Share

CHAPTER 7

Napalunok si Hexy at nakaramdam ng init sa palad ni Maverick kahit nilalamig siya kanina.

"A-Ano'ng sasabihin mo?" Mahinang tanong niya at napatitig kay Maverick. Nakailang lunok siya dahil iyon ang unang beses na magkalapit ang mukha nilang dalawa.

"I'll tell you later. Baka mawala ka sa mood," sagot naman ni Maverick saka tinanggal ang pagkakaakbay at napatingin kay Brix na nagmamaneho.

Umayos ito ng pagkakaupo at ibinaling ang paningin sa labas.

Inayos naman ni Hexy ang kaniyang sarili at ipinunas ang mga palad sa kaniyang pantalon. Ilang beses siyang bumuntong-hininga upang pakalmahin ang puso niyang mabilis ang tibok.

Itinuon na lang niya ang kaniyang atensyon sa harap habang nakatingin sa daan. Hindi niya mapigilang mapakagat sa loob ng kaniyang bibig, lalo na kapag nadidikit ang kaniyang balat kay Maverick.

Ilang beses niyang nahuling nakatingin sa kaniya si Brix sa salamin kaya umusog siya nang kaunti sa tabi ni Shantal.

Pumasok sila sa isang matayog na gate na may mataas na bakod. Nakailang kurap si Hexy nang bumungad sa kanila ang malaking bahay na may fountain sa harap.

"Welcome to my beach house," wika ni Brix nang makababa sila.

"Wow! Parang resort naman na ito," komento ni Shantal habang nakatingin sa bahay.

"It looks like a palace," saad naman ni Vanessa.

"Palasyo talaga. Kasi nga Royale ang apelyido nila," sambit naman ni Rio.

Nagtawanan naman sila.

"So, let's go?" Aya ni Brix sa kanila at pumasok muna sila sa loob upang i-tour sila nang mabilis bago magpunta sa likod kung nasaan ang dagat.

"Hindi niyo naman sinabing sa dagat pala tayo pupunta," sabi ni Hexy saka pinagpag ang kaniyang pantalon.

"Don't worry, kinuhanan ka namin ng dalawang bikini para may pagpipilian ka," wika naman ni Shantal saka inilapag ang paper sa lamesa nang makarating sila sa isang malaking cottage na may chandelier sa gitna.

"Kinuhanan na rin namin si Maverick," dagdag naman ni Vanessa kaya napatingin si Maverick sa kaniya.

"Where did you get it?" Tanong nito.

"Sa shop nina Sir Brix. Lahat ng outfit namin ngayon, galing doon," sagot ni Shantal saka inilabas ang mga damit.

"Sa kanila pala 'yong Mr. Fashion," komento naman ni Aldrin.

Napanganga naman si Hexy.

"Iyong mamahalin?" Tanong niya.

Tumango naman si Shantal at nagtaas-baba ng kaniyang mga kilay.

Iniabot ni Shantal kay Maverick ang sando at pedal shorts ngunit hindi niya ito kinuha.

"I'm okay sa suot ko," sagot nito. Ngumiwi naman si Shantal.

"Kunin mo na. May kasalanan ka pa kay Brix," bulong naman ni Hexy sa kaniya. Tumingin naman si Maverick sa kaniya nang seryoso.

"I don't owe him anything," mahina ring sambit nito. Napabuntong-hininga naman si Hexy saka lumapit sa lamesa at kinuha ang mga bikini.

"Isukat mo para makita mo kung ano ang mas bet mo, Hex," sambit ni Vanessa.

"Samahan na kita sa changing room," sabi ni Brix saka lumapit sa kanila. Napalunok naman si Hexy saka dahan-dahang tumango.

Habang paalis sila ro'n ay napakagat-labi si Hexy nang marinig ang kantsawan ng mga kaibigan niya.

"I'll wait for you here," wika ni Brix saka huminto sa labas ng changing room malapit sa beach house at napapalibutan ito ng magandang garden.

"O-Okay."

Agad na pumasok si Hexy sa loob at nakita ang sarili sa salamin na namumula siya.

‘Hindi pa niya ako kinakausap about sa nangyari kagabi.’

