Share

The Wife

Mahigit dalawang linggo na kaming hindi nagkikita at nagkakausap ni Vanessa, magmula no'ng magkatampuhan kaming dalawa.

Halos dalawang linggo na rin akong hindi makatulog ng maayos sa gabi, lalo kapag sumasagi sa isipan ko ang mga sinabi ni Vanessa sa akin patungkol kay Lemuel.

Madalas akong nakatulala lang at parating may malalim na iniisip. Kung minsan ay napapansin ako ng asawa ko na nakatitig lang sa kaniya at tahimik na pinapanuod ang bawat kilos o galaw niya.

Hindi ko mapigilan ang hindi manghinala sa kaniya, ngunit may puwang sa aking puso na nagsasabing hinding-hindi niya kailanman maiisipang gumawa ng kalokohan na ikamamatay ko. 

Ayokong aminin sa aking sarili na baka tama nga ang sinasabi sa akin ni Vanessa at matuklasan ko na lang isang araw na may ibang babae na siyang minamahal, maliban sa akin.

Sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa bagay na iyon ay hindi ko mapigilan ang hindi mangamba at matakot.

Matakot na baka isang araw ay bigla na lang siyang mawala sa aking tabi.

Matakot na baka hindi na nga ako ang nilalaman ng kaniyang puso.

At matakot na baka ipagtabuyan na lang niya na parang basura kapag hindi na niya ako kailangan sa buhay niya.

Kung magkataon na mangyari nga iyon ay baka mas nanaisin ko pa ang maglaho sa mundong ito kesa ang mahiwalay sa piling niya.

Mahal ko si Lemuel, mahal na mahal. At hindi ko kayang mabuhay ng wala siya sa aking piling. Ni hindi ko kayang marinig ang mga sabi-sabi sa aking paligid na may kinalaman tungkol sa kaniya.

Hindi lang si Vanessa ang nakapagsabi sa akin na baka nambababae siya, kun'di maging ang mga kapitbahay namin na madalas siyang nakikita sa ibang lugar na may kasamang ibang babae.

Kung minsan ay tumatawa na lang ako o sapilitang ngumingiti sa kanilang harapan upang pagtakpan ang aking asawa at para ipakita sa kanila na matatag ako kahit ano mang paninira pa ang sabihin nila sa aming mag-asawa.

Pero sa kaloob-looban ko ay para akong nalulusaw na kandila. Habang tumatagal ay paunti-unti na ring lumiliit ang tiwala ko sa aking asawa.

Halos gabi-gabi akong nagdadasal sa poong maykapal na sana mali ang mga sinasabi nila tungkol kay Lemuel. Na hindi totoong nambababae siya at hindi niya ako niloloko.

Naguguluhan na ako at para akong mababaliw sa kakaisip, hanggat hindi ko naririnig sa kaniya kung ano talaga ang totoo ay hindi magiging panatag ang kalooban ko.

Kaya napagpasyahan ko na kausapin siya ng harap-harapan at masinsinan.

Nakaupo kaming dalawa sa harap ng hapag-kainan habang nakayuko lang ang aking ulo at nakatitig sa sarili kong plato.

"Bakit parang ang lalim naman yata ng iniisip mo riyan? may problema ba? wala ka bang ganang kumain?" tanong niya sa akin nang mapansing hindi ko ginagalaw ang pagkain nasa aking harapan.

"Hon," ang tawag ko sa kaniya. 

"O, bakit?" aniya habang sumusubo siya ng kanin at abalang-abala sa pinapanuod niyang vidyo sa kaniyang selpon.

"Gusto ko sanang sagutin mo ako ng tapat at totoo." Mahinang saad ko sabay inangat siya ng tingin.

"Ano ba 'yon? bakit parang napakaimportante naman yata ng sasabihin mo?" pabirong turan pa niya habang siya ay nakatutok pa rin sa selpon niya.

