Share

A Great Love's Vengeance
A Great Love's Vengeance
Author: Mawi

CHAPTER 1: Welcome Home

Apat na taon na pala ang nakalipas! At ngayon nga, muli nang nakatapak ang mga paa ni Vier sa sariling bayan. 

 Hindi maipinta ang kanyang ngiti nang sa wakas ay matanaw na niya ang ina at mga kapatid, kasama ang kanyang bestfriend na si Carol na buong-lakas pang kumakaway sa kanya. She was welcomed by warm hugs and kisses na tuluyang nagpaluha sa kanya. She missed them a lot.

"Kumusta ang byahe anak? Pagod ka ba? Baka nahihilo ka pa ha, magsabi ka kaagad?," anang kanyang ina na lumuluha pa sa tuwa.

"Ayos lang po inay," aniya habang hinahangod ang likod nito. "Kayo, kumusta kayo? Baka sumasakit na ulo n'yo sa tatlong ito ha," dagdag niya habang matamang nakatingin sa tatlo niyang utol na nakapalibot sa kanila.

"Mababait kami ha, di ba 'nay?," pagpapasweet ni Allen, ang sumunod sa kanya. Naka-tapos na ito at ngayon ay tumutulong na rin sa pamilya at sa pag-aaral ng dalawa pa nilang kapatid.

“I missed you sis,” singit naman ni Carol at nakiyakap na sa kanilang mag-ina.

"Miss you too," ganti niya rito.

 Mula noong lumipad siya patungong Europa ay ito na ang parati niyang tinatawagan para lang umiyak kapag namimiss niya ang pamilya. Ayaw naman kasi niyang pag-alalahanin pa ang ina at mga kapatid na busy sa pag-aaral, kaya si Carol ang naging takbuhan niya t'wing makakaramdam siya ng pangungulila.

"Tara na nga," bigla na lang itong humiwalay sa kanilang yakap na ipinagtaka niya. "May naghihintay pa nga pala sa'yo," anang kaibigan na may matamis pang ngiti sa labi na tila ba excited sa kung sinuman ang sinasabi nitong naghihintay sa kanya.

 Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Isang tao lang ang pumasok sa isip niya, pero imposible!

 Inabot lang ng dalawang oras ang kanilang byahe dahil hindi naman masyadong traffic sa ganoong oras ng hapon. Isa pa, hindi din naman kalayuan ang Bulacan mula sa airport.

 Nadatnan niya ang ilang kapitbahay  na nakikiusyoso at nakikicelebrate sa kanyang pagdating. “Kain lang kayo ha. H’wag kayong mahiya," bati niya sa mga ito.

“Napakaswerte mo talaga Ester sa mga anak mo. Aba’y bukod sa napakagagandang lalaki at babae, ay napakasisipag pa,” puri ni tiya Hilda, ang nanay ni Carol. Siya ang nag-asikaso sa mga bisita habang wala ang kanyang ina. Hindi rin naman na kasi ito iba sa kanila.

“Maswerte ka rin naman d’yan kay Carol ah. Napakabait na bata.” Napa-beautiful eyes tuloy ang nabanggit nang marinig na pinupuri na naman siya. “Kung hindi nga sa batang iyan, hindi magkakalakas ng loob itong si Vier na pasukin ang pagsasayaw,” banggit ng kanyang ina na siya namang tunay.

 Wala siyang confidence noon pero pinagtulakan siya ng kaibigan sa  kinaaaniban nitong grupo, ang Tropical Dancers. At dahil doon, nabuo ang kompyansa niya sa sarili at pati na rin sa kanyang talento sa pagsasayaw. Kaya malaki talaga ang pasasalamat niya sa kaibigan.

"Vier!"

 Agad siyang napalingon sa pinanggalingan ng baritonong boses na iyon. Pinilit niyang ngumiti kahit na lungkot ang kanyang naramdaman pagkakita kay Francis, dati nilang kasamahan sa TD.

"Wow! Ikaw ba 'yan Vier?," kitang-kita sa mga mata ni Francis ang lubos na paghanga sa kanya. Medyo nailang tuloy sa iginagawad nitong pagtitig sa kanya.