Inilapag niya ang pula at itim na two-piece sa sink at sinuri ang mga ito.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang t-back ang kulay itim na bikini. Ibinaba niya agad ito at kinuha ang pulang bikini.

"Mas maayos," sambit niya habang tinitignan ang sarili sa salamin. Hulmang-hulma ang kaniyang dibdib na hindi ganoon kalakihan ngunit hindi naman maliit. Inilagay niya sa paper bag ang kaniyang suot kanina saka huminga nang malalim bago lumabas.

"Tara na," pigil-kabang sabi niya nang makita niyang nakatalikod si Brix sa pintuan.

Kitang-kita niyang napalunok ito saka pinasadahan ng tingin ang kaniyang katawan.

"Y-You look sexy," komento nito.

Nag-init naman ang mukha ni Hexy at napatango na lang siya.

"S-Salamat."

"Ngayon ko lang napansin na you really look good," dagdag pa nito. Napangiti naman si Hexy at inayos ang kaniyang nakalugay na buhok.

Iginiya siya ni Brix pabalik doon at naabutan nilang nag-pipicture sila.

"OMG!" Eksaheradang sambit ni Shantal nang makita si Hexy. Napatakip pa ito sa kaniyang bibig.

"Your name suits you. Hexy for Sexy," komento naman ni Vanessa saka lumapit sa kaniya.

Napakamot naman siya ng batok.

Inabutan agad siya ni Shantal ng shaul saka ibinalot sa kaniyang baywang.

"So, what now?" Tanong naman ni Aldrin.

"Drinks must be on its way," sagot naman ni Brix.

Naupo sila sa wooden long chair at sa pagitan nila ay mahabang lamesa.

Naupo naman si Maverick sa tabi ni Hexy at halos hindi makahinga si Hexy dahil nasa kanan niya si Brix.

Ilang sandali pa ay may dumating na mga lalake at naglapag ng iba't ibang wine, beer, at iba't ibang klase ng inumin. Inilapag rin sa harap nila ang maraming klase ng pulutan.

"Para tayong nagrenta ng isang bar," sambit ni Rio habang nakatingin sa mga inumin. Agad naman silang nagsikuha ng mga iinumin nila. Habang si Hexy ay nanginginig pa rin ang mga kamay.

"Guys, uminom din kayo. Huwag naman kayong KJ. Minsan lang 'to," sambit ni Shantal saka tumingin kina Maverick at Hexy.

Inilagay naman ni Brix sa harap ni Hexy ang isang wine glass na may lamang red wine.

"It's okay, ngayon lang naman," nakangiting sabi ni Brix. Ngumiti naman siya saka tumango at kinuha ang wine glass.

Nang makainom siya ay agad siyang binigyan ni Brix ng nahiwang steak.

"Is it good?" Tanong nito sa kaniya. Tumango naman siya at naiilang pa rin dahil may iba silang kasama.

"I wanna celebrate," mahinang sambit ni Brix. Napatingin naman si Hexy sa kaniya. Hindi sila masyadong marinig ng mga kasama nila dahil nagpatugtog sila nang malakas at may kaniya-kaniyang pinag-uusapan.

"Celebrate? Para saan?" Takang tanong naman ni Hexy saka sumimsim ulit ng wine.

"Because finally, nasabi ko ang nararamdaman ko last night," sagot nito saka hinawakan ang kanang palad ni Hexy sa ilalim ng lamesa nang matapos siyang uminom.

Nanlaki ang mga mata ni Hexy saka napalunok. Bigla na namang bumilis ang tibok ng puso niya.

"S-Sobrang saya mo naman yata? Eh, like lang naman 'yang nararamdaman mo," kabadong sambit niya saka dahan-dahang hinila ang kaniyang kamay ngunit hindi iyon pinakawalan ni Brix.

"Like lang? Do you want me to fall in love?" Tanong nito saka ngumiti.

Agad na binawi ni Hexy ang kaniyang kamay saka uminom ng wine.

Napaiwas siya ng tingin ng marinig niyang humagikhik si Brix saka uminom.

"Are you scared?" Tanong ni Brix at bahagya pa nitong inilapit ang kaniyang bibig sa tainga ni Hexy. Napalingon naman si Hexy sa kaniya.