Binaba ko saglit ang hawak ko kutsara sa lamesa at tsaka ako lumunok ng malalim.

"May babae ka ba?" pagkasabi ko ay tila bigla siyang natigilan at naglaho rin ang kaninang guhit ng ngiti sa kaniyang labi, pero sa kabila non ay hindi pa rin siya natinag at hindi pa rin tumitingin sa aking mga mata.

"Ano ba 'yang mga itinatanong mo sa akin? kulang ka ba sa tulog? o baka naman sa kakapanuod mo 'yan ng mga drama sa palabas?" ang sinabi lang niya sa akin na halatang umiiwas sa itinatanong ko sa kaniya.

"Nambababae ka ba, Lemuel? sagutin mo 'ko." Sa mga sandaling iyon ay hindi ko namalayang lumuluha na pala ang mga mata ko habang pilit kong pinapakalma ang aking kalooban dahil baka kung ano ang maisipan kong gawin sa aking sarili at kung ano pa ang mabitawan kong mga salita sa kaniya.

Nakuha ko ang atensyon niya at bigla niyang itinigil ang pinapanuod niyang vidyo sa selpon, pagkatapos non ay tumitig siya sa aking mga mata na walang bakas ng pag-aalinlangan sa kaniyang mukha.

Medyo natagalan siya sa kaniyang pagtugon, kaya mas lalo akong kinabahan at napakuyom na lamang ako sa dalawa kong kamao na nakatago sa ilalim ng lamesa.

"Nakakasawa ka na." Aniya.

Bigla siyang tumayo at ibinagsak sa lamesa ang hawak niyang kutsara, sabay binitbit ang selpon niya.

Napakunot noo ako sa ginawa niyang iyon at napatayo na rin ako upang sundan siya.

"Lemuel, hindi pa tayo tapos mag-usap kaya huwag mo 'kong tinatalikuran!" sigaw ko sa kaniya na ikinatigil at ikinahinto niya sa paghakbang.

Lumingon din naman siya kaagad sa akin at kitang-kita ko ang lubos na panlulumo sa kaniyang mga mata habang nakatingin siya sa akin.

"E ano ba ang gusto mong pag-usapan nating dalawa? ano pa ba ang gusto mong marinig mula sa akin? gusto mo bang patulan ko yung mga walang kwenta mong tanong sa akin? Minari naman, hindi pa ba sapat sa'yo yung pagsusumikap na ginagawa ko para sa kinabukasan nating dalawa?" sa sinabi niyang iyon ay para akong nabuhusan ng malamig na tubig sa aking mukha at parang bigla akong nakaramdam ng konsensiya sa pagsususpetsa ko sa kaniya.

"Pagod na pagod ako sa maghapong pagtatrabaho, Minari. Alam mo ba yung pakiramdam na mapahiya sa harap ng maraming tao dahil lang sa pagkakamali na hindi mo naman ginawa? alam mo ba kung gaano na kababa ang tingin ko sa sarili ko, na halos magmakaawa na ako at lumuhod sa harap ng ibang tao para lang maisalba yung kumpanyang iyon?! Wala. Wala kang ideya kung gaano ako binabasura ng ibang tao habang ikaw, nagpapaniwala lang sa mga walang kuwentang paninira ng ibang tao. Hindi ko na alam kung tama pa ba yung mga naging desisyon ko sa aking buhay." Pagkatapos niyang sabihin sa akin 'yon ay tumalikod na siya at lumakad palabas ng bahay.

"Lemuel!" sinundan ko naman siya palabas ng bahay habang nagmamadali naman siya sa paglalakad patungo sa sasakyan niya.

"Lemuel, saan ka pupunta?" tanong ko na may bakas pa rin ng pangamba sa aking mukha.

Pagkasakay niya sa loob ng kotse niya ay sandali siyang napatingin sa aming paligid, kung saan nanunuod at nakikinig ang mga kapitbahay namin sa aming dalawa.

