si Blair at may karapatan siya sa bata kaya bakit mo kami pinapaalis?" pagtataray naman ni Laarni na wala pa ring ipinagbago.

Alam na pala nila ang pangalan ng anak ko, huh?

Tumawa ako ng sarkastiko at humalukipkip. "May karapatan ang kuya mo kay Blair? Simula nang iniwan niya ako dito sa Pilipinas at itanggi si Blair bilang anak niya ay wala na siyang karapatan na maging ama sa anak ko. Mag-isa kong binuhay si Blair kaya ako lang ang may karapatan na maging magulang siya!" singhal ko.

Lumapit sa akin si Leigh kaya napaatras ako. "Look, Adi. I was naive and young back then kaya nagdesisyon ako ng mali. Nagmatured na ako ngayon at babawi ako sa inyo ni Blair. Masaya sina Mom at Dad nang malaman nilang may apo pala sila. They want to fix everything for us kaya nagbalik ako sa Pilipinas kasama si Laarni. I'm still in love you, Adi and i'm sorry sa mga nagawa ko noon." malungkot niyang sabi at tangkang hahawakan pa ang kamay ko na kaagad kong iniwas sa kanya instead ay sinampal ko ang mukha niya na kanina ko pa gustong gawin. Ikinagulat niya iyon at ni Laarni.

"Ano'ng sabi mo? Nagmatured ka na e, kanina lang ay nagwawala ka pa raw sa labas dahil hindi kayo pinapapasok nina Mama at Lola dito sa loob ng bahay? May pa-message ka pang nalalaman sa messenger, ha? At ang akala mo ay gano'n na lang kadali ang lahat, Leigh? Mahal mo pa rin ako? Kung mahal mo ako ay hindi mo kami pababayaan ng anak ko. Hindi na ako makikipagbalikan sa'yo kaya umalis na kayo dito!" sigaw ko at hindi ko na napigilan ang pagtulo ng mga luha ko.

Sumama ang tingin ni Leigh. "Kasi may ibang lalake ka na kaya ayaw mo na sa 'kin? Mahiya ka nga, Adi! May anak na tayong dalawa at 'wag mong ipa-ako kay Nikolai ang responsibilidad ko bilang ama ni Blair. Blair is my daughter at tayong dalawa ang gumawa sa kanya!"

Napabuga ako ng hangin sa inis at galit. Wala pa ring ipinagbago si Leigh. Arogante at selfish pa rin hanggang ngayon. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko kung bakit minahal ko noon ang lalakeng ito.

"Wala kang pakialam kung aakuin ni Nikolai ang responsibilidad mo bilang ama ni Blair. Hindi kami aasa sa'yo, Leigh at matagal na tayong tapos simula nang iniwan mo ako at inabandona!" gigil kong saad.

Naiinis na ginulo ni Leigh ang buhok niya at lumamlam na ang mga tingin sa akin. "Adi, alam mo namang playboy ako noon pa at hindi ko na-appreciate kaagad ang halaga mo noong naging girlfriend kita pero ngayon ay nagsisisi na talaga ako na iniwan kita at ang anak natin. We can be a happy family for Blair. Huwag mo nang pahirapan ang sitwasyon natin dahil-"

"Oh my gosh, kuya!" natatarantang sigaw ni Laarni nang bigla na lang sumulpot si Nikolai at sinuntok sa mukha si Leigh.

Bumagsak si Leigh sa sahig dahil sa lakas ng pagkakasuntok ni Nikolai at napasapo ito sa pangang sinuntok. Lumapit si Laarni sa kapatid niya at inalalayan itong makatayo.

"Lumayas na kayo dito habang nakakapagpigil pa ako," seryosong banta ni Nikolai kay Leigh at alam ko na kapag ganito siya ay galit na galit na ito. Maloko, masiyahin at palaasar si Nikolai pero kapag nagalit na ay sobra itong nakakatakot.