"H-Hindi. Huwag mo nang balakin. Ayokong makaabala sa'yo," sabi niya saka umayos sa pagkakaupo.

"Ipinaramdam ko ba sa'yong naaabala mo ako?" Kunot-noong tanong nito. Umiling-iling naman si Hexy.

"Then don't tell me what to do. It's my feelings, Hexy," saad nito saka uminom ulit.

Pinigilan namang mapangiti ni Hexy dahil pareho sila ng sinabi.

"Maglaro tayo ng spin the bottle," aya ni Shantal sa kanila.

Sinenyasan naman ni Brix ang isang server at hininaan nito ang music.

"Talagang paglalaruin mo ng ganiyan si Sir Brix?" Natatawang tanong ni Vanessa saka inilapag ang hawak na beer.

"Hindi naman KJ si Sir Brix, eh," sagot naman ni Aldrin. 

Umiling-iling naman si Brix habang nakangiti at tinitignan sila.

"Walang KJ dito, ah? Lahat kasali," wika ni Shantal saka tumayo at naglapag ng bote ng beer na wala nang laman.

Umayos naman sila ng upo bago ipaikot ni Shantal ang bote.

Napatakip si Vanessa sa kaniyang bibig nang tumapat ang bote sa kaniya.

"Truth or dare?" Tanong ni Shantal.

Inayos naman ni Vanessa ang kaniyang salamin bago sumagot.

"Truth."

"Have you ever liked someone na alam mong hindi magkakagusto sa'yo?" Tanong ni Rio.

Natahimik si Vanessa at bahagyang napangiti.

"Yeah."

"That's sad. Bakit naman hindi mapapasaiyo? Eh, ang brainy mo kaya tsaka pretty," komento naman ni Shantal. Uminom muna si Vanessa ng beer.

"He likes someone already," sagot nito.

Hindi naiwasang mapasulyap si Hexy kay Brix nang sabihin iyon ni Vanessa.

‘She likes Brix din kaya?’

Naglaro ulit sila at kung anu-ano ang mga tinanong nila sa isa't isa hanggang sa tumapat kay Brix ang bote.

"Iyan!" Wika ni Rio saka napapalakpak pa.

"Truth or dare, Sir?" Tanong ni Shantal at abot-tainga ang ngiti nito saka sumulyap kay Hexy kaya pinandilatan siya nito.

"Truth," sagot ni Brix saka umayos ng upo.

Naghiyawan naman sila kaya mas lalong kinabahan si Hexy.

"May chance bang ligawan mo si Hexy?" Tanong ni Aldrin.

Nanlaki naman ang mga mata ni Hexy sa narinig. Mas lalo silang nag-ingay at nagpalakpakan maliban kay Maverick na nakatingin lang sa kanila.

Napakagat-labi si Hexy at dahan-dahang lumingon kay Brix. Napalunok siya nang lumingon din ito saka ngumiti.

"Yeah," sagot nito. 

Nabingi si Hexy sa mga tili ng kanilang mga kasama at nakadagdag-kaba sa kaniya ang ngiti ni Brix.

"Okay. Kalma, guys," nakangiti pa ring wika ni Shantal saka pinaikot ang bote.

Natihimik sila nang tumapat ito kay Maverick.

"Truth or dare?" Tanong ni Shantal.

Napalingon naman si Hexy kay Maverick na mukhang walang gana sa mga nangyayari.

"Truth," sagot nito saka tumingin kay Hexy kaya nailang naman ito.

"Have you kissed someone?" Tanong ni Vanessa.

"Wrong question. Have you kissed someone na hindi mo girlfriend?" Dagdag ni Shantal.

Tumango naman si Maverick habang nakatingin pa rin kay Hexy.

"Yeah."

Hindi maipaliwanag ni Hexy kung bakit nanlambot ang kaniyang mga tuhod.

Matagal niyang tinitigan si Maverick ngunit nag-iwas na ito ng tingin saka uminom ng tubig.

"Mukha kang siga, so I'm not surprised," komento naman ni Shantal.

Magsasalita pa sana ito ngunit tumayo si Hexy.

"Tara na sa tubig. Papalubog na ang araw," aya nito at nauna nang maglakad.