"Saan pa nga ba? e 'di sa babae ko, hindi ba?" mariin niyang sambit sabay pinatakbo ang makina ng kaniyang sasakyan.

"Sandali lang, hon. Pag-usapan muna natin 'to, pakiusap. Inaamin ko na mali ako. Mali na pinagdudahan kita at alam ko namang hinding-hindi mo talaga magagawang lokohin ako, hindi ba?" pilit kong binubuksan ang pinto pero kahit anong hila ang gawin ko ay hindi ko ito mabuksan. Napasulyap lang siya sa akin na may guhit ng ngiti sa gilid ng kaniyang labi at may bakas ng galit sa kaniyang mukha.

"Ewan ko. Hindi ko alam. Siguro nga masyado akong naging maluwag sa'yo at hindi ko namalayang nilalason na pala ng ibang tao 'yang isipan mo." 

"Patawad, Lemuel. Patawarin mo ako kung nasaktan ko ang damdamin mo pero sana naman ay mabigyan mo ako ng isa pang pagkakataon na makapagpaliwanag sa'yo." Pagsusumamong saad ko sa kaniya pero parang wala lang sa kaniya ang pagmamakaawa na ginagawa ko.

"Kailan ka ba nakinig sa akin, Minari? hindi ba't nuon pa man ay mas pinaniniwalaan mo pa ang sinasabi ng ibang tao kesa sa akin, hindi ba? kaya tama na, tumigil ka na sa mga kadramahan mo. Hindi mo na ako madadala pa sa mga kaartihan mo." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tuluyan na nga niyang nilisan ang tahanan naming dalawa.

"Hindi, huwag kang umalis. Huwag mo akong iwan, Lemuel. Bumalik ka rito, Lemuel!" sinubukan kong habulin siya pero hindi ko na siya napigilan pa. Halos nadapa pa ako sa aking pagkakatakbo at tangging pagsigaw na lang ng paulit-ulit sa pangalan niya ang nagawa ko ng mga sandaling iyon.

"Lemuel, bumalik ka rito." Napayuko na lamang ako ng aking ulo at nakaupo pa rin sa lupa habang umiiyak.

Kasabay ng pagpatak ng aking mga luha sa mata ang pagbuhos ng malakas na ulan at pag-guhit ng mga nakakakilabot na kidlat sa kalangitan.

Ilang oras akong nanatiling nakaupo lang roon sa lupa at umiiyak. Ni wala man nga lang lumalapit sa akin upang tulungan ako o tanungin kung ayos lang ba ako? 

Lahat sila ay nagbulag-bulagan na lamang sa kanilang nakikita. Doon ko napagtanto na tama pala talaga si Lemuel.

Siguro nga nagsawa na siyang unawain ang ugaling mayroon ako. Siguro nga ay nasasakal na siya sa pagmamahal na ibinibigay ko para sa kaniya. Siguro nga, masyado akong naging makasarili at hindi ko man lang naisip ang hirap na pinagdadaanan niya.

Kasalanan ko 'to. Kasalanan ko ang lahat ng ito dahil naging makasarili akong asawa sa kaniya. 

Habang naglalayag ang aking isipan at basang-basa sa malakas na ulan ay tila bigla kong naramdaman ang presensiya ng taong nakatayo ngayon sa aking harapan.

Dahan-dahan ko siyang inangat ng tingin mula paa hanggang mukha niya. Madilim ang buong paligid namin at hindi ko masilayan ng malinaw ang kaniyang itsura dahil sa mga butil ng ulan na pumapatak sa aking mukha at mga mata.

"Si-sino ka?" nauutal kong tanong sa kaniya.

Ang tangging natatandaan ko lang sa kaniya ay may hawak siyang itim na payong at tahimik siyang nakatingin sa akin, dahil pagkatapos non ay bigla na lang akong natumba at nahimatay sa aking kinaroroonan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status