Tumawa si Leigh nang makatayo na mula sa pagkakabagsak sa sahig. "Ang labas ng loob mong suntukin ako, ah? Sa ating dalawa ay mas may karapatan ako kay Adi kaysa sa'yo."

"Wala ka nang karapatan kay Adi simula nang sinaktan at iniwan mo siya. Maging pati na rin kay Blair. Sa oras na magpunta ka pa ulit dito at guluhin sila ay hindi lang suntok ang aabutin mo sa 'kin." madiing sabi ni Nikolai.

Ngumisi si Leigh. "Talaga lang, ha? Then let's see. Huwag mo akong hinahamon, Nikolai. Baka nakakalimutan mong mahirap ka lang at wala kang binatbat sa 'kin? Kaya kong bilhin ang batas. Makukuha ko ang mag-ina ko sa'yo sa pamamagitan ng pera ko kaya mag-iingat ka sa mga sinasabi mo." pagbabanta niya at doon ay lubos akong natakot.

Kilala ko si Leigh. Hindi ito nagpapalamang o nagpapatalo sa kahit na sinong tao. Lahat ng gugustuhin nito ay nakukuha niya. Kahit ang mga magagandang estudyanteng babae sa school namin na may mga boyfriend na ay nakukuha pa rin niya kung matipuhan niya. May kontrol siya sa school namin at sa pamamagitan iyon ng pera ng pamilya niya. Natatakot akong baka baliktarin niya ang lahat at si Nikolai pa ang maging masama sa huli. Walang sinasanto si Leigh. Delikadong tao siya.

"Lalabanan kita, Leigh at hindi ako natatakot sa'yo." seryosong sabi ni Nikolai na ikinangiti ni Leigh.

"Really? Don't be too proud of yourself, Nikolai; you know me, I can get everything I want, including my wife and daughter; you know me, I'm not a saint at all." nakangiting sabi ni Leigh at nag-umpisa nang maglakad papalabas ng bahay na sinundan ni Laarni na sinamaan pa kami ng tingin ni Nikolai.

Kaagad kong kinuha ang mga dinala nilang pasalubong na nakalagay sa sofa at nang makalabas na sila sa gate ng bahay ay itinapon ko ang mga ito sa harapan nila.

"Iuwi n'yo na rin 'yan dahil hindi namin kailangan 'yan!" Inis kong sabi sa dalawang magkapatid.

"This girl! Arghhh!" nafu-frustate na sabi ni Laarni at pinulot isa-isa ang mga paperbag na nagkalat sa sementadong sahig sa labas.

"Babalik ako dito, Adi at wala ka nang magagawa kung kukunin ko kayo ni Blair." matigas na saad ni Leigh at dahil sa inis ko sa kanya ay pinulot ko ang isang paperbag sa sahig at inihagis iyon sa pagmumukha niya na hindi niya kaagad nailagan.

"The fuck?!" pagmumura niya na nanlaki ang mga mata dahil sa ginawa ko.

"Layas na!" naiinip kong sabi at nagmuwestrang tinataboy sila.

Sinamaan niya ako ng tingin at nang mapulot na lahat ni Laarni ang mga paperbag na nagkalat sa sementadong sahig ay pabadog silang pumasok ni Leigh sa loob ng kotse nila hanggang sa umandar na ito at nakaalis na sila.

Napabuntonghininga ako sa panghihina hanggang sa naramdaman ko na lang na nasa likuran ko na si Nikolai at niyakap niya ako patalikod.

"Nikolai, natatakot ako... natatakot ako sa maaaring gawin ni Leigh..." Tuluyan na akong umiyak sa pangamba at takot na nararamdaman ko sa pagbabalik ni Leigh.

"Nandito lang ako, Adi at hindi ko kayo pababayaan ni Blair. Ipaglalaban ko kayong dalawa kay Leigh, hindi niya kayo makukuha."

Sa sinabi ni Nikolai ay umaasa ako. Alam kong hindi niya kami pababayaan ni Blair.

-Ajai_Kim

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Fatima Matalam
sana all haba ng hair ahh.
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status