"Oo nga Vier, Parang mas fresh ka ngayon ha! At ang sexy mo." Bigla ay naiba ang timpla ng mood niya nang magawi ang pansin niya sa nagsalita. Walang iba kundi ang baklang si Alvin.

 Abot-tenga ang ngiti nito at lumapit pa para makipagbeso sa kanya.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" Hindi n'ya sigurado kung maayos pa ang tono niya sa pagbato ng tanong na iyon kay Alvin pero wala na siyang pake. Naiinis siya sa presensya pa lamang nito.

 Matandang bakla si Alvin na manager ng Tropical Dancer, at hanggang ngayon ay hindi pa rin maganda ang timpla niya rito. Masyado itong marahas sa mga hinahawakan niyang mananayaw na naging dahilan ng pagtiwalag nila ni Carol sa grupo.

“Tinawagan kasi ako ni Alvin,” sabat ni Carol.

"Bakit?," tanong niya na hindi pa rin maalis ang pagkainis.

"Kasi nakapasok sila sa PhilDance, bakla!"

 Napanlakihan siya ng mata sa binanggit ng kaibigan at nang bumaling siya kay Alvin, may nagmamalaking ngiti ang ihinarap nito sa kanya. At talaga nga namang may ipagyayabang ito.

 Malaking competition ang PhilDance at ang mga magagaling sa linya ng pinakamagagaling lang ang nakakapasok sa nasabing patimpalak ng mga mananayaw. Dati na rin silang sumubok na makapasok roon pero hindi sila pinalad.

"And we need you," anito na sadyang ikinagulat niya. He was always a proud one kaya 'di niya akalaing maririnig niya ang mga katagang iyo mula rito.

"Bakit naman?," takang tanong niya.

"Kasi kailangan nila 'yung the best na choreographer. Ikaw na 'yun Vier!," anang kaibigan na proud na proud sa kanya at may paghampas pa sa balikat.

 Napakunot-noo siya. Alam niyang mataas ang tingin ng kaibigan sa kanyang pagsasayaw at sa mga choreo niya, pero 'the best'?

"Pumayag ka na Vier," tila pakiusap ng kaharap. May mga bagong mukha din itong kasama na sa tingin niya'y naghihintay rin sa pagpayag niya.

"'Di ba gusto mong mag-champion sa national competition? Eto na 'yun girl!," suhol pa ni Carol.

 Napabuntung-hininga s'ya sa part na 'yun. 

 Mula nang mamulat at mahubog siya sa mundo ng pagsasayaw ay walang araw na hindi niya inasam na mapasama sila sa malalaking kompetisyon sa bansa at mag-kampyeon. Pero hindi nila iyon naranasan. Marahil ay ito na ang chance niya para sa pangarap na iyon.

 Sasagot na sana siya nang magsalitang muli si Alvin.

"Saka, alam mo ba na sa Ilocos gaganapin ang PhilDance ngayong taon? Eh 'di ba nandoon si Cloud."

 Bigla siyang nanlamig sa sinabi nito. Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng dibdib dahil sa kaba at matinding takot na kumakain sa kanya ng mga sandaling iyon.

 Mula nang mamatay ang lola ni Cloud na siyang nagpalaki rito, ay kinuha na siya ng ama nito na naninirahan sa Ilocos. Iyon lang ang alam nila dahil mula noon ay hindi na kumonekta ang binata sa kahit na sino sa kanila.

"Malay mo, magkita kayo ni Cloud do'n tapos maituloy n'yo na 'yung naputol n'yong lovestory," parang kinikilig pa na dagdag nito.

 Pinilit niyang ngumiti. Gusto rin naman n'ya iyon. Gusto niyang maibalik 'yung dati pero alam din niya na malabo nang mangyari pa iyon. At sobrang sakit na isipin na wala na ngang pag-asa pa dahil hindi naman niya kayang ibalik pa ang nakaraan.

"Ang lokong 'yon. Bigla na lang kasing hindi nagparamdam," wika naman ni Carol sa dismayadong tono bago muling bumaling sa kanya. "But, you’re accepting the project, right?”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status