Share

KABANATA 3

Nilagay ko ang aking mga damit sa cabinet na nandito sa k’warto dahil sabi ni Tita ay lahat ng nandito ay p’wede kong gamitin.

Kumpleto ang mga gamit dito, kahit na sa cr ay nando’n na ang lahat, shampoo, sabon, conditioners, at iba pang kakailanganin ko sa pagligo.

Kinuha ko rin ang mga librong dala ko para sa pag-aaral ko.

“Miss Portia, magmeryenda muna raw po kayo.” Tumingin ako sa isang maid nila Tita Lovelle na may dalang tray ng pagkain.

Tumayo ako upang tulungan siyang ilagay ang mga ’yon sa side table ko.

“Salamat,” sabi ko at ngumiti sa kaniya.

Mukhang bata pa siya dahil sa maganda niyang mukha.

“Ako nga po pala si Summer, isa po  akong katulong dito sa bahay,” nakangiting sabi niya sa akin at inabot niya ang kaniyang kamay kaya naman inabot ko rin ’yon at nakipag-shake hands.

“Portia na lang ang itawag mo sa akin, ilang taon ka na?” tanong ko sa kaniya at inaya kong maupo muna siya at sabayan ako sa pagmemeryenda.

“19 pa lang po ako.” Inabutan ko siya ng cake na dala niya pero tumanggi siya. “Ayy, ’wag na po, para po sa inyo ’yan,” sabi niya at binalik sa akin ang inaabot ko sa kaniya.

“Sige na tanggapin mo na ’yan, hindi rin kasi ako sanay kumain ng mag-isa,” sabi ko at nahihiya naman siyang kunin ’yon. 

“Salamat po, ang bait mo naman po pala,” sabi niya bago magsimulang kumain kaya naman sinabayan ko siya sa pagkain habang nagkuk’wentuhan.

“’Wag mo na akong i-po parang ang tanda-tanda ko naman sa’yo,” sabi ko habang natatawa.

“Sige, ikaw ang bahala,” aniya at uminom sa juice na binigay ko sa kaniya. “Ikaw pala ang sinasabi ni Madam Lovelle na titira rito,” aniya at tumango naman ako.

“Oo, umalis kasi ang mga magulang ko upang pumunta sa isang bansa kung saan kinakailangan ng mga doktor na tulad nila,” sabi ko sa kaniya at agad naman siyang nagulat dahil sa sinabi ko.

“Parehas na doktor ang mga magulang mo?” gulat niyang tanong kaya naman natatawa akong tumango sa kaniya. “Ang galing naman, ang s’werte-s’werte mo naman, may kapatid ka ba?” tanong niyang muli sa akin kaya naman binaba ko ang hawak kong baso bago sumagot sa kaniya.

“Nag-iisa lang akong anak, at saka anong s’werte.” Huminto ako sa pagsasalita at tumingin sa kaniya 

Madami nga ang nagsasabing s’werte ako dahil nag-iisang anak lang naman daw ako at parehas pang doktor ang mga magulang ko pero wala naman akong makitang s’werte do’n dahil una sa lahat hindi masaya ang walang kapatid, nakukuha mo nga ang lahat hindi ka naman masaya.

Parehas na doktor ang mga magulang ko, kung kaya ay madalas ko naman silang hindi nakakasama dahil sa Medical Mission sa iba’t-ibang bansa, kaya naman ngayon ay nandito ako sa bahay ng mga De Chavez dahil aalis sila at matagal na mawawala.

“Para siguro sa iba ay s’werte ang maging only child pero para sa akin kasi ay parang pinagkaitan ng kasiyahan ang pagiging only child.” Ngumiti ako sa kaniya bago ayusin ang salamin kong nasa mata. 

“Ha? Bakit naman?” tanong niya kaya naman sinagot ko siya.

“Dahil malungkot ang maging only child, isipin mo nag-iisa ka lang na anak, wala kang kapatid na p’wede mong maging kalaro, nakukuha ko nga ang lahat pero hindi ko naman masabi sa sarili ko na masaya talaga ako sa mga natatanggap ko,” sagot ko at agad na gumuhit ang kalungkutan sa kaniyang mga mata.

Lahat ng pangangailangan ko ay naibigay nila, lahat ng gusto ko ay naibigay nilang lahat kahit nga hindi ko hinihingi ay nabibigay nila pero may isang gusto akong hindi nila maibigay-bigay, ang kapatid.

“Oo nga ano? Parehas na doktor ang mga magulang mo kaya naman ay siguradong busy sila sa ibang tao.” Tama ang sinabi niya, nag-iisang anak na nga lang ako pero namamalimos pa rin ako ng atensyon sa kanila.

“Ikaw ba? May mga kapatid ka ba?” tanong ko sa kaniya at agad namang umaliwalas ang kaniyang mukha.

“Oo, sa katunayan nga niyan ay lima kami at ako ang panganay,” sabi niya kaya naman agad akong napaisip ako, 19 years old palang siya at panganay pa siya, hindi malabong mga bata pa ang mga sumunod sa kaniya.

“Ilang taon na ang mga kapatid mo?” tanong ko sa kaniya at agad naman siyang nag-isip.

“Ang sumunod sa akin ay 17 years old na at sumunod naman ay kambal na parehas sampung taon na ang ang pinakabunso namin ay maglilimang taon na sa isang buwan,” sagot niya at parang gusto kong mainggit dahil ang dami niyang kapatid, idagdag pa ang kambal na nabanggit niya.

“Ang galing naman, sana ako rin ay magkaro’n ng kapatid,” sabi ko sa kaniya at agad naman siyang natawa.

“Oo, masarap ang may kapatid kaya na—”

“Summer, palabhan nga ’tong damit kong pam-basketball.” Nahinto kami sa pag-uusap dahil sa biglaang pagbukas ni Kieferd ng pinto ng k’warto ko.

Wala siyang suot na pang-itaas at may nakasampay na tiwalya sa kaniyang balikat kaya naman agad na pumasok sa isip ko na baka maliligo siya.

“Opo.” Agad na tumayo si Summer na sumenyas sa akin na salamat kaya naman nginitian ko siya bago tumingin kay Kieferd.

“Hello, Kieferd,” tawag ko sa kaniya at tiningnan niya ako bago siya mag-cross arm.

Nakakatakot naman ang ekspresyon ni Kieferd, malamig ang kaniyang mga titig habang walang ekspresyon ang kaniyang mukha.

“Tss.” Nawala ang ngiti sa labi ko dahil sa narinig ko.

Tinalikuran niya ako at pumunta sa k’warto niya.

‘Ang sungit naman ng batang ’yon.’

Napapailing na lang ako bago lumapit sa pinto upang silipin siya.

Nakita ko na kakasara niya lang ng pinto ng k’warto niya, napabuntong-hininga na lang ako bago mapagpasiyahang isara na rin ang pinto ng k’warto ko upang ipagpatuloy ang pag-aayos sa aking mga gamit dito sa k’warto.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status