Tinanggal agad ni Hexy ang kaniyang shaul at nakangiting nagpunta malapit sa tubig at pinagmamasdan niyang mabasa ng alon ang kaniyang mga paa.

Ang mga kasama naman nila ay nagsipaglanguyan na, maliban kay Maverick na piniling maupo sa tabing-dagat at manigarilyo.

"Alam mong lumangoy?" Tanong ni Brix sa kaniya nang makalapit ito sa kaniya. Lumingon naman si Hexy saka tumango.

"Let's go?" Aya ni Brix sa kaniya at hindi niya mapigilang ngumiti nang hawakan nito ang kaniyang kaliwang kamay saka sila nagpunta sa tubig at lumangoy.

Napalunok si Hexy nang pag-ahon niya ay nasa harap na niya si Brix at tanggal na ang mga butones sa suot nitong puting polo.

"You're drooling," mahinang sambit ni Brix. Napapunas naman agad siya sa gilid ng kaniyang labi.

"Joke!" Wika ni Brix saka humagalpak ng tawa. Sinamaan naman siya ng tingin ni Hexy.

"I'm just joking. You're so cute," sabi nito saka hinawakan na naman ang palad nito at dinala sa buhangin.

"Kanina ka pa nang-aasar," saad ni Hexy nang maupo sila. 

Napailing naman si Brix habang nakangiti.

"Ang saya ko na naman. Alam mo, may beach house na ako pero ilang beses pa lang akong nagpunta rito," sabi ni Brix saka inayos ang kaniyang buhok.

"Bakit naman?"

Nilingon naman siya ni Brix.

"I'm always busy. Laging may meeting. Laging may i-vivisit na business. My Dad's always checking up on me, kaya kailangan kong mag-report," sagot ni Brix at bigla itong sumeryoso.

"Strict siguro ang Daddy mo, 'no? How about sa mother mo?" Tanong ni Hexy saka hinawi kaniyang basang buhok papunta sa kaniyang likod.

"He's super strict kahit I'm an adult now. And my Mom, she's dead," sagot ni Brix at ngumiti ngunit bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot.

"Sorry," sambit naman ni Hexy.

"It's okay. Nandiyan pa rin naman si Dad, even though he's like a boss to me. Kailangang sabihin sa kaniya ang lahat," sabi ni Brix saka bumuntong-hininga at tumingin sa papalubog nang araw.

"Kaya ba nag-aalarm ka tuwing 6 pm?" Tanong ni Hexy. Napalingon naman sa kaniya si Brix saka siya tumango.

"Mabuti nga at nakakapag-escape pa ako papunta sa'yo," natatawang wika nito.

Napangiti naman si Hexy at biglang lumambot ang kaniyang puso.

Natawa si Hexy at umiling-iling na lang.

"I hope na may matira sa akin. I've been fighting alone," sambit ni Brix at saka huminga nang malalim.

"Kami," saad naman ni Hexy. Napakunot-noo naman ang lalake.

"Huh?"

"Hindi ka namin iiwan," nakangiting dagdag ni Hexy.

Bigla namang ngumiti si Brix at tumango-tango.

"Thank you," wika niya saka hinawakan ang kaliwang kamay ni Hexy. Napatingin naman doon si Hexy at nahagip ng mata niya ang sariwa pang sugat ni Brix malapit sa kaniyang siko.

"Bakit may sugat ka?" Tanong niya saka hinawakan ang braso ni Brix saka sinuri ang sugat nito.

"I tried to cook kagabi nang magutom ako in the middle of the night, and nakabasag ako ng plate," natatawang sagot nito saka inilayo ang braso nito.

Ngumiti naman si Hexy saka tumango-tango.

‘Ang taas naman ng sugat niya, parang imposible namang masugat ka sa isang nabasag na ganoon kataas.’

Inaya uli siya ni Brix na maligo sa dagat kasama ng mga kaibigan nila.

Habang nagtatampisaw ay napatingin si Hexy kay Maverick sa hindi kalayuan. Nakaupo at nakatingin lang sa kanila habang nakakrus ang mga braso.

"Bakit hindi siya naliligo?" Tanong ni Hexy kay Vanessa saka ngumuso sa gawi ni Maverick.

"May headache daw," sagot naman nito.

Lumabi naman si Hexy na parang hindi naniniwala.

Lumingon siya saglit kay Brix at abala itong nakikipag-picture kina Aldrin kaya umahon siya sa tubig at nilapitan si Maverick.

"Bakit hindi ka sumama sa'min?" Tanong ni Hexy saka naupo sa tabi niya habang pinipiga ang buhok.

"Ayoko ng malagkit na tubig ng dagat," sagot naman nito.

"Ano nga pala 'yong sasabihin mo?" 

Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Hexy nang tanungin niya iyon kay Maverick.

Tumingin si Maverick sa kaniya nang matagal saka ipinatong ang towel sa balikat nito.

"Cover yourself," utos nito.

Lumabi naman si Hexy at saka tinakpan ang kaniyang katawan.

"Are you sure about him?" Tanong ni Maverick.

Napatigil naman si Hexy at hindi umimik.

"Why him?" Dagdag pa ni Maverick at mas lalong tumitig sa kaniya.

"Kaya nga eh, bakit hindi na lang ikaw?" Tanong pabalik ni Hexy saka nakipagtitigan sa kaniya.

Hindi naman umimik si Maverick kaya napaiwas ng tingin si Hexy.

"Ano nga 'yong sasabihin mo?" Tanong niya.

"It's about Brix—"

"Hexy!"

Hindi natuloy ang sasabihin ni Maverick nang tawagin ni Brix si Hexy. Patakbo itong lumalapit sa kanila.

"Let's take a picture first before we eat," aya nito nang makalapit. Nagtinginan naman sina Maverick at Hexy.

Hindi pa man nakakasagot si Hexy ay hinatak na siya ni Brix patayo. Agad naman niyang tinanggal ang towel at ibinaba sa tabi ni Maverick.

"Sumama ka," mahinang sambit nito kay Maverick.

Tumayo naman si Maverick at pinagpag ang sarili.

Lumapit sila kina Shantal at saka sinenyasan ni Brix ang isang bodyguard niya upang kunan sila ng litrato.

Nang matapos sila ay agad na hinatak ni Shantal si Hexy.

"Bakit?" Tanong nito. Lumapit din si Vanessa sa kanila.

"Hex, ano ba? Ang pangit tignan," wika ni Shantal. Kumunot naman ang noo ni Hexy.

"Ang alin?"

"We're confused, Hexy," dagdag naman ni Vanessa. Mas lalo namang naguluhan si Hexy.

"Isa lang ang dapat piliin mo. Hindi magandang tignan, Hex. Si Sir Brix, kanina pa tingin nang tingin sa'yo," sambit naman ni Shantal.

"Teka lang. Gusto ko lang siya, at pinapakiramdaman ko pa lang siya," sagot naman niya.

"He likes you, obviously. Eh, si Maverick, gusto ka ba?" Tanong ni Shantal. Hindi naman siya nakasagot.

‘Minsan may someone talaga na darating sa buhay mo who will make you feel everything. People you've met for a short time are even better than people you've known for a long time.’

Kinabukasan, nakailang beses na humikab si Hexy habang inaayos ang mga gamit sa kaniyang locker.

Nakailang buntong-hininga pa siya dahil napagpasyahan niya kagabi na umamin na rin kay Brix.

"OMG! Papasok pa rin siya?"

Napakunot-noo naman si Hexy nang marinig iyon sa isang katrabaho.

"Kung ako 'yan, hindi na ako lalabas," komento naman ng isa.

Bigla naman siyang tumingin nang masama sa kanila kaya napatigil sila.

"Ano'ng sinasabi niyo?" Masungit na tanong niya.

Hindi naman sila nagsalita hanggang sa lumapit ang isa ring server.

"Hexy, kalat na kasi ang news na 'to sa social media. Post ito ng isang page dito sa lugar natin," mahinahong wika ng babae. Ipinakita niya ang isang news article sa kaniyang cellphone.

Napakunot-noo naman si Hexy habang binabasa ang headline.

"Miscarriage of Miss Joyce Alajar," basa niya.

Napatingin siya sa kaniyang katrabaho at bakas sa mukha niya ang pagtataka.

"Hindi ko maintindihan," wika niya. Bumuntong-hininga naman ito.

"Hexy, she's Sir Brix' fiancee."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status